GANOON na lamang ang pagbawi ni Sianna ng tingin. Kung bakit agad na bumundol ang matinding kaba sa kaniyang dibdib.
Ang balak sana niya ay maglakad na palayo sa lalaking iyon nang marinig naman niya itong magsalita.
“Akala ko, namalik-mata lang ako sa nakita ko. It’s really you.”
Bigla ay para bang itinugsok sa kaniyang kinatatayuan ang kaniyang mga paa. Huminga siya nang malalim.
Bago pa siya makapagsalita ay narinig pa niya ang pagsara ng pinto ng sasakyan. Nang lingunin niyang muli ang naturang lalaki ay nakababa na iyon sa kotse nitong dina-drive.
Damn!
Ang tangkad niyon. At ang bulto ng katawan nito kahit nakasuot ng damit? Masasabi mong maganda talaga.
Kung bakit nagpupumilit sumiksik sa kaniyang isipan ang mainit na tagpong iyon na inakala niyang isang panaginip lamang. Ngunit ang lahat ng iyon ay totoo.
Lihim pang napalunok si Sianna at sinikap iwaksi sa kaniyang isipan ang pangyayari na iyon.
Buhat sa kaniyang magandang mukha ay dumako pa ang tingin ng lalaki sa hawak niyang box.
“Ganiyang box ang dala-dala ng mga taong umalis na sa kanilang trabaho,” wika pa ng lalaki na muling umangat ang tingin sa kaniyang mukha.
Seryoso lang ang guwapong mukha nito. Katulad pa rin noong una niya itong mapagmasdan sa hotel na iyon.
Dangerously handsome. Iyon pa rin ito. Lalo na kung walang bakas ng ngiti sa guwapo nitong mukha.
“Ano ba ang pakialam mo? Isa pa, hindi kita kilala,” kaila pa niya bago ito akmang tatalikuran nang muli itong magsalita?”
“Oh, really? Gusto mong ipaalala ko kung saan tayo unang nagkita?”
Dagli ang pag-iinit ng magkabilang pisngi ni Sianna dahil sa sinabi nitong iyon. At isa sa nakakahiya niyang naalala ay nang hanapin niya ang kaniyang underwear, ngunit ito pa ang nakakita sa kaniyang hinahanap.
“Puwede ba, tigilan mo na ako. Ano naman kung makita mo ako rito? So what? Wala naman akong atraso sa iyo para pag-aksayahan mo pa ng oras. Don’t tell me, kulang pa ang ibinayad ko sa iyo?” Tumawa pa siya nang sarkastiko. “Mister,” muli ay wika niya. “Mukha namang high-end call boy ka dahil may magara ka pang kotse. Iba na lang ang guluhin mo at ‘wag na ako. And as you can see, wala na akong trabaho ngayon. Kaya bago ko pa maibaling sa iyo ang sama ng loob ko sa mundo, leave me alone.”
Isang blangkong tingin pa ang ipinamalas niya rito bago ito tuluyang tinalikuran at naglakad palayo rito.
Tumaas-baba pa ang kaniyang dibdib dahil sa malalim niyang paghinga.
Gusto na lamang niyang makauwi sa kanila.
“Hey!” tawag pa nito sa kaniya.
Ngunit hindi nag-aksaya si Sianna na lingunin pa ito kahit nangangati naman talaga siya na gawin iyon.
Napahinto sa paglalakad si Sianna nang biglang may umagaw sa box na dala niya.
“S-sandali—” apila pa sana niya.
“Kargadora ka ba?” napapalatak pang wika ng lalaki nang mabuhat ang box na dala niya na may kabigatan din talaga. Tinitiis lang niyang buhatin.
“Hindi ka ba talaga titigil? Gusto ko ng mauwi at mapag-isa. Gusto kong ding makapag-isip-isip dahil wala na akong trabaho ngayon,” ani Sianna na halos mabasag ang boses nang maalala na naman na tinanggal na lang siya basta-basta sa kaniyang trabaho. “Ilang taon kong pinaghirapan ‘yong trabaho ko. Pero dahil lang sa mga taong walang magawa sa buhay nila, gagawin ang lahat para lang mawalan ako ng trabaho. Sana lang talaga, karmahin sila ng husto.”
“Sa hitsura mo, mukhang kailangan mo ng makakausap.”
Naningkit ang mga mata niya dahil sa sinabi nitong iyon. “No thanks,” aniya na akmang kukunin dito ang kaniyang box nang iiwas naman nito iyon sa kaniya. “Puwede ba? ‘Wag ako ang buwisitin mo ngayon. Kung sanay na sanay kang makipag-usap sa mga hindi mo kialala, puwes, hindi ako ganoong klase ng tao.”
“Ano’ng klase ng pagkakakilanlan ba ang gusto mo? Hindi pa ba sapat ‘yong—”
“Kung wala kang sasabihing maganda, lubayan mo na ako. Hindi maganda ang araw ko para makipagbolahan pa sa iyo at hindi por que may namagitan sa atin ng isang gabi, feeling entitled ka na roon. Kinalimutan ko na ‘yon. At ‘wag mo rin akong aasahan na makikipaglandian sa iyo dahil hindi kita type.”
“Tingin mo ba, type rin kita?” kunot pa ang noo nitong tanong.
Napalunok si Sianna. Kapag kuwan ay tumaas pa ang noo. “Bakit nag-aaksaya ka ng oras sa akin kung hindi?” malakas ang loob na tanong niya.
“Masyado kang nagbibigay ng malisya,” anito na nilampasan na siya at naglakad pabalik sa may kotse nito.
Napaawang ang mga labi ni Sianna dahil sa sinabi ng lalaki. Ilang hinga pa nang malalim ang ginawa niya bago nagawang pumihit paharap sa lalaking kinuha ang box niya. Nakita niyang inilalagay na nito iyon sa compartment ng magara nitong kotse.
“‘Yong gamit ko,” she hissed.
Ngunit huli na. Naisarado na nito ang compartment ng kotse nito nang makalapit siya rito.
“Saan ang way mo? Ihahatid na kita.”
Pinaningkitan niya ito ng mga mata. “Hindi ko kailangan ng kahit na ano mula sa iyo.”
Hindi nito pinansin ang sinabi niya. Sa halip ay binuksan pa nito ang pinto sa may passenger seat ng kotse nito.
“Get in.”
Seryoso ba ang lalaking iyon na ihahatid siya? Pero bakit?
Naaawa ba ito sa kaniya dahil mukhang pasan niya ang mundo? O dahil mabigat ang box na dala niya?
Naglakad siya palapit sa lalaking ni hindi niya alam kung ano ang pangalan. Pero hindi para sumakay sa kotse nito. Mataman pa niya itong pinagmasdan.
“Umamin ka nga,” seryoso niyang wika. “Baka naman ginagawa mo ‘to dahil gusto mo pang umisa?”
Sa pagkakataon na iyon ay ito naman ang sarkastikong tumawa dahil sa sinabi niya. Kapagkuwan ay sumeryoso ang guwapong mukha nang muli siyang pagmasdan.
“Ano ba ang tingin mo sa sarili mo? Ikaw lang ang babae sa mundo? Minsan lang akong maging mabait, kaya ‘wag mong haluan ng ibang kulay.”
Nagdududa pa rin ang tingin niya rito. Palibhasa, nagkaroon na siya ng trust issue pagdating sa mga lalaki.
“Ganiyan naman kayong mga lalaki. Hindi titigil hanggat hindi nakukuha ang gusto.”
“Ganiyan din kayong mga babae,” gagad nito sa kaniyang sinabi. “Masyadong mapanghusga kapag gumagawa ng mabuti ang isang lalaki.”
Nakipagsukatan pa siya rito ng tingin. Pero sa huli, siya rin ang hindi nakatagal sa titig nitong iyon na para bang pati kaluluwa niya ay kayang tunawin.
“Sumakay ka na.”
Nagtatalo ang isip niya. Sasakay ba siya? Sasama ba siya rito?
Ano pa ba ang masama roon, Sianna? Ibinigay mo nga sa kaniya ang sarili mo ng walang kahirap-hirap. Isa pa, wala na rin namang mawawala sa iyo kung sasama ka sa kaniya. Wala ka na rin namang trabaho na kailangan pang isipin, epal pa ng isang bahagi ng kaniyang isipan.
Isa pa, wala pa ring taxi na dumaraan kaya makisakay ka na sa kaniya! dagdag pa ng isang bahagi ng kaniyang isipan.
Pambihira din talaga ang mga sulsol niyang isipan.
“Daddy, hindi pa rin po ba tayo aalis?”
Ganoon na lamang ang pagbaling ni Sianna ng tingin sa loob ng kotse nang marinig ang boses ng isang bata.
May nakita siya roong batang lalaki na sa tingin niya ay nasa limang taong gulang lamang. Nasa may backseat ng kotse.
Daddy?! ulit ni Sianna sa kaniyang isipan.
“At may anak ka pang kasama?” hindi niya napigilang sita sa lalaking kaharap nang muli niya itong tingnan. “Tapos, ang lakas ng loob mong pasakayin ako sa kotse mo? Hindi ka ba natatakot sa asawa mo?” Lalong lumarawan ang galit sa maganda niyang mukha nang maisip na nagawa pa nitong sumiping sa kaniya gayong may pamilya ito. “Ganiyan ba talaga kayong mga lalaki? Hindi ninyo iniisip kung may partner kayong masasaktan? Pare-pareho talaga kayo.”
Nang may makitang taxi na padaan ay agad niya iyong pinara. Ni hindi na niya pinansin pa ang lalaking iyon at tuluyan ng sumakay sa taxi.
Nabahiran ng galit ang ano mang puwede niyang maramdaman para sa lalaking iyon.
Ang lakas ng loob na pasakayin siya sa kotse nito gayong may kasamang anak. Mukhang wala na talagang matinong lalaki sa mundo.