Josh,
The best and most beautiful things in this world cannot be seen or even heard but must be felt with the heart...
Hyacinth
Nagulat na lang ako nang paglabas ko ng classroom namin ni Athena ay nabungaran ko sa labas si Josh. Tsk! Of all people... Katabi niya si Jett na busy sa cell phone niya. Sinalubong ako agad ni Josh pagkakita sa akin.
"Come. Dadaan muna tayo sa bahay, then ihahatid na kita sa inyo," walang kaabog-abog na sabi nito.
Kung sa ordinaryong araw siguro, kinilig na ako sa ginawa na ito ni Josh. Pero iba ang araw na ito. Inis ako sa kanya. Ay, no. Super inis pala!
Pero siyempre, ayaw ko namang ipahalata sa kanya na naiinis ako sa kanya.
"Hindi na. Susunduin ako ni Daddy," pagsisinungaling ko sa kanya. Ayaw ko nga sana siyang kausapin ngayon, eh! Napipilitan lang ako.
"Naipagpaalam na kita kay Ninong," at saka tumaas pa ang sulok ng labi niya, na tila ba naisahan niya ako this time.
Actually, hindi ko pa naman nasabi kay Daddy na magpapasundo ako sa kanya. Ngayon pa lang sana.
"Okay lang. Tatawagan ko na lang siya uli," sabi ko sa parehong ekspresyon. Inis nga kasi ako sa kanya!
"Huwag nang makulit, baby... hinihintay ka na ni Mommy sa bahay," tila naman naglalambing na sabi ni Josh.
"Baby??" singit ni Athena.
Bigla namang tumawa si Jett.
"Masanay ka na sa tawag ni utol kay Hyacinth, Athena. Ordinary na lang sa amin na naririnig ‘yun," sabay kibit-balikat nito.
"Oh! Okay..." naliliton pa ring sabi naman ni Athena, pero iyong mukha niy, parang hindi naman siya kumbinsido sa sinagot ni Jett.
"Paano mo nga pala nalaman ang sched ko? Hindi ko naman binigay sa’yo, ah," tanong ko kay Josh.
Nagkibit-balikat lang ito, at saka tumingin kay Athena. Nagtatakang tiningnan ko si Athena. Nakita kong nag-iwas ito ng tingin sa akin.
"Na-Nabanggit ko kasi k-kanina... kay Jett... hindi ko naman alam na sasabihin niya kay Josh, eh..."
Natapik ko ang noo ko. Kaya pala naman...
"Tara na, baby. Gutom na ko," narinig ko na lang na sabi ni Josh, sabay pilit kinuha niya ang bag ko na nakasukbit sa balikat ko.
Ubos-lakas kong pinigilang makuha niya ang bag ko. "Uuwi na nga ako, Josh. Huwag makulit!"
Dun ka na lang sa Taylor mo! Gusto ko sanang idagdag, pero hindi ko naman kayang sabihin.
"Tsk! Nakakahiya naman kay Mommy. Sayang naman ‘yung pagod niya sa pagluluto nung pinahanda kong Arroz Caldo... with matching Pork and Tofu pa...." sabi nito.
Para namang nakaintindi ang sikmura ko, at bigla akong nakaramdam ng gutom nang marinig ang sinabing mga pagkain ni Josh.
Tsk! Kabisado talaga nitong kumag na 'to kung anong pagkain ang kahinaan ko. Okay, fine. Kakain lang ako, tapos uuwi na ko.
"Sige na! Tara na! Sandali lang ako sa inyo! Kakain lang ako, tapos uuwi na ko," at saka ko pahagis na ibinigay sa kanya ang bag ko.
"Ikaw, Athena?" baling ko kay Athena.
"Ah. Umm... h-hindi na," nag-aalangang sagot nito.
"Sama ka na, cute. Maa-out-of-place na naman ako sa dalawang ito, eh," sabi ni Jett, sabay nguso nito sa amin ni Josh.
"Anong maa-out-of-place ka riyan? Thirteen years na tayo magkakasamang tatlo, ngayon ka pa maa-out-of-place? Kapal mo, ha..." sabi ko kay Jett na tawa lang ang isinagot sa akin.
"Sama ka na, Athena. Ihahatid ka na lang namin pag-uwi," yaya dito ni Jett.
"Next time na lang, Jett. Kailangan ko lang talagang umuwi ng maaga ngayon..."
Huminga nang malalim si Jett. "Oh sige. Next time, ha... Sure yan, ha?" pag-confirm pa niya kay Athena.
Tumango lang si Athena.
"Tara na, baby," sabay kuha ni Josh sa kamay ko.
Nagmukha tuloy magkahawak-kamay kami habang naglalakad. Naalala ko tuloy noong nasa grade school pa kami nila Jett, normal na sa amin ni Josh ‘yung ganitong eksena na magkahawak-kamay kami habang naglalakad sa hallway kapag uwian na. Hanggang sa makarating kami sa kung saan kami hinihintay ni Mommy o minsan ni Ninang Clover, o minsan silang dalawa.
Pero ngayon pala, medyo nakakailang na. Lalo pa at hindi naman sanay ang mga taong nadadaanan namin at nakakakita sa magkahawak naming mga kamay. Kita ko ang mga palihim na sulyap ng mga estudyante sa bawat nadadaanan namin. Akala siguro nila ay may relasyon kami ni Josh.
Hindi pa ngayon guys. Pero sa tamang panahon, magiging kami ni Josh Cedric Madrigal... mark my word.
"Bakit ba kasi hindi mo sinabi agad na dito ka na rin papasok? Starting tomorrow, ako na ang maghahatid-sundo uli sa’yo. Dating gawi," anunsiyo ni Josh, pagkasakay namin sa sasakyan nila.
"Oh-oh...." sabat naman ni Jett na sa unahan sa passenger seat nakaupo.
"Bakit, Jett?" tanong ko naman.
"Don't mind him," tila utos sa akin ni Josh.
Hindi na lang ako kumibo. Baka akala ng lalaking ito, porke pupunta ako sa bahay nila at kakain ako ng masarap na luto ng Mommy niya na Arrozcaldo na may kasamang Pork-Tofu e hindi na ako inis sa kanya!
Hmp ka diyan, Josh Cedric Madrigal!
Nagsimula nang umabante ang sasakyan nila. Nilingon ko si Josh para sana sabihin sa kanya na hindi ako sang-ayon sa sundo-hatid na sinasabi niya. Pero tila na-magnet ako sa guwapo niyang mukha. Partida pa ito, dahil naka-side view lang ang mokong.
Identical twins sila Josh at Jett, pero si Josh ang laging may seryosong mukha. Hindi palangiti. Mabibilang mo lang ang mga ngiti niya. Samantalang lagi namang masaya ang aura ni Jett. Pero pag kami-kami lang ay masayahin at makuwento naman si Josh.
Naalala ko tuloy si Taylor. Seryoso ang pakikitungo kanina ni Josh kay Taylor. Siguro advantage ko na iyun over her.
Hindi katangusan ang ilong ng kambal pero hindi yun nakabawas sa kaguwapuhan nila. Ang gusto ko kay Josh ay iyung mga mata niya na parang laging tumatagos sa kaluluwa ko kapag tinitingnan niya ako. Pareho lang naman sila ng mata ni Jett pero para sa akin, iba ang epekto ng mga mata ni Josh sa akin.
Isang taon ding hindi ko naranasan ito. Ang maihatid-sundo ng kambal since ahead sila sa akin ng isang taon. Kaya last year naiwan ako sa lumang school namin, samantalang silang dalawa ay dito na sa St. Andrews na nag-aral. Isang taon lang ‘yun, pero pakiramdam ko ay sobrang tagal na.
Na-miss ko ‘yung ganito. Iyung ganito kami kalapit ni Josh. Sa get-together kasi every Saturday, grupo kami lagi.
Pagdating sa bahay nila Josh ay agad kaming sinalubong ni Ninang Clover. Inaanak niya ako sa binyag, samantalang ang kambal naman ay si Daddy ang Ninong nila. Super close na magkakaibigan kasi sila Daddy at Mommy sa parents ng kambal. Si Ate Cassandra na ate ng kambal ay ang inaanak naman ni Mommy.
Si Daddy at Ninong Judd ay magkaibigan na since elementary days nila, pati na sina Tito Klarence at Tito Chad. Napahiwalay lang si Ninong Judd sa tatlo nang pumunta ito abroad. Pero nung minsang nagbakasyon siya dito sa Pinas at muli niyang nakita si Ninang Clover, iyon na ang umpisa ng love story nilang dalawa. Hindi na ginustong bumalik pa ni Ninong Judd sa Canada at binakuran na lang si Ninang.
Si Ninang Clover at Mommy ay classmates din ng apat na magkakaibigan sa High School. Pero hindi ka-close ng barkada nila Daddy sila Mommy at Ninang Clover. Si Mommy at Ninang naman ay naging close na lang noong naging magkasama sila sa iisang kumpanya. What a small world, di ba?
"Hi, Hyacinth! Nagluto ako agad nang sabihin ni Josh na darating ngayon ang mamanugangin ko..." nakangiting salubong sa akin ni Ninang.
Natigilan ako. Hindi ko inaasahang sasabihin sa akin iyon ni Ninang Clover! Pakiramdam ko ay nawalan ako ng dugo sa mukha.
"Mommy!" saway naman ni Josh.
"Oh? Bakit? Napag-usapan na namin ni Hannah na mukhang kayo ang magkakatuluyan balang araw, at okay naman sa aming dalawa," nakangiti pang dagdag ni Ninang.
"Except siyempre kay Ninong Adam mo. Kaya huwag mong bad-trip-in si Ninong mo ha, Josh?" sabi nito na parang napakasimpleng bagay lang ang pinagbibilin.
"Mommy, pakainin mo na lang kami. Please," sabi na lang ni Josh, para din siguro tigilan na kami ni Ninang sa panunukso niya.
"Okay... Okay. Kita mo na, Hyacinth? Demanding itong isang ito, kaya ikaw na ang bahalang magpasensiya," baling naman ni Ninang sa akin.
Hindi pa rin ako maka-move on sa mga sinasabi ni Ninang, kaya hindi ko alam ang isasagot ko sa kanya.
"Come on, Blaire... let's eat. Nababaliw na naman ‘yang si Mommy," sabay hila ni Josh sa akin papunta sa dining room nila.
Napakunot noo ako. Blaire? Anong nangyari sa baby?
Nakangusong dumulog ako sa mesa. Porke natukso siya ni Ninang, Blaire na uli ang tawag niya sa akin?
Tahimik lang akong kumain. Nakakailang subo na ako nang bumulong si Josh na nakaupo sa tabi ko.
"Bilisan mo nang kumain, baby. Let's play some video games, bago kita ihatid sa inyo."
Napatingin ako sa kanya. Pasimple niya akong kinindatan bago ibinaling ang atensiyon sa plato niya.
Tsk! Naguguluhan ako sa’yo, Josh. Am I really special to you?
***