Chapter 2

2143 Words
Nagising ako sa mainit na sikat ng araw sa labas na naglalagos sa bukas na bintana. Walang naitulong ang manipis na kurtinang nakatabing sa ibabaw nito maliban sa gawing mas kaiga-igaya sa paningin ang araw. Sabado ngayon at walang pasok kaya malaya akong humilata sa kama. Naghikab ako at muling ipinikit ang mga mata. Pinakiramdaman ko ang paligid para sa anumang ingay. Ang tahimik. Tinampal ko ang sarili para tuluyan nang magising. Bukas pa uuwi si papa mula sa pinapasukang oil company dahil sunud-sunod ang shipment ng barko kaya continuous din ang kanilang overtime. Ibig-sabihin, walang maghahanda ng pagkain ko ngayon kundi ako. Pinilit ko ang sarili na bumangon upang magsaing na. Kumukulo na ang tiyan ko. Nakikiusap nang malagyan ng laman. Bago magpunta sa kusina ay hinagilap ko muna ang cellphone para i-check kung may message ba si Jovin sa akin. Nakangiting i-a-unlock ko na sana ang phone nang mapalis ang aking ngiti. Oo nga pala. Wala na kami. Sa naisip ay muling bumalik ang bigat sa pakiramdam na kahapon ko pa dinadala. Nagtubig ang mga mata ko at kung ‘di ko lang pinigilan ang sarili ay hahagulhol na naman ako. Madaling-araw na ako nakatulog dahil sa kaiiyak kagabi at sa isa pang dahilan. I checked his f*******: and other social media accounts. Naka-block na ako. Kahit phone number ko ay block listed din. Siguro masokista lang talaga ako kaya nag-abala pa akong tingnan kung tinotoo niya ang sinabi niya sa resto. Hindi naman ako nagkamali. Gamit ang isa ko pang account, si-nearch ko siya uli. Putsa talaga. May recent siyang post na may kasamang isang payat, makinis, at magandang babae. Mestiza. May pa-caption pang 'after one year, had the courage to see her in person' na nalalaman. Ano iyon? Dalawa pala kaming pinuntahan niya dito? May pasabi-sabi pa siyang nagsayang lang siya ng pamasahe? Gago! Pero in fairness, bagay sila. Mga malnourished na labanos. Pinuntahan ko ang profile ni ate girl. Wala akong maipintas. Maganda, matangkad, maputi, at payat. Sa private school nag-aaral ayon sa bio niya. Engineering student din. Mechanical engineering. Kung di ba naman nagbibiro ang tadhana ay sa kabilang subdivision lang pala namin nakatira. Habang sino-stalk ko ang kaniyang mga profile pictures ay mas lalo akong nandiri at nanliit sa sarili. Durug na durog ang confidence ko sa mga awrahan ni ate girl na pang-i********: model. Iyong liyad na liyad tapos may pa-cross legs pa. May mirror selfie rin na kita ang manipis na tiyan at toned na arms and legs. May mga bikini photos din siya at mga sun-kissed na uploads. May pa clear skin clear skin pang caption. Sabagay, totoo naman. Itinigil ko na ang pagba-browse dahil nagse-self pity na ako. Tumayo ako sa harapan ng full-length mirror at tinitigan ang kabuuan. Sabog ang buhok sa paligid nang namamaga kong mukha. Pula ang mga mata ko dahil sa magdamag na pag-iyak. Para na rin akong inahing baboy sa suot ko na pantulog na may mukha ni Sponge Bob sa harapan at Patrick the starfish sa likod. Ngumiti ako para lumabas ang dalawang biloy sa magkabilang pisngi. Bakit di ko makita ang sinasabi nilang cuteness ko kapag ngumingiti? Sinipat ko pa ang sarili sa salamin. Niliyad ang dibdib, itinaas ang ulo para raw mas confident, ngumiti, inayos ang buhaghag na buhok pero ganoon pa rin. Walang nagbago. Kahit saang anggulo ko tingnan, naghuhumiyaw pa rin ang katotohanang pangit pa rin ang taong tumititig ang malulungkot na mata pabalik sa akin. Kumulo uli ang tiyan ko palatandaan na kailangan ko nang mag-almusal. Nagtungo ako sa kusina at nagsaing sa rice cooker. Binuksan ang ref para maghanap ng maaaring iulam. Puro karne ang mayroon sa freezer. Kung hindi manok ay baboy at baka. Wala rin akong makitang iba pang gulay maliban sa mga panahog gaya ng kamatis, bawang at sibuyas. Puro rin canned goods at ready to eat foods ang nasa cupboard. Ngayon ko lang na-realize na ang unhealthy pala talaga ng mga kinakain ko. Ganoon din ang lifestyle ko. Kung hindi nakahilata buong maghapon kakaselpon ay sa sala ako naglalagi at nagne-netflix at kumakain. Buhay na patotoo ako ng slogan nilang Netflix and chill. Sa sobrang chill ko ay lumobo na ako ng lumobo hanggang 80 kilos. Nagtimpla na lang ako ng kape at hindi na naglabas ng ulam. Kailangan ko nang magbago. Ayoko na ng ganito. Nakakasawa na ang buhay na palaging tampulan ng tawanan ng mga lalaking nag-iinuman sa kanto. Ayoko nang mapintasan. Ayoko nang mainsulto dahil sa panlabas na kaanyuan. Kinuha ko ang cellphone at binuksan ang mga social media accounts. Binlock ko si Jovin sa lahat ng accounts ko. Akala mo, ha. Hindi lang ikaw ang marunong. Oo, nasaktan ako nang sobra sa ginawa niya dahil mahal ko siya or at least iyon ang iniisip ko pero gagamitin ko rin ang sakit na'to para palaguin ang sarili. Nag-chat ako sa group chat namin na open for tambay ang bahay. Dinagdag ko na rin na may chika ako. Tiyak magkukumahog ang mga iyon sa pagpunta dito. Mga dakila kasing tsismosa at tsismoso kaya uhaw na uhaw na makasagap ng issue. Hindi naglaon ay may kumakatok na agad sa pinto. Hanep, ang bilis ah. "Bukas iyan! Itulak mo lang!" sigaw ko at humigop sa malamig ng kape. "Bruha, pahingi ng wet wipes. Nangangati ang mukha ko sa ginamit na make-up kanina. Palibhasa sa tiyangge ko lang nabili," bungad agad ni Myca pagkapasok. Iniwan lang nito sa sahig ang bag at paper bag at dumiretso agad sa kwarto ko. Nagpapahid na ito sa mukha ng wipes paglabas. "Uy, ano'ng ulam mo bruha. Hindi pa ako nag-aagahan, eh. Kakagaling ko lang kasi sa-" napatigil ito sa pagsasalita at tiningnan ako. "Bruha, anyare sa iyo?" mahinahon at may concern sa tinig na tanong nito. Pinagmasdan ko lang si Myca. Ang ganda-ganda talaga nito. Palibhasa ay half-Chinese kaya malasutla ang kutis, matangkad, maliit ang mukha, at sexy. In fact, nagmo-model pa nga ito e. Sa naisip ay naalala ko na naman ang babae na kasama ni Jovin sa picture. Parang switch na bumukas lahat ng sakit at wala na akong magawa kundi umiyak na naman. Umiyak ako nang malakas. Hindi ko na pinigilan ang sarili at inilabas ko ang gustong ilabas. Hindi lang simpleng iyak ang ginawa ko. Umatungal talaga ako sa sakit. Natatarantang nilapitan ako ni Myca at inalo. "Huy, gaga. Pariah, ano'ng nangyari sa iyo? Hoy?!" Nahimigan ko ang panic sa boses niya. Sa paputul-putol na paraan ay ikinuwento ko sa kaniya ang lahat. Wala akong itinira ni isang detalye. Matapos kong magkuwento ay napamura na lang sa galit si Myca. Pulang-pula ang mukha nito at parang handang-handa nang sumabak sa labanan. "Nasa’n ang walanghiyang Jovin na iyan!? Nakaalis na ba siya? Tara, Pariah. Magbihis ka. Puntahan natin ang gagong lalaking iyon at nang makita niyang hinahanap niya. Baka sa kaniya ko pa magamit ang taek won do lesson ko sa high school. Hindi ko pa nakakalimutan iyon! Gagong iyon!" Nakapamewang ito at taas-baba ang dibdib sa galit. "Sinong gago? Ha? Sinong gago ang pinag-uusapan niyo?" Nilingon namin ang nagsalita. Si Dean kasama sina Sheki, Barbie at Xylca. May mga dala silang mga supot na puno ng tsitsirya at dalawang litro ng coke. Si Myca na ang nagkuwento sa kanila nang nangyari sa akin. Hindi na ako nakakibo dahil sa sakit at pagkapahiya. To think na naglihim pa ako sa kanila. Heto tuloy ang napala ko, sakit sa dibdib at insulto. "Aba! Walang kaibigan natin ang ginaganyan. Basta may isa sa atin ang kinanti, kakasa talaga tayo. Ano? Resbakan na natin? Pulis kaya ang tito ko. Sanggang-dikit kami nun!" sabi ni Barbie na hindi maipinta ang mukha sa galit. Pinalagutok pa nito ang mga buto sa kamay. "Ay bet! Videohan natin para mag-viral sa social media. Para mapahiya ang gagong iyon!" sang-ayon ni Xylca na tulad ng lahat ay ‘di rin maikakaila ang galit na nakabadya sa mukha. "Call! Ano? Tara na? Pariah, saang hotel ba iyang Jovin na iyan?" tanong ni Sheki sa akin. "Hoy, magsitigil na nga kayo. Gusto niyo bang mapahiya na naman si Pariah? Ganiyan na nga ang pinagdaanan ng kaibigan natin tapos pagganti pa ang iniisip niyo. Ipagpasa-Diyos na lang natin iyan. Revenge is not ours. It's God's. Galit din naman ako sa ginawa ng lalaking iyon pero wag tayong bumaba sa level niya. Iba tayo," mahinahong sabi ni Dean. Natahimik ang lahat sa sinabi nito. May punto naman kasi siya. Kung gaganti pa ako, baka isipin pa niyang lalo na patay na patay ako sa kaniya. No. Ayoko nang masuong sa isa na namang nakakahiyang sitwasyon. Knowing my friends, higit pa sa eskandalo ang gagawin ng mga ito maibangon lang ang puri ko. Sa ngayon, ang gusto ko lang talagang gawin ay ilabas ang lahat ng mga hinanakit ko at kalimutan na sila. Gusto kong magbago. Gusto kong baguhin ang sarili for the better. "Tama si Dean. Wag niyo nang pag-aksayahan ng oras ang lalaking iyon. He doesn't deserve it. Gusto ko lang talaga ng outlet kaya sinabi ko sa inyo." Tiningnan ko sila. "Gusto ko ring humingi ng tawad mga bruha" tumingin ako kay Dean "at bruho dahil di ako nakinig sa inyo." "Buti naman at natauhan ka na." "Ganiyan. Mag-sorry ka dapat." "Pero I still think dapat upakan iyon, eh." "I also think the same." "Wag na nga. Kayo talaga." Napangiti na lang ako. "O ano ngayon ang gagawin mo? Any plans?" untag ni Myca na kumuha ng silya at naupo. Tumango ako. "I want to lose weight. I need to lose these fats. Narealize ko rin kasing napaka-unhealthy talaga ng lifestyle ko kaya umabot ako sa ganitong estado. Imagine 80 kilos?" Ipinaikot ni Xylca ang mga mata. "Hay sa wakas! Nalinawan ka na rin. Ilang beses ka na ba naming sinabihan na mag-diet, girl? Hindi naman ito tungkol lang sa pagpapaganda ng katawan. Para ito sa kalusugan mo no. Ang bata-bata mo pa tapos maha-high blood ka na, plus mataas na cholesterol tapos, ah basta! Maraming mga sakit ang dadapo sa iyo. Mas vulnerable ‘ata body type mo eh. Kailangan ka pa talagang makarinig ng insulto mula sa Jovin na iyon para magising ka, gurl?" "Ang harsh mo Xylca," puna ni Barbie rito. "Pero totoo naman talaga, Pariah. This time, seryosohin mo na. Willing akong samahan kang mag-exercise. Para saan pa at may kaibigan kang fit na fit." Itinaas nito ang isang braso at hinalikan ang bicep nito. "Tama! Ang unang first step diyan ay dapat healthy living kaya ransakin na natin ang mga hindi gulay diyan sa mga baul ni Pariah. Sugod mga kababayan!" Nauna na si Dean sa pagtakbo patungo sa ref. Isa-isa na rin silang nagpulasan at pinuntirya ang cupboard. Nag-unahan sa pagkuha sa mga chips at chocolates ko na nakatambak. "Hoy! Tirhan niyo ako, mga mandurugas to!" sigaw ni Myca na nagpaiwan sa tabi ko. "Dean, wag mo ubusin lahat ng ulam ha. Patay ka kay papa! Friday pa sweldo nun!" pigil ko sa tangkang paglalabas nito sa lahat ng supply namin ng frozen meat sa ref. "Sige. Tirhan ko kayo ng kalahati. Magluluto ako ng pork chop, iyong malutong na malutong! Maglaway ka please!" pang-aasar pa nito. Inilagay nito sa lababo ang karne at binuksan ang gripo para ma-thaw ito. "Akin na iyang phone mo. Mag-Shopee tayo. You need equipment girl. Ay wait? Di ka mag-dyi-gym?" tanong ni Myca. "I can recommend you a place. May membership ako kasi may crush sa akin iyong may-ari. Alam mo naman tayo, gagawin ang lahat para makatipid. Sa iyo ko na lang ibibigay. For sure, papayag yun," pagkumbinsi nito sa akin. Umiling ako. "Wag muna ngayon. ‘Di pa kaya ng confidence ko. Dito muna ako sa bahay. I'll download some apps tapos mag-e-enrol ako sa mga online fitness programs. Sasamahan din naman ako ni Barbie mag-exercise. Saka na ako mag-dyi-gym kapag di ko na kinaya rito." Nagkibit-balikat ito. "Bahala ka. My offer still stands. Sige na. Let's shop you some things you need. Una sa lahat ay yoga mat tapos yung watch na nagka-count ng steps mo. Add to cart...Kailangan mo ba ng sphygmomanometer? Baka you need it for your blood pressure?" "Wag na iyan. Ang mahal niyan," tanggi ko. "Baka mabatukan pa ako ni Arcadio. Masaid ko pa sweldo nun." "Ok. Add to cart ‘tong workout clothes. Ok. Check out." Inilapag ni Myca sa mesa ang cellphone ko at nilapitan sina Xylca na nag-aagawan pa rin sa mga pagkain. "Penge Pringles." "Chippee na lang available." "Akin na yung Goya." "Chubby na lang sa iyo girl. Huli ka na sa ayuda kaya iyan na lang naiwan." "O, pipino para sa iyo." Iniabot ni Dean sa akin ang platito. “‘Di pa luto ang baboy." "Salamat." Kumuha ako ng isa at isinubo habang nangingiting pinukol ko ang mga kaibigan ng tingin na ngayon ay parang mga batang nag-aaway sa pagkain.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD