Chapter 5

2256 Words
~(SIV SITHER VILLAVERDE POV) (SID) Kanina ko pa pinagtataguan ang mga lalaki kahapon malapit sa park. Siguradong isasama ako ng mga ito sa gusaling iyon kapag nakita nila ako. Ayoko nang sumama sa mga ito dahil ayokong makita ang babaeng 'yon. Matagal rin nagpalinga-linga ang mga ito sa paligid bago tuluyang umalis. Lumabas lang ako sa pinagtataguan ko nang mawala na ang sinasakyan ng mga ito sa paningin ko. Humugot ako ng malalim na hininga. Tirik na ang araw pero hindi pa ako nakakahanap ng pagkain. Nararamdaman ko na ang pagkalam ng sikmura ko. Hindi ko alam kung bakit pumasok sa isip ko ang pagkain na kinain ko roon sa loob ng mall at tsaka 'yung pagkaing binigay sa akin ng mga lalaking 'yon sa loob ng sasakyan noong nakaraang araw. Kumikinang-kinang pa iyon sa isip ko at lalo iyong nagmukhang masarap kagatin. Hindi ko maiwasang mapanganga na lang sa pagka-takam roon. Napabusangot ako nang marinig kong tumunog ang sikmura ko. Hayst, bakit ba naman kasi nandoon pa ang babaeng 'yon? Mukhang iyon pa naman ang tinatawag na boss ni Tina. Ibig bang sabihin siya rin ang magiging boss ko? Psh, ang sama pa naman ng ugali ng babaeng 'yon. Baka mamaya hampasin na naman niya ang ulo ko kapag nakita ako. Muli akong napabusangot. Pero sabi ni Tina bibigyan niya ako ng pagkain. Gusto ko ng pagkain. "Argh!" ungol ko at ginulo ang buhok ko. Lumublob ako sa tubig sa park pagkatapos kong hubarin ang damit ko. Nagtago lang ako sa likod ng malaking puno para doon magbihis. Naalala ko pa ang daan na tinungo ng sasakyan papunta doon sa mataas na gusaling pinuntahan namin. Sumakay ako ng sasakyan. Nagpatuloy lang ako sa pag-abot ng pera kay manong driver, bayad daw ng mga pasahero hanggang sa makita kong dapat na akong bumaba sa isang kanto. Matagal rin akong naglakad-lakad bago ko mahanap ang gusaling hinahanap ko. Dire-diretso lang akong pumasok sa loob. Kaliwa't kanan ang tingin ko sa buong paligid para alalahanin kung saaan kami dumaan ni Tina noong nakaraang araw. Masyadong maluwag ang buong paligid, ang daming magkakamukhang daan kaya naman hindi ko maiwasang malito. Muli akong tumingin sa kanan ko, sa kaliwa at sa likod ko habang patuloy sa paghakbang. Tss. Saan ko ba mahahanap ulit si Tina? Agad akong napatingin sa harapan ko nang maramdaman kong bumangga ako. Agad namilog ang mga mata ko nang makita ko ang pamilyar na mukha nito nang malapitan na halos maduling ako. Naitulak agad ako nito palayo sa kanya. Nagsalubong ang perkpektong mga kilay nito. "What do you think you are doing?" malamig na bigkas nito. Mula sa malayo ay may nagtakbuhang mga malalaking lalaki papunta sa direksyon namin at hinawakan ang magkabilang braso ko. Psh... bakit ba sa dinami-raming mababangga, iyong babae pang iyon? "Get him out of this building," muling sabi nito. Hihilahin sana ako ng mga lalaki pero nagsalita si Tina na nasa tabi nito. "U-Uhm, miss... s-siya po 'yung lalaking sinasabi ko sa inyo. 'Yung lalaking nagligtas sa inyo from the kidnappers." Kumunot ang noo ko. Siya ang babaeng 'yon? Argh! Kung alam kong siya 'yon sana hinayaan ko na lang na kuhanin siya ng mga pangit na mga lalaking 'yon. Sigurado ako may atraso siya sa mga ito kaya naman pinagtangkaan siyang dukutin. Siguro, hinampas niya rin ang ulo nila katulad ng ginawa niya sa akin. Tumaas ang isang kilay nito. Naalala niya na kaya ako? Naalala niya na kaya kung paano niya hinampas ng kung anong bagay ang ulo ko? Hinagaod ako ng tingin nito bago muling tumingin sa mga mata ko. "I guess Tina have talked to you already. I forgot your name, what is it again?" Hindi ko maiwasang tingnan ang paggalaw ng mapupulang mga labi nito habang sinasabi ang mga salitang iyon. Nang muli kong tingnan ang magagandang mga mata nito, hindi ko alam kung bakit humihigpit ang lalamunan ko. "Tell her your name," ani Tina. "My name is... Si..." Hindi ko naituloy ang sasabihin ko mabuti na lang at napigilan ko ang sarili kong sabihin ang totoo kong pangalan. Naalala ko ang bata kagabi. Naalala ko ang tinawag nito sa akin. "Tawagin mo na lang akong sir." Nakita kong lalong tumaas ang isang kilay nito. Bahagya namang namilog ang mga mata ni Tina. "I hate people wasting my time. Give him my schedules, bag and car key," muling sabi nito pagkatapos ay humkabang na para lagpasan ako. Bago ito tuluyang makalampas ay naamoy ko pa ang matamis na amoy nito na tila ba pumasok sa kaloob-looban ko. Mukhang nag-alala namang tumingin sa akin si Tina na tila gustong habulin ang amo niya pero nakalayo na ito. "I'm sorry, I forgot to tell her na you haven't signed the contract yet." "Siya ba 'yung Ayen Dela Fuente na tinutukoy mo?" Tumango ito. "It's her." "Hayst..." Umangat ang sulok ng labi ko sa inis. "Are you planning to sign the contract? Gusto mo bang magtrabaho sa kanya?" Kagabi ko pa pinag-iisipan iyon. Inisip ko na ang posibilidad na ito nga ang magiging amo ko. Naisip kong hindi ko gustong makita pa ang babaeng 'yon pero habang kumukulo ang tiyan ko kanina naisip ko na mas importante sa akin ang pagkain na ibibigay sa akin ni Tina kapag nagtrabaho ako sa babaeng 'yon. "Basta... bibigyan mo ako ng pagkain." Ngumiti ito. "Okay, I got it." Binigay nito sa akin ang bag pati na rin ang susi. Makintab at malinis na malinis ang sasakyan. Pumasok ako sa loob kung saan may bilog na bagay sa harapan ko at tsaka maraming hindi ko maintindihan na bagay roon. Nakita kong pumasok si Tina sa likod ng sasakyan katabi ng babaeng 'yon. Tiningnan ko ito mula sa salamin. "A-Anong pipindutin ko?" Bahagyang umawang ang mga labi ni Tina at ilang sandaling tumingin sa akin habang nakita ko naman ang pag-ikot ng mga mata ng babaeng nasa tabi nito. "Y-You don't know how to drive?" tanong ni Tina. Biniling ko ang ulo ko dahil mukhang tinatanong niya kung marunong akong magmaneho. "Jeez..." mahinang bulong nito pagkatapos ay bumaba ng sasakyan. Lumipat ako sa kabilang upuan pagkatapos ay may isang lalake na ang nagmaneho ng sasakyan. Simple ko pa ring tinitingnan ang babaeng 'yon sa likuran mula sa salamin. Hindi niya kaya talaga ako naaalala o sadyang kinalimutan niya na lang 'yung ginawa niyang paghampas sa akin. Kung nakalimutan niya ako, p'wes ako hindi. Bumuntong hininga ako. Paano kaya ako makakaganti sa kanya? Nang makarating kami sa harap ng isa pang mataas at malaking gusali, bumaba na rin kami ng sasakyan. Dire-diretso siyang pumasok sa loob at tumigil rin pagkatapos ng ilang hakbang. Tumingin ito sa sahig bago muling nagpatuloy sa paghakbang. "Order them to clean the floor." Nakita kong mabilis kumilos ang mga tao sa paligid. Ang ilan ay huminto para tumabi sa isang gilid at yumuko sa kanya. Tiningnan ko naman ang mga lalaking mabilis pinunasan at nilampaso ang sahig kahit pa malinis naman iyon at makintab pa. Muli kaming sumakay sa sasakyang bumababa at tumataas. Huminto iyon sa isang palapag. Maingay sa loob ngunit nang makita nila ang babae sa harap ko ay bigla na lang silang tumahik, huminto at yumuko rito. Nagpatuloy ito sa paghakbang. Para bang dinaanan ng anghel ang buong paligid. Wala akong ibang naririnig kung hindi ang tunog ng sapatos nito sa sahig. Binuksan ni Tina ang isang pinto pagkatapos ay dire-diretsong pumasok si Ayen Dela Fuente roon. Nanlaki ang mga mata noong babaeng nakaupo sa upuan sa likod ng mesa. Nakataas pa ang dalawang paa nito sa mesa habang may hawak na pagkain sa kamay nito. Napalunok ako dahil natatakam ako sa pagkaing nasa ibabaw ng mesa nito pati na rin sa pagkaing hawak nito na mabilis niya ring tinapon sa basurahan pagkatapos ay mabilis rin itong tumayo. Napaawang ang mga labi ko nang itapon nito lahat ng pagkain na nasa ibabaw ng mesa niya sa loob ng basurahan. Tss. Bakit niya ba sinasayang ang pagkain? Hindi niya ba alam na maraming nagugutom? Pinunasan nito ang gilid ng labi pagkatapos ay inayos ang damit na halos hindi na magkasya sa kanya sa laki ng katawan niya. "G-Good after—" Hindi niya natapos ang sasabihin niya dahil lumapit sa kanya si Ayen Dela Fuente at nagulat ako nang sampalin niya ang babae. Bumiling ang mukha nito sa lakas ng sampal. "M-Miss... sorry po..." paumanhin nito na mangiyak-ngiyak habang nakahawak sa pisngi niya. "Get your piggy ass out of my company. You're fired," malamig na sabi nito. "M-Miss--" "Now!" Halos mapatalon ako sa lakas ng sigaw nito. Mabilis kumilos ang babae at nagmamadaling lumabas ng pinto. Napalunok ako nang bumaling ako kay Ayen. Nakita ko ang pagbabaga ng mga mata nito. Psh... bakit ba ang init ng ulo niya? Muli itong humakbang palabas ng pinto. Nakatingin pa rin ako sa basurahan na napuno ng pagkain habang nakasunod rito. Hayst, lalo akong nakaramdam ng gutom. "I want to see all middle and upper management in the meeting room," malamig na sabi nito habang patuloy sa paghakbang. "Yes, miss," sagot naman ni Tina. Muli kaming umakyat ng ibang palapag. Susunod sana ako sa kanila sa isang silid pero ang sabi sa akin ni Tina ay umupo muna ako sa couch at hintayin sila. Bago ito pumasok sa silid ay marahan kong kinuha ang braso nito. "Pwede mo na bang ibigay sa akin 'yung pagkain?" nakangiwing tanong ko. Kanina pa kasi tumutunog ang tiyan ko. "Oh... yeah. Just wait on the couch. I will order them to serve you foods," nakangiting sabi nito. Hinayaan ko na rin naman itong pumasok sa loob. Umupo na muna ako sa couch hindi kalayuan sa silid na pinasok nila na tinatawag nila 'meeting room'. Ilang sandali pa ay dumating na rin ang mga pagkain. Halos mabulunan ako sa pagkain ng mga iyon. Hindi ko nabilang kung ilang beses akong dumighay nang matapos akong kumain. Tumingin-tingin muna ako sa paligid habang hinihintay silang lumabas mula sa loob ng silid. Ang ganda rin ng lugar. Marami rin ilaw at malinis tingnan ang buong paligid. Maya-maya lumabas na ang ilang tao mula sa loob. Iyong iba ay hindi maipinta ang mukha, ang iba naman mukhang masama ang loob, at 'yung iba ay umiiyak pa. Psh, sinigawan niya siguro ang mga ito o 'di kaya ay sinampal niya ang mga ito. Tch, ang sama talaga ng ugali ng babaeng 'yon. Napatingin ako sa pinto nang marinig ko ang tinig nito sa loob. "Get lost. I don't need incompetent and irresponsible people in my company!" Ilang sandali pa ay lumabas na mula roon ang isang lalaki na mukhang masama rin ang loob. Noong paalis na kami, napansin kong halos lahat ng tao sa loob ng gusali na iyon ay nagbabalot ng mga gamit. Marami pa itong dinaang lugar kasama si Tina. Hindi nagtagal ay nagpaalam sa akin si Tina na kailangan niyang bumalik ng opisina at kailangan kong bantayan ang boss niya. Ang huling lugar na raw na pupuntahan naming ay ang hotel na inuuwian nito. Hindi ko naiwasang mamangha habang nakatingin sa matayog na gusali sa harapan ko. Doon ito nakatira sa napaka-laking gusaling iyon? Sobrang laki naman yata ng gusaling iyon para sa kanya? Ganoon na ba ito kayaman? "Huy, pagbuksan mo ng pinto," utos sa akin ng driver na naka-dungaw sa bintana. Oo nga pala. Mabilis ko rin binuksan ang pintuan. Napansin kong tulog ito sa loob. Baka mamaya ay bigla na lang niya akong bugahan ng apoy. Mukhang hindi pa naman ito friendly. Mabilis kong sinundot ang balikat nito gamit ang dulo ng daliri ko ngunit tulog pa rin ito. Hays. Dahan-dahan kong nilapit ang kamay ko sa balikat niya. Mabilis ko iyong tinapik at binawi ko rin agad ang kamay ko. Hindi pa rin ito nagigising... Kung buhatin ko na lang kaya siya? Tss, baka lalo siyang magalit sa akin at kainin niya ako nang buhay. Mabilis kong tinapik ang balikat niya pero hindi talaga ito magising. Mukhang antok na antok siya at mukhang pagod na pagod rin. Nang akmang tatapikin ko na ang pinsgi nito ay bigla na lang ako napatitig sa magandang mukha niya. Mataas ang kilay nito na kahit tulog ay mukha siyang nagmamaldita. Mahahaba ang mga pilik-mata nito. Maliit ngunit mahaba ang ilong nito. Maganda ang hubog ng mga labi nito na mamula-mula pa. Kusa akong napalunok habang nakatingin rito. Gusto ko pa sana itong titigan kaya lang ay... "Araaay!" daing ko nang itulak niya ako at tumama ang ulo ko sa gilid ng sasakyan. "What do you think you're doing, huh?" tanong nito. Tinanggal ko ang ulo ko sa loob ng sasakyan at tumayo sa gilid habang nakahawak pa rin sa ulo kong nauntog. Bumaba rin ito ng sasakyan at tiningnan ako nang masama. "Psh, wala akong ginagawang masama. Ginigising lang kita," paliwanag ko dahil kung makatingin ito sa akin akala mo naman ay pinagsamantalahan ko siya. "I don't care, don't ever come close, understood?" masungit na saad nito. Hindi ko ito sinagot dahil hindi ko naman naintindihan ang sinabi niya. Nagpatuloy lang ako sa paghilot sa ulo kong sumasakit. Nagpatuloy na rin ito sa paghakbang. Susunod sana ako sa kanya pero naramdaman yata nito ang presensya ko at muling nagsalita. "You don't have to follow, I can manage." Para bang sinasabi nitong huwag na akong sumunod sa kanya kaya naman huminto na rin ako habang nakatingin rito palayo. Psh, sungit. Madapa ka sana.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD