PROLOGUE
"Ang kapal din talaga ng mukha mo, ano! Paniguradong kung saan-saan ka lang dinampot ni Ivan. Anong sinabi niya sa iyo? Anong ipinangako niya? Magandang bahay, maraming pera? Marangyang buhay?! Well, mukhang nauto ka ni Satanas! Anong akala mo, ikaw lamang ang unang babaeng dinala niya sa pamamahay ko? At akala mo rin ba porket nanahimik ako sa existence mo, balewala na sa akin ang lahat? Nagkakamali ka, Rose. Wala ka sa telenobela, wala sa libro ang kwento ng buhay mo para mangarap na kapag kinupkop ka ng mayamang lalaki giginhawa na ang buhay mo. Tingnan ko lang kung hanggang kailan ka magtatagal sa impyernong ito. Mali ka ng pinagkatiwalaan, mali ka ng pinasok, Rose...maling-mali!"
Iyon ang huling ala-ala ko bago ko mahanap ang aking sariling nakatingin sa kawalan.
Manhid na ang katawan ko sa paulit-ulit na sampal. Durog na ang puso ko sa mga masasakit na salita. Walang araw ang lumipas na hindi ako dinadalaw ng tunay na asawa ni Ivan para lang ipamukha sa akin na ako'y kabit lang at hanggang doon lang iikot ang buhay ko.
Sino ba ang nasa tamang pag-iisip para akuin ang pagiging salot sa pamilya? Maski ako ay hindi ko naisip na papasukin ko ang ganitong klaseng mundo, ang ganitong klaseng buhay. Habang niyayakap ang sarili, lumuluha dahil sa sakit na nadarama pisikal at emosyonal, tinanong kong muli ang sarili ko kung paano ako napunta rito.
"LOLO! Tingnan mo itong tinanim ko."
Payapa ang buhay ko noon. Kung may kaisa-isa man akong hiling sa mundo, iyon ay makasama ko ang nag-iisang tao sa aking buhay. Nais kong mabuhay siya nang matagal, kung maaari lang sabay na naming lisanin ang mundo nang sa gano'n ay wala nang umiyak sa amin. Wala nang magdudusa.
"Napakagaling talaga ng apo ko. Manang-mana ka sa akin. Oh siya, kailangan ko nang umalis at magta-trabaho pa ako sa bukid."
Salat man kami sa salapi, hindi sa pagmamahal. Pinagkaitan man ako ng Diyos ng kumpletong pamilya, ngunit masaya pa rin ako dahil kasama ko si Lolo. Siya ang pinakaimportante sa akin, tanging yaman na iniingatan ko. Kung maibabalik ko lang ang lahat, sana'y hindi ko na siya iniwan pa para makipagsapalaran sa ibang bansa, umaasang iyon ang makapag-aahon sa amin sa kahirapan. Nagbabakasakaling iyon ang paraan para masuklian ko ang pagpapagal na isinakripisyo ni Lolo para buhayin ako.
"Lo, pangako, magpapadala ako buwan-buwan. Makakakain ka ng masasarap na pagkain, mabibili natin ang mga gamot na kailangan mo. Magpalakas ka, ha? Pagbalik ko, aayusin natin itong barong-barong nating bahay. Gagawin na nating semento para kapag may bagyo ay hindi na natin kailangan pang lumipat, makisilong sa kapit-bahay."
"Naku...ako'y wag mo nang intindihin pa, Rose. Tandaan mo, saan ka man magpunta, lagi kang maging mabait. kahit gaano man kapait ang sakit, gaano man kalubak ang tatahakin mong daan, wag na wag mong kakaligtaang maging mabuting tao. Ang mga aral na ibinahagi ko sa iyo lang ang tanging yaman na maiiwan ko sa iyo. Kaya sana, ingatan mo iyon. Isapuso mo, isaisip, at isabuhay. Sige na, humayo ka na at baka mahuli ka pa."
Kung kaya ko lang bumalik sa nakaraan, hinding-hindi ko iiwan ang Lolo ko. Hinding-hindi ko bibitiwan ang kanyang kamay. Mas mainam na lang sanang sabay kaming namatay. Inabot ako ng malas, ang inaasahang pangingibambansa ay isa pa lang malaking kasinungalingan.
"Po? Ano pong ibig niyong sabihin?"
"Napeke ka, miss. Hindi ka makakaalis ng Pilipinas dahil itong mga dokumento na ibinigay mo ay hindi tunay! Naku naman, hindi ka ba nakapag-aral? Sige na, sunod! Alis na, miss. Umuwi ka na lang sa inyo kung saan ka man galing at hindi ko tatanggapin 'yang mga papel mong iyan."
Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Ako'y labingwalong taong gulang lamang, baguhan sa Maynila. Ipinaubaya ko na lang ang kapalaran ko sa aking mga paa. Kung saan-saan ako napadpad. Sa umaga, napilitan akong mamalimos, maghanap nang maayos-ayos na pagkain sa basurahan para lamang maibsan ang gutom ng aking tyan. Kapag nauuhaw, nag-aabang ng tubig ulan. Kung suswertehen, mga tirang tubig sa plastik na bote ang siyang iniinom ko. Sa gabi, kahit saan ako natutulog.
Delikado man ang mundong napuntahan ko at malayong-malayo sa payapang buhay sa probinsya, hindi ako makakauwi. Wala na akong salaping natira. Ilang araw akong nagpalaboy-laboy. Minalas pa't nanakawan, limas ang gamit ko't pitaka.
"Miss. Anong pangalan mo?"
"A-Ako po? R-Rose po."
"Gusto mo bang magkatrabaho?"
"Opo! Kahit ano po gagawin ko. Kaya ko pong magluto, maglaba, maglinis."
"Hahaha! Hindi iyan ang magiging trabaho mo. Halika, paliliguan kita't ipapakilala sa trabaho mo."
Dahil nauubos na ang araw ng buwan. Ang pangakong makapagpapadala sa katapusan ay bumabagabag sa akin. Tiniis kong lahat. Labag man sa loob ko, inako ko ang maging isa sa mga nagbibigay-aliw tuwing gabi. Nakiusap ako, nagmakaawa na maging waitress na lang at hindi isang magdalena. Swerte pa ako't pinayagan ako ng aking boss. Hipo sa maseselang bahagi ng katawan, hindi ko maaaring ireklamo. Imbes na mandiri't umiyak, kailangan kong ngumiti at magbulagbulagan kapalit ng salapi.
Akala ko dahil nakahanap na ako ng trabaho, nakakahawak ng pera't nakakapagpadala, magiging maayos na ang lahat. Ngunit ako'y isinumpa yata ng langit dahil ang kaisa-isang kayamanan na iniingatan ko ay tuluyan nang binawi sa akin.
"Wala na ang Lolo mo, Rose. Ang pamilya na pinagsisilbihan niya ang nagbigay nang maayos na burol sa kanya kaya wag ka nang mag-alala pa."
"H-Huh? Nagbibiro ba kayo, Aling Besing? Paanong wala na si Lolo?"
"Pasenya ka na, kabilin-bilinan sa akin na wag munang sabihin sa iyo dahil nasa ibang bansa ka. Hindi ka rin makakauwi kaagad kung sakali. Nakonsensya lang ako ngayon dahil hindi mo na kailangan pang magpadala dahil wala nang makikinabang niyan. Ipunin mo na lang 'yang pera upang itubos sa lupa niyo dahil binawi na rin kasi ng Montereal. Ang alam ko isinangla raw iyon ng Lolo mo para may maipanggastos sa mga requirement mo para makapunta dyan sa ibang bansa. Sige na, kailangan ko nang ibaba ang tawag. Mag-iingat ka, Rose. Patawarin mo ako, ha."
Pagkatapos kong marinig ang masalimuot na balita, hindi ko mabilang kung ilang beses kong kinuwestyon ang kalangitan. Ano bang ginawa ko para parusahan ako ng ganito? Ginawa ko ang lahat, iginapang ko ang araw-araw para lamang masuklian ang pagpapagal ng Lolo ko, pero ano ito? Hindi pa man ako nakakabawi nang lubos, kinuha na siya sa akin kaagad!
Ilang buwan akong balisa, umiiyak tuwing gabi. Nais kong tumigil sa pagtatrabaho dahil para saan pa itong ginagawa ko? Babalik na lang ako sa lansangan. Hihintayin ko na lang ang kamatayan ko sa labas dahil tutal, wala na akong rason para magpatuloy pa.
Susuko na ako. Nais ko na talagang sumuko. Ngunit noong maalala ko na nakasangla ang lupa na pinaglalagakan ng puntod ni Lolo, muling nagliyab ang apoy sa puso ko para maudlot ang pagpapakamatay.
"Ivan Montereal ang pangalan niya, Rose. Ibibigay ko sa iyo ang address niya, para kapag nakauwi ka makausap mo."
Nagpatuloy ako sa pagtitiis. Noong malaman kong nasa Maynila si Ivan, hinanap ko siya upang magmakaawa. Ngunit noong magtagpo na ang aming landas, ang magulo kong buhay ay mas lalong gumulo.
Hanggang saan mo kayang ibaba ang iyong dignidad? Hanggang saan mo kayang ibaba ang iyong pagkatao para sa taong mahalaga sa iyo?
"Nagmamakaawa ako, kahit ano gagawin ko para lang mabayaran ang utang ng Lolo ko sa pamilya mo."
"Hmm... Lahat kamo? Then, how about being my mistress?"
Akala ko nagbibiro lamang siya. Akala ko pinaglalaruan lamang ako ng aking tenga. Seryosong ekspresyon, malalim na titig. Noong makita ko si Ivan Montereal, alam kong isa siyang delikadong tao. Ngunit ano ang paki ko? Wala nang natira sa akin para pahalagahan pa ang aking buhay.
"P-Po?"
"You heard it right, I am hiring you to become my mistress. Now, before I go, I am leaving you two options. Get hired or get killed."
Ang mga salitang iyon ang nagsilbing pinto patungong impyerno. At sa piling ni Ivan Montereal ko naramdaman ang mapait na sakit.
Ito ang kwento ng isang bayarang kabit. Puhunan ang katawan kapalit ng lupa na siya ko ring paglilibingan.