Hindi pumasok ang aming instructor sa last subject kaya maaga akong nakauwi sa aming boarding house. Pagkatapos kong magpalit ng damit, muli akong bumaba at nagtungo sa maliit na karinderya na pag-aari ni Dragon, ang aking landlady. Paksiw na isdang galunggong, pinakbet at kanin ang aking inorder para sa hapunan.
"Softdrink o tubig? Tinanong ako ni Ate Mai, ang kapatid ni Dragon.
"Tubig na lang ho," sagot ko. Umiinom din naman ako ng softdrinks pero kapag may okasyon lang kasi hindi maganda sa kalusugan ang mga ito.
"Napakakuripot mo talaga, Erin. Sige na nga, ililibre kita ng isa. Ano ba ang gusto mo?"
Masama sa kalusugan ang softdrinks pero kapag libre ay ibang usapan na po 'yon. "Hmmm, mountain dew na lang po."
"Sus, ikaw talaga!" Napangiti si Ate Mai nang ibinigay niya sa akin ang malamig na mountain dew.
"Dahil nilibre mo ako ng soft drink, sagot ko na din ang pang one week mo na supplements. Essentials or Proflavanol?"
"Sigurado ka ba diyan sa sinasabi mo? Hindi ka malulugi? Mabuti pa ay kumain ka muna habang pag-iisipan ko kung ano ang pipiliin."
"Sige po, Ate Mai."Malaki ang agwat ng aming edad ni Ate Mai pero magka-vibes po kaming dalawa. Young at heart pa rin kasi ito sa edad na trenta. NBSB din ang babae tulad ko, kaya inaasahan ko na susunod ito sa mga yapak ng nakakatandang kapatid na si Dragon.
Matapos kong ilapag sa mesa ang aking inorder na pagkain, kumuha ako ng siling labuyo at inilagay ko sa sabaw ng paksiw. Mahilig lang talaga ako sa maaanghang na pagkain dahil sa probinsya namin hindi maari na walang sili sa hapag lalo na kung may sabaw ang ulam.
Wala pang limang minuto ay tapos na akong kumain. "Magkano po lahat, Ate Mai?"
"Forty pesos lang Erin."
Dumukot ako ng singkwenta mula sa aking bulsa at ibinigay ko ito sa kanya. "Huwag nyo na lang pong suklian kasi makigamit ako sa landline." Limang peso kada tatlong minuto ang bayad sa kanilang telepono.
"O sige, sino ba ang tatawagan mo? May nobyo ka na ba, Erin?"
"Naku, wala pa ho! Si Helena lang ang tatawagan ko, ang advance mo namang mag-isip Ate Mai." Nagsimula na akong idayal ang telephone number nina Ellie nang makalimutan ko ang last two numbers. Naiwan ko pa naman ang aking cellphone sa itaas.
Ang ginawa ko ay muli kong dinayal ang kanilang telephone number, anyway kung wrong number ay pwede ko namang ibaba at subukan ang isa pang combination. Last two numbers lang naman ang hindi sigurado, eh. Nang mag-ring ang kabilang linya, matiyaga akong naghintay na may sasagot sa tawag ko.
"Yes?"
Hindi ko kilala ang boses ng sumagot. Siguro ay pinsan ito ni Helena o di kaya ay tiyuhin. "Magandang gabi ho, pwede ko bang makausap si Helena?"
"Sino po sila?"
Masarap pakinggan ang boses ng nakasagot sa telepono, parang isang DJ sa radyo. "Si Erin po ito, kaklase niya sa UV."
"Saglit lang po at tatawagin ko," sabi nito at narinig kong tinawag ng lalaki ang pangalan ng aking kaibigan. "Pwede ba tayong maging magkaibigan din?"
Why not? Kung relative naman ito ni Helena, for sure ay relative ko din ito dahil third degree cousin ko kasi si Ellie. "Sure. Ano ang pangalan mo?"
"My full name is Ariel Dalisay, but you can just call me Ayi."
Naisip ko na baka sa side ng uncle ni Helena related si Ariel kasi hindi familiar sa akin ang kanyang apelyido. Ay mali, super familiar pala sa akin ang apelyido na Dalisay. "Kaano-ano po kayo ni Cardo Dalisay?"
"Baka relative lang namin 'yon pero hindi ko siya kilala."
Natawa ako sa sinagot niya, eh hindi ba talaga nito kilala si Cardo Dalisay, ang bida sa Probinsyano na hanggang 2050 pa ang airing sa ABS. "Talaga? By the way, saan po kayo nag-aaral?"
"Sa UV din."
"Anong year mo?"
"Third year."
"Ah, ahead lang pala ako ng isang taon sayo."
"Ah, so fourth year ka na. Hmmm pwede ba tayong mag-meet?"
"Bakit naman hindi? Sumama ka na lang kay Helena bukas, magkaklase kasi kami sa isang subject bukas ng hapon."
"Ano'ng oras at room number?"
"Kay Helena ka na lang magtanong, nasa iisang bahay lang naman kayo, eh."
"Inutusan pa kasi siya."
"Ay ganun? So, tatawagan ko na lang siya uli mamaya."
"Huwag mo munang ibaba, usap muna tayo. Wala kasi akong kausap dito sa bahay ngayon eh."
"At ano naman ang pag-uusapan natin?"
"Kahit ano," sabi niya. "Hmm, ano nga ulit ang room number ng klase ninyo ni Helena bukas?"
"Room 613, alas kwatro y medya ang labas namin."
"So, I'll see you bukas. Before 4:30, nandun na ako sa labas ng room ninyo!"
"Ahhh..masyado ka yatang excited. Sumabay ka na lang sa amin na magmeryenda, okay ba 'yon?"
"Sige ba, basta ilibre mo ako."
Ang kapal naman nito, ngayon nga lang kami nagkakilala sa telepono, magpapalibre na kaagad siya sa akin. "Deal, basta pandesal at icewater lang ang kakainin mo."
"Hindi naman ako pihikan sa pagkain, eh."
"Hindi pa ba available si Helena?"
"Hindi pa rin, eh. May ginagawa pa siya."
Gusto kong sabihin sa lalaki na tulungan niya na lang si Helena para makapagpahinga naman ito. Ano ba ang akala nila sa kaibigan ko? Muchacha? "Okay. Tatawag na lang uli ako."
"Sige. Ay teka, wait lang po, pwede ko bang makuha ang cellphone number mo para itext na lang kita bukas?"
"Okay," at sinabi ko sa kanya ang aking cellphone number. Nang maibaba ko ang telepono, nagbayad ako ng additional kay Ate Mai dahil medyo natagalan ang pakikipag-usap ko kay Ariel.
"Huwag na, ilang minuto lang naman 'yon eh."
"Naku, tanggapin mo na Ate Mai, baka pagalitan ka ni Dragon."
"Sige na nga. Erin, pwede bang dito ka muna? May kukunin lang ako sa kwarto ko, saglit lang talaga, please?"
"No problem. Ate, makigamit uli ako ng telepono mamaya ha, hindi ko kasi nakausap si Ellie kanina, eh."
"Okay, basta bawal ang phone s*x!"
Phone s*x? Ano naman kaya 'yon? 'Yong imbes na lalaki ang ka-partner ay telepono na lang? Hindi ko ma-imagine ang bagay na sinabi ni Ate Mai. Basta, tumango na lang ako sa bilin niya sa akin para tapos na ang usapan.