ROSE
Alas dose na pero buhay na buhay pa rin ang aking diwa. Iniisip ko yung mga sinabi ko kay Ivan. Alam kong malaking pabor ang hinihingi ko sa kaniya at ako itong nagbabayad utang. Hindi rin naman niya ako pinilit na pumunta rito kung tutuusin, kahit na napilitan lamang akong kumagat sa pain, ang punto pa rin ay kusa akong pumasok sa bahay na ito.
"Maiintindihan ba niya kapag nagpaliwanag ako? Mainam bang humingi na lang ako ng tawad? Baka bigyan niya ako ng parusa sa mga sinabi ko."
Hindi ako mapakali. Kung ano-anong pumapasok sa aking isip. Natigil lamang iyon noong tumunog ang aking cellphone.
Si Judy...
"Hello? Judy? Anong balita? Kumusta kayo?" sunod-sunod kong tanong. Halata sa tono ng aking boses ang labis na pagkasabik. Laking pasalamat ko rin at hindi kinumpiska ni Ivan ang cellphone ko.
Wala naman din siguro siyang balak. Ako lang ang nag-iisip ng masama.
"Heto, maayos naman ang kalagayan namin. Eh, ikaw? Ay, hindi ko na tatanungin kung ano ang sagot dahil alam ko naman na okay ka dahil kung hindi, paniguradong babatiin mo ako ng iyak mo," ani ya.
Kahit hindi kami magkaharap, alam kong nakangiti siya habang sinasabi ang linyang iyon. Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib noong marinig ang balita. Walang oras ang hindi lumipas na hindi ako nag-aalala sa kanila.
"Maayos din naman ang kalagayan ko ngayon... sana'y gano'n pa rin sa mga susunod na araw. Nga pala, ano nang nangyayari sa inyo? Hindi naman kayo sinaktan ni boss?" ani ko.
"Sinaktan, syempre oo. Sa totoo lang, muntik na naming makita si kamatayan dahil sa sobrang galit ni bossing."
Nalaglag ang panga ko. Umakyat na naman ang pag-aalala ko sa kanila. Hindi ko ma-imagine kung ano ang sinapit nila sa kamay ni boss pero isa lang ang alam ko, masahol pa sa ulol na hayop kung magalit ang taong iyon.
"Wag kang mag-alala, heto kami, buhay. Nagpapasalamat kami dahil iniligtas kami ni Ivan. Kung hindi dahil sa kaniya, pare-pareho na kaming nakabaon sa lupa," dugtong pa nito.
"Ivan? An-Anong ginawa ni Ivan?" patay malisya kong tanong. Hindi ako makapaniwala. Suntok sa buwan ang hiling kong iyon dahil sa labis na kagustuhan kong mailigtas sila Judy. Hindi ko inaasahan na tutuparin niya. Nadagdagan na naman ang utang ko sa kaniya pero ayos lang iyon, ang importante nasa maayos na silang kalagayan. Hindi na ako mangangamba.
"Hindi ko alam, bunso. May mga tauhan siyang inutusan para itakas kami. Ilang oras din kaming nakulong at sapilitang serbisyuhan ang mga tao niya nang libre. Napakahayop ng bwesit na iyon. Hindi na siya naawa sa amin. Gusto atang mawasak ang pagkatao namin kaya talagang grabe ang pasasalamat namin kay Ivan. Silang dalawa ni boss ang nagharap. Hindi ko na nagawang magmarites pa't malala ang tama ko sa kat--"
"Hindi mo na siguro dapat pang sabihin iyang part na 'yan, Judy. Pag-aalalahanin mo lang si Rose," rinig kong saway ni Bek sa kabilang linya.
Nalungkot ako dahil kasalanan ko ang lahat.
"Pasensya na kayo, Judy. Nang dahil sa akin, nanganib ang buhay ninyo. Patawarin niyo sana ako."
"Ano ka ba, ayos lang iyon. At saka, kaya ako tumawag sa iyo ay para ipaalam na ayos kami para hindi ka na mamroblema tapos malulungkot ka lang dyan? Sige na, Rose. Iyon lang naman ang gusto kong iparating sa iyo. Matulog ka na, hindi pa naman ito ang huling pag-uusap natin, " ani ya tapos ibinaba na ang tawag, hindi na ako binigyan ng pagkakataon para makapagpasalamat ulit.
Lukot ang noo kong pinagmasdan ang screen ng cellphone. "Sana nga maayos na ang kalagayan nila. Paano kung hindi? Paano kung tumawag lang sila para hindi ako mag-alala kahit na hindi totoong nakatakas sila kay boss?" tanong ko sa aking sarili.
Kagat labi kong pinagmasdan ang pinto.
Anong gagawin mo, Rose?
Hindi ka hibang para puntahan si Ivan at kumpirmahin kung totoo ngang iniligtas niya sina Judy.
Nakaligtas ka man sa galit ng asawa niya pero baka sa paglabas mo ng pinto, hindi ka na makabalik nang buhay.
"Isa na namang mahabang gabi..." bulong ko sa kawalan. Sinukuan ko ang kaisipang tangkaing lumabas at kausapin si Ivan. May bukas pa naman para ro'n.
Umaasa ba akong makita siya?
Hindi ba't mas mainam na hindi na kami magkita?
Paniguradong hindi na kami magkikita.
Unless, gusto niya talaga akong ipapatay sa asawa niya...
Sunod-sunod na buntonghininga ang pinakawalan ko habang pilit na hinahanap ang antok. Alam kong mahihirapan akong makatulog dahil ang daming bagay ang tumatakbo sa aking isip pero pinipilit ko dahil baka gumising akong masakit ang ulo.
Ilang minuto ang lumipas. Nananatiling nakatikom ang aking mata pero buhay pa rin ang aking diwa. Nalukot ang noo ko dahil narinig kong bumukas ang pinto. Muli na naman akong kinabahan.
Baka 'yong asawa ni Ivan ang pumasok... paano kung may dala itong patalim? O kung ano mang bagay para wakasan na ang buhay ko?
Malalaking lagok ng laway.
Naramdaman ko rin na nagpapawis ang aking kamay at noo sa sobrang kaba.
"Unfair..."
Biglang bumaba ang tensyon sa katawan ko noong marinig ang boses ni Ivan.
Anong ginagawa niya rito?
"I did well today though..." dagdag pa nito. Naramdaman ko ang kaniyang mainit na palad sa ibabaw ng aking kamay. Kinuha niya iyon at ipinatong sa kaniyang ulo.
Gusto ko nang imulat ang mata ko dahil pakiramdam ko may koneksyon ang sinabi niya sa balitang natanggap ko mula kay Judy. Ang kaso, nakikiparte ang hiya sa puso't isip ko. Hindi ko alam kung bakit pero... may tanong din sa akin na baka kung anong gawin niya kapag nalaman niyang gising pa ako.
'Baka assuming lang ako...'
"Anong ginagawa mo rito?" patay malisya kong tanong. Inangat niya ang kaniyang ulo noong marinig ang aking boses. Salamat dahil madilim ang paligid dahil kung hindi, makukumbinsi akong umiyak siya dahil naniningkit ang mata nito.
Hindi siya sumagot. Nakatingin lang ito sa mga labi ko. Naghintay ako ng ilang segundo, inabot na rin ng minuto ngunit wala pa rin siyang kibo.
May kung anong tensyon na namuo sa aking dibdib. Hindi ako mapakali. Bakit kasi sa dami ng titingnan ni Ivan, sa labi ko pa?
Nagi-guilty ba siya sa ginawa ng asawa niya?
"Wag mo sana itong lalagyan ng malisya," mahina at halos pabulong kong wika bago ko ilapit ang mukha ko sa kaniya't halikan ang kaniyang labi.
Nahihibang, tama, nahihibang ako sa mga oras na ito.
Alam kong may sugat ang aking labi pero ipinahamak ko pa rin ito upang halikan si Ivan.
Bakit kamo?
Nainis na ako. Baka matunaw ang labi ko sa ginagawa niyang pagtitig. Isa pa, naisip ko rin na ito na ang paraan ko para pasalamatan siya sa nagawa niyang kabutihan kina Judy. Kung tutuusin, hindi ako umaasa dahil hindi ako sanay na may taong gumagawa ng pabor para sa akin kaya sumaya ang puso ko sa sinabi niya. Naniniwala ako na totoong tinulungan niya ang mga kaibigan ko dahil sa kaniyang mga ikinumpisal.
Magkahalong kirot at hiya ang yumayakap sa aking katawan sa mga sandaling ito. Ang balak ko lang naman ay mabilis na gantimpala pero nakalimutan ko na hayuk sa laman itong si Ivan.
Hindi niya ako hinayaang makawala. Kumpara noong una, mabagal at maingat ang kaniyang mga halik.
Pilit akong kinikiliti...
"You must sleep now para maaga kang magising," ani ya pagkatapos ng mahabang halik.
Tumayo na siya tapos tinalikuran na ako. Naalala ko bigla ang gabi-gabing eksena sa pinagtatrabahuhan ko. Pagkatapos mapakinabangan ang mga bayarang babae, aalis na lang sila na parang walang nangyari.
Sigurado akong tuwa ang nararamdaman nila Judy sa tuwing tapos na ang pagbibigay nila ng serbisyo. Pero bakit iba sa akin? Bakit habang pinagmamasdan ko ang likod ni Ivan na naglalakad palayo ay pangungulila ang nararamdaman ko?
"Matulog ka na dahil may surpresa akong inihanda sa iyo bukas. Kabayaran sa mga sugat at pasang ibinigay ng asawa ko," ani ya bago lumabas ng pinto.
'Surpresa...'
'Kabayaran...'
Nakakapanibago.
Noong nagtatrabaho pa ako bilang isang tagapagbigay aliw sa lugar ng kasalanan, salapi ang tanging kabayaran na siyang inaasam ko.
Pero ngayon, serbisyo rin ang sukli sa serbisyo.
Napangiti ako nang wala sa oras, hindi ko alam kung ano ang dahilan.
Takot akong aminin kung ano ang dahilan.
Napahawak ako sa aking labi na ngayon ay tumutulo na naman ang dugo dahil bumukang muli ang sugat.
"Anong klaseng surpresa naman kaya iyon?" tanong ko sa aking sarili.
Pinunasan ko ang dugo sa aking baba tapos humiga na, susubukang muling habulin ang antok pero ngayon, nakangiti na.