Chapter 5
PURO tungkol sa FACT U Party-list ang mga naririnig ko sa paligid habang naglalakad sa corridor. Pinag-uusapan din nila si Uno at kung gaano sila napahanga ng kanyang mga sinabi. Kahit ako, hindi ko rin inaasahan na may gano’n siyang side. Pero baka nagpagawa lang siya sa magaling gumawa ng campaign script at kinabisado lang ito.
Napatigil ako nang makasalubong si Uno. Napalingon ako sa room na natapatan namin dahil sa lakas ng boses ng teacher na nasa loob nito.
“Class, ‘wag ninyong sayangin ang inyong boto para sa mga estudyante na kalokohan lang ang alam,” sabi ng teacher.
Lumingon din siya sa room.
“Sino’ng matinong leader ang mag-iisip ng pangalan na… alam n’yo na.”
“FACT U po?”
“Tsk! Inulit mo pa,” sita ng guro. “‘Di ba? Dapat ba ‘yang tularan at sundin? Kung pipili kayo ng student role model, doon na kayo sa responsable at mabuting leader,” dugtong pa nito
Napansin ko ang pagbuntong-hininga at pag-iling ni Uno.
“Doon na keyo she reshponshable at mabuting leader,” sarkastikadong paggaya niya at naglakad na paalis.
NATAPOS ang tatlong araw na pangangampanya at Meeting De Advance. Ngayon ang araw ng botohan at mamayang hapon ang resulta. Hindi na ako kinakabahan dahil alam kong ginawa ko naman ang best ko.
“Next.” Pumasok na ako sa computer room para bumoto. Napatingin ako sa ‘king katabing upuan. Biglang nag-init ang dugo ko nang makita na si Uno pala ito.
“Eni mini myni mo,” sabi niya habang nakatingin sa screen.
Ano’ng ginagawa ng lokong ‘to?
“Pwet ng kabayo kamukha mo. ‘Yun! Naaalala ko na ang pangalan niya,” sabi niya at tinuloy na ang pagboto.
Napailing na lang ako at tinuon ang atensyon sa screen. Auto vote talaga kapag si Harry. Binilisan ko ang pagboto at umalis na agad sa room. Ayoko kasing magtagal na kasama siya.
Natapos ang botohan. Nandito kaming lahat ngayon sa gym kasama ng iba pang estudyante para malaman ang resulta. Ilang sandali lang ay sinimulan na ang pag-aanunsyo.
Nanlaki ang mga mata ko nang manalo ng straight ang representatives ng FACT U. Hindi ko ‘to inaasahan!
“Reina, ayos ka lang?” nag-aalalang tanong ni Harry. Tumango ako sa kanya at pilit na ngumiti.
Kahit sabihin pa na maraming nanalo mula sa partidong FACT U. Alam ko na mananalo si Harry bilang president. Magaling siya, matulungin, masipag, ma-appeal at matalino. Perfect siya para sa puwesto.
Pero ako, hindi ko alam. Dapat ako ang manalo. Dapat ako ang maging SGO Vice President, para magkasama kami.
“Suzaku Takumi.” Nabalot ng tilian at hiyawan ang buong gym nang banggitin ang pangalan ni Zaku.
Ibang klase! Tumanggi na sumali sa partido namin si Zaku dahil sabi niya hindi siya interesado sa politics. Pero tumakbo siya bilang SGO Secretay sa partido ni Uno. Mukhang siya pa nga ang nagdala ng team nila. Dahil sa kanyang impluwensya kaya sila nanalo.
“With the result of 79% votes,” anunsyong muli ni Sir Martinez.
Siya ang nakakuha ng pinakamaraming boto.
Napatingin ako sa kabilang parte ng gym kung saan nanggagaling ang ingay. Si Uno at ang kanyang partido.
Hindi siya puwedeng manalo. Ano na lang ang mangyayari sa school kung kagaya niya ang mamumuno?
“Reina Cabales.” Napalingon ako sa harap.
“With the result of 58% votes.” Napatalon ako sa saya ng makita ang pangalan ko sa screen.
“Reina, panalo ka!” masayang sabi ni Harry.
Halos huminto ang mundo ko ng yakapin niya ako.
“Pumunta ka na sa stage.” Tumango ako sa kanya at umakyat na ng hagdan.
May pag asa pa! Mananalo kami, mananalo si Harry!
“And last but not the least, the SGO President… handa na ba kayo malaman kung sino?” pabitin na tanong ni Sir Martinez.
“Sure akong si Harry na ‘yan!”
“Si Harry na!”
Sabay-sabay nilang sinisigaw ang pangalan ni Harry. Napangiti ako sa nangyayari, magkakasama na kami ng crush ko.
“Our SGO President is… Uno Sebastian!”
Agad na nawala ang ngiti sa ‘king labi. Tumingin ako sa screen kung saan nakalagay ang results.
Naghiyawan ang mga kasama niya habang nakataas ang kanilang hintuturo.
“Uno! Uno! Uno!”
“With the result of 55% votes.”
Hindi ako makapaniwala. Ang taong tumakbo lang para manggulo ay SGO President na ngayon.
Si Uno Sebastian, ang number 1 sa katarantaduhan.
“Speech! Speech! Speech!” Naglakad paakyat ng stage si Uno at kinuha ang mic para mag-speech.
“Maraming salamat sa lahat nang bumoto at gusto ko lang sabihin na, FACT U kayo!” malakas niyang sigaw.
“FACT U! FACT U! FACT U!” sigaw ng kanyang mga tagasuporta.
Napuno ng mga tanong ang isip ko sa nangyayari. Hindi pa rin ako makapaniwala. Bakit ganito? May naganap ba na dayaan? Ano na’ng mangyayari? Paano na ang love story namin ni Harry? Paano na ang school?
Bakit hindi si Harry?
Si Uno pa talaga ang nanalo. Ang taong tumakbo lang para manggulo.
Halos gumuho ang mundo ko dahil ako lang ang mag-isa ang nanalo mula sa party ni Harry. Paano ako mag-a-adjust nito? Parang nawalan na ako ng gana. Ayos lang naman sa ‘kin na kasama sila, basta kasama ko si Harry, kasi siya ang nagpapalakas ng loob ko. Pero hindi man lang siya nanalo.
“Straight sana tayo, iba lang ‘yung Vice,” rinig kong sabi ng lalaking nanalo bilang PRO.
“Ang mahalaga, magagawa natin ng maayos ang tungkulin natin,” sagot ng nerd. “Ikaw po si Reina, ’di ba? Kevin po, SGO Auditor,” pagpapakilala nito.
“Ako naman si Zaku, your Sexy… tary,” makulit na sabi ni Zaku at kinurba ang dalawang kamay sa hangin.
“Tss, walang hindi nakakakilala sa ‘yo. Ashley pala, Treasurer,” maangas na pagpapakilala ng babae.
“At ang Dyosa na nagpaulan ng kagandahan. Gabe at your service, Grade 11 Representative, Philippines!” pang beauty pageant na pagpapakilala niya.
Napangiti ako sa kanila. Mukhang mabait sila, ang problema lang ay si Uno at ‘yung PRO dahil parehas silang madalas tambay sa Admin’s Office. Hindi sila bagay sa ganito.
“Mga FACT U.” Napunta ang atensyon namin kay Uno. Ngumuso siya sa direksyon ng papalapit na si Sir Martinez.
“Good day, newly elected officers,” bati ni Sir nang makalapit. “I am Sir Gregory Martinez, the SGO Adviser. You’ll be starting your term by Monday and I expect you to execute a better platforms and regulations because the students gave you the trust and power to lead, especially you, Uno,” aniya at nilingon si Uno. “Since you are elected as the President, you will be responsible of everything. And before I end this orientation, I want you to know that your positions are not yet secured. Once you violate any school policies, you will be terminated and replaced immediately. Do you understand, Uno?” malamig na wika ni Sir habang nakatitig pa rin sa kanya.
Bigla akong nabuhayan ng loob. Kung sinuman sa amin ang gumawa ng hindi maganda sa school, agad itong matatanggal at papalitan ng sumunod sa kanya.
Alam kong hindi mapipigilan ni Uno na gumawa ng gulo kaya sigurado akong mapapabilis lang ang pagtanggal sa kanya.
Mukhang ayaw rin ni Sir Martinez kay Uno dahil alam niyang wala itong magagawang matino bilang President. Mas boto siya kay Harry simula pa lang.
Kailangan ko ‘tong sabihin kay Harry.
Agad din akong pumunta sa room ni Harry pagkatapos ng meeting para ipaalam ang balita. May chance pa!
Hindi na ‘to tungkol sa love story namin, tungkol na ‘to sa pamamalakad sa school. Kailangan siya ng school.
Nakita ko agad siya na lumabas ng room. Mabilis akong naglakad papunta sa kanya.
“Harry!” tawag ko.
“Ikaw pala, Reina. Congrats,” nakangiti niyang bati pero bakas pa rin sa kanyang mata ang lungkot.
“Halika rito, may sasabihin ako.” Hinila ko siya palayo para masabi ko ng maayos.
“Ano ba ‘yon, Reina?” tanong niya nang huminto kami sa may gilid ng hagdan.
“Alam kong ikaw ang karapat-dapat sa puwesto, alam din ‘yon ng lahat,” sabi ko.
“Pero, Reina, tapos na ang laban. Panalo na si Uno.”
Huminga ako ng malalim.
“Hindi pa tapos, may chance pa! Ayokong pamunuan tayo ng isang estudyante na puro katarantaduhan lang ang alam. Sabi ni Sir Martinez, kung sinuman ang gumawa ng hindi maganda sa school ay agad na matatanggal at mapapalitan ng sumunod sa kanya,”
Natigil siya nang marinig ang sinabi ko.
“Puwedeng ikaw ‘yun, Reina,” sagot niya.
Huh? Hindi ko naisip ‘yon.
“Pwede rin na ikaw, kung umpisa pa lang, matatanggal na siya.”
“Huh? Paano mangyayari ‘yon?” nalilitong tanong njya.
Nagkatinginan kaming dalawa. Mukhang alam niya na ang ibig kong sabihin.
“Ipapakita natin na hindi niya deserve ang puwesto.”