Nang mabalitaan niya na ikakasal na ang lalaki ay kaagad siyang bumiyahe upang personal na masilayan ang pagmumukha ni Meghan Tecson, ang babaeng umagaw kay Nick mula sa kanya.
Matiyaga siyang naghintay na lumabas na ang bagong kasal at kahit na kinakabahan siya ay hindi pa rin siya umalis. Hindi alam ni Keith ang kanyang ginawa kaya ayaw niyang may makakakita sa kanya. Nagkubli lang siya malapit sa may rebolto ng kanilang patron.
Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay napabutonghininga siya. Para sa kanya ay sayang si Nick ngunit nagkamali siya kaya si Meghan ang nanalo. Ngunit kung tutuusin ay pareho lang naman silang mayroong personal na interest kung bakit gusto rin niyang mapangasawa si Nick.
*************
Pinahid niya ang mga luha sa kanyang mata at biglang lumuhod sa harap ni Nick. “I’m sorry,” humingi siya ng tawad sa kasalanang nagawa, ngunit hindi niya kayang patawarin si Meghan.
“Kung ganun ay niloko mo lang talaga ako, bakit? Paano mo nagawa sa akin ang bagay na ito?” Aminado si Nick na wala siyang balak pakasalan si Margaret ngunit may nakalaan ng puwang sa kanyang puso para sa batang isisilang nito. Sa katunayan ay may napili na silang pangalan para sa bata. Nagtagis ang kanyang mga bagang at puno ng poot ang kanyang mga mata habang nakatingin kay Margaret. “Tumayo ka na,” mariin niyang wika kay Margaret, at hinayaan niyang tulungan ito ni Keith sa pagtayo. “Hmmm Margaret,” muli niyang tinawag ang pangalan ng babae bago siya umalis sa kusina.
Kinabahan si Margaret nang marinig niya ang boses ni Nick ngunit pakiramdam niya ay kaya siyang patawarin ng lalaki. “Yes Nick?”
“Magpatulong ka kay Keith sa pag-empake ng mga gamit mo,” sabi ni Nick at iniwan ang dalawa.
“Nick!” tinawag ni Margaret ang pangalan ng lalaki ngunit hindi ito lumingon at patuloy na naglakad palayo sa kanya. “Kasalanan mo ‘to! Bakit ba kasi nakipagkaibigan sa lukaret na si Meghan?” Si Keith ang sinisi ni Margaret sa lahat. Hindi ba at sinabi na niya sa lalaki na tapos na sila? Ano’ng ginawa nito at biglang sumulpot sa pamamahay ni Nick? Pahamak talaga sa mga plano niya! Inirapan niya si Keith.
“Hindi kita maintindihan, Marj. Hindi ka naman dating ganyan,” sabi ni Keith sa mababang boses.
“People change, Keith. At kung hindi mo sinira ang plano ko,magiging marangya ang buhay namin ng anak ko,” sabi ni Margaret.
“Anak natin ngunit ibang lalaki ang gusto mong umako sa responsibilidad. Are you crazy? Magiging masaya ka ba sa gagawin mo?” Kinunsensya ni Keith ang babae na nagmatigas na makinig sa mga payo niya.
“Wala akong pakialam, ang importante ay hindi mahihirapan ang anak ko!”
“Naririnig mo ba ang sarili mo, Margaret? Halika na at tulungan na kita sa mga gamit mo,” hinawakan ni Keith ang kamay ng babae upang makasigurado siya na susunod ito sa kanya.
“Ayokong umalis,” nagmatigas si Margaret at pilit na iwinaksi ang kamay ni Keith na nakahawak sa kanya.
“Hindi mo ba nakita ang mukha ng lalaking ‘yon kanina? He wanted to kill you!” Sumigaw si Keith.
“No, hindi niya ako kayang saktan.” Sabi ni Margaret.
“Nahihibang ka na nga,” wika ni Keith, ngunit muli niyang kinuha ang kamay ng babae at sabay na silang umakyat sa itaas pagkatapos niyang tanungin ang isa sa mga katulong kung nasaan ang silid ni Margaret.
“Paano na ako ngayon?” Gumaralgal ang boses ni Margaret habang pinabayaan lang si Keith na mag-empake ng kanyang mga gamit.
“Hindi naman kita pababayaan, eh.” Sabi ni Keith.
Mas lalong umiyak si Margaret dahil sa sinabi ni Keith, hindi dahil sa nakunsensya siya, kundi sa kaalaman na magiging mahirap siya habangbuhay. Hindi alam ng lalaki ang mga ginawa niya dati upang makabingwit ng mayaman at itinuring niyang biyaya ang pagdating ni Nick sa kanyang buhay. “Kung hindi mo sana ako binuntis,” muli niyang sinisi ang lalaki bago lumabas at nagtungo sa silid ni Meghan. Ngunit, bago pa siya nakarating sa silid ni Meghan, nakita niyang lumabas ang babae at parang balewala lang kay Meghan ang nangyari. “Meghan!”
Sandaling nilingon ni Meghan si Margaret ngunit wala siyang balak na makipagmabutihan sa babae. Hangga’t hindi maghilom ang sugat sa kanyang leeg matapos siyang kalmutin nito, hinding-hindi niya ito mapapatawad. Inignora niya ang babae at patuloy na naglakad patungo sa hagdanan kasi pupunta siyang garden upang magpahangin. Napangiti siya nang makita si Nick sa ibaba kahit na wala sa mood ang lalaki. Ang mahalaga, hindi na ito maloloko pa ni Margaret.
“Hindi mo ba ako narinig?” Biglang hinarangan ni Margaret ang pababa na babae.
“Umalis ka sa dadaanan ko,” binalaan ni Meghan si Margaret na parang baliw na humarang sa kanya.
Tiimbagang na hinamon ni Margaret si Meghan at hindi siya nagpadala sa takot. “Or what? Sasakalin mo ulit ako? Sino ka ba para sirain ang mga plano ko?” Galit na tinanong ni Margaret si Meghan.
“Sana iba na lang ang niloko mo at hindi si Nick. Alam kong selfish ka na simula pa noong mga bata tayo, pero ano’ng nangyari at mas lumala ka, Margaret?
Biglang nagdilim ang paningin ni Margaret sa galit at walang pakialam na itinulak niya si Meghan. Natauhan lang siya nang makita niyang bumagsak ang katawan ni Meghan at nagpaikot-ikot ito pababa hanggang sa tuluyan itong bumagsak sa sahig. Nanginginig ang kanyang mga kamay at napahawak siya sa handrail nang marinig ang boses ni Nick habang tumulong kay Meghan at nang tumingala ito sa second floor, nakita siya ng lalaki.
Nakita niya sa mukha ni Nick ang poo’t at galit para sa kanya ngunit hindi nito iniwan si Meghan at inutusan ang isa sa mga katulong na tumawag ng ambulansya. Napaatras siya, at kung hindi siya naagapan ni Keith, malamang na susunod siya kay Meghan sa baba. “Keith…,” nanginig at nanlamig ang kanyang buong katawan habang nakatingin sa lalaki. Alam niyang nasaksihan ni Keith ang kanyang ginawa at natakot siya dahil isa itong pulis.
“Sana’y hindi mo ginawa ‘yon, Marj.” Sabi ni Keith bago niya iniwan ang babaeng lubos na minahal ngunit hindi niya pala lubusang kilala.
Napilitan siyang bumalik sa kanilang bahay ngunit nang puntahan siya ni Nick ay umasa siyang muling makabalik sa bahay na ito. Nagkamali lang pala siya! Galit pa rin ang lalaki kaya muli siyang lumuhod sa harapan nito upang humingi ng tawad.
“Hindi ako diyos para sambahin mo,” sabi ni Nick.
“Nick, patawarin mo ako!” umiyak na humingi ng tawad si Margaret sa lalaki. Kagabi pa siya balisa dahil sa kanyang ginawa ngunit hindi niya matanggap sa kanyang sarili na wala na sila ni Nick.
“Have some self-respect! Hindi ka ba naaawa sa mga magulang mo? Tingnan mo sila,” galit na sabi niya kay Margaret kaya sandaling nilingon ng babae ang mga magulang nito na nakamasid sa di kalayuan.
Sa tingin ni Margaret ay may masamang nangyari kay Meghan dahil galit na galit si Nick sa kanya. Bahagya niyang kinagat ang kanyang labi dahil sa takot. “Nick, kumusta na siya? Ano’ng nangyari sa bata?”
“Pagkatapos mo siyang itulak sa may hagdanan, wala kang karapatan na kumustahin siya!” Pinagalitan ni Nick ang babae.
“Sabihin mo sa akin kung paano mo ako mapapatawad at gagawin ko ang lahat,” nakiusap si Margaret kay Nick. Sa tanang buhay niya, unang beses pa lang niyang nakita si Nick na sobrang galit.
Huminga si Nick nang malalim at tinulungan si Margaret na tumayo. Hindi magandang tingnan na nakaluhod ito sa kanyang harapan dahil hindi naman siya Diyos. “Magpakalayo ka. Pumunta ka sa lugar kung saan hindi ko makikita pati ang anino mo,” sabi ni Nick. “Wala akong pakialam kung kahit saang lugar mo gusto, basta huwag na huwag ka ng bumalik dito!”
Humagulhol ng iyak si Margaret dahil hindi marunong magbiro si Nick. “Hindi ko pwedeng iwan ang aking mga magulang Nick, matanda na sila.” Nagsumamo siya sa lalaki.
“Putang-ina! Eh di gumawa ka ng paraan!” Sinigawan niya si Margaret. “Mapapatawad lang kita sa ginawa mo kung aalis ka at hindi na magpakita sa akin o kay Meghan kailanman.” Dagdag ni Nick.
“Iyon lang ba ang paraan Nick? Paano ang mga magulang ko? Hindi kami mayaman tulad mo at hindi madali ang lumipat sa ibang lugar,” nagpaliwanag si Margaret.
Tinalikuran ni Nick ang babae at binuksan ang kanyang kotse. May kinuha siya sa loob at pagkuwa’y ibinigay ito sa babae. “Sapat na ba ‘yan o kulang pa?” tinanong niya si Margaret.
Tiniis ni Margaret ang hiya at tinanggap ang tsekeng ibinigay ni Nick sa kanya kasi wala naman siyang pagpipilian. Kailangan niya ng pera upang makapagbagong buhay sa ibang lugar. “Salamat,” sabi ni Margaret at tiningnan niya si Nick sa huling pagkakataon bago siya bumalik sa loob ng kanilang bahay.
*******
“Excuse me po.”
Kinabahan si Margaret nang may kumalabit sa kanyang braso dahil natakot siya na baka may nakakita sa kanya at ireport siya kay Nick. Natakot siyang lumingon ngunit hindi ito tumigil sa pagkalabit sa kanya at nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita.
“Mura lang po ang kandila namin,” sabi ng isang bata at iwinagaway sa kanyang harapan ang mga bitbit nitong paninda.