Pasimple kong tiningnan si Ace sa rear mirror, na naka-upo sa back seat. Nasa harapan ako, katabi ng nagda-drive na si Fiona. Mabuti na lang at sa labas ng bintana ang atensiyon nito, kaya hindi niya napansin ang ginawa kong pagsilip sa kanya. Malungkot na nakasandal ito sa bintana, habang nakapangalumbaba. Para namang wala itong specific na tinitingnan sa daan. Basta nakatanaw lang ito sa nadadaanan namin. Kung ano man ang tumatakbo sa isip niya ngayon ay tanging siya lang ang nakakaalam. Bigla tuloy akong nakaramdam ng awa sa kanya.
"Ehrm!"
Nabaling ang atensiyon ko kay Fiona. Alam kong sinadya niya iyon para mapatingin ako sa kanya. Nagtanong ako sa kanya ng 'bakit' sa pamamagitan lang ng pagkunot ng noo ko. Sumagot naman ito ng pag-iling, tanda na pinapahinto na niya ako sa pagmamasid kay Ace. Ganito kami magkaintindihan ni Fiona. Tinginan at body language lang, nagkakaintindihan na kami.
Tumuwid ako ng upo at saka ibinaling na ang atensiyon ko sa harap ng sasakyan. Ganunpaman, ang isip ko ay na kay Ace Miguel Zuñiga pa rin hanggang sa makarating na kami sa parking ng campus.
Hindi na kami hinintay ni Ace. Agad itong bumaba sa sasakyan ni Myquel na gamit-gamit namin, at halos lakad-takbo ang ginawa papunta sa direksiyon ng gymnasium.
"Tingnan mo iyong kamoteng 'yun... pagkatapos nating sunduin at ipag-drive, lalayasan tayo nang ganun-ganun lang," komento ni Fiona, habang nakatingin sa papalayong bulto ni Ace.
"Hayaan mo na. Nagmamadali siya para sa game. Iniisip niya siguro ang team. Na baka dehado na sa kalaban," sagot ko sa kaniya. Pareho kaming nakababa na rin ng kotse ni Fiona. Nakatayo kami sa magkabilang pinto, habang tanaw-tanaw ang nagmamadalng si Ace.
"Tara na, punta na rin tayo sa gym. Baka hindi rin makapaglaro nang maayos 'yung pinsan ko, at baka iniisip niyang ibinangga ko na itong mamahalin niyang kotse."
Tumango na lang din ako kay Fiona, at saka nag-umpisa nang humakbang. Gusto ko na rin namang makita kung ano'ng gagawin ni Ace sa huling laban nila na ito. Makakapaglaro kaya siya nang maayos? Hindi ko na namang maiwasang malungkot para kay Ace. Kung may magagawa lang ba ako...
Habang papalapit kami ni Fiona sa gym ay lalo lang lumalakas ang sigawan at hiyawan sa loob. Tila naengganyo kami nun ni Fiona, dahil halos sabay pa kaming nagmadali sa paglalakad. Lakad-takbo na rin ang ginawa namin para makarating sa loob ng gym.
Nang makapasok sa loob, ay halos napanganga ako sa nakita ko. Naglalaro na si Ace sa loob ng court, at tamang-tamang nakapag-shoot ito ng three-point shots. Lalong nagkagulo ang mga estudyante at manonood ng Cardinals. Mabuti na lang at nagsuot na ng uniform niya si Ace, kaya nakasalang agad ito sa game.
Napatingin tuloy ako sa score board. Lamang ng tatlumpung puntos ang kalabang Robins ng St. Xavier, at dalawang minuto na lang at patapos na ang first half. Tumawag ng time-out si Coach Stephen. Agad naman kaming namataan ni Myquel, at sinenyasan na pumunta kami ni Fiona sa lugar nila.
Pinilit naming sumiksik sa mga nakatayong nanonood, para makarating sa puwesto ng Cardinals. Sobrang dami talaga ng nanonood ngayon, at maingay na maingay na talaga ang lahat.
Iginiya kami ni Myquel sa upuang nasa bandang harapan. "Para sa inyo talaga 'yang mga upuang 'yan. Thank you sa pagdala dito kay Ace. Mamaya na tayo mag-usap, cuz," mabilis na sabi sa amin ni Myquel, at saka nagmamadali nang nagbalik sa circle nila.
Seryoso si Coach Stephen habang kausap silang mga players. Hindi ko narinig na pinagalitan ni Coach Stephen si Ace. Sa halip ay seryoso niyang sinasabihan si Ace at ang team ng kung anong play ang gagawin nila sa huling dalawang minuto. Si Ace naman ay nakayuko lang at hindi tumitingin kay coach, pero mukha namang nakikinig siya sa sinasabi nito.
Nang tumunog ang buzzer ay agad na pinutol na ni coach ang sinasabi niya. Nagsipagtayuan na ang mga players kasama na si Ace at Myquel. Mukhang kasama sila sa limang maglalaro at mage-execute ng play sa last two minutes. Hindi nakatakas sa akin ang mabilis na pagsulyap sa akin ni Ace, pero sandaling-sandali lang iyon at tumakbo na papunta sa court.
Nang pumito na ang referee bilang hudyat ng umpisa ng game, agad na naagaw agad ni Myquel ang bola sa kalaban. Agresibong nag-dribol ito, habang nagmamadaling nagpunta sa direksiyon ni Ace na nasa three-point area. Maraming players ng Robins ang nagmamadaling sumalubong kay Myquel para pigilan itong makalapit kay Ace. Mukhang nabasa na nila ang gustong mangyaring play ng Cardinals.
Nang makita ko iyon, ako mismo sa sarili ko ay nanlumo. Mukhang hindi na magagawa ng Cardinals ang gusto nilang play. Mukhang hindi man lang sila makakapuntos para makabawas sa malaking lamang ng kalaban. Kasi naman, kahit siguro baligtarin ang sitwasyon at ang Cardinals ang may malaking lamang, hindi rin nila papayagang makapuntos kahit one point ang kalaban.
Nakita kong desperadong huminto na sa pag-usad at pag-dribol si Myquel. Ang mga nakapaligid na mga kalabang players ay pilit na inaagaw sa kanya ang bolang hawak niya, kaya siguro dahil sa kadesperaduhan at pagmamadali dahil ilang segundo na lang ang natitira sa oras ay mabilis nitong ibinato pataas ang bola papunta sa direksiyon ni Ace.
Alam kong wala nang pag-asa ang ginawang iyon ni Myquel. Imposible nang masalo ni Ace ang ganoong kataas na bato ng bola. Halata rin iyon sa tumahimik na mga miron at fans ng Cardinals. Nagsipagbunyi naman ang mga tagahanga ng Robins. Pero muling nabuhay ang dugo ng lahat ng tagahanga ng Cardinals nang masalo ni Ace ang bola. Nagsigawan ang mga estudyante ng St. Thomas. Pero muling tumahimik nang makitang umatras si Ace nang ilang hakbang. Imposible nang mai-shoot pa iyon ni Ace nang ganung kalayo. Ilang hakbang ang layo mula sa three-point area.
Hanggang nung pakawalan ni Ace ang bola sa ere ay tahimik pa rin ang lahat. Pero triple ang naging pagkaka-ingay nang pumasok sa net ang bola. Naibaba nun sa twenty-seven points ang lamang ng kalaban.
Tinakbo si Ace ng mga kasamahan niyang player. Iyong iba ay yumakap kay Ace, at iyong iba naman ay humawak sa buhok o batok ni Ace. Kitang-kita ang saya sa mga mukha nila. Pati na rin ang buong populasyon ng mga estudyante ng St. Thomas na nanonood ngayon. Maliban sa isang tao - si Ace. Walang ekspresyon ang mukha nito.
Hindi sinasadyang napatingin ito sa akin habang sabay-sabay silang naglalakad ng mga ka-team niya papunta sa upuan nila na nasa harapan lang ng kinauupuan namin ni Fiona. Mabilis akong nag-iwas ng tingin kay Ace nang magkasalubungan ang mga mata namin. Nahihiya ako sa kanya.
"Nice one, Ace!"
Narinig kong sabi ni Coach Stephen habang kinakausap silang lahat. Ganun pa rin ang reaksiyon ni Ace. Nakayuko lang ito na para bang ayaw niyang may makausap o kumausap sa kanya. Pinag-usapan pa rin nila ang gagawin para sa second half. Matamang nakikinig si Ace habang nakayuko pa rin, at tila ba nakatitig lang sa sapatos niya. Naantig na naman ang damdamin ko sa nakikita ko kay Ace. Alam kong may pinagdadaanan siya ngayon, pero heto siya at kailangang maglaro para sa team niya at para sa pangalan ng school namin.
Natapos na ang tatlumpung minutong break, at nagbigay na ng hudyat ang referee na magre-resume na ang laro. As usual, kasama pa rin si Ace sa limang players na maglalaro. Pati na si Myquel.
Pinagmasdan ko si Ace habang naglalaro sa loob ng court. Ang pagkakakilala ko kay Ace Zuñiga ay maloko ito. Pero kapag ganitong nasa loob siya ng court, seryoso na ito na siyang kabaligtaran ng ugali niya sa labas ng apat na sulok ng court na ito. Magaling naman talaga si Ace s paglalaro ng basketball. Karapatdapat talaga siyang maging team captain. Pero sa buong taon ko ng panonood sa Cardinals, ngayon ko lang nakita si Ace Miguel Zuñiga na ganito maglaro. May gigil. Dahil ba sa championship game na ito kaya gigil siyang maiuwi ang kampeonato at bigyang karangalan ang St. Thomas College? O mas tamang itanong ay - kanino ba siya nanggigigil?
***