HALOS manginig maging ang mga kalamnan ni Sianna sa kaniyang katawan nang makita ang laman ng kulay puti na invitation card. Isa iyong wedding invitation.
Malinaw na nakasaad sa wedding invitation na pangalan niya ang nakalagay sa Maid of Honor ng naturang kasal.
At ang kasal na iyon ay walang iba kung ‘di kina Rose at Wil.
“The nerve,” gigil pa niyang wika na nakuyumos pa ang hawak na wedding invitation.
Sigurado siya na si Rose mismo ang nagpadala niyon sa kaniya.
Hindi pa talaga ito tapos na ipamukha sa kaniya na nakuha na nito si Wil? Talagang isasampal pa nito sa pagmumukha niya na ikakasal na ito sa lalaking dapat ay siya ang pakakasalan.
Siya lang ang nabago ang posisyon sa mismong entourage ng kasal na iyon. Kung sino ang mga inilagay nila roon ni Wil ay iyon pa rin ang mga naroon.
Itinapon ni Sianna ang wedding invitation na iyon dahil nararapat lang naman iyon sa basurahan.
Gusto ba talaga siyang galitin ni Rose hanggang sa sumabog siya?
Puwes, nagkakamali ito ng kinakanti ngayon.
Tingin talaga nito sa sarili nito ay nakatisod ito ng ginto dahil kay Wil. Oo nga at galing sa mayamang pamilya si Wil. Pero sapat na ba iyon para magmalaki ito sa kaniya?
O baka naman masaya ito sa naging tagumpay ng pang-aagaw nito sa kaniya?
“PINABIBIGAY po ni Sir Wil,” ani Carlos kay Eliezer nang ilapag nito sa harapan niya ang isang invitation card.
“Ikakasal nga pala siya,” aniya na dinampot sa ibabaw ng kaniyang office table ang naturang invitation card. Nasa pribadong opisina siya ng mga sandaling iyon sa Falcon Group.
Kinuha ni Eliezer ang card sa kinalalagyan niyong puti na envelope para usisain ang nilalaman.
“Rose Dela Torre,” sambit pa niya sa pangalan ng babaeng pakakasalan ni Wil. Kumunot ang noo ni Eliezer. Parang hindi iyon ang naririnig niyang pangalan ng nobya ng kaniyang pamangkin. Tinapunan niya ng tingin si Carlos. “Rose ba ang pangalan ng girlfriend ni Wil?”
Tumikhim si Carlos. “Hindi ho.”
“Hindi?”
“May nabuntis na ibang babae ang pamangkin ninyo at ‘yon ang pakakasalan niya.”
“Wait—what?”
Parang naguluhan siya sa sinabing iyon ni Carlos.
“May nabuntis pong ibang babae ang pamangkin ninyo at ‘yon ang pakakasalan niya,” ulit ni Carlos sa sinabi nito.
“How come? ‘Di ba at may fiancée na siya? Nagloko ba siya?”
“Parang ganoon na nga ho.”
“Tss,” napapailing pa siya sa kaniyang nalaman. “Like father, like son,” bulalas pa niya.
Katulad ng kaniyang pinsan na si Alfonso Falcon, nagloko rin iyon sa dapat ay babaeng nakatakda niyong pakasalan noon. At ang pinakasalan ng kaniyang pinsan na si Alfonso ay ang nabuntis niyon. Ang ina ni Wil na si Lorie.
Noong unang panahon pa naman, kung sino ang babaeng nabuntis mo ay siyang pakakasalan mo. At mukhang hanggang ngayon ay iyon ang sistema.
Napapaisip tuloy siya kung ano kaya ang nararamdaman ngayon ng naunang fiancée ni Wil? Lalo na at iba ang pakakasalan ng kaniyang magaling na pamangkin.
“May alam ka ba tungkol sa babaeng pakakasalan ng magaling kong pamangkin?” muli ay tanong ni Eliezer kay Carlos.
“Ang nakarating lang ho sa akin ay stepsister ng naunang fiancée ni Wil ang babaeng pakakasalan ngayon ng pamangkin ninyo.”
Stepsister?
Weird.
Pumatol si Wil sa magkapatid? At ang nabuntis pa ay ang stepsister mismo ng dapat ay pakakasanan nito.
Mabuti na lamang at wala siyang kapatid. Dahil kung ganito rin ang magiging senaryo ng buhay pag-aasawa niyon? Baka nakatikim pa sa kaniya.
Solo lang siyang anak. Ang mga magulang niya ay wala na rin sa mundo dahil menopausal baby siya. Milagro na lamang ang nangyari nang magbuntis pa ang kaniyang ina sa kaniya. Buong akala pa ng kaniyang mga magulang na hindi na magkakaroon pa ng anak ang mga iyon. Hanggang sa mabuo nga siya at dumating sa buhay ng mga ito.
Simula pagkabata, hindi siya nakaramdam ng hirap sa buhay.
Iyon nga lamang, hindi na naabutan pa ng mga ito ang mga importanteng milestone sa buhay niya.
Si Carlos na kaniyang Personal Assistant ngayon ay ang anak na rin ng kanang kamay ng kaniyang ama noon. Matanda ito sa kaniya ng sampung taon. Lumaki rin ito sa kaniyang pamilya kaya marami itong alam sa kaniya. At kung mayroon din siyang pagkakatiwalaan? Si Carlos lang iyon.
May edad na rin ang ama nito at mahina na. Buong buhay rin niyon ay sa pamilya niya umikot.
At si Carlos, nang tumuntong na ito sa edad nitong thirty-five, wala pa ring balak mag-asawa dahil abala sa trabaho nito sa kaniya. Hindi naman siya ganoon kabato para ipalaan ang buong buhay nito sa kaniya. Kaya naman sapilitan pa niya itong pinag-asawa.
Aniya pa noon ay kung sino ang matipuhan nitong babae ay pakasalan kaagad nito. Sino ba namang babae ang tatanggi kay Carlos kung kumpleto rekados ang ibinigay niya ritong benefits mag-asawa lamang ito? May hitsura din naman ito.
Hindi lang ito basta assistant sa kaniya, kapamilya rin ang turing niya rito. Iyon nga lang, hindi talaga nawawala ang pagrespeto nito sa kaniya bilang boss nito.
“Kayo, Sir? Kailan kayo bubuo ng sarili ninyong pamilya?”
“Walang babae ang magtitiis sa katulad ko, Carlos.”
Masyado siyang busy sa trabaho. Minsan, ilang buwan din siyang nagtatagal sa abroad dahil sa mga negosyong hawak din niya roon.
Kaya literal na wala siyang panahon pa para mag-asawa. At mas lalong hindi pa rin niya nakikita ang sarili na lalagay sa tahimik.
Isa pa, kung sino-sino ring babae ang ni-li-link sa pangalan niya. Baka sa halip na matuwa sa kaniya ang kaniyang mapapangasawa ay stress pa ang ibigay niya rito.
Bata pa rin naman siya. Thirty-one.
Sabi nga ng matatanda, life begins at forty.
Nine years pa. Baka sakaling maisipan din niyang mag-asawa.
Lalo na at hindi birong negosyo ang iniwan sa kaniya ng kaniyang mga magulang.
Kumatok pa si Carlos sa kaniyang lamesa. Kinukontra ba nito ang kaniyang sinabi?
“Sayang naman ho kung hindi kayo magpapamilya.”
“Dahil sa mga negosyo ko?”
Tumango si Carlos. “Ano’ng ginagawa ng inaanak kong si Migi?” Tukoy pa niya sa panganay na anak nitong si Miguel o Migi kung tawagin niya. “Kapag hindi ako nagkaroon ng sariling pamilya, ipapamana ko sa kaniya ang lahat ng mayroon ako.”
“‘Yan ang ‘wag mong gagawin, Sir Eliezer. Tiyak kong maraming magagalit sa akin na mga kamag-anak mo.”
“Don’t mind them. Hanggang salita lang din naman sila.”
Magkaroon man siya ng anak o hindi, hindi niya pawawalan ng magandang hinaharap ang inaanak niyang si Migi.
“Kaya habang lumalaki si Migi, isama mo lang nang isama sa mga negosyo na hawak ko para mamulat siya sa mundong gagalawan niya pagdating ng panahon.”
“Mag-anak ka ng sarili mo, Sir Eliezer. Mas higit na matutuwa ako at alam kong ganoon din ang mga magulang ninyo. Pakasalan din ninyo ang babaeng pupukaw sa atensiyon ninyo.”
At talagang ibinabalik ni Carlos ang mga salita niya rito noon. “No thanks.”
Maigi sana kung magiging successful din katulad ng marriage nito ang magiging buhay may asawa niya.
“Dalhin mo rito si Migi at ipapasyal ko siya bukas,” sabi na lang niya kay Carlos. Na-miss niya bigla ang kakulitan ng kaniyang inaanak.
“Nasa probinsiya ho.”
Mataman niyang tiningnan si Carlos. “Parang inilalayo mo na kaagad sa akin ang inaanak ko?”
“Sir—”
“Sunduin mo sa probinsiya,” aniya na ikinamaang pa ni Carlos. Nakuha pa niya itong ngisian.
Napabuntong-hininga na lamang si Carlos. Alam naman nito na seryoso siya kaya wala na ring nagawa pa si Carlos kung ‘di ang kunin ang anak nito.
Hindi naman magagalit ang asawa nito basta siya ang nagpapakuha sa anak nito.
Inilagay ni Eliezer sa sulong ng kaniyang table ang wedding invitation mula kay Wil. Undecided siya kung a-attend ba sa kasal nito o hindi?
Sigurado siyang babalik sa ama ni Wil ang alaala ng nakaraan nito, matapos nitong magpakasal sa ibang babae.
Pakiramdam niya, mas mainam pang maging single lang. Walang sakit sa ulo.