Eurie’s Pov:
Tapos na ang duty ko. Naka-ilang hikab na ba ako? Uhmmnn!!! Grabe! Gusto ko ng humiga at matulog pero kailangan ko pang sunduin si Kyrie sa kaniyang paaralan. Dahil Grade 1 pa lang si Kyrie, apat na oras lang ang pasok niya. Sakto lang naman ang labas ko na eight-thirty ng umaga dahil nakakarating ako doon ng quarter to ten. Six-thirthy hanggang ten-thirty ang pasok ni Kyrie at ilang minuto na lang ang hinihintay ko hanggang sila ay mag-uwian.
Nang makarating ako sa paaralan ni Kyrie, naupo ako sa palagi kong inuupuan doon malapit sa may pwesto ng guard. Ayaw kong doon maghintay sa waiting area dahil puro magulang lang naman ang nandoon na walang ginawa kung hindi ang ipagyabang at i-exaggerate ang mga achievements ng mga anak nila. Kung minsan naman ay kung sinu-sino ang pinagchi-chismisan at kung anu-ano pang mga paninira ang sinasabi; parang sa lahat ng bagay pinamumukha nilang sila ang mas higit na magaling. Huh! Mga tao nga naman.
“Mukhang hapung-hapo ka na naman ah?” sabi ni Mang Elmer nang makita niya akong napasandal ang noo sa poste na nasa aking tabi.
Si Mang Elmer ay ang gwardiya dito sa paaralan. Sa tingin ko ay nasa sisenta anyos na siya ngunit malakas pa ang pangangatawan niya. Mabait din si Mang Elmer at mas gusto ko siyang kakwentuhan kaysa sa mga ibang magulang na nasa loob. Mas may kabuluhan kasi ang mga sinasabi niya.
“Mang Elmer,” ngiti ko ng makita ko siya.
Ngumiti din siya sa akin, “Kumain ka na ba?”
“H-Hindi pa po,” ngiti ko din sa kaniya at natawa siya ng mahina.
“Aba’y mabuti at may karamay ako,” biro nya at natawa din ako.
“Mang Elmer talaga oh,” napapailing na lang ako sa kaniya habang tumatawa.
“Ay, wala pa ang apo ko eh. Sabagay ay maaga pa, baka mamaya pa niya ako hahatidan ng pagkain,” ika ni Mang Elmer.
Nangunot naman ang noo ko. Naisip ko lang na sa edad niya ay dapat nagpapahinga na siya ngunit ang sabi niya kasi sa akin noon mas nakakapanghina daw pag hindi nagtatrabaho. Mas magkakasakit daw siya pag hindi siya kikilos at isa pa ay ayaw niyang iniaasa ang lahat sa mga anak niya, lalo na’t may sarili na ring pamilya ang mga ito. Mabuti pa si Mang Elmer, napakaresponsable.
Nakarinig kami ng busina ng sasakyan mula sa labas ng gate. Binuksan niya ang gate at nakita kong umaliwalas ang mukha niya. Nakatitig lamang ako kay Mang Elmer na nasa may bintana ng sasakyang na huminto sandali para kausapin siya. Umaliwalas ang mukha ni Mang Elmer na para bang napakasaya niya, maya-maya ay isang paperbag ang iniabot sa kaniya ng driver ng sasakyan at matamis ang ngiti ni Mang Elmer na tinanggap ito. Kumunot ang noo ko, parang may kung ano sa aking puso na nagnanais na makita ang mukha ng taong kausap ni Mang Elmer ngunit dahil tinted ang sasakyan ay hindi ko ito maulinagan.
Tuluyang umalis ang sasakyan at pumasok na sa loob ng paaralan. Isinara ni Mang Elmer ang gate at saka lumapit sa akin na may malapad na ngiti.
“May pagkain na tayo!” aniya at dinukot ang loob ng supot. Nanlaki ang mga mata ko ng makita ang mga tinapay n amula sa isang sikat na bakery at iniabot sa akin ni Mang Elmer ang isa. “Oh, s aiyo na rin itong soft drink. Medyo tumas ang sugar ko nitong nakaraang araw kaya bawal ako niyan.”
“Po? N-Naku, salamat po!” nahihiya kong sabi ngunit kinuha ko na rin ito. Naupo si Mang Elmer sa kaniyang pwesto na malapit sa kinauupuan ko. Nilingon ko naman ang direksyon ng sasakyan na duamting kanina at saka ko muling binalingan ng tingin si Mang Elmer. “Sino po iyon? May ari nitong paaralan?”
“Ay, naku hindi iha! Ang binatilyong ‘yon ay isa sa mga business partner ng may-ari nitong kumpanya. Ilang beses na siyang nagpupunta dito at sa tuwing darating siya ay hindi niya talaga nakakalimutang magdala ng pagkain para sa akin.”
Napatangu-tango ako sa pagkabilib sa iwinika ni Mang Elmer. Nakakabilib ang mga ganoong tao na kahit mayaman na sila, hindi sila nangmamata ng mga hindi nakakaangat sa buhay.
“Mang Elmer!!! Mang Elmer!!!” humihiyaw na sabi ng isa sa mga magulang na patakbo palapit sa amin.
Napatayo ako bigla dahil tarantang-taranta siya.
“Bakit? Bakit? Ano ‘yon?” tanong ni Mang Elmer.
“Tulong po! Ang mga bata! Nag-aaway!!!” ani ng ale at napatakbo na sila pabalik doon sa gulong sinasabi niya.
Kinabahan ako agad at sumunod na rin ako sa kanila. Habang tumatakbo ay paulit-ulit kong pinapanalangin na sana… sana ay hindi si Kyrie iyon! Sana ay walang kinalaman ang baby ko sa gulong tinutukoy niya ngunit… pagpunta ko doon… para akong binuhusan ng malamig na tubig at napahinto ako.
“IKAW BALIW KA!!!” hiyaw ng isa sa mga magulang at itinulak ang aking anak.
“Ginang—” natigilan si Lyca na guro nila Kyrie nang itulak nito ang bata at napahandusay sa sahig. Mabilis na niyakap ni Lyca si Kyrie at nilingon ang may edad na babaeng tatlong beses ang laki kaysa sa akin. “Ginang! Hindi naman po tama ang giaawa niyo! Bata po ito! Hindi niya iyon sinasadya! Hindi niya iyon alam!!!”
“Bakit pa kasi nag-aral ang sintu-sintong ‘yan dito!? Hindi naman ito mental! Paaralan ito ng mga matitinong bata! Paanong nakapasok ang baliw na ‘yan dito!?” hiyaw ng babae.
Napapalibutan sila ng ibang magulang at pati na rin ng iba pang estudyante. Alam kong hindi nila ako nakikita dahil nasa may bintana pa lamang ako. Hindi ko alam kung ano ang nangyari ngunit hindi ako papayag na maliitin nila ng sobra ang anak ko!
Mabibigat ang mga paa kong humakbang at binuksan ko ang pinto ng malakas. Agad silang napalingon sa akin at nagsilakihan ang kanilang mga mata.
“Kung may baliw dito, IKAW ‘YON AT HINDI ANG ANAK KO!”