Point of view
- Angelica Sandoval -
Nanginginig ang aking katawan at malamig ang balat ng aking palad. Tila binuhusan ng malamig na tubig ang aking katawan dahil sa mga bagay na nakasulat sa bulletin board na ito.
Nakasaad ang rebelasyon tungkol sa pagbubuntis ni Alice at ang nakalagay sa pangalan ng sinasabing source ay ako.
Hindi ito totoo. Wala akong pinagsabihan na kahit na sino. Ngunit saan nila nakuha ang impormasyong ito.
"Angel?"
Isang pamilyar na tinig mula sa likod ang narinig kong tumawag sa akin. Sa aking pagharap, labis na kaba at takot ang aking naramdaman nang makita ko ang nababakas na galit sa mukha ni Alice.
"H-Hindi ko alam 'to, Alice. W-Wala akong pinagsabihan."
Lalong umingay sa paligid nang marinig nila ang aking pagsalita.
"So ibig sabihin totoo nga."
"Naku! Mas lalo lang niyang pinalala ang sitwasyon. Goodluck na lang, girl," wika ng mga tsismosang estudyante na nakapaligid sa amin.
"How could you do this to me, Angel? Akala ko ba kaibigan kita?" basag ang tinig at nanginginig sa galit na sigaw ni Alice.
"M-Maniwala ka, Alice. Hindi ko talaga alam 'to!" pakiusap ko.
"Sinungaling! Ikaw lang ang pinagsabihan ko, Angel! Napakasama mo!" sigaw niya.
Mabilis siyang tumakbo palayo sa aking kinaroroonan, sabay sa pagsunod ng mata ng mga taong sa amin ay nakapaligid.
Tila nawalan ng lakas ang aking tuhod nang masaksihan ang bagay na iyon, saka animoy walang lakas na napaupo ako sa sahig.
"Grabe! She's totally a b*tch."
"Pati kaibigan niya sinaksak sa likod. Pangit na nga masama pa ugali."
Mariin kong tinakpan ang aking tainga upang huwag marinig ang mga bagay na sinasabi ng mga tao sa aking paligid. Ang mga bulong-bulongan nilang wala namang katotohanan na tuluyang sumasaksak sa aking puso.
Niyuko ko ang aking ulo at mariing pumikit, sabay sa pagpikit ay ang pagpatak ng mga luha sa aking mga mata.
Tama na, pakiusap! Tama na!
"Anong kaguluhan 'to?"
Isang malakas na sigaw ng lalaki ang pumutol sa paguusap ng mga tao sa aking paligid.
"Si Prince."
"Oh my gee! Ang prinsipe ko!"
"Hi Prince," pagpapapansin ng mga babaeng estudyante sa lalaking dumating.
Sa pagdating ni Prince, mas lalo akong nakaramdam ng panliliit sa sarili. Kahit alam kong wala akong ginagawang masama at hindi totoo ang lahat ng nakasulat sa bulletin board na ito, natatakot ako na pati siya ay husgahan ako.
Naramdaman ko ang paglapit ni Prince sa aking kinaroroonan. Sinuri niyang mabuti ang mga nakasulat sa board at saka umiling-iling.
Maya-maya lang, naramdaman ko ang pagluhod niya sa aking harapan. Pilit niyang sinisilip ang aking mukha na ngayon ay nakayuko.
"Ayos ka lang? Sinaktan ka ba nila?" nag-aalala niyang tanong sa akin.
Dahan-dahan kong inangat ang aking ulo at nagtama ang aming mga mata. Nang makita ko ang matamis na ngiti sa kanyang labi, nagsimulang gumaan ang mabigat na pakiramdam sa aking puso.
Marahan niyang hinawakan ang aking braso, saka inalalayan akong tumayo. Hinawakan niya ang aking balikat, saka kinabig ako palapit sa kanyang dibdib na animoy pinoprotektahan.
"Sinong may gawa nito? Anong kalokohan na naman ba ang ginagawa nyo!?" galit niyang sigaw sa mga taong nasa paligid.
"P-Prince, 'wag kang magpaloko sa pangit na 'yan. Siya talaga ang nagpakalat niyan!" sagot ng isang babae.
"May proweba ka ba? Sabihin mo!"
Mariing napalunok ang babaeng iyon at tila hindi mahanap ang isasagot sa tanong ni Prince. Nababakas ang inggit at takot sa kanilang mga mukha. Hanggang sa isa-isa silang umalis sa aming harapan.
"Sayang, gwapo sana malabo naman ang mata."
"Oo nga, bakit ba niya pinagtatanggol ang pangit na 'yon?" wika nila bago tuluyang umalis.
"Ayos ka lang? Natakot ka ba?" tanong sa akin ni Prince nang ibalik ang tingin niya sa akin."
Sa pag-angat ng aking ulo, muling nagtama ang aming mga mata. Naramdaman ko ang pagbilis ng t***k ng aking puso habang tinitingnan ang kanyang mukha.
Si Prince ang naging prinsipe na laging dumadating sa aking tabi sa tuwing kailangan ko ng tulong. Siya ang nag-iisang tao na hindi tumitingin sa panlabas na anyo.
"O-Oo, ayos lang ako," tugon ko. "P-Pero si Alice, kinamumuhian niya ako."
Muling tumingin si Prince sa bulletin board na nasa aming likod. Tila sinuri niyang mabuti ang nakasulat dito.
"Ikaw ba talaga ang gumawa nito?"
"Hindi! Maniwala ka, Prince. Wala akong alam dito," sunod-sunod kong paliwanag.
Muli siyang tumingin sa akin at nagbigay ng magandang ngiti.
"Oo, naniniwala ako at aayusin natin ito," wika niya.
Pakiramdam ko ay nagkaroon ako ng nag-iisang kakampi. Tila nabunutan ako ng tinik sa dibdib dahil sa kanyang sinabi.
Isang ideal na lalaki si Prince. Mabait na, gwapo pa.
***
Sinubukan kong hanapin si Alice, ngunit napag-alaman ko na umuwi na siya sa kanila. Pinatanggal na rin ni Prince ang nakalagay sa bulletin board at pinahanap ang totoong may sala.
Ngunit sa pagkakataong ito, huli na ang lahat dahil kumalat na sa buong campus ang balita.
Ilang linggo ring hindi pumapasok si Alice at hindi ko na siya nakita. Sinubukan kong tumawag sa kanilang bahay ngunit ang sabi ng katulong ay wala siya roon.
Sana naman ay nasa mabuti siyang lagay. Sana nandoon ako sa kanyang tabi sa mga oras na tulad ng ganito. Nais ko siyang damayan. Nais kong ibigay ang aking balikat upang may maiyakan siya. Ngunit paano ko gagawin ang bagay na iyon, kung hindi ko siya makita?
Isang malalim na buntonghininga ang aking ginawa, saka binagsak ang aking ulo sa lamesa ng kinauupuan kong bench.
Mababaliw na ako kaiisip kung nasaan siya, wika ko sa sarili.
Isang mainit na bagay ang aking naramdaman na nakapatong sa balikat ko. Nang ilingon ko ang aking ulo, isang hintuturong daliri ang tumusok sa aking pisngi.
Nagulat ako nang makita ko ang taong gumawa nito sa akin.
"Prince?" nagtataka kong wika.
"Ang lalim ng iniisip mo, ah?" saad niya saka ngumiti.
Bumalik naman ako sa pagyuko ng aking ulo sa mga brasong nakapatong sa lamesa at tila walang ganang sumagot.
"Hindi ko pa rin kasi makita si Alice."
"Oo nga pala, speaking of Alice. Nalinis na namin ang pangalan mo," wika ni Prince.
Agad kong naitaas ang aking ulo at nanlalaki ang matang tumingin sa kanya.
"Paano?" tanong ko.
"Isang estudyante ang nakakita sa inyo ng kaibigan mo. At dahil doon, pinagkalat niya ang lahat. Pero 'wag ka nang mag-alala, pinatawan na namin siya ng karampatang parusa.
Nakahinga ako nang maluwag dahil sa sinabi ni Prince. Nagsimula siyang umupo sa aking tabi rito sa bench.
"Salamat, Prince. Maraming salamat sa lahat ng ginagawa mo para sa 'kin," halos naiiyak kong wika. "Bakit ba ang bait mo sa tulad ko?" tanong ko.
Isang matamis na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Prince. Halos matunaw ako sa kanyang pagtitig at pakiramdam ko ay hindi ako makatingin nang diretso sa kanyang mga mata.
Nagulat na lang ako nang aking maramdaman ang mainit niyang palad na hinawak niya sa aking kamay.
Naging seryoso ang kanyang mukha at tila napako ang mga mata niya sa akin.
"Dahil gusto kita, Angel."
Nanlaki ang aking mga mata dahil sa kanyang sinabi. Halos hindi ko mahanap ang aking itutugon sa bagay na iyon. Pakiramdam ko ay nananaginip lang ako.
T-Totoo ba ito?
"Nantitrip ka ba, Prince?" tanong ko.
"Mukha ba akong hindi seryoso, Angel?" tugon niya sa akin.
"P-Pero hindi ako maganda. H-Hindi rin ako mayaman."
"Ano naman ngayon? Hindi kailangan ng kagandahan at karangyaan sa pagmamahal. Mabuting puso mo lang, sapat na."
Ang mga wikang iyon ni Prince ay lubos na nagpatunaw sa aking puso. Sino ang mag-aakala na may mga ganitong lalaki pa sa mundo? Sino ang mag-aakala na may magkakagusto pa sa babaeng pangit na tulad ko?
Sino?
"Anyway," wika niya saka marahang binitiwan ang aking kamay. Tumayo siya mula sa pagkakaupo at nagsimulang ilagay ang kanyang kamay sa bulsa. "Hindi ko naman hinihingi ngayon ang sagot mo. Hindi rin kita pinipilit na magustuhan ako. Gusto ko lang malaman mo ang nararamdaman ko, Angel," sunod-sunod niyang saad.
"P-Prince, kasi –"
"Paano? See you again na lang, Angel," pagputol niya sa aking sasabihin, saka nagsimulang lumakad palayo sa aking kinaroroonan.
Naiwan akong nakatulala habang sinusundan ng tingin ang kanyang likod.
Ang aking puso ay tila isang kabayo sa bilis ng pagtibok. Hanggang sa magsimula na akong sinukin dahil sa aking nararamdaman.
***
Kinabukasan, wala kaming pasok. Nakatanggap ako ng tawag mula kay Alice, sa wakas ay nakipagkita na rin siya sa akin sa isang parke.
Dalidali akong nagtungo sa parke na kanyang tinukoy. At nang makarating ako roon, hindi naman ako nahirapan na siya ay hanapin.
Nakaupo siya ngayon sa isang bench na malapit sa fountain. Halos tumulo ang aking luha nang muli siyang makita. Sinimulan kong ihakbang ang aking mga paa patungo sa kaniyang kinaroroonan.
Hanggang sa maya-maya lang, napansin na niya ang aking pagdating .
"A-Alice, magpapaliwanag ako," panimula ko, sabay sa nanginginig kong tinig dahil nais ko nang umiyak.
Isang matamis na ngiti naman ang nakita kong sumilay sa kanyang labi, saka siya umiling.
"Hindi na kailangan, Angel. Alam ko na ang lahat. Na hindi ikaw ang may gawa ng bagay na iyon sa school," saad niya.
Marahan akong umupo sa kanyang tabi, saka hinawakan ang kanyang kamay.
"K-Kumusta ka na? B-Bakit hindi mo man lang ako tinawagan? Anong nangyari?" sunod-sunod kong tanong.
"Sorry, Angel," tugon niya, saka yumuko sa akin. "Ang totoo naging mahirap para sa akin ang lahat. Ngunit ang nangyaring pagkalat ng balita sa school ang pinakamalaking bagay na nagpalaya sa akin."
"Alice."
"Angel, dahil sa nangyari, naipagtapat ko sa magulang ko ang lahat. Noong una ay hindi nila matanggap. Hindi na nila hinayaang magkaroon ako ng komunikasyon sa labas at kinulong nila ako sa kwarto. Ngunit hindi nagtagal, natanggap rin nila ang batang ito."
Patuloy akong nakinig sa kanyang mga sinasabi.
"Alam mo ba? Takot na takot ako noong una. Ngunit ngayon ko napagtanto na walang ibang tao ang tatanggap sa 'yo kung hindi ang pamilya mo lang."
Napangiti ako dahil sa kanyang sinabi. Naramdaman ko ang paghigpit ng hawak niya sa aking kamay.
"Nagpapasalamat ako sa 'yo, Angel. Dahil kahit sa maiksing panahon, naging magkaibigan tayo."
Nagsimulang pumatak ang luha sa aking mga mata.
"B-Bakit mo naman sinasabi ang bagay na 'yan, Alice?" nauutal kong tanong.
"Kasi." Marahan niyang binitiwan ang aking kamay, saka tumingin sa malayo at sinandal ang likod sa sandalan ng bench na aming kinauupuan. "Hihinto na muna ako sa pag-aaral." Nanlaki ang aking mga mata dahil sa kanyang sinabi.
"Pero, Alice."
"'Wag kang mag-alala, Angel. Pwede ka pa rin naman bumisita sa bahay. Hindi na nga lang tayo magkikita sa school."
Nais kong malungkot dahil sa kanyang sinabi. Ngunit alam kong buo na ang kanyang desisyon kaya hindi ko na ito mababago pa.
Si Alice ang nag-iisang kaibigan ko. Siya lang ang tumanggap sa akin kahit ano pa ang aking hitsura. Ngunit ngayon, tuluyan na akong naging mag-isa.
Mapait akong ngumiti sa kanyang harapan. Pinilit kong tibayan ang aking loob upang maipakita ko sa kanya na ayos lang ako. Ngunit lumabas pa rin ang mga luha sa aking mga mata.
"Masaya ako para sa 'yo, Alice," saad ko sa kanya. Kahit hindi ganoon ang pinakikita ng aking mga mata.
Mapait na ngumiti sa akin si Alice, saka pinahiran ang luha na gumapang sa aking pisngi.
"Kakayanin mo ba roon sa school kahit wala ako, Angel?" nag-aalala niyang tanong.
Mabilis akong tumango bilang tugon sa kanyan.
"O-Oo naman. Ipagpapatuloy ko ang pag-aaral," tugon ko.
"Mabuti kung ganoon. Mangako ka sa akin na hindi ka magpapadala sa sinasabi ng mga tao sa paligid mo, ha? 'Wag na 'wag mong pagdududahan ang sarili mo. At higit sa lahat." Nagulat ako nang hawakan ni Alice ang aking pisngi, saka muling nagsalita, "Maganda ka. Ayoko nang maririnig mula sa 'yo ang salitang pangit. Maganda ka, Angel. Sa buong unibersidad, ikaw ang pinakamaganda."
Ang wikang iyon ni Alice ang labis na nagpaluha sa akin. Bukod kay mommy, siya lang ang naniniwala sa aking kakayahan. At hangga't alam kong may mga taong naniniwala sa akin, hinding hindi ako susuko.
Isang madamdaming paghihiwalay ang naganap sa aming dalawa. Ngunit hindi rin natapos ang araw na iyon ay lubos pa rin kaming naging masaya.
Sana sa susunod na kabanata ay kayanin ko ang hamon ng buhay sa loob ng Belmonte University.