Josh,
I wish I could explain your eyes and how the sound of your voice gives me butterflies. How your smile makes my heart skip a beat and how every time I'm with you, I feel so complete.
Hyacinth
Hinila ako ni Josh palabas dun sa mesa, at saka siya pumasok sa loob. Umupo ito sa tabi ni Peyton, at saka tinapik iyung bakanteng space sa tabi niya, na nasa pinakadulo na ng bench.
"Upo na, Blaire," tipid na sabi nito.
Katulad ng nakasanayan ko na mula nang nagka-isip ako, at kasa-kasama ko si Josh, awtomatikong naupo naman ako.
"Blaire? Akala ko ba Hyacinth?" nagtatakang tanong ni Edward.
Ngumiti muna ako bago sumagot. "Hyacinth Blaire kasi ang full name ko..."
"So, should we call you Blaire, too?" tanong ni Peyton.
"No!" biglang sabi ni Josh.
Lahat sila ay napatingin kay Josh.
"Umm... Hyacinth na lang din. Mas sanay ako dun..." pilit akong ngumiti.
Mahinang 'okay' lang sinagot nila Edward at Peyton. Ano ba naman itong si Josh, para pangalan lang, high blood agad?
"Uy, Josh. Alam mo bang dito rin papasok si Hyacinth? What a small world di ba?" agaw-atensiyon naman ni Jett.
Alam kong gusto lang pagaangin ni Jett ang sitwasyon. Mukhang napikon sila Edward at Peyton sa inakto ni Josh, eh. Lumingon sa akin si Josh, at saka tipid na sumagot.
"Hindi."
Kung hindi ko lang talaga kilala itong lalaki na ‘to, iisipin kong galit siya. Pero ganito talaga si Josh kapag may ibang tao. Seryoso. Hindi ngumingiti. Pero kapag kaming dalawa lang, or kasama ng mga pamilya namin, hindi naman.
"Ahh... late na rin kasi ako nakapag-decide na dito na rin ako papasok. Kaya hindi ko nabanggit sa iyo... sa inyo ni Jett!" palusot ko na lang. Isu-surprise nga kasi kita, Josh Madrigal!!
“Mas maganda kung nag-stay ka na lang sa St. Dominique. Andoon naman iyong mga friends mo,” biglang sabat ni Josh, na nakapagpatigil sa pagsubo ko nung Baked Mac. Ayaw ba niyang nasa iisang eskwelahan kami? Akala ko pa naman, magugugustuhan niya! Ever since Preparatory School, magkasama na kami.
"Pero tingin ko, mas okay nga iyung nandito ka rin, Hyacinth. Mababantayan ka namin ni Josh," sabi naman ni Jett.
"Eh, di makikibantay na rin kami ni Edward!" sabi naman ng nakangiting si Peyton, sabay kindat sa akin.
"Ako lang ang magbabantay sa kanya," seryosong sagot naman ni Josh.
Natahimik ang lahat. Katulad ng madalas kong naririnig, may dumaang anghel. Ooppsss... awkward…
"Hayaan n’yo na ‘yang si Josh, sanay na ‘yang bantayan si Hyacinth. He's been doing that since we were kids," sundot uli ni Jett.
As usual, si Jett ang laging taga-salba, tagapagtanggol at tagapagsalita ni Josh. Nagpalipat-lipat naman ng tingin sa amin ni Josh sila Edward, Peyton at Athena.
"Masanay na kayo sa kanila. Ganyan talaga sila. Hindi mapaghiwalay," nakangiting dagdag pa ni Jett.
As usual, poker face pa rin si Josh, at hindi mo alam kung anong tumatakbo sa isipan niya. Magsasalita sana ako nang biglang may tumawag kay Josh.
"Josh! Ano? Payag ka na?"
Napatingin kaming lahat sa babaeng nakatayo sa tapat ng mesa namin.
Mas matanda siguro siya ng dalawang taon kay Josh. Maaliwalas ang mukha nitong nakangiti kay Josh. At parang si Josh lang ang nakikita niya ngayon dahil kay Josh lang ang atensiyon niya, ganung nasa pagitan nila akong dalawa.
"Tsk. Taylor... why so persistent?" tila inis namang sagot sa kanya ni Josh.
Pumunta iyong babae sa likod ni Josh, at saka nito hinawakan sa magkabilang balikat si Josh.
"Ow... come on, Josh! Just give it a try..." at saka nito minasa-masahe ang magkabilang balikat ni Josh.
Aba't... sino kaya itong babaeng ‘to!? Feeling close? O baka naman... close sila talaga?
Gustong-gusto ko nang tanungin kung sino siya, pero ayoko namang magmukhang nagseselos na girlfriend, dahil sa totoo lang ay hindi naman ako girlfriend ni Josh. I mean, hindi pa. Pero pasasaan ba at dun din ang punta namin!
"Hyacinth, tapos ka na ba? Baka mahuli tayo sa next subject natin..." paalala ni Athena.
Napalingon ako kay Athena.
"Ah... oo nga..." sagot ko, pagkatapos ay inubos ko na iyong juice na binili ko.
Tumayo na ako.
"Sige guys, una na kami," paalam ko, at saka humakbang, bitbit ang pinagkainan ko para itapon sa nakatalagang garbage bin.
"Blaire, give me your schedule," pahabol ni Josh.
"Saka na lang. Nagmamadali kami. Bilisan mo, Athena!" aya ko dito.
"Blaire!"
Pero tuloy-tuloy lang akong lumabas ng cafeteria. Nagseselos ako! Pero wala akong karapatang sabihin o ipakita man lang. Buong akala ko ay sa akin lang ang atensiyon ni Josh. Iyun ang ipinaramdam niya sa akin dati, simula noong mga bata pa kami.
"Hyacinth... okay ka lang?" narinig kong sabi ni Athena mula sa aking likuran.
Nilingon ko ito at saka pilit ngumiti. Huminto ako sandali para magkatabi kaming maglakad.
"Oo naman. Bilisan na natin!" pilit kong pagpapasaya sa boses ko.
Tamang-tama lang na pagka-upo namin ni Athena ay dumating na ang teacher namin para sa subject na ‘yun. Dahil kung sakaling hindi, wala ako sa mood makipag-kwentuhan kay Athena sa mga oras na ito.
Wala ang atensiyon ko sa sinasabi ng teacher sa unahan. Naglalakbay ang diwa ko kung nasaan kaya si Josh sa mga oras na ito, at kung kasama ba niya iyung Taylor na ‘yun.
Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong insecurity sa buong buhay ko na kasama si Josh Cedric Madrigal. All the while ay kampante akong sa akin lang ang atensiyon niya. Ako lang.
"Hyacinth, nasa labas na ang sundo mo!" narinig kong sigaw ni Mommy sa labas ng kuwarto ko.
"Lalabas na po!" balik sigaw ko.
Pinasadahan ko uli ng tingin ang hitsura ko sa harap ng salamin, at saka dinampot ang backpack bag ko bago lumabas ng kuwarto ko.
Nabungaran ko si Daddy sa sala na nagbabasa ng diyaryo niya. The usual routine ni Daddy.
Samantalang naka-upo si Josh sa sofa habang parang may itinuturo kay Ace. Pagkakita sa akin ni Josh ay agad itong nagpaalam kay Ace.
"Oh, andito na ang Ate mo. Kaya mo na ‘yan, ha?" sabay gulo nito sa buhok ni Ace.
"Yes, Kuya Josh. Alam ko na ito!" buong yabang na sabi ng six-year-old na si Ace.
Agad naman akong sinalubong ni Josh at kinuha ang backpack na dala ko. Sampung taon palang si Josh pero maganda na ang katawan nito. Hindi katulad ng ibang kaedad niya na patpatin. I wonder if naggi-gym na siya sa murang edad niya?
"Ugh! Bigat ng bag mo, Blaire! Nilagay mo ba iyung aparador mo dito sa loob?" kunot-noong tanong nito sa akin.
"Books, siyempre! Masipag kaya akong mag-aral..." sabi ko dito.
Nilingon ko si Dad. Nahuli ko itong pasimpleng nakasilip mula sa taas ng dyaryong binabasa niya. Nakakunot ang noo nito, at halatang pinakikinggan ang pag-uusap namin ni Josh. Lihim akong napangiti. Hindi na yata masasanay si Daddy sa amin ni Josh.
"Alis na po kami, Daddy." Lumapit ako sa kanya, at saka humalik sa pisngi niya.
"Mauna na po kami, ‘Nong." Lumapit din sa kanya si Josh, at saka nagmano.
"Sabihin mo kay Fernan, mag-ingat sa pag-drive ha, Josh..." bilin nito.
"Opo. Tara na, Blaire," aya nito.
"Buo mong kinuha ‘yang anak ko dito, Josh. Buo mo ring ibalik ‘yan," pahabol ni Daddy.
"Lagi naman, ‘Nong, di ba?" sagot ni Josh.
Hatid-sundo kasi ako ni Josh at Jett since isang school lang ang pinapasukan namin. Ang St. Dominique.
Nung una ay ayaw pumayag ni Daddy, pero wala siyang nagawa nang mapagtulung-tulungan siya nila Mommy, Ninang Clover at Ninong Judd.
Pati ang pagkain ko sa recess ay alaga ako ni Josh. Hindi pwedeng hindi nila ako ka-share sa pabaon sa kanila ni Ninang Clover. Kaya ang suma-tutal, pati sa recess ay magkakasama pa rin kaming tatlo.
Naunang naglakad sa akin si Josh palabas ng bahay papunta sa nakaparadang sasakyan nila. Ipinagbukas ako nito ng pinto sa back seat.
"Nasaan si Jett?" tanong ko bago ako pumasok sa loob.
"I'm here..." Sa unahan pala ito umupo.
"Bakit ka nandiyan?" takang tanong ko.
"Para hindi masikip. Sa inyong dalawa lang masikip na diyan sa likod," nakangiting sabi nito.
"Ha?" takang tanong ko uli.
"Let him. Maarte ‘yan, eh," sagot ni Josh sa likuran ko.
Naupo na ako sa back seat. Kasunod ko si Josh. Inilagay niya ‘yung bag ko sa kabilang side ko kaya naamoy ko ang pabangong gamit niya nang mapalapit siya sa akin. Sobrang lapit niya sa akin kaya nakaramdam ako ng pagkailang. Ikinabit na rin niya ang seatbelt ko.
"There. You better sleep first, baby. Gigisingin na lang kita pag malapit na tayo sa school," sabi pa niya.
Wala na kasi sa paligid si Daddy kaya 'baby' na uli ang tawag niya sa akin. Actually, hangang- hanga ako kay Josh sa pagka-master niya sa pagtawag sa akin ng Blaire kapag andiyan si Daddy at ‘baby’ kapag wala sa paligid ito.
Bahagya akong napangiti, hindi dahil sa makakatulog ako kung hindi dahil sa pag tinatawag niya akong baby, pakiramdam ko ako ang sentro ng mundo niya.
***