“AYAN! Bahing nang bahing ka na. Bakit ka kasi nagpabasa sa ulan?” sermon ni Tita Aurora kay Summer nang marinig nito ang sunod-sunod na pagbahing niya. Paalis na sila ng resort. Gabi na natapos na ang birthday party ni Mia pero malakas pa rin ang buhos ng ulan. Si Lola Margaret naman ay kanina pa inihatid pauwi ng tiyahin niya dahil maaga iyong natutulog. Sina Rhaine at Mark Anthony naman ay kanina pa rin umuwi dahil nalasing ang kapatid niya. “Pinayungan ho kasi ni Ma’am Summer si Sir Mark Anthony nang makita niyang naglalakad sa ulan. Iyan tuloy, siya naman ho ang nagkasakit,” sumbong naman ni Manang Tasya na kasama rin nila. “Para naman ho hindi n’yo kilala si Ate Summer. Hindi baleng siya ang magkasakit, huwag lang tayo,” sabat din ni Mia. Umalis ito sa pagkaka-abrisyete sa ina