“Teka lang… paano si Nikka?” seryosong tanong ni Jay. Nahihimigan ko rin sa kaniyang boses ang kalungkutan. Ang kaninang malakas at mabilis na t***k ng aking puso ay dahan-dahang nagbago ang ritmo. Unti-unti iyong bumagal hanggang sa sumakit sa bawat t***k nito. May kung anong pumipiga sa aking puso na nagdudulot ng sakit at takot sa kaloob-looban ko. Mayroon ding bumibikig sa aking lalamunan at noong nagpilit akong lumunok ay naramdaman ko ang pait dito. Oo nga pala… paano si Nikka? Si Nikka na walang kamalay-malay sa mga nangyayari ngayon. Si Nikka na kapag nalaman niya ang nangyayari dito ay sigurado akong malulungkot at masasaktan din siya katulad na lang nang nararamdaman ko ngayon habang iniisip siya. Si Nikka na sa una pa lang ay siya nang nagmamay-ari sa lalaking ito.