Pagkapasok ko pa lang sa loob ng campus ay halata ko na ang matatalim na tingin sa akin ng mga estudyante rito. Iyong iba ay parang pinandidirihan ako at iyong iba naman ay pinagbubulungan ako.
Nakayuko akong naglalakad papasok nang humarang naman sa aking harapan ang grupo ni Cristel Chen. Malaki ang pagkakagusto niya kay Kenjie kaya galit na galit sila sa’kin dahil panay ang lapit sa akin ni Kenjie at ito ang iniiwasan kong mangyari.
Nakahalukipkip niya akong hinarap at hinagod niya pa ako at nginisian. Isa ang mga magulang niya sa sponsor nitong school at kayang-kaya niya patalsikin ang mga estudyanteng humaharang sa mga gusto niya. Kalmado ko siyang hinarap dahil ayokong mapaaway sa kaniya at isa pa iniingatan ko ang scholarship ko dahil hindi ito puwedeng mawala sa akin.
“You slut!” may diing wika niya.
“A-ano?”
“Huwag ka nang magmaang-maangan pa. Malandi kang babae ka! Hindi ko malaman kung ano ang pinakain mo kay Kenjie at patay na patay siya sa’yo! Ilang lalaki na ba ang tumikim d’yan sa katawan mo?” Natigilan ako at tumingin sa paligid.
Kita ko ang pagbubulong bulongan ng mga estudyante na wari ko’y alam na nila kung ano ang aking trabaho. Ito ang kinakatakot kong mangyari ang malaman nila ang klase ng aking trabaho.
“Hoy Cristel ano naman ang gusto mo?!” Napalingon ako sa aking likuran at nakita ko na papalapit sa aming kinaroroonan si Jhauztine at Kenjie.
“J-jhauztine,” mahinang wika ko.
“Okay ka lang ba Trinity?” tanong niya nang makalapit na siya sa akin.
“Ano na naman ba ito ha Cristel? Hanggang ngayon pa rin ba pinag-iinitan niyo pa rin si Trinity? Wala na ba talaga kayong magawa?” galit na sambit ni Kenjie.
“Kenjie, gaano mo ba kakilala ‘yang babaeng nililigawan mo ha?!”
“Mas kilala ko siya kaysa sa inyo kaya please lang Cristel tigilan niyo na siya! kahit anong gawin mo hindi kita magugustuhan”
“Oh really? Kahit na isa siyang maruming babae Kenjie?” Mabilis akong napatingin kay Kenjie at siya nama’y kunot-noong nakatitig kay Cristel.
Paniguradong may alam na si Cristel tungkol sa’kin. Sobrang gusto niya si Kenjie at gagawin niya ang lahat para lang siraan ako rito. Kung tutuusin ay matagal ko nang iniiwasan si Kenjie dahil ayokong magulo ang buhay ko pero tanging siya lang ang lapit nang lapit sa akin na hindi ko rin naman maitaboy dahil sa pinapakita nitong kabaitan.
Ngunit dito na yata magtatapos ang pagkakaibigan namin. Kaya kong aminin sa kan’ya ang totoo pero natatakot ako at maging si Jhauztine ay iwasan na rin ako. Natatakot akong mawalan ng kaibigan dahil sila na lang ang meron ako ngayon.
“I don’t believe you Cristel, sinisiraan mo lang si Trinity. Puwede ba patahimikin mo na siya wala naman siyang ginagawang masama sa’yo”
“Oo nga naman Cristel Chenchansoo! Kapag inggit pikit!” gatong naman ni Jhauztine.
“Let’s go Trinity.” Hinawakan ako ni Kenjie sa aking kanang braso para ilayo na sa grupo ni Cristel.
“Papatunayan kong malandi ang babaeng ‘yan!” sigaw pa niya nang medyo makalayo na kami sa kanila.
Hinatid muna kami ni Kenjie sa aming silid at nauna namang pumasok sa loob si Jhauztine at kami naman ay nasa harap ng aming silid. Hindi ako makatingin sa kaniya ng deretso dahil nahihiya ako sa nangyari kanina.
“K-kenjie about doon sa sinabi ni Cristel__”
“Hindi naman ako naniniwala sa kan’ya eh. Alam kong sinisiraan ka lang niya and besides hindi ganoon ang pagkakakilala ko sa’yo.” Nag-iwas na lang ako nang tingin sa kan’ya at hindi ko sinasadyang mapadako ang tingin ko sa isang lalaki na naka shades sa ‘di kalayuan sa amin.
Kilala ko ang lalaking iyon, siya ang nagdala sa akin sa condo ni Gascon. Napatingin bigla ako kay Kenjie dahil naalala ko naman ang banta sa akin ni Gascon. Taka niya akong tinitigan at pakiwari ko’y may gusto siyang itanong sa akin. Hahawakan sana niya ang pisngi ko pero ako na ang umiwas sa kan’ya at natatakot ako sa posibleng mangyari naman sa kan’ya.
“Ah, s-sige Kenjie pasok na ko ha?” Hindi ko na siya hinintay makasagot at mabilis na rin akong pumasok sa aming silid.
Pabagsak naman akong naupo at pakiramdam ko naman ay hapong-hapo ako. Siniko ako ni Jhauztine at tinaasan pa ako ng kilay at alam ko na kung anong ibig niyang sabihin.
“W-wala ito nag-usap lang kami ni Kenjie”
“Huwag kang mag-alala Trinidad hindi naman basta basta maniniwala si Kenjie kay Cristel. Number one na sinungaling kaya ‘yon at isa pa inggit na inggit sa beauty mo ‘yon kaya gano’n na lang siya kung umasta,” mahinang wika naman niya.
“Jhauztine, tanggap mo ba ako kahit na anong mangyari?” garalgal kong wika.
“Oo naman Trinity kaibigan kita alam mo naman na ikaw lang din ang naging kaibigan ko ‘di ba? May problema ka ba?” Sasagot pa sana ako nang dumating na ang aming guro kaya naputol ang aming usapan.
Natapos na ang unang klase namin ay nagyaya naman si Jhauztine na kumain sa canteen. Naglalakad na kami patungong canteen ng may mapansin kaming nagkakagulo malapit sa faculty. Dahil sa kuryosidad ay lumapit kami ni Jhauztine doon para malaman kung ano ang nangyayari roon.
“Ate anong meron? May artista ba?” tanong ni Jhauztine sa isang estudyante.
“Parang ganoon na nga,” kinikilig na wika naman nito.
Maya-maya pa ay may lumabas sa faculty na dalawang lalaki at simple lang ang mga suot nito. Nakatalikod ang mga ito kaya hindi namin makita ang kanilang itsura at kausap nila ang aming principal. Muntikan pa akong mapaatras nang humarap ang isang lalaki at nanlaki ang aking mga mata nang makilala naman kung sino ito.
Para akong hindi makahinga dahil iniisip ko kung bakit siya naririto sa loob ng pinapasukan kong eskwelahan. At nang maglakad na sila papunta sa aming kinaroroonan ay tumalikod pa ako at ang lakas nang kabog ng aking dibdib. Panigurado akong sinusubaybayan niya ang bawat kilos ko, kaya pala nakita ko kanina ang isang tauhan niya rito ay baka nagsumbong na siya na kausap ko si Kenjie.
Kung ganoon ay dapat ko na talaga siyang iwasan dahil baka mapahamak pa siya at ayoko namang may mangyaring masama sa kaniya dahil sa kagagawan ko. Alam kong ibang klase si Gascon at hindi siya nagbibiro sa sinabi niya sa akin noong nakaraan. Ang hindi ko maintindihan ay kung ano ba ang kinalaman ko sa kan’ya bakit ganito na lamang siya sa akin?
At nang makalagpas na sila sa amin ay saka ko lamang sila sinulyapan, doon lamang ako nakahinga nang maluwag. Hindi ko naman namalayan na kanina pa pala ako kinakausap ni Jhauztine at siniko pa niya ako kaya napapitlag ako at taka naman niya akong tinitigan.
“Hoy Trinidad! Ano bang nangyayari sa’yo ha? Kanina pa 'ko daldal nang daldal dito hindi ka naman pala nakikinig,” pagmamaktol niya.
“S-sorry ha, ano nga ‘yon?”
“Natameme ka rin ‘no? Ikaw ba naman makakita ka ng ganoon kaguwapo hindi ka ba matatameme rin? Sino kaya sila? Itanong kaya natin sa office?”
“Ano ka ba naman Jhauztine baka mamaya kung ano pa ang sabihin no’n eh”
“Curious lang naman ako,” nakangusong wika niya.
Habang nasa canteen kami ni Jhauztine ay halos hindi ko naman malunok ang kinakain ko dahil kanina ko pa iniisip kung bakit biglang nagawi rito si Gascon. Wala sa sarili kong naibaba ang hawak kong kutsara at malakas na napabuga sa hangin.
“May problema ka ba Trinity?” may pag-aalalang wika ni Jhauztine.
“Ah w-wala medyo napagod lang kasi ako eh,” pagsisinungaling ko.
“Iniisip mo pa rin ba ‘yong mga sinabi ni Cristel? Huwag mong intindihin ‘yon gusto ka lang talaga niya ipahiya sa mga estudyante rito”
“J-jhauztine?”
“Hmmn?” Lumunok muna ako bago muling nagsalita.
“Mapagkakatiwalaan naman kita ‘di ba?”
“Oo naman Trinity. Matagal na tayo magkaibigan since grade six alam na nga natin ang ugali ng isa’t-isa eh. Ano bang problema? Papa mo pa rin ba?” umiling ako sa kan’ya at mangiyak-ngiyak ko siyang tinitigan.
“Kasi Jhauztine__”
“Trinity!” Sabay kaming napalingon ni Jhauztine sa kung sino ang tumawag.
Nakita namin si Kenjie na papalapit sa puwesto namin at may mga dalang pagkain. Pinunasan ko ang tumulong luha sa aking pisngi bago pa makalapit sa amin si Kenjie. At nang makalapit na siya ay umupo siya sa aking tabi at inilapag ang mga dala niyang pagkain.
“Wow! Ang dami naman niyan Kenjie. Iba talaga ang pagmamahal mo kay Trinity,” mapanuksong wika ni Jhauztine.
“Kain ka na Trinity binili ko talaga ‘yan para sa’yo.” Tinignan ko ang mga pagkaing dala niya at binalingan ko naman siya.
Nakatitig lang siya sa’kin at ang lapad nang ngiti niya. Dapat ko na siyang iwasan simula ngayon, dahil sa’kin ay mapapahamak lang siya.
Mabilis akong tumayo at kinuha ko na ang mga gamit ko at tinalikuran sila. Narinig ko pa ang pagtawag sa’kin ni Jhauztine at Kenjie ngunit hindi ko na sila nilingon. Pababa na sana ako nang hagdan ng may humatak naman sa akin at sinandal ako sa pader.
Napatingin ako kung sino iyon at kita ko sa mga mata ni Kenjie ang pag-aalala. Hinaplos niya pa ang aking pisngi at akmang itutulak ko na siya nang yakapin naman niya akong bigla na ikinagulat ko. Mahigpit niya akong niyakap at dinig ko pa ang t***k ng kan’yang puso.
“May nagawa ba akong mali Trinity? O dahil ayaw mo lang talaga sa’kin? Tell me please para naman mabago ko ‘yon para sa’yo,” wika niya habang nakayakap pa rin sa’kin.
Kumalas ako nang pagkakayakap sa kan’ya at binalingan siya. Ngayon pa lang ay kailangan ko nang putulin ang ugnayan sa kaniya dahil hindi malabong totohanin ni Gascon ang banta niya sa’kin.
“Mas mabuti pa na lumayo ka na lang sa’kin Kenjie. Hindi tama na lumalapit-lapit ka sa’kin”
“Why? Is it because of Cristel?”
“Oo! Dahil sa kan’ya! sigaw ko sa kan’ya.
Kailangan kong magsinungaling para lumayo na siya sakin. Hindi ko siya gustong mapahamak dahil alam kong nasa paligid lang ang mga tauhan ni Gascon na nagmamatyag sa’kin ngayon.
“Trinity naman huwag mong intindihin si Cristel, ikaw ang gusto ko!”
“Puwes hindi kita gusto kaya please lang Kenjie patahimikin mo na ako!” Pagkasabi kong iyon ay tinalikuran ko na siya at nagtungo naman ako sa banyo.
Sobrang bigat ng dibdib ko ngayon dahil nasaktan ko na naman si Kenjie. Kailangan ko siyang saktan para lang walang gawin sa kan’ya si Gascon. Ilang minuto pa akong nagtagal sa loob ng banyo ay nagpasya na rin akong lumabas.
Palabas pa lang ako ng gate ng aming paaralan ay nakita ko na nagkakagulo ang ilang mga estudyante roon at ang ilan pa ay kinukuhanan pa ito ng litrato. May dumating pang ambulansya at isinakay na doon ang pasyente.
“Kuya ano pong nangyari?” Tanong ko sa aming guard nang makalapit ako sa kan’ya na nasa guard house.
“Isang estudyante nabaril”
“P-po?!” gulat kong turan sa kaniya.
“Dalawang tama raw sa bandang likod.” Taka akong napatingin sa labas at iniisip kung sino ang estudyanteng iyon.