Chapter Two

1013 Words
Nagbuga siya ng malalim na hangin at naglakad patungo sa harap nito. Mariin niyang tinitigan ang babae na ngayon ay nakatuon na ang tingin sa kaniya. "Sabihin mo, ano'ng nagawa ko sa iyo para gaguhin mo ako?" puno ng hinanakit niyang tanong. Bakas na bakas ang pinaghalong galit at pait sa kaniyang tinig. Sa halip na sumagot ay nanatiling tahimik si Cielo. Blanko ang mukha nitong nakatitig pa rin sa kaniya. "Magsalita ka! Ipaintindi mo sa akin kung bakit mo ito nagawa!" Hindi niya napigilan ang sarili na magtaas ng boses. Nag-iwas ng tingin ang babae. Ibinaling nito sa ibang direksiyon ang mukha at napapalunok na ipinagsalikop ang mga braso sa tapat ng dibdib. Dahil sa inakto ng asawa ay mabilis na napuno ng galit ang dibdib niya. Umakyat ang dugo sa kaniyang ulo at agad na nilapitan ang asawa, at pagkatapos mahigpit itong hinawakan sa magkabilang braso. "Cielo, ano ba! Mananahimik ka na lang ba!" Dahil sa ginawa niya, muli niyang nakuha ang atensiyon ng babas. Binalingan siya nito ng tingin at bumungad sa kaniya ang naluluhang mga mata nito. Nakaramdam siya ng matinding kirot sa puso nang makita ang pag-agos ng luha sa pisngi ng babaeng pinakamamahal. Masakit man ang ginawa nito sa kaniya, doble ang sakit na naramdaman niya habang nakikita ito sa ganoong akto. Lumuhod siya sa harap nito at mataman itong tinitigan. "Honey, huwag mong gawin sa akin ito." Umiling siya ng ilang ulit habang unti-unting humihigpit ang pagkakahawak niya sa mga braso nito. Napangiwi naman si Cielo nang maramdaman ang kirot sa higpit ng pagkakahawak niya sa mga braso nito. "N-nasasaktan ako!" Pilit na kumakawala sa mga kamay niya ang babae. Tumalim ang tingin niya at umigting ang kaniyang panga. Mas lalong humigpit ang pagkuyom ng mga kamay niya. "Nagkulang ba ako? Sabihin mo kung saan ako nagkulang! Sabihin mo kung saan ako nagkamali!" Humugot siya ng malalim na hangin at marahas itong binitiwan bago tumayo. "Ginagawa ko ang lahat para sa iyo, Cielo! Pero nagawa mo pa rin itong gawin sa akin!" Lumapit siya sa pader at malakas itong pinagsusuntok. Nag-umpisa namang mangarag ang babae dahil sa nakikitang reaksiyon niya. "Gusto mo talagang malaman?" pabulong ngunit mariing tanong nito. Tumayo si Cielo at buong tapang siyang hinarap. Nilingon niya ang babae at nakitang malakas ang pagbuhos ng mga luha sa pisngi nito. Bakas ang pait sa mga mata habang nakatitig sa kaniya. "Pagod na ako! Pagod na pagod na akong maging mahirap!" Pilit pinatatag ng babae ang tinig pero hindi nito napigilan ang mangarag. Pinagmasdan niya itong lumuha habang nakasabunot ito sa sariling buhok na tila ba problemadong-problemado ito. Sa isang buong taong pagsasama nila bilang mag-asawa, ngayon lamang niya nakitang ganoon ang babae. "Ang mga magulang ko, namatay nang dilat ang mga mata! Dahil sa hirap ng buhay, hanggang sa huling hininga nila, naghihirap pa rin sila!" Mula sa sahig ay binalingan siya nito ng tingin. "Noong pinakasalan mo ako, nangako ka! Nangako kang iaahon mo ako sa kahirapan! Pero ano'ng nangyari? Kinailangan ko pa ring magbanat ng buto para masustentuhan ang pangangailangan natin dahil hindi sapat ang kinikita mo—" "Kaya mo pinatulan ang boss mo! Kaya ka naging kabit!" malakas niyang sumbat sa babae. "Oo!" tugon ni Cielo na ikinatigil niya. Masakit para sa kaniya ang marinig iyon sa mismong bibig ng kaniyang asawa. Ang malamang naging kabit ito ng ibang lalaki, parang dinudurog ang puso niya. Pakiramdam niya ay unti-unti siyang nawawala sa katinuan. "Ayaw ko na! Ayaw ko na sa buhay na ito, Atticus! Nakakapagod na! Pagod na pagod na ako!" Kinuha nito ang maliit na unan sa sofa at marahas iyong itinapon palayo. Mahigpit niyang hinila sa braso nito ang babae at niyakap nang mahigpit. Ang katotohanang iniputan siya nito sa ulo, masakit iyon para sa kaniya. Pero ang isiping nagawa nito iyon dahil sa pagkukulang niya, mas masakit ang bagay na iyon. Tila dinudurog ang puso niya sa bawat segundong nagdaraan. "Gagawin ko ang lahat, honey. Hihingi ako ng tulong sa tito ko. Kung kinakailangan kong magdoble-kayod ay gagawin ko, umalis ka lang sa trabaho mo." Kumalas siya sa pagkakayakap dito at mabilis na pinalis ang luhang naglandas sa kaniyang pisngi. Walang emosiyong nakatitig sa kaniya ang asawa niya. Tila ba lahat ng sinabi niya ay hindi nito binigyan ng pansin. Lumunok siya at kinuha ang mga kamay nito. Mapait siyang ngumiti nang muling tumitig sa mga mata ng babae. "Magbagong-buhay tayo, honey. Umalis tayo rito, p-pumunta tayo sa malayo—" "Hindi mo ba ako narinig?" putol nito sa sinasabi niya. Sinalubong nito ang kaniyang tingin at mataman siyang tinitigan. Pakiramdam niya ay may malaking kamay ang mahigpit na humawak sa puso niya ng mga oras na iyon. Nang makita ang unti-unting pag-iling ng babae at ang pagbawi nito sa sariling mga kamay, doon pa lang, alam na niyang nawala na ito sa kaniya. "Ang sabi ko, ayaw ko na, Atticus! Ayaw ko na... " Paulit-ulit itong umiling habang lumuluha. Tinalikuran siya nito at pumasok sa kanilang kuwarto. Pinagmasdan niya ang silid kung saan niya nakita ang hindi kaaya-ayang senaryo kanina. Naramdaman niya ang mainit na mga luhang naglandas mula sa mga mata niya. Nagbaba siya ng tingin at mariing pumikit. Hindi niya kayang mawala ang asawa niya. Hindi siya papayag na mapunta ito sa iba. Mabilis siyang sumunod sa loob ng silid ngunit agad ring natigilan nang makita kung gaano kagulo ang kama nilang mag-asawa. Maging hanggang sa mga oras na iyon ay tila ba naririnig pa rin niya ang mga halinghing at ungol ni Cielo kasama ng boss nito. Kumuyom ang mga kamao niya ngunit nang makita ang ginagawang pag-iimpake ng babae, mabilis na nanlambot ang kaniyang mga tuhod. Naghubad ito sa kaniyang harap at agad na isinuot ang isang puting blouse at denim shorts. Muli itong bumalik sa pag-iimpake na tila ba walang pakialam sa presensiya niya. Lumapit siya rito at sinubukang yakapin ito mula sa likod. Kung kinakailangang lunukin niya ang pride niya, nakahanda siyang gawin, huwag lamang itong umalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD