Eurie’s Pov:
“Nand’yan na siya, quiet!” narinig kong bulong ng isa sa mga katrabaho ko nang bigla akong pumasok sa locker room. Agad silang nagtikom ng kanilang mga bibig ngunit nang nasa labas pa lamang ako ay naririnig ko na na tila may pinagtatawanan sila. Alam ko naman, ako ang kanilang pinag-uusapan kaya tulad ng dati, huminga na lamang ako ng malalim at hindi sila pinansin.
Binuksan ko ang locker at bigla na lamang… sh*t! Bumuhos ang malamig na tubig sa aking uluhan mula sa styro cup na tila sadyang inilagay doon sa itaas. Dinig na dinig ko ang mga pigil na tawa nila Ella habang nagmi-make up na animo’y walang alam sa mga nangyari.
Mga bwisit.
Sa labis na pagkairita ay ipinikit ko na lamang ang aking mga mata at mariing kinagat ang pang-ibaba kong labi. Simula malaman nilang under probationary ako para maging regular employee nitong bar ay palagi na silang gumagawa ng paraan para bwisitin ako. Nais nilang sagarin ang pasensya ko upang hindi ako maging regular dito. Bakit ba may mga ganiyang tao? Ayaw na ayaw nilang malamangan ng iba! Ikayayaman ba nila ang pambubwisit sa akin? Mga hinayupak talaga!
Tumayo si Ella at humarap sa akin na may malapad na pagngisi sa kaniyang mukha. “Uy, Eurie, nand’yan ka na pala? Hindi ka namin napansin!”
Nilingon niya sila Maybel at Loisa, at nagtawanan na naman sila. Vocational course lang ang natapos ko pero hindi ako tanga! Alam kong sila ang may gawa no’n pero… hindi ako gagawa ng ikasisira ng pangalan ko! Kailangan ko ito! Kailangan kong ma-regular sa trabahong ito para masiguro ang kinabukasan ni Kyrie!
“Okay lang, hindi naman kasi ako papansin,” sarkastiko kong tugon na unti-unting nagpawala ng pagngisi ni Ella.
“Ah, talaga ba? Kaya pala limang buwan ka pa lang dito ay ginagawa ka ng regular!? Anong ginawa mo kay sir Jude? Inakit mo siya ano?” pambibintang niya sa akin.
“Magmumog ka nga ng zonrox, baka sakaling luminis ‘yang tabas ng pananalita mo!” suhestyon ko sa kaniya na ikinalaki ng kanyang mga mata. “Maayos lang akong magtrabaho kaya gano’n—”
“So, sinasabi mong hindi kami maayos magtrabaho!? GANO’N BA!? MAYABANG KA!” aniya at tinangka akong sampalin. Mabilis ko naman siyang napigilan; nahawakan ko ang kamay niya kasabay ng pagtitig ko sa kaniya ng matalim.
“Huwag mo akong subukan, Ella! Sa oras na mawalan ako ng pasensya sa inyo, sisiguraduhin kong hindi kayo matutuwa sa gagawin ko!” pagbabanta ko at patapon kong binitiwan ang kaniyang kamay.
Napatitig lang sila sa akin na para bang hindi sila makapaniwalang magagawa ko iyon. Ilang beses na akong nagtitimpi sa kanila, hindi ko lang alam hanggang kailan ko pa mapipigilan pa ang sarili ko. Inirapan ko sila saka ako tumalikod at lumabas ng locker room. Bumaba lamang talaga ang papel ko para ma-regular, hinding-hindi na ako magdadalawang isip na patulan sila! Mahalaga sa akin na ma-regular; malaking tulong ito sa amin ni Kyrie dahil kait paano ay masisiguro kong may pangtustos ako sa pangangailangan niya.
Tinignan ko ang suot kong relo at nakita kong maaga pa ako ng limang minuto. Alas-onse ng gabi ang pasok ko dito sa bar at bukas na ng alas-otso ng umaga ang labas ko. Bente-quatro oras kasi ang bar na ito; sa umaga ito ay isang restaurant, at tuwing gabi naman… ay isang bahay-aliwan. Wala namang mga naghuhubad sa bar na ‘to pero, bilang pang-akit sa mga customer ay may mga babae kaming pinopronta sa kanila; ‘yon ay sila Ella. Ako ay waitress lamang dito ngunit iniisip nilang isa din akong bayarang babae dahil nga sa bar daw ako nagtatrabaho. Nagkikibit-balikat na lamang ako sa tuwing maririnig ko ang mga panghuhusga ng mga tao; nakakapagod na din kasi talagang magpaliwanag ng paulit-ulit tapos hindi ka naman paniniwalaan.
“Hi, Eurie!” ngiting bati sa akin ni Sander, ang isa sa mga bartender dito sa bar. “Mukhang pagod ka na ah? Madami ka bang ginawa sa coffee shop?”
Nilingon ko siya at nginitian din. Mabait si Sander at may angking kagwapuhan pero… mas gwapo pa rin ‘yong lalaki do’n sa school ni Kyrie. G-grabe talaga ang lalaking ‘yon! Ang kaniyang mga mata, ang kaniyang ilong, ang hugis ng kaniyang mukha, ang kaniyang pangangatawan at pagkilos, parang napakaperpekto! Sino kaya siya? Mukha siyang artista o kaya naman ay modelo! At nang mapatingin siya sa akin, ‘yong t***k ng puso ko— sh*t! B-bakit ko ba iniisip ‘yon!? Uhmp!
“Eurie? Okay ka lang?” tanong ni Sander at dinampian ang aking noo ng kaniyang palad. “Wala ka namang lagnat, pero bakit parang namumula ka?”
“H-Ha? A-Ano, wala! Sa blush-on lang siguro!” pagkukunwari ko at kinuskos ko ang aking pisngi gamit ang aking palad na animo’y binubura ito.
Kinuha ko ang apron at isinuot ito. Hindi ko na dapat isipin pa ang lalaking ‘yon. Tiyak namang… hindi na muling magkukrus ang aming mga landas; hindi ko na siya muling makikita pa.
“Naka-drugs ka ba? Hindi ka naman nagmi-make-up! Sira!” sabi niya at aminado akong totoo naman iyon. “Sandali, may gusto ka ba sa akin?”
Natatawa siya ng itanong niya iyon kaya alam kong nagbibiro lang siya, pero hindi ko pa rin naiwasang mag-react. “A-Ano? Ikaw ata ang adik eh!? Wala no!”
“Aray naman! Napakaderekta ng sagot! Gano’n ba ako kapangit sa paningin mo?” aniya na akala mo ay nasaktan siya sa sinabi ko. Baliw talaga!
“Tumigil ka nga, Sander! Marinig tayo ng mga babae mo, naku!” ani ko at ngumiti.
“Mga babae? Baliw!” iiling-iling niyang sabi at natatawa na lang ako. Halos gabi-gabi kasi ay may nagpapa-cute na mga babae sa kaniya pero, ewan ko ba dito, parang wala namang pinapatos.
“Bakit? Ano ba dapat? Mga lalaki?” biro ko. “Bakla ka ba?”
Muli niya akong tinignan at ang makapal niyang mga kilay ay halos magdikit sa iritasyon, “Bakla? Tanga! Anakan kita d’yan eh— Aray!!!”
Bigla ko naman siyang nahampas sa braso, “Gago! T-Tumigil ka nga!”
Napahimas siya sa kaniyang braso habang nakangirit. Malamang ay napalakas nga ata ang hampas ko. Baliw kasi, pero alam ko namang biro lang ‘yon, n-nagulat lang talaga ako.
“HOY! TAMA NA NGA ‘YANG HARUTAN NIYO,” biglang sulpot ni Ella. “Heto ang order ng customer ko, table 6! Bilisan niyo! Hmp!”
Ipinagpag niya pa ang nakakulot niyang blonde na buhok at inirapan ako bago siya tuluyang tumalikod at umalis. Nagkatinginan pa kami ni Sander at pareho na lamang napatikom ng aming mga bibig para pigilan ang pagtawa. Kinuha ni Sander ang maliit na papel na inilapag ni Ella sa counter table at agad na nagtimpla ng mga alak.
“Eurie, heto ang order ng senyorita,” sabi ni Sander matapos ihanda ang mga inumin niyang itinimpla.
“Sige, ako na ang bahala,” ngiti ko at hinawakan ang magkabilang gilid ng tray para dalhin na sana ngunit, bigla namang hinawakan ni Sander ang kamay ko. “B-Bakit?”
“A-Ahmn, kasi… a-ano, alam kong pagod ka na dahil galing ka pa sa isa mong trabaho. K-Kung kailangan mo ng tulong ko, magsabi ka lang ha?” sabi niya.
Medyo napahinto ako sa sinabi niya. Maloko si Sander at palabiro, pero maalalahanin siyang tao. Palagi niyang pinapaalala na magpahinga ako o kaya naman ay huwag kong pwersahin ang sarili ko sa trabaho, pero kahit gano’n, alam kong ang trabaho ay trabaho! Hindi ako pwedeng magpatamad-tamad kung gusto kong magtagal dito. Para kay Kyrie, hindi ako pwedeng mapagod!
Nginitian ko muli si Sander at saka binuhat ang tray, “Pag mukha kang pera, balewala ang pagod, ang mahalaga ay ang sahod!”