Chapter 6
NATAPOS ang Sabado at Linggo. May meeting na naman mamaya para pag-usapan ang una naming hakbang.
FACT U ang nanalo kaya plataporma nila ang gagawin, ipapaliwanag din ito ni Uno sa meeting.
Ano kaya ang plataporma nila? Magpapatayo ng bar sa loob ng campus? Magpapa-movie marathon ng p*rn tuwing vacant? O baka naman magpapatupad sila ng cutting class? Iniisip ko pa lang sumasakit na ang ulo ko.
Bakit ba kasi ang daming bumoto sa kanya? Dapat matanggal na agad si Uno sa puwesto. Dapat mapalitan agad siya ni Harry.
“Mag-aapela po ako! Bakit hindi ako ang nanalo? May nangyaring dayaan!” pagrereklamo ng isa sa mga tumakbo nang madatnan ko rito sa office.
Napangisi na lang ako at nilagay ang mga papel sa table ng adviser namin.
Mas okay pa kung si Harry ang mag-aapela dahil mas deserve niya ang puwesto kaysa kay Uno. Kaya kailangang ipaglaban ito ni Harry.
Mabilis ang oras at natapos na ang klase. Ngayon ay papunta ako sa SGO room para umattend ng meeting.
Habang naglalakad ay may napansin akong dalawang estudyante na nagsusuntukan sa gilid ng building 1. Kahit malayo ay tanaw na tanaw ko ang ginagawa nila. Lalapit sana ako para umawat, pero may natanaw rin akong isang lalaki na paparating. Sa paglalakad pa lang ay alam kong si Uno ito. Huminto siya sa harapan nila at mukhang inaawat niya ang dalawa.
“Kaya niya na ‘yan,” sabi ko at tumuloy na sa paglalakad.
Ilang saglit lang ay nakarating na ako sa SGO room. Pagpasok sa loob ay napansin kong narito na ang lahat maliban kay Uno.
“Ate Reina!” tawag ni Kevin at tinuro ang bakanteng upuan sa tabi niya.
“As expected, first day bilang SGO President, late. Hindi magandang halimbawa ng isang leader,” dismayadong wika ni Sir Martinez na nasa harapan.
“Sir, baka may biglaang inasikaso,” depensa ng PRO.
Ano nga ulit ang pangalan niya? Basta, isa siyang trouble maker na Public Relation Officer. Nilapitan ko si Kevin at umupo sa tabi niya.
Lumipas ang kalahating oras na paghihintay, hindi pa rin dumating si Uno. Nasasayang na ang oras dahil wala pa siya.
“Mag umpisa na tayo,” wika ni Sir Martinez na mukhang naiinip na.
“Hindi po tayo makapagsisimula kung wala ang president, Sir. Siya po ang magpapaliwanag,” sagot ni Ashley, ang Treasurer. Napabuntong-hininga na lang si Sir at tumango.
“Sige, pupunta muna ako sa faculty. Tawagin n’yo na lang ako kapag kumpleto na kayo,” wika niya.
Tumango kami at naghintay sa paimportanteng si Uno.
Tumingin ako sa mga officer na narito. Bigla akong napaisip kung paano sila naging miyembro ni Uno. Tutal, ang tahimik naman ng room at walang may balak na magsalita. Tatanungin ko na lang sila. Sisimulan ko kay Kevin.
“Kevin?” Humarap siya sa ‘kin habang nakataas ang dalawa niyang kilay.
“Yes, Ate Vice,” sagot niya.
Sabagay, tama lang na tawagin niya akong ‘ate’ dahil grade 11 pa lang siya.
“Paano ka naging miyembro ni Uno?” tanong ko na umagaw ng kanilang atensyon.
“Ah! Ipinagtanggol niya po ako sa mga nam-bully sa ‘kin, tapos sinabihan na auditor na raw po ako ng team FACT U, kaya hindi na ako nakatanggi,” pagpapaliwanag niya.
Gaya nga nang nakita ko sa cafeteria noon.
“Pinilit ka siguro kaya hindi ka na nakatanggi,” kunot-noo kong sabi.
“Ay, hindi po!” Iling niya. “Ang totoo, gusto ko po talaga maging part ng SGO, para po maging boses ng mga katulad kong madalas na nabu-bully at maipagtanggol din po sila. Si kuya Uno pa nga po ang nagpalakas ng loob ko.”
Natigil ako sa sinabi niya. Parang ang naging dating pa ay si Uno ang kanyang hero.
Tumingin ako kay Gabe na kanina pa pabalik-balik na rumarampa dahil sa sobrang inip.
“Ikaw, Gabe. Paano ka naging member ni Uno?” Ngumiti siya at pumunta sa harapan.
“Thank you for your wonderful question, Ms. Vice President,” sabi niya at nagkunwari pang may hawak na mic. “I believe, kaya ako naging miyembro ng Team FACT U dahil gusto kong ipakita na hindi lang ako basta bakla, dahil bakla ako na may ibubuga. Hindi ‘to nakikita ng iba dahil naka-focus lang sila sa pagiging bakla ko, hanggang sa dumating si Uno, nagtiwala siya sa kakayahan ko. And I, thank you,” sagot niya at pagkatapos ay kumaway na parang Miss Universe.
Hindi ko inaasahan ang kanilang sagot. Nakakagulat malaman na may ganitong katangian pala si Uno.
Tumingin ako kay Zaku na nakikipagkulitan kay Ashley sa harapan namin.
“Zaku.”
“Yes?” respond niya.
“Bakit mas pinili mong sa FACT U sumali kaysa sa amin kung gusto mo pala na tumakbo bilang officer?” Lumingon siya sa ‘kin at ngumiti.
“He’s my Idol,” tipid niyang sagot at tinuloy ang pakikipagharutan.
Idol? He’s the school’s celebrity, bakit sa dinami-rami ng puwede niyang idolohin, si Uno pa?
Ano ba’ng meron kay Uno?
Tumingin ako sa kanilang lahat. Hindi maitatanggi na magaling si Uno sa pagpili dahil lahat ng pinili niya ay may magandang ipinaglalaban. Hindi sila tumakbo para sa posisyon lang.
Siguro, nahusgahan ko lang si Uno dahil hindi ko pa siya tunay na kilala.
Napatingin kaming lahat sa pinto nang magbukas ito. Bumungad si Uno sa harapan namin pero mukhang galit na galit siya.
Ano kaya’ng nangyari?
“President, bakit ka late?” bungad na tanong ni Zaku.
“I’m quitting.” Linyang gumulat sa amin. Imbis na makaramdam ako ng tuwa ay parang nalungkot ako bigla.
“B-bakit?” sabay-sabay nilang tanong.
“Uno.” Napunta ang atensyon namin kay Sir Martinez na kakarating lang din.
“Totoo ba ang nabalitaan ko na may binugbog ka na dalawang estudyante sa gilid ng building 1?” dismayadong tanong ni Sir Martinez sa kanya.
Gilid ng building 1? Nakita ko sila roon kanina. Nagsusuntukan ang dalawang lalaki, tapos dumating si Uno para umawat. Pero bakit iba ang sinasabi ni Sir Martinez? Si Uno ang bumugbog sa kanilang dalawa? Paano nangyari ‘yon? Ako mismo, nakita kong nagsusuntukan ang dalawa.
“Alam mo naman ang rule, kaya—”
“Alam ko naman na gusto n’yo rin ‘to, kaya I quit!” pagtataas niya ng boses at naglakad na siya paalis.
Naiwan kaming tulala dahil sa sobrang bilis ng pangyayari.
“Well, mas maganda na tingnan kung walang U sa team FACT,” nakangiting sabi ni Sir Martinez.
“U stands for Unity, Sir. Kaya hindi po ‘yon dapat na mawala,” malamig na saad ni Ashley.
“Sino na ang president natin?” malungkot na tanong ni Kevin.
“Ang pangalawa sa may pinakamataas na boto, si Harry Vasquez. Sigurado akong better siya sa posisyon.”
“Si Uno po ang best,” pag-apela ni Gabe.
“Correction, worst.”
Tahimik lang akong nakikinig sa kanila. Wala akong masabi. Dapat na matuwa ako dahil si Harry na ang papalit, pero bakit nalulungkot ako?
Walang kahit sino ang nagsalita sa mga officer hanggang matapos ang meeting. Lahat sila ay malungkot sa nangyari.
“Okay lang ‘yan, guys. Mabait si Harry, sure akong magiging magaling siya na President,” pag-che-cheer up ko sa kanila habang naglalakad sa corridor.
“Pero kay Uno pa rin kami. Hindi kami naniniwala na basta niya na lang binugbog ang dalawang estudyante,” nakayukong sagot ni Kevin.
“Ikaw siguro ang may gawa nito, ‘no? Set up n’yo siguro ‘to kay Uno para maalis siya sa puwesto!” galit na saad ng PRO sa ‘kin.
Ako? Set Up?
“Tumigil ka na, Percy! Wala nang magagawa ang paninisi mo,” pag-awat sa kanya ni Ashley.
Napahinto ako sa paglalakad. Sumagi sa isip ko na baka nga set up ang nangyari. Pero sino ang gagawa nito? At bakit?
Bigla kong naalala ang sinabi ko kay Harry na gumawa kami ng paraan para matanggal si Uno. Pero imposible na gawin niya ‘to.
“Oh? Bakit ka huminto?” Napansin ko na lahat sila ay nakatingin sa ‘kin.
“Naalala ko, may kailangan pala akong dalhin sa office,” sagot ko.
“Sige, uwi na po kami.” Tumango ako at naglakad pabalik.
Kailangan kong malaman ang totoo kaya mas binilisan ko ang paglalakad.
Nakarating ako at saktong hindi pa umuuwi si Sir Francisco, ang Admin. Maggagabi na kaya maya-maya lang ay uuwi na rin siya. Kumatok ako at binuksan ang pinto.
“Early evening, Sir,” bungad ko habang pumipirma si Sir ng mga papel sa ibabaw ng kanyang table.
“Vice, come in.” Mabilis akong umupo sa upuan na nasa harapan niya.
“Sir, gusto ko lang po magtanong tungkol kay Uno at sa dalawang estudyante na binugbog niya?” Huminto siya sa pagpirma at tumingin sa ‘kin.
“Yes, dumating dito kanina si Ma’am Castro kasama ang dalawang estudyante na namamaga ang mukha, itinuturo nila si Uno na gumawa nito. Pinatawag ko agad si Uno para tanungin kung totoo pero sinasabi niya na umawat lang siya sa dalawa pagkatapos ay sumigaw na ang mga ito para humingi ng tulong,” paliwanag ni Sir. “Sino‘ng maniniwala sa sinabi niya?”
Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ito.
“What’s your concern about that, Reina?” tanong niya.
Maybe, set up nga ang naganap. Nakita ko ang pangyayari kanina kaya dapat na may gawin ako.
Pero, paano na si Harry? Bahala na.
“Tungkol po sa pambubugbog ni Uno.” Huminga ako ng malalim bago ituloy ang pagsasalita.
“Ang totoo, nakita ko po ang nangyari.”
Ayoko kay Uno, pero kailangan kong gawin ang sa tingin ko ay tama.