Natigilan si Maya nang pagpasok sa kanilang bakuran ay nakita niya ang kanyang Ate Mela na nakaupo sa upuang yari sa kawayan na nasa ilalim ng puno ng mangga. Mabigat ang mukha nito at tila kay lalim ng iniisip. Nagtaka rin siya kung bakit ito napaaga ng uwi samantalang alas-siete pa ang labas nito sa mula sa trabaho.
Nang makita siya nitong hirap sa pagpasan ng ilang kilong bigas na nabili niya sa nadaanan na tindahan ay kaagad siya nitong nilapitan para tulungan. Sumunod siya sa likuran nito nang pumasok na ito sa loob ng kanilang bahay.
"Ate, bakit ang aga mo ngayon umuwi?"
Buntong-hininga lang ang ang sagot ng kanyang kapatid habang inilalagay sa balde ang bigas na ginawa nilang bigasan.
"Ate, ano kaya kung huminto ako sa pag-aaral? Gusto ko ng makahanap ng trabaho para makatulong. Kung dalawa tayo ang may income pwede ng tumigil si Mama sa paninilbilhan sa mansyon."
"Iyan ang hinding-hindi mo gagawin."
"Pero kasi naaawa na ako kay mama, Ate."
"Mas maawa ka sa mga sakripisyo namin para makapag-aral ka, Maya." Muli na naman humugot ng malim na hininga ang kanyang kapatid. Binalingan siya. "Wala na akong trabaho. Napasama ako sa mga tinanggal dahil hindi na kaya ng boss ko na swelduhan kaming lahat."
"E, 'di dapat na mas lalo akong huminto sa pag-aaral para makatulong sa inyo ni Mama."
"Huwag mo ng dagdagan ang mga problema natin, Maya."
"Pero gusto ko na talaga makatulong. Hindi ko na kayang makita si Mama na inaapi ng anak ng don sa mansyon. Kaya please, ate." Pagsusumamo niya.
"Makakahanap ako ng ibang trabaho. Bigyan mo lang ako ng ilang araw. O baka sa susunod na mga buwan ay na aprubahan na iyong pag-apply ko bilang OFW sa ibang bansa, kaya konting tiis lang."
"Ate, kaya ko naman magtiis e, pero sana intindihin mo naman ako."
"Tama na, Maya!"
"Pero ate - " Magpo-protesta pa sana siya ngunit natikom ang bibig niya nang binalingan siya ng kapatid na may pagkayamot ang mukha.
"Pagod ako, Maya. Maraming problema tapos dadagdag ka pa?" tanong nito. "Sino ba ang hindi nakakaintindi sa ating dalawa? Hindi mo ba makuha kung para saan ang pagsasakripisyo namin ni Mama? Gusto namin na may ipagmalaki ka, Maya para hindi ka kukutyain ng basta na lang."
Napayuko siya.
"Marami akong sinakripisyo para sa iyo, Maya. Gustong-gusto ko makapag-aral pero isinantabi ko muna ang pangarap na 'yan para unahin ang kapakanan mo. Ni hindi ko na maasikaso ang sarili ko! Pati ang lalakeng minahal ko, kailangan kong hiwalayan dahil magiging sagabal lang siya sa layunin ko na makatulong sa inyo ni Mama. Tapos, ganyan ka pa?"
"Hindi mo na kailangan na sumbatan pa ako dahil hindi ko naman inutos na mag-sakripisyo ka para sa akin," aniya sa mahinang tinig. Hindi na niya hinintay ang magiging sagot ng kanyang kapatid. Mabilis siyang tumalilis palabas ng bahay nila.
"Maya!" tawag pa ng kanyang kapatid ngunit nagtuloy-tuloy lang siya. Nasa bakuran na siya nang makasalubong niya si Daniel. Kaagad siya nitong pinigilan sa kamay.
"Saan ka pupunta? Bakit ganyan ang mukha mo?"
"Wala," aniyang binaklas ang kamay nito na nakahawak sa kanya. Nagpatuloy siya sa paglalakad kahit hindi niya alam kung saan pupunta. Sinundan naman siya nito.
"Maya . . . "
"Bakit ganoon sila? Inutil ba talaga ang tingin nila sa akin? Gusto ko lang naman makatulong," sabi niya. Huminto sa lilim ng mangga. Tinulungan pa siya ng kababata na makaupo ng maayos sa malaking ugat niyon.
"Ano ba ang nangyar?"
"Gusto ko na talaga huminto sa pag-aaral para makatulong! 'Di bale sanang ako lang, pero pati si Mama pinagdidiskitahan na rin ni Stella, hindi ko iyon kayang panoorin."
"Pero Maya, dapat mo rin intindihin ang mama mo. Paano na lang kung huminto ka sa pag-aaral? Mas lalong matutuwa no'n si Stella. Mag-aral ka ng mabuti, sa ganyang paraan ay makakaganti sa lahat ng paghihirap ng mama at ate mo. At para ka na rin nakaganti kay Stella, tiyak magpupuyos 'yon sa galit kapag nakahawak ka na ng dimploma."
Natahimik siya. May punto ang kababata. "Mas lalo pa siguro siyang magpupuyos kapag nagkaroon ako ng matinong trabaho. Malay mo, baka balang araw maging CEO pa pala ako ng isang kompanya."
Ngumiti si Daniel. Masuyong ginulo ang kanyang buhok. "Ganyan nga. Ganyan dapat ang tinatanim mo sa utak mo."
"Salamat, Daniel. Kung hindi dahil sa'yo hindi ako matatauhan. Nahiya tuloy ako kina mama at ate. Puro pabigat lang ang alam ko."
"Huwag mong isipin na pabigat ka, Maya. Mahalaga ka para sa amin," wika ni Daniel. "Ang gawin mo na lang, umuwi ka na ngayon. At mag-sorry ka sa kapatid mo, teka lang, may kasalanan ka ba sa kanya?"
Tumango siya. "Oo, nakipagsagutan ako sa kanya."
"Ano pa hinihintay mo? Mag-sorry ka na. Hala, uwi!"
"Opo, uuwi na Manong Daniel."
Sabay nilang binaybay ang daan pauwi sa kanila Nasa bakuran na silang huminto ito. Tila wala itong balak na pumasok sa loob ng bahay nila bagay na pinagtataka niya dahil kadalasan ay nagtatagal ito doon.
"Kailangan ko kasi umuwi, mag-vi-video chat si Papa."
"Ganoon ba." aniya. Noong nakaraang buwan lang umabot ang internet connection sa lugar nila. At isa nga ang pamilya ng kababata ang nag-avail agad. Dati kasi ay kailangan pa ng mga ito pumunta sa bayan para makausap ang ama nito sa internet shop. Ngayon ay nakabili na ang mga ito ng computer.
"Sunday bukas. Punta tayo sa batis."
Na-excite bigla si Maya. Matagal na rin kasi na hindi sila nakakapunta sa batis. Paano kasi, napakalayo. Umaabot sa tatlong oras ang lakaran pero sa kanya ay umaabot ng apat na oras dahil hirap siya sa paglalakad.
"Alas-singko ng madaling araw, magsimula na tayong maglakad."
"Sige!"
___________________
Alas-kuwatro pa lang ng madaling araw ay gising na si Maya. Tulog pa rin ang kanyang ina at kapatid. Kagabi ay nakapagpaalam na siya sa mga ito na maagang aalis sapagkat pupunta sa batis. At kagabi rin ay humingi siya ng pasensya sa kanyang Ate Mela tungkol sa inasal niya.
Tama ang kanyang kababata. Parang nagpatalo na rin siya kay Stella kung susukuan niya ang kanyang pag-aaral na tanging susi niya para makaangat sa buhay. Napag-isip-isip rin niya na swerte pa rin siya kung tutuusin dahil anumang unos sa buhay ang dumating ay kaya niyang harapin. Sanay siya sa hirap. Eh, si Stella? Wala itong alam kundi dumepende sa yaman ng magulang nito. Hindi man lang pumasok sa isip nito na bilog ang mundo. Anumang oras ay pwedeng bumaliktad ang kapalaran.
Ilang minuto lang ang nakakaraan ay kumatok na sa bahay nila si Daniel upang alamin kung gising na siya. Subalit nagpunta muna ito sa isang bakery sa labas ng baryo nila upang bumili ng tinapay. Magkakape raw muna sila bago umalis kaya nag-init na siya ng tubig.
Kinailangan nilang gumising nang maaga dahil malayo ang lalakarin papuntang batis. Kung sisimulan nila maglakad na sumikat na ang araw ay malamang tanghali na sila makakarating. Sa pinakaliblib at pinakamalayong parte na ng baryo nila ang ang naturang batis. Sa pagkaalam niya ay hindi na iyon sakop ng pagmamay-ari ng mga Alvarez.
Halos walang taga-baryo ang nangangahas na pumunta sa batis dahil nga bukod sa napakalayo ay napakasukal rin ng daan. Halos gubat rin ang susuungin. Ilang talahiban at ilog din ang madadaanan. Nanatiling dalisay ang makapigil-hininga na kagandahan ng batis. Wala pang turista o taga siyudad ang nakakadiskubere. O kung mayroon man ay ayaw na rin makipagsapalaran na suungin ang gubat. Walang konkretong daan papunta doon.
Mahigit anim na buwan na rin siyang hindi nakakapunta sa batis kaya nang sabihin kahapon ng kanyang kababata na pupunta sila doon ay hindi niya naitago ang excitement at walang pag-aatubili siyang pumayag.
Kung siya lang ang masusunod at kung kaya lang niya ay araw-araw siyang pupunta sa batis. Ngunit nahihiya na rin siya sa kababata dahil hirap na hirap ito sa pagpasan sa kanya lalo na kapag tumawid sa ilog.
Narinig niya ang paghinto ng scooter ng kababata sa tapat ng bahay nila. Kaagad niyang binuksan ang pinto. Hindi na niya ito nilapitan bagkus ay dumeretso siya sa kusina para mag-timpla ng kape. Ilang sandali pa ay pumasok na rin ito sa kusina. Kusa ng kumuha ng pinggan at inilagay doon ang pancit na umuusok pa.
"Kay Aling Puring mo 'yan nabili?" tanong niya na bahagya itong nilingon. Paborito niya ang luto ng nasabing matanda na nagmamay-ari ng maliit na kapeha. Marami ng karinderya at kapehan ang nagbubukas ng ganitong oras. Kinakailangan kasi kumilos at gumising ng maaga ng mga tao sa baryo nila lalo na ang mga estudyante at may trabaho dahil may kalayuan nga sa siyudad. May dala rin itong isang pack na gatas. Alam kasi nito na hini siya umiinom ng kape.
"Oo, para lumakas ang kain mo. Magkalaman ka ng konti," sagot ni Daniel na bahagyang pinisil ang kanyang pisngi. Payat siya sa kanyang edad. Pero hindi naman siya ang tipo na konting ihip lang ng hangin ay lilipad na.
"'Yan na kape," Inabot niya dito ang isang tasang kape. Tumabi siya dito sa lamesa at nilantakan na nila ang dala nitong pancit. At gaya nga ng sinabi nito ay naparami ang nakain niya.
Pagkatapos nilang kainin ang pancit ay napatiuna na itong lumabas. Siya naman ay humarap muna sa salamin at sinuklay ang mahaba at alon-alon na buhok na kung matatapat sa sikat ng araw ay nagkukulay mais. Suot niya ang puting bisteda na walang anumang disenyo na lumagpas lang hanggang tuhod.
Kung tutuusin mahirap sumuong sa gubat na nasa ganoong klaseng damit ngunit puro butas na kasi ang kanyang pantalon dahil sa kalumaan. Mayroon isa pero ginagamit naman niya sa tuwing papasok siya sa University. Hindi rin naman siya nagsusuot ng short.
Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa utak niya kung bakit nagpupulbo pa siya. Nagtataka na rin siya sa kung bakit nagiging concious siya lately kapag kaharap ang kababata. Nagsimula siya maging ganoon nang inaamin na rin niya sa wakas sa kanyang sarili na may nararamdaman niya para dito.
Kung pwede lang sana masuklian ang pag-ibig nito. Kung pwede lang sana maipagsigawan ang pag-ibig niya para sa kababata. Kung sanay norma lang siya . . .
Mapait siyang umiling. Kay aga-aga puro negatibo na kaagad ang pinapasok niya sa kanyang utak. Paano sila mag-e-enjoy nito ni Daniel? Pinasadahan niya ang sarili sa salamin sa huling pagkakataon bago lumabas.