SKYE
Ngayong araw ang team building namin. And the said team building is exclusive only for Design and Development Team. We were eleven in numbers, kasama na si Cliffer sa bilang na iyon. Four girls and seven boys.
Dito sa company building ang meeting place. Nandito na kami nina One, Cliffer at ng iba pang katrabaho namin. Isa na lang ang hinihintay namin. Gaya ng nakagawian naming team building, sa isang van lang kaming lahat sasakay papunta sa location.
Kahit boss at CEO ng MG-Tech In si Uno, mas pinipili niyang sumama sa mga empleyado niya para makihalubilo at makipagtawanan. Dahil sa team building, kaibigan at walang mataas na position kung ituring nila ito. Mismong si Uno na rin kasi ang nagsabi noon sa kanila para hindi mailang ang mga ito. At para mabawasan din ang formality kapag team building at nasalabas ng trabaho.
Madaling-araw pa lang ay dinadaldal na ni Roger si One. Ang lalaking iyon pa naman ang pinaka madaldal at makulit sa team. Isa rin itong graphic designer gaya namin ni Cliffer.
Si One... Ngumingisi at nakikipag-usap naman sa lalaki. Pero, kung titingnang mabuti, halatang napipilitan lang siya. Pasimple rin siyang napapakamot sa tainga niya na para bang naririndi na siya sa boses ng kausap. Si Roger kasi ay panay ang kuwento sa kanya.
Siyempre, hindi iyon napapansin ng mga katrabaho namin. Sa paningin nila, si Uno siya. At kahit papa'no naman, umaakto rin talagang si Uno si One.
After the 'how' questions to each other that night, hindi na ulit kami nag-usap. Ni hindi ko nga rin siya nakikita o nakakasalubong man lang sa mansion sa mga nakalipas na araw. Minsan tuloy napapaisip ako kung umuuwi pa ba siya o masyado siyang busy sa pag-aasikaso sa mga naiwang trabaho ni Uno.
And that night... Pakiramdam ko ay medyo gumaan ang pakiramdam ko nang magising kinabukasan. Siguro dahil naiiyak ko rin ang naipon kong lungkot at sakit sa mga nangyari. O siguro dahil iyon sa mismong tanong ni One na kumusta na ako? Dahil hindi ko man aminin sa sarili ko, hinihintay ko rin na tanungin niya ako no'n. After all those eight years, hinihintay ko rin talaga siya.
"Madaling-araw pa lang, Skye."
Nilingon ko ang nagsalitang iyon. Katabi ko na si Layla. Siya ang nag-iisang babae na back-end developer ng Development Team.
"Pero, iba na ang mga titig mo kay Boss Uno. Parang miss na miss mo."
Kumurap-kurap ako bago ibinalik ang tingin kay One. Nakikinig pa rin siya kay Roger. Hindi ko namalayan na nakatitig na pala ako sa kanya kanina gaya ng sinabi ni Layla.
"Mamayang gabi mo na titigan at hubaran. Magkasama rin naman kayo sa iisang kuwarto, 'di ba?" panunukso pa niya.
"Tigilan mo nga si Skye, Layla. Ikinasal ka lang at nakatikim ng pagmamahal, naging ganyan na ang tabas ng dila mo."
Boses naman iyon ni Karina. Kasunod lang nito si Lesley na lumapit din sa kinatatayuan namin ni Layla. Ang dalawang babae naman ang front-end developers ng team.
Gaya ng sabi ni Karina, kasal na si Layla sa long-time boyfriend nito dalawang buwan na ang nakararaan. Always blooming and happily married ang babae kapag pumapasok sa opisina.
At gano'n din sana kami ni Uno ngayon kung natuloy lang ang kasal namin one week ago...
Inakbayan ako ni Layla. "Pagpasok n'yo mamayang gabi sa kuwarto, sunggaban mo agad at ikulong para walang kawala."
"Hoy, Layla! Kung ano man ang ginagawa mo sa asawa mo, 'wag mo ng impluwensiyahan pa iyang si Skye," saway ni Karina.
"Oo nga," segunda ni Lesley. "Kaya na niyang dumiskarte nang wala ang tulong mo," nakangising dugtong nito.
Nangingiting napailing na lang ako sa kalokohan nila. Walang kaso sa kanila kung magkasama kami ni Uno sa isang kuwarto sa mga team building namin. Ang dahilan nila, nasa tamang edad na raw kami at open-minded sila sa gano'ng bagay. Pero ang totoo, sila naman talaga ang laging may pakana na pagsamahin kami ni Uno sa isang kuwarto. Alam din naman kasi nila na samga Montecaztres na ako nakatira simula nang mawala ang mga magulang ko.
Sa isang private resort sa Batangas ang team building namin. Isang malaking villa ang kinuha ng buong team para sa pag-stay namin doon ng three days and two nights. At gaya nga ng sinabi nila, isang kuwarto lang din ang pagsasamahan namin ni One sa loob ng dalawang gabi.
"At balita ko... Soundproof ang kuwarto n'yo doon," pagpapatuloy pa rin ni Layla na may pilyong ngiti sa kanyang labi. "So, you can scream and moan all you want. Walang makakarinig kung mag-loving-loving man kayo ni Boss Uno."
Binatukan na siya ni Karina. "Napaka mong babae ka! Huwag mo ngang i-pollute ang utak ni Skye. Ikaw pa lang ang kasal dito, gaga!"
Napahimas naman si Layla sa nasaktang ulo. "Tsk. Pansinin mo na kasi si Roger para ikaw rin ang kinukuwentuhan ko. Besides, kung natuloy lang ang kasal nila ni Boss Uno, malamang nagkukuwento na si Skye tungkol sa first night nila. Tingnan n'yo naman si Boss. Ang hot at sexy. Malamang malaki rin ang-"
Naputol ang sasabihin niya nang takpan ni Lesley ang bibig niya. "Gaga ka talaga. May asawa ka na, nakukuha mo pang pagpantasyahan ang mapapangasawa ng iba."
Sinimangutan ni Layla si Lesley bago inalis ang kamay nito sa bibig niya. Bumaling siya ng tingin sa 'kin at nag-peace sign. "Joke lang' yon, Skye. Ina-appreciate ko lang ang good looks ni Boss Uno at wala akong HD sa kanya. Loyal ako sa darling babe ko."
Napangiti ako. Alam ko naman 'yon. Kapag nakakasabay ko sila sa lunch minsan at nakakakuwentuhan, palagi rin nilang pinupuri kung gaano kaguwapo at kabait si Uno. Friendly din kasi talaga ang lalaki sa mga empleyado niya.
"I know. Isang tao lang naman ang kilala kong may HD sa kanya na patalikod kung lumandi at mang-ahas," mapait kong pahayag nang maalala ang ginawa ni Fayre.
Natahimik ang tatlong babae at hindi na nagkomento pa. Hindi ko alam kung alam din ba nila ang ginawa ni Fayre. Pero, ang alam ko, parang kaibigan na rin ang turing nila sa babaeng iyon. Kasundo rin nila si Fayre kapag kasama namin ito.
"Bakit hindi kayo nagtatanong kung bakit hindi natuloy ang kasal namin ni Uno?" hindi ko na rin napigilang itanong.
Kinakausap nila ako na para bang walang nangyari. Samantalang natatandaan ko na excited pa ang mga ito sa nalalapit na kasal namin noon ni Uno. Kaya nakakapagtaka na wala silang binabanggit tungkol sa naudlot naming kasal.
Ilang sandali rin silang tahimik lang bago sabay-sabay na tumingin sa isang direksyon. Hinayon ko ang tinitingnan nila. At si One ang nakita ko.
"Si Boss Uno," narinig kong sagot ni Layla.
"Bago pa man kami makapagtanong, inunahan na niya kami ng paliwanag. Ang sabi niya, siya ang nagdesisyon na i-delay muna ang kasal n'yo. It was him, not you. Gusto niyang maging maayos muna ang lahat bago kayo magpakasal," pahayag naman ni Karina.
"Alam niya na hindi ka okay at stress ka rin dahil sa nangyari kaya naman nakiusap siya sa buong team na 'wag ka na raw namin lalong i-stress sa pagtatanong kung bakit ipinagpaliban ang kasal n'yo," sabi naman iyon ni Lesley.
"So, you see, ikaw pa rin ang palaging iniisip ni Boss. Mahal na mahal ka talaga niya. Kaya kung ako sa 'yo, gapangin mo na mamayang gabi. Pikutin mo na baka-sakaling magbago ang isip at ituloy na ulit ang kasal n'yo."
"Layla!" saway na naman ng dalawang babae rito.
Hindi ko alam ang dapat kong sabihin o i-react sa mga sinabi nila. One took all the responsibilities, so that no one from the team could ask me about the wedding. Para hindi ko na kailangan pang magpaliwanag. Hindi ko tuloy alam kung dapat ba akong matuwa sa ginawa niyang iyon.
Bahagya pa akong nagulat nang biglang tumingin sa direksyon namin si One at nasalubong ko ang tingin niya. Ngumiti siya. 'Yong ngiting palaging ipinapakita ni Uno sa 'kin.
Impit na tumili ang tatlong babae sa tabi ko at bahagya pa akong binunggo sa balikat. Halatang kinikilig sila.
Pilit na lang akong ngumiti kay One. Alam ko ang ginagawa niya. He was acting as Uno. At nagtatagumpay naman siya roon. Despite that, hindi ko magawang matuwa.
Anumang pagpapanggap niya bilang si Uno, si One pa rin ang nakikita ko. At itanggi ko man sa sarili ko, hindi ang ngiti ni Uno ang gusto kong makita sa kanya. Kundi ang mismong ngiti niya. Ang ngiti ni One.
Oo, nami-miss ko si Uno. Pero, nami-miss ko rin naman si One. Kahit wala pang isang taon nang makilala at makasama ko siya noong nasa college pa kami, naging malapit na rin kami sa isa't-isa. Kahit tipid lang ang mga ngiti niya sa 'kin noon, nararamdaman ko pa rin ang tuwa at saya lalo na sa mga mata niya. Iyon ang hindi ko na nakikita sa bagong One na kasama ko ngayon.
Naalis lang ang tingin ko sa kanya nang dumating na rin ang hinihintay namin.
"Tagal mo, baks!" sigaw ni Layla sa bagong dating.
Lumapit sa 'min si Harley. "Nagpaganda pa ako, baks."
Pumalatak naman si Lance na naglalakad na rin papalapit sa kinatatayuan namin. "You just waste your time. Wala rin namang nangyari."
"Awit. Medyo na-hurt ako do'n, Oppa."
Napailing na lang kami sa kalokohan ng dalawa. Sina Harley at Lance ang kasabayan ni Rowan noong ma-hire sila. Silang tatlo ang main developers sa new game project, pero ngayon ay silang dalawa na lang ang natira. Ayon kay Cliffer, wala pang hinahanap na kapalit kina Rowan at Jasper dahil hindi na muna magha-hire ng papalit sa position nila.
Gay si Harley at lantaran ang pagpapakita ng interes kay Lance. Habang ang huli, hindi namin alam kung sineseryoso ba o sinasakyan lang ang pagpaparamdam ni Harley. Bukod kina Karina at Roger, silang dalawa rin ang tampulan ng tukso sa team.
Lumapit na rin sina Roger, Johnson at Leo. Kasunod nila sina One at Cliffer. Dahil kumpleto na, sumakay na kami sa sasakyan.
Ako ang naunang pumasok sa van at sumunod si One. Magkatabi kami sa pinakahuling row. Tuwing team building namin, dito talaga kami ni Uno pumupuwesto. At ako ang nasa tabi ng bintana.
Ang tatlong babae naman ang umupo sa harapan namin. Sa next row naman magkatabi sina Lance at Harley. Habang sa first row ay ang tatlong natitirang lalaki. Si Cliffer ang nakaupo sa tabi ng driver.
Habang nasa biyahe, panay pa rin ang kuwentuhan at tawanan ng team. Kapag talaga nasa biyahe kami, maiingay pa rin sila. Dahil kilala na nila si Cliffer, sanay na sila sa silent treatment nito. Pero gano'n pa man, isinasali pa rin nila sa usapan si Cliffer na kung hindi tango at iling, minsan naman ay isa o dalawang salita lang ang nakukuha nilang sagot. The same Cliffer I know since college.
Ang talagang dinadaldal nila ay ang katabi ko na panay naman ang ngiti, tawa at sagot sa kanila. Kapag hindi nakatingin ang mga kasama namin, hinihimas na lang ni One ang panga niya na para bang ngalay na ngalay na sa ngiti at tawa. Maririnig ko na lang din ang pagbuntong-hininga niya na para bang pagod na kahit madaling-araw pa lang. Hanggang sa...
"I'll just take a nap, guys. Magkuwentuhan lang kayo." Iyon lang at isinuot na niya ang ray-ban sunglasses na nakasabit sa polo niya. Nagsisimula na rin kasing sumikat ang araw.
"Yes, boss!" pagsang-ayon ng buong team at muling nagpatuloy sa mga kuwentuhan at tawanan nila.
Nang tingnan ko si One, muli siyang napabuntong-hininga bago sumandal sa upuan. I guess, it was a breath of relief. Na para bang ang dating ay makakapagpahinga na rin siya. Dahil may suot siyang ray-ban, hindi ko makita kung nakapikit na ba siya.
Hindi ko rin naman masisisi si One kung hindi niya matagalan ang pakikipagdaldalan sa kanila. Maloloko at madadaldal din ang mga kaibigan niyang lalaki. Pero, tahimik lang siya at hindi siya sumasagot lalo na kung hindi naman kailangan. The One I know back then... He's more of a listener than speaker. Si Uno ang talagang nakikipaglokohan at nakikipagtawanan sa mga kaibigan nila. Ito ang parang walang kapagurang magsalita sa kanilang dalawa.
And it must have been hard and tiring for him. Ang magpanggap bilang ibang tao na medyo malayo sa personalidad niya.
Mapait akong ngumisi bago tumingin sa labas ng bintana. Naramdaman ko ang pagbigat ng talukap ng mga mata ko. Mahaba-haba pa naman ang biyahe kaya nagpasya akong pumikit muna at umidlip.
~~~
"Sana all may Boss Uno."
"Hindi mo kailangan ng isang Boss Uno. Nandiyan naman si Roger."
"Kuhanan mo pa ng picture."
Naalimpungatan ako nang may marinig na bulungan. Hindi agad ako kumilos. Pinakiramdaman ko muna ang paligid.
Mukhang nakahinto na ang sasakyan. At para bang medyo malambot ang sinasandalan ng ulo ko. Ang natatandaan ko, sa matigas na bintana ako nakasandal bago umidlip. At para rin bang may kung anong mainit na hininga ang tumatama sa mukha ko.
May narinig na naman akong bulungan. Doon na ako nagpasyang unti-unting imulat ang mga mata ko. At nang iangat ko ang ulo ko mula sa kung anong medyo malambot at malapad na bagay na ginawa ko na yatang unan, ang side view profile ni One ang sumalubong sa 'kin.
Sobrang lapit ng mukha niya sa mukha ko. Halos dumikit na nga ang mga labi ko sa leeg niya. At ramdam ko ang mainit at malumanay niyang paghinga.
Napasinghap ako at tuluyang nagising ang diwa ko. Balikat na pala ni One ang malambot at malapad na sinasandalan ng ulo ko. Gaano ako katagal nakasandal sa kanya?
Agad kong inilayo ang mukha ko at napatuwid ng upo nang marinig ang impit na tili ng mga babae at ang sunud-sunod na pag-click ng camera.
Nang tumingin ako sa harapan, mga nakatunghay sa direksyon namin ni One ang buong team. Nakasabit sa leeg ni Johnson ang DSLR camera niya at patuloy pa rin sa pagkuha ng larawan habang may mga mapanuksong tingin at ngiti sa mga labi ng mga kasama namin. Hindi rin nakaligtas sa paningin ko ang pagngisi ni Cliffer mula sa rearview mirror nitong sasakyan.
"Skye, sabi ko naman sa 'yo masyado pang maaga. Mamayang gabi mo na tukain at sunggaban," panunukso na naman ni Layla.
Naramdaman ko ang pag-iinit ng buong mukha ko nang ma-realize kung ano ang nakita nila. Kaysa patulan pa ang pang-aasar nila, ibinaling ko ang tingin sa labas. "Nandito na ba tayo?"
"Yes, lady boss," nakangising sagot ni Leo na may pagsaludo pa. "We arrived in the location ten minutes ago. Hindi lang namin kayo ginising kasi ang sarap ng tulog n'yo ni Boss Uno."
"At hindi rin kayo lumabas to check the location." Oo. Walang lumabas sa kanilang lahat maliban sa driver ng van.
Nagkibit-balikat si Lesley. "Maganda ang lugar, pero mas maganda ang view dito sa loob ng sasakyan."
"Don't worry, Skye. I-send ko sa inyo ni Boss Uno ang picture n'yo sleeping together." Sabay kindat pa ni Johnson.
Exaggerated na bumuntong-hininga si Karina. "This is team building, right? Bakit pakiramdam ko ay honeymoon n'yo ito?"
Ngumisi si Lesley kay Karina. "Kapag inggit, matutong pumikit."
Inakbayan naman ni Layla ang babae. "Kung hindi kayang pumikit, matutong tumingin kay Roger, Karina."
Inalis ni Karina ang kamay nito sa balikat at umirap. "Ewan ko sa inyo. Tara na ngang bumaba."
"Kahit yummy at masarap titigan si Boss Uno, mabuti pang gisingin mo na siya, girl," nakangising sabi ni Harley sa 'kin bago hilahin pabukas ang pinto ng van.
Isa-isa na nga silang bumaba. Ibinalik ko naman ang tingin ko sa katabi ko. Nakasandal pa rin siya at hindi gumagalaw sa kinauupuan. Suot din niya ang ray-ban kaya hindi ko alam kung tulog pa rin ba siya o gising na.
Kumunot ang noo ko. Sa ingay ng mga kasama namin, hindi man lang ba siya nagising? Gano'n ba kalalim ang tulog niya?
Huminga muna ako nang malalim bago nagpasyang gisingin siya. "Uno," tawag ko.
Sabi nina River at Cliffer, hangga't nasa mata kami ng ibang tao, kailangan kong tawagin si One bilang Uno. Mahirap na raw kung may makarinig sa 'min. Baka raw may nag-i-spy sa paligid and we have to be cautious.
Hindi man lang siya natinag kaya bahagya ko nang tinapik ang balikat niya. "Gising na. Nandito na tayo."
Doon lang siya gumalaw at nagising. Bahagya lang niyang ibinaba ang ray-ban para sumilip sa labas bago ibinalik iyon sa mga mata niya. Akmang itataas ko na ang upuan na nakaharang sa harapan namin nang unahan niya akong itaas iyon. Walang salitang iminuwestra niya ang kamay na parang sinasabing mauna na akong lumabas. And I did.
Kasunod ko lang siyang bumaba ng sasakyan at tumayo sa tabi ko. Halos mapa-wow ako nang makita ang ganda at linis ng paligid. Ang mga kasama namin ay nagkanya-kanya na rin ng check sa lugar, pero hindi naman lumayo sa kinaroroonan namin.
"You two seemed had a good sleep," sabi ni Cliffer nang makalapit sa 'min. Tumingin siya sa direksyon ni One at ngumisi. "Especially you."
"Shut up, Montalvo," mahina, pero mariing saway ni One sa kaibigan. Sapat lang ang hina ng boses niya para kaming tatlo lang ang makarinig.
Mas lalo lang lumapad ang ngisi ni Cliffer bago nauna nang maglakad papunta sa villa. Bahagya pa akong nagulat nang maramdaman ang paghawak ni One sa kaliwang kamay ko. Napatingin ako sa magkahugpong naming kamay bago umangat ang tingin ko sa kanya. Magsasalita sana ako nang maunahan niya ako.
"I'm Uno," he stated. Or more like a reminder?
Iyon lang ang sinabi niya bago niya ako marahang hilahin para sundan si Cliffer. Napabuntong-hininga na lang ako at lihim na napailing bago nagpadala sa paghila niya.
Hindi naman niya na kailangan pang sabihin iyon. Alam ko ang ginagawa niya. At alam ko rin ang gagawin ko. Sinusunod ko rin ang payo ni Lander na mag-ceasefire muna kami ni One. Wala ring mabuting maidudulot kung palagi rin akong inis at galit sa kanya.
Sa pagpapanggap naming ito, si One pa lang ang talagang umaarte. Siya rin ang palaging humaharap sa mga taong dapat kinakausap ni Uno. Kung gusto kong magtagumpay ang plano namin, kailangan ko ring gawin ang parte ko. At sa mata ng mga kasama namin, magkasintahan kaming dalawa. If he could act and pull off as Uno, I should act as his girlfriend and fiancee, too.
At ngayong araw ang simula niyon.