Chapter Five

2107 Words
“So, Mr. Angeles, this is your daughter?” Panimulang bungad sa amin ng Headmistress ng La Deita at pinahapyawan ako ng tingin. I think she is just around my father’s age, mid-40’s. She is wearing eyeglasses that just added to her strict look. Nakataas din ang buhok niya sa isang malinis na bun. Habang pinagmamasdan ako ay tumataas ang kilay niya kaya hindi ko maiwasang hindi kabahan. Nagbaba ako ng tingin at bahagyang inayos ang suot kong salamin sa mata. “Yes, Ms…” Bumaba pa ang tingin ni papa sa nameplate na nasa mesa bago muling nagpatuloy. “Yes. She is my daughter, Ms. Valdez. I want to enroll her here.” Naglipat naman ang tingin nito sa aking papa na siyang nagsasalita. Bakit ba ganoon siya kung tumingin? Hindi rin siya ngumingiti. Just one smile, siguro ay mawawala ang kaba sa aking dibdib. “Okay, but before that, she needs to take an exam. Siguro naman ay alam ninyo iyon?” saad niyang muli. Tumango rin ako kahit hindi siya nakatingin sa akin. Alam ko na dahil iyon ang pinag-uusapan namin ni papa kanina. Ipinapanalangin ko lang na sana ay magawa kong maipasa ang exam na sinasabi niya. “Pero bago rin iyon, may gusto muna akong ipakita sa anak mo. Ano nga ulit ang iyong pangalan, hija?” tanong niya sa akin. Muntik na akong mapasinghap nang ang matatalim niyang mga mata ay muling ibinaling sa akin. Napahigpit ang pagkakahugpong ng magkabila kong kamay. “Catalina po. Catalina Angeles.” Tumango-tango siya bago tumayo mula sa pagkakaupo. “Follow me, Miss Catalina,” saad nito at umikot sa mesa. Napatingin naman ako kay papa na nakangiting nakatatingin sa akin. “Go on, anak. She won’t bite,” pabulong na biro nito sa akin. Tumayo na rin siya at inalalayan ako. Sumunod kami sa babae na nagtungo sa dulong parte ng kaniyang opisina. May kinuha siya roon na de-gulong na mesa. Itinulak niya iyon palapit sa amin. Doon ko lang napansin ang isang bagay na natatakpan ng isang itim na tela. Walang pag-aatubili na tinanggal niya ang takip noon at bumungad sa amin ang isang bilog na crystal. Walang laman ang loob nito. Parang ganito ‘yong bola na ginagamit ng mga manghuhula ang pinagkaiba lang nito ay transparent ang loob. Tagusan ay makikita mo ang pinagpapatungan nito na mesa. Huhulaan niya ba ako? Oh, my gosh! I am not ready. “Just put your hand on top of it,” seryosong saad niya. Napalunok ako. Anong mangyayari kapag inilagay ko? Baka makuryente ako? “Papa…” Nanghihingi ng saklolo na napatingin ako sa aking ama. Kabaliktaran ng sa akin ay kita ko ang ngiti sa kaniyang mga labi. Mukha pa siyang confident na magiging maayos ang lahat. “Go on, darling. It is fine,” udyok niya sa akin. Marahang hinawakan niya ang aking balikat. “Hurry up, Miss. Angeles. I don’t want to waste my time.” Napapitlag ako nang marinig ang istriktong boses ng headmistress. Bakit ba parang lagi siyang mangangain ng tao? Hindi pa ako nakakasagot nang pahablot niyang kinuha ang aking kamay at siya na ang nagpatong nito sa bola. Napabuga ako ng hangin. Wala naman akong naramdaman noong nilagay ko iyon. Bahagya akong nakahinga ng maluwag. Napansin ko ang pagkatahimik ng dalawa kong kasama. Tumingin ako kay papa na nakangiti habang nakatingin sa bilog na crystal, habang si Ms. Valdez naman ay seryoso sa isang tabi. Matiyaga silang naghihintay at hindi ko alam kung ano iyon. Mayroon ba na lalabas dito? Napagod na ako kakatingin sa kanila kaya inilipat ko na ang atensyon sa aking mga kamay na nasa bilog. Ilang sandali ay napalitan ng pagtataka at pagkamangha ang aking nararamdaman nang biglang maging kulay ginto ang kanina lang ay walang kabuhay-buhay na bola. “Oh, god!” hindi makapaniwalang bulalas ko. Ano ang nangyayari? Nag-angat ako ng tingin at ang unang nakaagaw ng aking atensyon ay ang natitigilang mukha ng headmistress. Ang kaninang istrikta niyang ekspresyon sa mukha ay napalitan ng pagkagulat. Napansin ko rin ang takot doon. Biglang may nag-iba sa kaniyang mga mata. “It is done, darling. I told you, nothing would happen.” My father smiled at me as he carefully pulled out my hand over the crystal. Ang bola ay bumalik sa dati nitong itsura. Hanggang ngayon ay nagtataka pa rin ako kung paano nangyari iyon? Nanatili namang tahimik si Miss Valdez hanggang sa ibalik niya ang bagay na iyon sa pinaglalagyan nito. Tahimik na bumalik sa kaniyang mesa ang headmistress. Sumunod naman kaming dalawa ni papa at muling umupo roon. Si Miss Valdez naman ay mayroong kinuhang papel. Nagsulat siya roon at mayroong itinatak. Pagkatapos ay tiningnan niya ako at ang nakakapagtaka ay nang sumilay ang ngiti niya roon. Samantalang kanina ay ang damot niyang ibigay ito. “You still need to go to the examination room, hija. Iaabot mo ito sa examiner na nandoon at siya na ang bahala sa ‘yo,” mahinahong sabi niya. Malayong-malayo sa parang tigre kani-kanina lang. Inabot niya sa akin ang isang sobre. Maliit lang iyon at mayroong seal na LD sa gitna. “Maraming salamat po, headmistress.” Nakangiting nagpaalam kami ni papa sa kaniya. Siya naman ay inihatid kami patungo sa pinto at hanggang sa magsara ito ay nakikita ko pa rin ang malaking ngiti sa kaniyang mga labi na nagpakunot ng aking noo. Bakit parang biglang nagbago ang ihip ng hangin? “Isn’t she weird, papa?” hindi ko na napigilang sambit sa aking ama nang makalabas kami. Humalakhak naman siya. Napapalabing ikinawit ko ang aking kamay sa kaniyang braso. “Hindi ba po? Kanina po ay ang sungit niya sa atin kaya natatakot ako. Akala ko nga po ay sisigawan niya ako.” Nag-uumapaw ang kaba ko kanina. Siguro kung nangyari iyon ay hindi na ako papasok dito. Hindi ko kayang makita si Ms. Valdez at makasalubong sa daan. Muling siyang napatawa. Ano ba naman ito si papa, puro tawa na lang. Alam kong masiyahin siya pero kailangan ko rin ng opinyon niya. “She is just like that, anak. Hayaan mo na, magiging mabait na ‘yon sa ‘yo,” makahulugang sabi niya. Hindi na lang ulit ako nagtanong kung ano ang ibig niyang sabihin doon. Mabilis din naman naming narating ang palapag na sinasabi ni Ms. Valdez na examination room. Nakahiwalay ito sa mismong building ng university. Sa dulo ng hallway ay mayroong isang lalaki na nasa tapat ng isang silid. Iyon na siguro ang sinasabi ng headmistress. “I’m sorry, darling. Hindi na kita maiihatid hanggang doon. Kailangan ko na kasing umalis,” sabi ni papa. Huminto muna kami para makapag-usap. Ngumiti ako sa kaniya. “Okay po, papa. Ako na po ang bahala.” Hinaplos niya ang buhok ko. “Isasama ko si Nestor dahil kailangan ko ng driver. Ipapasundo na lang kita kay Robles,” saad pa niya. Muli siyang tumingin sa kaniyang relo. Bakas na ang pagmamadali sa kaniyang mukha. “Ayos lang po, papa. I will just take a cab. Madali na lang naman po pag-uwi,” sagot ko. Ayokong makaabala pa sa mga tao sa bahay. Kailangan ko na rin maging pamilyar sa bawat daan. “Hindi, anak. Ipapasundo na lang kita. Sa susunod na lang siguro tayo bumili ng mga gamit mo. Sige na. Don’t forget to text me. Aalis na ako.” Hinalikan niya ako sa noo at wala nang lingon-likod na umalis. Mapait akong napangiti. I understand him. Alam kong para sa amin naman ang ginagawa niya. Isang buga ng hangin ay binagtas ko na ang patungo sa silid. Inayos ko ang pagkakasukbit ng aking bag sa balikat. Habang naglalakad ay napansin ko ang iilan lang na mga taong nadaanan ko. Tahimik pa ang university. Sabi naman ng headmistress ay sa isang linggo pa ang pasukan. Apat na araw mula ngayon. “Hi. Good morning po,” bati ko sa lalaking propesor. Nilingon naman ako nito. Tinaasan niya ako ng kilay kaya muntik na akong mapaatras. “Yes? Examinee?” masungit na tanong niya. Napatango ako. Pakiramdam ko ay naumid ang aking dila. Nagbaba ang tingin ko sa stick na hawak niya. “Give me the paper.” Inilahad niya ang kamay sa akin. “Oh, sorry po.” Saka ko lang naalala iyong papel na iaabot sa kaniya. “Ang bagal naman!” sabi niya na rinig na rinig ko. Mas lalo akong na-pressure. Nanginginig ang kamay na kinuha ko iyon sa aking bag. Bakit ba inilagay ko pa sa loob? Ano ba naman, Catalina? Ang bata mo pa pero makakalimutin ka na! Gusto kong tuktukan ang sarili. “Pasensya na po,” saad ko habang inaabot sa kaniya ang papel. Pahablot na kinuha niya iyon sa akin. “Ang bagal!” Muli akong napalunok. Nanunuyo ang lalamunan ko. Bakit ba ganito ang mga tao rito? Lahat ba sila ay masusungit? Kung makakapasa ba ako ay makakatagal ako rito? Binuklat niya iyon at muntik pang mapunit ang sobre. Muli kong inayos ang aking salamin. Papa wants me to wear it most of the time. Hindi naman malabo ang mata ko. Sabi niya para pang-porma raw. Ewan ko ba sa tatay ko. Pinanood ko siya na nagpapakahirap pagtanggal ng seal. Sana dinadahan-dahan niya kasi. Paano kung mapunit din ang loob noon? Magkasabay pa kaming napabuntong-hininga nang sa wakas ay nailabas niya ang laman nito. Hindi ko rin kasi alam kung ano ang nakapaloob doon. Hindi naman ipinakita ni Ms. Valdez. May nakita lang akong isinulat niya at tinatakan. Pagkatapos ay isinilid na niya sa sobre. “Maaari ko po ba na-” Hindi ko na natapos ang sasabihin dahil sa nakitang ekspresyon ng lalaki. Nagbaba ang tingin ko sa nametag na nakakabit sa kaniyang dibdib. Leo Concepcion. “Oh my gosh!” bulong niya. Ibinalik niya ang papel sa loob at katulad ko kanina ay kita ko kung paano manginig iyon. Huminga siya ng malalim pagkatapos ay nakangiting ibinaling ang tingin sa akin. What the hell is happening? “Hi. Sa kabilang kwarto ka magti-take ng exam. You can take your time, hija.” He sweetly smiled at him. Hinawakan pa niya ako sa likod para igiya sa silid na sinasabi niya. “Sa ibabaw ng mesa, mayroong papel doon. You can get one, and then choose wherever you want to seat.” Mahinahon at mabagal ang ginawa niyang pagpapaliwanag. Napupuno na ng tanong ang utak ko pero hindi ko muna iyon pinansin para mapakinggan ang sinasabi niya. “Get inside, hija. Good luck!” Muli siyang ngumiti sa akin. Noong makapasok ako sa silid ay siya na rin ang nagsara nito. Purong puti lang ang silid at akala ko ay mayroon akong maaabutan na ibang examinees ngunit nakakapagtakang ako lang ang nandito. Nagtungo ako sa mesa at kumuha ng papel doon. Hindi ko na sinilip kung ano ang laman noon. Kinakabahan lang ako. Dinala ko ito sa dulong upuan dahil dito ko napagpasyahang magsagot. Pag-upo ko ay saka ko lang iyon binuklat. Napakamot ako sa ulo nang walang makitang kahit anong nakasulat doon. “Ano ‘to?” Blangko. Kahit anong tinta ay wala akong makita. Niloloko ba nila ako. Akmang tatayo na ako nang isang bagay ang mas lalong nagpagulat sa akin. “What the hell?” Literal na napasigaw ako nang makitang unti-unti ay nagkakaroon ng sulat ang papel na kanina ay walang laman. My god! Tinanggal ko pa ang salamin at kinusot ang aking mata. Baka epekto ito nang pagsusuot ng salamin kahit naman hindi malabo ang mata. Noong maibalik ko iyon ay tapos na rin ang sulat. Ngayon ay may isang tanong na roon. This university is strange. Its people are weird. Am I in a right place? Sigurado ba talaga si papa na ipapasok niya ako rito? Ngunit higit sa lahat ay napagtanto ko sa sarili ko na mas lalo akong na-excite rito. What an odd feeling! Nababaliw na yata ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD