LORABEL
Nakahinga ako ng maluwag matapos maputol ang tawag ko kay Uncle Zarex. Hawak ko pa rin ng mahigpit ang aking cellphone sa aking kamay habang nakapikit at nakasandal sa matigas na pader dito sa guard house.
“Ma'am, baka gusto mong magbihis, may toilet po sa kabila,” narinig kong sabi ng kasama kong guwardiya.
Oo nga pala, basang-basa ako at susunduin ako ni Uncle Zarex, kaya kailangan kong magbihis dahil nakakahiya kung mababasa ang kaniyang kotse.
“Salamat po, Kuya,” nahihiyang sabi ko sa guwardiya.
Yumuko ako at binuksan ko ang dala kong maleta para kumuha ng damit. Laking pasasalamat ko na maganda ang kalidad ng traveling bag na binili ni Mama dahil kahit malakas ang ulan, ay hindi nabasa ang mga laman nito sa loob dahil plastic ang materyal na ginamit dito.
Kumuha ako ng t-shirt at maong na pantalon, pati na rin ang isang pares ng underwear, at agad pumasok sa loob ng comfort room para magbihis.
Kahit hindi maganda ang amoy sa loob ng toilet, tiniis ko. Nagmadali akong nagbihis at nang matapos ay lumabas agad ako dahil pakiramdam ko'y hindi ako makahinga sa loob.
“Kuya, may extra plastic bag po ba kayo na puwede kong paglagyan ng basang damit?” agad kong tanong sa mga guwardiya nang lumabas ako mula sa banyo.
“Meron po, Ma'am,” nakangiting sagot ng isa sa kanila at pagkatapos, inabot sa akin ang isang plastic mula sa isang grocery store.
Mabilis ko itong inabot at inilagay ang damit na hinubad ko. Malakas pa rin ang buhos ng ulan, kaya minabuti kong umupo sa sulok ng guard house. Inalok naman ako ng kape ng mga guwardiya, pero tinanggihan ko dahil nahihiya ako sa kanila.
Mabagal na lumipas ang bawat minuto. Bumalik rin dito sa guard house si Mang Domeng at tinanong ako kung may darating na susundo sa akin, kaya sinabi ko na susunduin ako ng uncle ko.
Lagpas kalahating oras na, pero hanggang ngayon ay hindi pa nakararating si Uncle Zarex. Nahihiya naman akong tumawag ulit sa kaniya, kaya minabuti kong maghintay na lamang dahil wala akong lakas ng loob para tawagan siya at tanungin kung nasaan na siya at kung darating pa ba siya.
“Ma'am, may tawag po kayo,” narinig kong sabi ng guwardiya sa akin.
Agad kong inalis sa charger ang cellphone ko at sinagot ang tawag ni Uncle Zarex.
“On the way na ako, babe, naipit lang ako sa traffic dahil malakas ang ulan,” paliwanag agad niya mula sa kabilang linya.
“Okay lang, hintayin na lang kita dito,” napalunok kong sagot dahil napakabilis ng pintig ng aking puso.
“Alright, see you later, babe.”
Napalunok ako dahil kakaiba ang epekto sa akin kapag naririnig kong tinatawag akong ‘babe’ ni Uncle Zarex.
Baka normal lang sa kaniya ang gumamit ng ganoong endearment sa mga taong kinakausap niya, kaya hindi ko ito dapat bigyan ng pansin dahil wala namang dahilan para isipin ko ang tungkol dito.
Kanina pa ako naghihintay, pero wala pa rin si Uncle Zarex. Kung hindi siya tumawag sa akin kanina, siguradong nag-aalala na ako at kinakabahan ngayon dahil baka hindi siya dumating. Mabuti na lang at nakausap ko na siya, kaya panatag na ako at tahimik na naghintay na lamang sa kaniya dito sa guardhouse.
Limang minuto bago mag-isang oras akong naghihintay nang dumating ang isang itim na Audi Q7 at tumigil ito sa tapat ng guardhouse.
Tumunog rin ang cellphone ko at nakita ko sa screen ang numero ni Uncle Zarex, kaya mabilis ko itong sinagot.
“I'm here at the guardhouse now, babe,” sabi niya sa akin.
“Ah, sandali, nandito ako sa loob,” sagot ko.
Bahagya akong sumilip sa pintuan. Nakita kong pumarada ang sasakyang dumating sa gilid ng kalsada at bumukas ang pintuan ng kotse. Kahit umuulan, bumaba si Uncle Zarex at patakbong lumapit dito sa guardhouse.
“Good evening, Sir,” magalang na bati ng mga guwardiyang kasama ko kay Uncle Zarex.
Tinanguan lang sila ng lalaking kaharap ko at ngayon ay seryosong nakatingin sa akin na para bang pinag-aaralan ang aking kabuuan, kaya napalunok ako.
“U-uncle, I'm sorry kung tinawagan kita ng ganitong oras,” nahihiya at nautal na hingi ko ng paumanhin.
“It's okay, it's good that you called me, at hindi Ang kung sino-sino lang,” pormal ang ekspresyon na sagot niya.
Napakurap tuloy ako at napabuntonghininga na lamang. Ayaw ko sana siyang tawagan dahil minsan ko lang siyang nakita at nakausap sa campus nang napaaway kami nina Brando at Faye, at siya ang pinapunta ng asawa ng kaibigan ko para magpanggap na uncle ko, kaya nakilala ko siya.
Estranghero pa rin kami sa isa't isa, pero dahil wala akong ibang malapitan, lakas-loob ko siyang tinawagan.
“Thank you for taking care of her here,” narinig kong sabi ni Uncle Zarex.
Nakita kong dinukot niya ang wallet sa bulsa ng pantalon na suot at naglabas ng tatlong libo at inabot kina Mang Domeng.
“Salamat, Sir,” natutuwang sabi ng mga guwardiya.
Tinanguan lang sila ni Uncle Zarex at muling bumaling sa akin.
“Let's go.”
“Sige,” sagot ko.
Kinuha ko ang aking bag, pati na rin ang plastic na pinaglagyan ko ng basang damit na hinubad ko. Lumapit naman sa amin ang isa sa mga guwardiya at sinabing tutulungan niya kami sa dala kong maleta.
“Alright, sa likuran mo ng kotse ilagay,” utos niya sa guwardiya.
Inilabas ni Uncle Zarex ang remote ng kaniyang kotse at narinig kong in-unlock niya ang pintuan.
Nahihiya akong ngumiti sa kaniya nang makita kong nakatingin siya sa akin dahil ang awkward sa pakiramdam kung paano niya ako tingnan.
“Salamat po sa pagpatuloy sa akin dito, Mang Domeng,” sabi ko sa guwardiyang tumulong sa akin.
“Naku, wala iyon, Miss Lorabel,” nakangiting sagot ni Mang Domeng.
Matapos magpaalam sa kaniya, patakbo kaming umaalis sa guardhouse ni Uncle Zarex at mabilis na lumapit sa kaniyang sasakyan.
Pinagbuksan pa niya ako ng pintuan, kaya mabilis akong sumakay sa passenger seat dahil malakas pa rin ang buhos ng ulan at nabasa na siya.
“Are you okay, babe?” tanong ni Uncle Zarex sa akin nang makaupo na siya sa tapat ng driver seat.
“Ah, o-opo,” nauutal kong sagot at sinundan ito ng mabilis na paglunok dahil nakita kong nakatingin na naman sa mukha ko ang mga mata ni Uncle Zarex.
Bigla akong kumuha ng tissue na nakapatong sa dashboard ng kaniyang kotse at inabot ko kay Uncle Zarex dahil nakita kong nabasa siya ng ulan at tumutulo ang tubig mula sa kaniyang buhok pababa sa kaniyang mukha.
Tiningnan lang niya ang tissue na hawak ko at pagkatapos, muli siyang nag-angat ng mukha at tiningnan ako ng diretso sa mga mata.
“Ah, pasensya ka na. Dahil sa akin, nabasa ka pa tuloy ng ulan,” nahihiya kong sabi sa lalaking kasama ko.
“I'm fine, babe,” sagot ni Uncle Zarex at pagkatapos ay ngumiti sa akin, kaya hindi ko namalayan na natulala pala ako.
Nagulat lang ako nang hawakan niya ako sa pulsuhan at bahagyang siyang yumuko palapit sa akin, kaya nanlaki ang mga mata ko at napaawang mga labi dahil hindi ko alam kung anong gagawin niya.
“Maybe, deserve ko naman na punasan mo ako kasi nabasa ako ng ulan dahil sa iyo,” nakangiting sabi ni Uncle Zarex.
“O-oo, sige po,” napalunok kong sagot.
Dinala niya ang kanang kamay ko sa tapat ng kaniyang mukha, at pagkatapos ay binitiwan niya ang aking pulsuhan.
“Ituloy mo na, babe,” sabi niya sa akin.
Kahit nanginginig ang kamay ko, ay dumampi sa noo niya ang hawak kong tissue at dahan-dahang tinuyo ang kaniyang balat pababa sa pisngi, ilong, at gilid ng mga labi.
Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Napakabilis ng pintig ng aking puso, para bang sasabog ang ribcage ko, at bumibilis rin ang aking paghinga ngayong kasama ko si Uncle Zarex.
Seryoso rin ang kaniyang mga mata habang nakatitig sa akin, kaya kinakabahan ako habang dahan-dahan kong pinupunasan ang kaniyang mukha gamit ang tisyu na hawak ko.
Siguro ay dahil estranghero kami sa isa't isa, kaya kinakabahan ako ngayon, lalo na't lalaki siya. Tapos, sasama pa ako sa kaniya at makikitira sa bahay niya ngayong gabi.
Tama, ganoon ang ibig sabihin ng nararamdaman ko, kaya hindi na ako dapat mag-isip ng kung ano-ano.