LORABEL
Hindi ko alam kung gaano katagal na akong nakatayo at nakasiksik sa ilalim ng punong sinisilungan ko. Basang-basa na rin ako at nanginginig ang aking buong katawan dahil bukod sa malakas na ulan, ay napakalakas rin ng ihip ng hangin.
Para bang nagluluksa rin ang langit sa sinapit ko, kaya nagbuhos siya ng malakas na ulan para hindi makita ng mundo kung gaano karami ang luhang umagos sa aking magkabilang pisngi.
Kanina pa ako umiiyak. Masakit na ang aking lalamunan at mahapdi na rin ang aking mga mata, pero hanggang ngayon, hindi maawat ang mga luhang nag-uunahan pumatak sa aking basang mga pisngi.
Ilang sasakyan na ang nakita kong dumaan sa harap ko, pero walang kahit isa sa kanila ang tumigil para kumustahin ako.
Dumaan rin ang kotseng pag-aari ng kapitbahay namin, pero wala akong lakas ng loob na humarang sa daan para humingi ng tulong sa kanila.
Hindi ko alam kung saan ako pupunta ngayon. Unti-unti nang dumidilim ang paligid, pero para akong tuod na nakatayo dito sa ilalim ng malaking puno.
Sa gitna ng malakas na ulan, tumigil ang isang motorsiklo. Nakilala ko agad ang sakay nito kahit may kadiliman na at tanging ang malamlam na liwanag mula sa poste sa dulo ang tanglaw dito sa kalyeng kinaroroonan ko.
“Bakit nariyan ka, Miss Lorabel?” tanong sa akin ni Mang Domeng. “Ano'ng nangyari sa iyo?”
Isa siya sa mga security guard dito sa subdibisyon. Kilala niya ako dahil maraming pagkakataon na nagkakausap kami kapag rumoronda siya dito sa kalyeng kinatitirikan ng bahay na dati ay pag-aari ng mga nakilala kong mga magulang.
“Bakit may dala kang maleta? Naglayas ka ba?”
Bakas ang pag-aalala sa tinig ni Mang Domeng nang bumaba siya sa motorsiklo, at kahit malakas ang ulan, ay lumapit sa akin.
Hindi ko nagawang sumagot dahil napahagulhol na lamang ako. Awang-awa kasi ako sa aking sarili at nahihiya ako na nakita akong ganito ni Mang Domeng.
“May problema ka ba, Miss Lorabel?” tanong ni Mang Domeng sa akin.
“Nailit na po ng bangko ang bahay namin, Mang Domeng,” humihikbi kong sagot. “Wala na po akong matitirhan dahil pinaalis na nila ako kanina.”
“Naku, baka kung mapaano ka dito,” sabi ni Mang Domeng. “Gabi na at malakas ang ulan. Mukhang may bagyo rin, kaya hindi ka puwedeng manatili dito magdamag at baka tamaan ka ng kidlat.”
Muling bumagsak ang mga luha sa aking pisngi dahil hindi ko alam kung saan ako pupunta. Gulong-gulo ang isipan ko dahil wala akong alam na puwede kong puntahan.
“Mang Domeng, puwede po ba akong makituloy sa inyo kahit ngayong gabi lang po?” lakas-loob kong tanong sa security guard na kausap ko.
“Ayos lang ba sa iyo kung dadalhin kita sa barracks namin? Puro lalaki kami doon. Nakakahiya sa iyo dahil maliit lang iyon, pero kung papayag ka, puwede kang manatili pansamantala doon,” sagot ni Mang Domeng.
Wala akong ibang pagpipilian, kaya tumango agad ako bilang pagsang-ayon.
“Kailangan ko lang po i-charge ang cellphone ko para matawagan ko ang mga kaibigan ko. Promise po, hindi po ako magtatagal.”
Hindi naman nagdalawang-isip si Mang Domeng. Pumayag siya sa pakiusap ko at sinabing sumakay ako sa motorsiklo at ihahatid niya ako sa guard house.
Isinantabi ko ang nararamdaman kong hiya. Umangkas ako sa motorsiklo ni Mang Domeng habang hatak ng isang kamay ko ang maleta ko dahil hindi ito kasya kung isasakay namin.
Mabuti na lamang at mabagal ang takbo ng motorsiklo ni Mang Domeng hanggang nakarating kami sa guardhouse. Agad niya akong pinapasok kahit tumutulo ako at basang-basa ang damit na suot ko.
“Puwede po ba akong manghiram ng charger sa inyo?” lakas-loob kong tanong sa dalawa pang security guard na kasama ni Mang Domeng.
“Sige po, Ma'am.”
Inabot ko sa kanila ang aking cellphone mula sa loob ng bag ko. Mabuti na lamang at may universal charger sila dito sa guardhouse, kaya may nagamit ako.
“Ma'am, nag-charge na po ang cellphone mo,” magalang na sabi sa akin ng isa sa mga security guard.
“Salamat po, Kuya.”
Nakahinga ako ng maluwag dahil nabuksan ko ang aking cellphone. Natatakot kasi ako na baka hindi ko na ito magamit dahil kanina pa ito nabasa ng ulan, pero laking pasasalamat ko dahil hindi ako nito sinukuan ngayong kailangan ko ito.
“Maiwan muna kita dito, Miss Lorabel, at magroronda pa ako,” paalam ni Mang Domeng sa akin.
“Sige po. Maraming salamat po ulit, Mang Domeng.”
Ngumiti siya sa akin at tinanguan ako. Suot na ulit niya ang kapote para hindi siya mabasa ng ulan, at pagkatapos, muling sumakay sa kaniyang motorsiklo at naiwan ako dito sa guardhouse kasama ang ilang guwardiya.
Nang makita kong puwede ko nang magamit ang aking cellphone, sinubukan kong tawagan si Faye, pero hindi ko siya makontak ngayon.
Mukhang nakasarado ang kaniyang cellphone o baka walang signal, kaya out of coverage ang kaniyang numero.
Tatawagan ko sana si Brando, pero naalala ko na sa isang bedspace lang pala siya umuupa at puro lalaki ang mga kasama niya sa boarding house.
Nag-scroll ako sa ilang contact number na nasa phone book ko, pero wala akong nakitang puwedeng tawagan maliban kay Papa.
Lakas-loob akong nag-dial ng numero niya, pero mukhang naka-block na ako sa kaniya o baka nagpalit na siya ng numero kaya hindi ko na siya matawagan.
Nanlulumo akong napasandal sa dingding. Lumalalim na ang gabi, madilim na sa labas, at napakalakas ng ulan, kaya hindi ko alam kung sino ang puwede kong tawagan para makituloy muna.
Sa pagpikit ng aking mga mata, naalala ko ang lalaking nagbigay sa akin ng calling card. Ang sabi niya sa akin, tawagan ko siya kapag kailangan ko ng tulong, kaya mabilis kong binuksan ang dala kong maleta at hinanap ang aking wallet kung saan ko siniksik noon ang calling card na binigay sa akin ni Uncle Zarex.
Nakahinga ako ng maluwag nang makita ko ito. Pakiramdam ko'y bigla akong nagkaroon ng pag-asa dahil natatandaan ko pa ang sinabi niya sa akin.
Kahit nanginginig ang aking mga kamay, mabilis akong nag-dial ng numerong nakalagay sa calling card ni Uncle Zarex. Hindi naman nagtagal, matapos ang dalawang ring, narinig kong sinagot niya ang tawag ko.
“Who's calling?” narinig kong baritono at matigas ang tinig na tanong ng lalaking tinawagan ko, kaya napalunok ako.
“Who are you? If you don't know how to talk, don't call–”
“Si Lorabel po ito, Uncle,” kinakabahan at nanginginig ang tinig na sagot ko.
“Who?” muling tanong ni Uncle Zarex sa akin mula sa kabilang linya.
“Si Lorabel po, kaibigan ni Faye,” lakas-loob kong sagot kahit kinakabahan ako at halos sumabog ang aking dibdib dahil napakabilis ng pintig ng aking puso.
“Lorabel?”
Tila naniniguro pa si Uncle Zarex, kaya sumagot agad ako.
“Opo, ako nga ito.”
“Oh, yeah, how are you?” tanong niya sa akin.
Muling pumatak ang luha sa aking pisngi, pero mabilis ko itong pinahid. Nilakasan ko ang aking loob dahil pakiramdam ko'y siya lamang ang makakatulong sa akin ngayon.
“Puwede mo ba akong tulungan ngayon, Uncle Zarex?”
“Of course!” mabilis na sagot ni Uncle Zarex. “Just say it, babe.”
Napalunok ako. Hindi ko alam kung bakit biglang nagwala ang aking puso matapos marinig ang naging sagot ni Uncle Zarex.
“Puwede ba akong makituloy sa bahay mo kahit ngayong gabi lang po?” muli kong tanong.
“Sigurado ka ba?” tanong ni Uncle Zarex sa akin.
“Opo,” mabilis kong sagot.
“Alright, I'll pick you up, babe,” narinig kong sabi ng lalaking kausap ko. “Where are you right now?”
Napapikit ako at napakagat sa ibabang labi ko dahil muntik nang kumawala ang malakas na singhap mula sa lalamunan ko kung hindi ko ito napigilan.
“Salamat,” nakapikit kong sabi kay Uncle Zarex.
“It's nothing.”
Muling tinanong ni Uncle Zarex kung nasaan ako, kaya sinabi ko sa kaniya ang address dito sa subdibisyon.
“Okay, give me half an hour; I'll pick you up, babe.”