CHAPTER THREE
“BA'T pa kasi kailangan mong umalis papuntang abroad, Allan? Hindi mo kailanman ako narinig na nag-demand ng kung ano sayo 'di ba? Ikaw lang na kasama ko, sapat na. Hindi ko kailangan ng maraming pera na ipapadala mo kapag nagtrabaho ka na sa America!” mangiyak-ngiyak na pahayag ni Ingrid sa nobyong si Allan.
Kasalukuyan silang nagtatalo patungkol sa ipinagtapat nitong magtatrabaho na raw ito sa abroad.
“Oo nga, Ingrid, pero pinal na ang desisyon ko. Alam mo namang humihina na ngayon ang kita sa Internet Cafe lalo pa't marami nang kakumpetensya na mga nagpapagawa rin ng Internet Cafes malapit sa amin. Alam ko rin na hindi ka nga humihingi ng kahit na ano sa akin, kung ano lang yung kayang maibigay ko, tinatanggap mo ng buong puso dahil mahal mo ako. Ako rin naman mahal na mahal kita kaya ko 'to gagawin.” masuyong sagot ng binata.
May sariling Internet Cafe kasi na tanging maliit na negosyong pinagkakakitaan ang pamilya ni Allan at nang maka-graduate ito sa kursong dalawang taong Information Technology ay ito na ang namahala at nagpatakbo sa negosyong iyon.
“Mahal kita, Ingrid, kaya aalis ako. Kahit mahirap, magsasakripisyo ako para sa magandang kinabukasan nating dalawa at mag-iipon akong mabuti upang kahit papaano'y may maipagmamalaki ako sa mga magulang mo.”
“Pero hindi mo kailangang patunayan ang sarili mo! Ilang beses ko nang sinabi, mahal kita at ikaw lang sapat na!” iyak pa rin niya.
Bumaba sa uguyan si Allan upang lumapit sa kanya at lumuhod sa kanyang harapan para magpantay ang kanilang mga mukha. Kasalukuyan silang nasa playground ng isang public Park kung saan ang paboritong dating place nila magmula pa nang maging sila noong kolehiyo.
Marahang tumango si Allan at magaang nginitian siya. “Kaya nga mahal na mahal kita dahil alam kong basta ikaw ang kasama ko, wala akong dapat na ipag-alala may maipagmamalaki man ako o wala. Pero lumilipas din ang panahon, Grid, sooner or later magdedesisyon tayong magpakasal, mamumuhay ng sariling atin at bubukod ng sarili nating pamilya kaya gusto ko sana, bago dumating ang araw na iyon, may sapat na ipon ako para buhayin kayo ng mga anak natin.”
Mas napaiyak lamang siya. Kaya mahal na mahal niya ang lalaking ito eh, masyadong responsable sa buhay, mapagmahal sa kanya at sa pamilya nito, saka laging iniisip ang kapakanan ng kinabukasan na kasama siya.
“Gusto ko rin na kapag hiningi ko na ang kamay mo sa mga magulang mo ay may maipagmamalaki akong karapat-dapat ako sa kanilang prinsesa. Isa pa, kailangan ko ring ikonsidera ang pamilya ko, ayokong habang buhay ay aasa kami sa aming Internet Cafe na pahina na rin nang pahina ang kita at ayokong umabot sa puntong halos wala na kaming makain sa bahay dahil lang nakaasa kami sa negosyong iyon. Panganay ka rin, mahal, kaya alam kong alam mo ang nararamdaman ko kapag pamilya na ang pinag-uusapan.”
Tumango siya. Naiintindihan nga niya. Kaya siguro pinagtagpo silang dalawa para sa isa't-isa dahil pareho silang panganay at nagkakaintindihan.
Ang tanging ipinagkaiba nga lang nila, may kaya ang kanyang pamilya samantalang ito ay hindi ganoon kadali ang buhay para rito. Her family has their own hotel and resort business na malaki at dinarayo ng karamihan. Ang pamilya ni Allan nama'y may maliit na negosyong Internet Cafe sa bahay ng mga ito sa baryo.
Ngunit sa kabila ng pagkakaiba ng estado sa buhay, hindi pa rin naging hadlang iyon upang magmahalan silang dalawa at tanggapin sa puso niya si Allan pati na kung ano lamang ang naibibigay nito. Marunong siyang makuntento at maging masaya kapag dinadala siya nito sa isang turo-turong karinderya kapag nagyayaya itong mag-date, magsi-sine kapag may pera ito kung monthsary at anniversary nila, at mga pekeng kwintas, relos o polseras kapag nagreregalo ito.
Bigla ay niyakap niya ang nobyo. “Para sa family mo at sa future nating dalawa, pumapayag na akong magtrabaho ka sa abroad. Basta, 'wag mo lang akong kalilimutan at bumalik ka kaagad ha?”
Hinagod nito ang kanyang likod. “Salamat, mahal. Oo, babalik ako agad. Hintayin mo ako ha?”
“Oo naman!”
Kumalas sila sa yakap at unti-unting naglapat ang kanilang mga labi.
Sa makalipas na anim na buwan na nawala si Allan ay naging maayos naman kahit papaano ang lahat. Nagpatuloy siya sa pagtatrabaho bilang Head Accountant ng resort ng pamilya nila dahil graduate naman siya ng kursong Accountancy samantalang si Allan, maganda rin ang takbo ng trabaho bilang IT Specialist sa isang malaking Technological company sa America.
Sa mga unang buwan na nagdaan, maayos naman ang naging kumunikasyon nilang magnobyo ngunit pagkatuntong ng mga walong buwan ay dumalang iyon. Ang parating dahilan nito kaya minsan na lamang nakakatawag ay busy raw masyado dahil na-promote na ito sa mas mataas na posisyon. Masaya naman siya para sa nobyo dahil alam niyang masaya rin ito sa paunti-unting tagumpay na natatamasa.
Ang pinakahindi niya inaasahang suliraning dumating sa kanyang buhay ay ang tuluyang pagkasira ng tahimik at simple sana niyang buhay magmula nang mamatay ang kanyang ama dahil sa isang car accident.
“Wala na si daddy, ate Ingrid!” naghuhumagulgol na salubong sa kanya ni Betty isang gabi sa hospital.
Nagulantang siya. “Anong nangyari? Paanong-“
“Galing siya sa isang birthday party ng isang kaibigan, uminom ng marami at nagmanehong lasing na lasing kaya naaksidente!”
Hindi siya makapaniwala. Parang kailan lang nang masaya pa silang nagsisimba kasama ng buong pamilya, ngayon ay mababalitaan na lamang niyang wala na ito?
Ang inaakalang pinakamasakit na pangyayari sa buhay ay simula pa lamang pala talaga ng tunay na kalbaryo. Sa trabaho’y naging maayos naman sila dahil kahit wala na ang ama ay ipinagpatuloy pa rin nila ng mommy niya ang magandang pamamalakad sa resort. Ang mommy niya ang naging General Manager at siya ay nagpatuloy sa pagiging Head Accountant ng Accounting Department.
Isang hapon nang makauwi siya sa kanilang bahay galing sa trabaho at ipagtanong sa kapatid kung nasaan ang mommy nila upang maipresenta sana ang kita sa resort ngayong buwan, sinabi ni Betty na nasa opisina ng kanilang ama at kasalukuyang kausap sina Mr. Ricardo at Mrs. Lia Montgomery.
‘Ano namang ginagawa ng mommy’t-daddy ni Logan rito?’ Nakakunot-noo'ng tanong niya sa isipan. Umiling siya at dumiretso na lamang. Hindi naman siguro ganoon kaseryoso ang pagbisita rito ng mag-asawang Montgomery.
Logan Montgomery was her classmate since first year to fourth year college; he's also a best friend to her. Mabait kasi, approachable, helpful, and undeniably smart.
“Wala na ba talagang ibang paraan kundi ito lamang?”