ROSE
"Hahahaha! Ilan ang nakupit mo? Grabe! Naka-tatlo kang lalaki kagabi, di ba? Baka naman, balato!"
"Tumigil ka. Ipapadala ko 'to sa asawa ko. Ang dami-dami naming bayarin sa bahay. Sampung libo nga ang hinihingi sa akin kaya kahit di na kaya ng katawan ko pinush ko pa rin. "
"Rose! Kape!"
"Sige, salamat."
Tumutulo pa ang tubig sa aking buhok. Tinitingnan ang repleksyon sa salamin habang tinutuyo ang sarili. Apat kaming babae sa loob ng maliit na silid, pinipilit na magkasya para maka-menos sa bayarin.
"Kumusta? Balita ko pinipilit ka na naman ni Boss na magpakama, ah. Malaki ino-offer sa iyo no'ng kano, sampu raw isang round. Pumayag ka ba?" tanong ni Bek. Tamad akong umiling, kinuha ang baso at humigop ng kape.
"Hindi ako papatol kahit isang milyon pa ang ibaba sa akin."
"Naku! Rose! Ganyan din ang sinabi ko noong wala pa akong pinapalamon at birhen pa."
"Aba kung hindi ka kasi nagpakarat nang maaga't nagpabingwit sa isang construction worker, edi sana, birhen ka pa rin," sabat ni Vanessa. Hindi ko lang pinansin ang kanilang sinasabi dahil wala ako sa wisyo. Isang buwan pa lang ang nakakalipas matapos kong matanggap ang balita kay Aling Besing na wala na ang Lolo ko.
Kung nagipit ako sa pagpapadala ng pera, sa gamot nito't pagpapaayos ng bahay baka doon ibaba ko ang aking dignidad.
"Tanga, hindi ako nagsisisi na nagpadali ako kay Arman. Gwapo-gwapo kaya no'n. At saka, blessing sa amin ang anak namin. Eh, kayo? Kailan niyo balak maghanap ng asawa? Hindi panghabangbuhay tatanggapin tayo rito. Hanggang trenta lang tayo rito. Kapag hindi na tayo mukhang sariwa at amoy sariwa, itatapon na rin tayo ni Bossing. Kaya kung ako sa inyo, ngayon pa lang mag-ipon na't maghanap na ng afam na aahon sa inyo. Lalo na sa iyo, Rose. Sayang ang ganda at kaseksihan mo kung hindi ka magpapabingwit sa kano," bira ni Judy, kapatid ni Vanessa.
"Wag mo akong intindihin. Sa dumi kong ito, wala akong lakas ng loob para maghanap ng mapapangasawa," sagot ko. Nilagok ko na ang kape't tumayo. Dumiretso ako sa lababo para hugasan iyon.
"Grabe ka naman sa dumi. Paano pa kaya kami na nagpapakama gabi-gabi? May tao namang tatanggap sa iyo kahit ano ka pa, kung talagang mahal ka niya. At saka, sa panahon ngayon, hindi na big deal ang virgimity na iyan, kung hindi mukha at katawan na lang ang importante. Mas gusto pa nga ng mga lalaki ngayon ang may experience kesa sa mga wala."
"G*ga! Virginity kasi iyon, hindi virgimity."
"Oo na! Ikaw na ang matalino, Vanessa."
Patuloy ko silang hindi pinakinggan dahil wala akong mapapala sa sinasabi nila. "Alis muna ako. Puntang palengke. May ipapabili ba kayo para sa ulam natin mamayang tanghali?" tanong ko.
"Papabili akong Ph fair, para mabango ang aking pekfek. Mahirap na baka pagnilapa, eh, iba ang maamoy. Tapos ano, bojik soap na rin," wika ni Judy. "Ako, shampoo anim na piraso."
"Sandali, susulatin ko na lang para hindi makalimutan ni Rose. Sa iyo Judy, Ph fair, anong kulay?"
"Green."
"Tapos bojik soap. Kay Vanessa, shampoo palmovil anim na piraso. Tapos sa akin naman, Bek, napkin without wings tapos dovi na sabon. Tibe na powder anim din at tawas."
Pagkatapos isulat ni Bek, ibinigay na nito sa akin ang papel.
"Ako muna ang mag-aabono. Bayaran niyo na lang mamaya.", "Sige. Salamat, Rose!"
Kinuha ko ang wallet sa aking bag at lumabas na sa silid. Maingay na paligid ang kaagad na bumulaga sa akin. Mga batang naghahabulan, nagpipiko sa gilid ng daan. Mga chismosang makakapal ang mukha na hindi tinatablahan ng hiya kahit pa man nakikipagtitigan ako sa kanila. Paniguradong ako ang laman ng kanilang usapan, lahat naman ng laman ng brothel na tinutuluyan ko ay kanilang kinukutya. Tinatawag na anak ng demonyo, maninira ng pamilya, pokpok at iba pa. Sanay na ako, tapos na akong umiyak sa masasakit na salita. Sa isang taon kong panunuluyan sa Maynila, nakita ko na siguro ang iba't ibang uri ng tao. Tarantado, basagulero, magnanakaw, may iba rin na samaritano sa umaga, demonyo sa gabi.
"Ganda, saan ka? Bayan?" alok ng manong na nagtatraysikel. Tumango ako't pumasok na sa loob. Kumuha ako ng sampung piso sa wallet at iniaabot iyon sa kanya. "Hindi, ayos lang. Dyan mo na yan," wika niya.
"Pero--"
"Kiss mo na lang ako sa pisngi mamayang gabi pag uminom ako. Naka-duty ka naman mamaya ano? Tuwing Linggo ka lang naman nagde-day off."
Hindi ako kumibo. Kapag mga ganitong nakakarinig ako ng pambabastos, imbes na pumatol ay mas gugustuhin kong wag magsalita. Mas lalo lang sisilab ang apoy kapag naulanan iyon ng laway.
"Joke lang. Ito naman. Baka hindi mo na ako kausapin, hahaha! Akin na 'yong bayad mo," bawi nito. Ibinigay ko ang kanyang hinihingi, nandiri ako noong pagkatapos kunin ang sampung piso ay pisilin pa ang aking palad.
Ilang sandali pa ang lumipas at nakarating na rin ako sa mas maingay na lugar. "Mamaya, Rose, ha! Ikaw mag-serve sa akin!"
Hindi ako lumingon, dire-diretso lamang ang aking lakad. Hindi na bago sa akin ang pagtinginan ng mga tao. Dahil sa ganda? Hindi iyon ang dahilan. Ang pagiging trabahador ko sa isang kilalang bar ang siyang dahilan kung bakit ako sinisipat ng kanilang mapanghusgang mga mata.
"Ganda, anong hanap mo? Mura lang bangus namin. Bagsak presyo rin 'tong galunggong. Bili ka na. Bigyan kita ng sobrang isa kapag inubos mo 'tong tilapia. 150 na lang apat na piraso."
"Miss beautiful, may manok, baboy at baka tayo rito. Lika, dito ka na sa akin."
"Magkano po sa petchay?" mahinahon kong tanong sa mamang nagtitinda. "Kinse ang isang tali."
"Dalawa po, wika ko. Binigyan ko siya ng singkwenta ngunit hindi na niya ako sinuklian. Nanatili akong nakatayo, hinihintay ang bente. "May gusto ka pa ba?" patay malisya nitong tanong.
"Sukli ko po."
"Sukli? Bentesingko isang tali niyan, neng." Matalim ang tono ng kanyang pananalita.
"Ang sabi niyo po kinse ang isang tali."
"Bentesingko. Aba, nakikipagtalo ka pa sa akin, eh, ako ang tindero?"
Naagaw na namin ang atensyon ng lahat dahil medyo tumataas na ang tono ni manong. Pakakawalan ko na lang ba ang benteng sukli? Wala naman na akong papadalahan, wala naman na akong ibang iintindihin kung hindi ang sarili ko.
"Sige po. Pero sana, magtrabaho po kayo nang tama. Maaari naman kayong makiusap, hingin 'yong sukli ko nang maayos, hindi iyong magsisinungaling pa po kayo."
"Aba! Ako pa ang sinabihan mo. Nagtatrabaho ako nang tama at marangal! Ikaw 'tong hindi! Atlis ako, nagpapakahirap maglako rito, hindi kagaya mong ibinebenta ang katawan at kaluluwa para lang magkapera. Pwe!"
Sanay na ako. Ayos lang sa akin.
Ikinuyom ko na lang ang aking kamao't umalis na. Pagkatapos kong bumili ng ipangsasahog sa petchay, tumungo naman ako sa supermarket. Kinuha ko ang papel sa aking bulsa at isa-isang kinuha ang pinapabili no'ng tatlo.
"Rose! Kumusta?" Natigilan ako saglit noong marinig ang tinig ni Robert. Isa siyang suki sa bar na pinagtatrabahuhan ko. Anak mayaman, may itsura, mabango ika ni Judy. Isa siya sa mga itinutulak nila sa akin. Wag ko na raw pakawalan dahil instant yaman daw ako kapag pinatulan ko siya.
"Ayos lang," matipid at walang buhay kong tugon. "Nabalitaan ko 'yong nangyari sa Lolo mo, nakikiramay ako. Kung may kailangan ka, alam mo namang narito lang ako para sa iyo, hindi ba?" Panatag siyang inilapag ang kamay sa aking balikat, bahagyang pinisil pa iyon.
Bukod sa mga binanggit kong uri ng tao kanina, nakalimutan kong naglipana ang mga manyak dito. Maganda man ang kanilang pisikal na anyo, hindi naman ang kanilang kalooban. Mga taong pilit na pinapabango ang pangalan sa harap ng kanilang biktima, huhulihin ang tiwala hangga't sa kumagat sila sa pain at mabihag. Kapag nangyari iyon, doon lamang nila huhugasan ng tubig ang kanilang sarili't bubulaga na lang sa iyo ang totoo nilang kulay.
Nakakasulasok na kulay.
Hindi ako maaaring pumalag. Baka makarating pa sa Boss ko kapag tinanggal ko ang kamay ni Robert sa aking balikat at akusahan siyang isang manyak.
"Salamat. Mauuna na ako, may kailangan pa akong bilhin," paalam ko. Tumango ito, bago ako pakawalan, dahan-dahan niyang ibinaba ang kamay, daplis na hinipo ang isa kong dibdib.
Hindi ako kumibo. HIndi ako maaaring kumibo. Wala namang tutulong sa akin kung sakaling mag-eskandalo ako. Sino ang papanig sa babaeng nagtatrabaho sa isang lugar palipasan? Hinusgahan na nila akong pokpok, nagbebenta ng laman at kaluluwa. Wala naman akong pake. Nawalan na ako ng pake.
"Anak! Bakit ka lumalapit sa magdalenang iyan! Alcohol! Heto mag-alcohol ka. Susmiyo mahabagin! Daan tayo sa simbahan mamaya. Hugasan mo ng holy water 'yang kamay mo't mahirap na!"
"Ma naman.", "Tumigil ka, Robert! Ilang beses ba kitang babalaan!"
Naglakad na ako palayo dahil nagsisimula na naman silang bumulong sa hangin. Tunay na magulo ang buhay sa Maynila, dahil iyon sa mga taong may makikitid na utak. Asal banal, pero mas madumi pa ang budhi kesa sa mga kasamahan kong tunay na nagbebenta ng panandaliang aliw. Sa lahat ng mga ugaling nabanggit ko, sila ang pinaka-nakakasuklam sa lahat.