Chapter 7

3317 Words
Point of view - Angelica Sandoval - Ilang araw na ang lumipas, naging tahimik ang aking buhay sa loob ng unibersidad. Simula nang ipagtapat sa akin ni Prince ang kanyang nararamdaman, hindi na siya lumayo sa aking tabi. Madalas kaming magkasama at tila siya ang pumalit kay Alice sa pagiging kaibigan. Ngunit dahil din sa kanyang paglapit sa akin, pakiramdam ko ay dumami ang mga babaeng may masasamang tingin sa akin. Napag-alaman ko kasi na heartthrob pala si Prince sa school namin at member siya ng basketball team. Dahil abala ako noon sa aking sariling problema, hindi ko na napansin ang mga tao sa paligid, kaya hindi ko na rin inalam pa kung sino si Prince, basta ang alam ko lang ay member siya ng student council. *** Nang matapos ang klase at lumabas ang guro mula sa loob ng classroom, kinuha ko ang aking backpack saka pinasok ang notebook sa loob nito. Maya-maya lang, nagsimulang umingay sa loob ng aming classroom, ngunit dahil abala ako, binalewala ko na lamang ang mga ito at pinagpatuloy ang aking ginagawa. "Ang gwapo talaga ni Prince." "True! Oh em gee! Palapit siya rito!" mga kinikilig na wika ng aking mga classmate. Kumunot ang aking noo nang marinig ko ang pangalan ni Prince. At kahit hindi naman ako interesado, tinaas ko ang aking ulo at tumingin sa mga taong nag-uusap. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang mga estudyanteng nagkakagulo at halos sambahin at himatayin sa pagdating ni Prince. Humawi ang mga estudyante nang makalapit siya sa pinto ng aming classroom. Nakatitig lang ang aking mga mata sa kanya habang tila slow-motion ang kaniyang paglalakad patungo sa aking kinaroroonan. Isang maganda at matamis na ngiti ang nababakas sa mukha ni Prince habang siya ay dahan-dahang papalapit sa akin. Noon ko lang napansin ang hawak niyang isang rosas sa kanyang kamay nang ilahad niya ito sa aking harapan. "Hi, mis beautiful. Pwede ba kitang makasabay sa pag-uwi?" malambing na wika ni Prince. Napako ang aking mga mata sa kanya. Nanatili akong nakatulala dahil sa kanyang sinabi at hindi ko alam kung panaginip lang ba ang lahat ng ito. Naramdaman ko ang kanyang daliri sa aking baba at unti-unti niya itong sinara. Noon ko lang napansin na nakanganga pala ako habang nakatulala sa kanya. "S-Sige," nahihiya at nauutal kong tugon sa kanyang alok. Tinanggap ko ang bulaklak na kanyang hawak, saka nagsimulang tumayo. Nanlaki pa ang aking mga mata nang kunin niya ang aking kamay at i-angkla ito sa kanyang braso na tila isang escort sa prom. Nagsimula kaming lumakad palabas ng classroom habang bitbit niya ang mabigat kong bag. Narinig ko pa ang pagsinghap ng mga babaeng estudyante dahil sa kanilang namasdan. Nagsimula ang kanilang bulong-bulongan. "Is this for real?" "Ano 'to, beauty and the beast?" "More like handsome and the beast kamo." "Oh my gosh! Wala naman pa lang ka-taste-taste itong Prince na 'to." "Nakakadiri, hindi ko kayang tingnan." Mariin akong napayuko dahil sa mga bagay na aking naririnig. Tama naman sila, anong karapatan kong magustuhan ng isang lalaking gaya niya? ng isang lalaking gwapo tulad ni Prince? Hindi ako maganda at walang maipagmamalaki. Agad kong tinanggal ang aking kamay na naka-angkla sa braso ni Prince. Napansin naman niya ang aking ginawa kaya agad siyang napatingin sa akin. Maya-maya lang, nanlaki ang aking mga mata nang kunin niyang muli ang aking kamay at inangkla sa kanyang braso, dahilan upang mapatingin ako sa kanya. "Huwag mong pansinin ang mga sinasabi nila. Insecure lang ang mga iyan dahil ikaw ang pinili ko, Angel," bulong ni Prince sa akin na labis na nagpagaan sa aking kalooban. Sumilay ang ngiti sa aking labi dahil sa kanyang sinabi. Pakiramdam ko ay nabalutan ng kasiyahan at kapanatagan ang aking puso. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito, na may isang lalaki ang nagbibigay halaga sa akin. Tila nasa alapaap ang aking mga paa. Ni hindi ko nararamdaman ang sahig na aming tinatapakan. Pakiramdam ko ay nililipad ng hangin ang aking puso kasama ng nararamdaman ko para sa lalaking ito. *** Tuluyan akong nilamon ng mga bagay na aking iniisip. Hindi ko alam kung bakit, ngunit hindi maalis sa aking isipan si Prince at kahit ipikit ko ang aking mga mata, siya pa rin ang aking nakikita. Sa tuwing nakikita ko ang kanyang ngiti at naririnig ang kanyang tinig, bumibilis ang t***k ng aking puso. Ito ang unang beses na maramdaman ko ito at natatakot akong aminin sa aking sarili kung ano ang bagay na aking nararamdaman. Dahil hindi ako t*anga upang hindi malaman na umiibig na ako sa kanya. Oo, tama. Tuluyan na ngang nahulog ang loob ko kay Prince, tuluyan ko na siyang nagustuhan at tila kulang ang araw kapag hindi ko siya nakikita. Pakiramdam ko ay siya ang kumukompleto ng aking araw at nagbibigay kulay sa aking buhay. Sa tuwing kasama ko siya, binibigyan niya ako ng enerhiya na kailangan ko sa buong araw. Para akong cell phone na kailangan niyang i-charge. Sa tingin ko, hindi ko na kaya pang pigilin ang damdamin kong ito, hindi ko na kaya pang itago kay Prince ang sinisigaw ng aking puso at kailangan ko nang sabihin sa kanya ang nararamdaman ko. Sa araw na ito, nagdesisyon akong aminin kay Prince ang aking nararamdaman. Hindi na ako takot sa mundo na ako ay kanilang husgahan. Dahil alam ko sa sarili na nandiyan siya lagi sa aking tabi. Siya ang magiging kabalyero na magtatanggol sa akin at ang kabalyerong aking masasandalan. *** "Saan ba tayo pupunta?" tanong sa akin ni Prince habang hinihila ko siya patungo sa isang bakanteng basketball court dito sa school. Nagpatulong pa talaga ako kay manong guard upang maisagawa ang sorpresang ito para sa kanya. "Shh... malapit na tayo, kalma ka lang," wika ko kay Prince habang inaalalayan siya sa paglalakad dahil nilagyan ko ng takip ang kanyang mata. Nang kami ay makarating at mailagay ko siya sa tamang lugar na dapat niyang pwestuhan, "Ayan, pwede mo nang tanggalin ang piring mo," nasasabik at natutuwa kong wika. Dahan-dahan niyang tinanggal ang piring sa kanyang mga mata. Kitang-kita ko ang gulat niya dahil sa nakitang bagay na aking hinanda. Nag-abala pa talaga akong bumili ng maraming petals ng bulaklak upang isaboy sa sahig nitong court na aming kinaroroonan. Matatanaw sa mga petals na ito ang salitang "Yes" "A-Angel, anong yes?" pagtatakang tanong sa akin ni Prince. Humarap ako sa kanya saka kinuha ang dalawa niyang kamay. Mahigpit ko itong hinawakan at tinitigang mabuti ang kanyang mga mata. Isang beses ko lang sasabihin ito at labis ang kaba na aking nararamdaman. Ngunit ayoko nang itago pa ito sa aking sarili at higit sa lahat, ayoko nang maghintay pa siya nang matagal. "Prince," panimula ko. Nakita ko ang gulat at mariin niyang paglunok nang magsimula akong magsalita. "Sorry kung pinaghintay kita nang matagal. Pasensya ka na dahil noong una, hindi ko sineryoso ang pagtatapat mo sa akin. Para kasing panaginip ang lahat. I mean, sino ba naman ako, hindi ba?" Sunod-sunod kong paliwanag. "Pero ngayon, ayoko nang magpanggap pa. Alam kong hindi mo ako pababayaan at lagi kang nandiyan para sa akin, kaya gusto kong malaman mo na..." Mariin akong lumunok at humugot ng malalim na hinga upang maibsan ang kaba na aking nararamdaman. "G-Gusto rin kita, Prince. Satingin ko, I'm falling for you," nahihiya kong wika. Nanatiling nakatulala lang si Prince sa aking harapan. Tila hindi pumapasok sa kanyang isip ang mga bagay na aking sinabi. Mas lalo lang tuloy akong nakaramdam ng hiya dahil sa pinakita niyang expression, kaya naman minabuti kong igalaw ang kanyang kamay. "Hoy! Magsalita ka naman," paggising ko sa kanyang diwa. "Ah. S-Sorry, kasi nagulat talaga ako," tugon niya. "Totoo ba 'to? Ibig sabihin, girlfriend na ba kita?" diretso niyang tanong. Tila lumundag ang aking puso palabas sa ribcage nang banggitin niya ang salitang girlfriend. Hindi ko akalain na maririnig ko ang bagay na ito. Ngumiti ako sa kanya. At kahit namumula ang aking mga pisngi, pinilit kong tumango bilang tugon sa kanya. "Woooh! Salamat, Angel!" tuwang-tuwa niyang sigaw. Nanlaki ang aking mga mata nang yakapin niya ako nang mahigpit dahil sa tuwa. Hindi ko na rin napigilan ang aking sarili at gumanti ako ng mahigpit na yakap. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito kasaya sa aking puso. Ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataon na isigaw sa mundo ang sinisigaw ng aking puso. At ngayon, it's official, boyfriend ko na si Prince. At ako ang pinakaswerteng babae sa campus. *** Hindi ko alam kung bakit, ngunit mabilis na kumalat ang balita sa buong unibersidad. Siguro dahil na rin sa p-in-ost ni Prince sa kanyang sss – ang litrato naming dalawa na in a relationship na kami. Marami ang nang-bash sa akin. Marami ang nag-comment ng sana all. Marami ang natuwa, ngunit mas marami ang nagalit. Hindi ko na lang ito pinansin dahil masaya ako kung nasaan ako ngayon. At ayoko nang isipin pa ang mga negativity sa aking buhay. Hangga't labis ang pagmamahal namin ni Prince sa isa't isa, hindi ako magpapatinag sa kahit anong salita nila. Kay Prince lang, kay Prince lang ako maniniwala at magtitiwala. Kasalukuyan kaming nasa library ngayon ni Prince dahil dito lang kami nakakaramdam ng katahimikan. At mas kaunti ang mga taong nanghuhusga sa amin dito. Ngunit nakakaramdam ako ng pagka-ilang dahil sa malagkit niyang pagtitig sa akin ngayon. Nakapalumbaba siya sa aking harapan at nakangiting nakatingin sa akin. "Alam mo, matutunaw na ko katititig mo," wika ko sa kanya. "Ang ganda mo kasi, eh." Hindi ko alam kung duling o bulag ba ang lalaking ito, dahil hindi naman ako maganda, ngunit paulit-ulit niyang sinasabi ang bagay na iyon. "Bahala ka nga diyan," tugon ko, saka bumalik sa aking ginagawang pagbabasa. "Oo nga pala, birthday party mamayang gabi ni Patty. Gusto mong pumunta?" Tumingin ako sa kanya at sandaling nag-isip. "Ayoko, masiyadong maraming tao roon." "Pupunta ako, samahan mo ko?" wika niya na animoy hindi ako narinig. "Eh, kasi –" "Sige na, Angel. Ito ang unang party na pupuntahan natin bilang couple. Isa pa, gusto kong ipagmalaki sa kanila ang girlfriend ko." Mas lalo akong nakaramdaman ng kaba dahil sa kanyang sinabi. Nais kong tumanggi ngunit nang titigan ko ang kanyang mga mata, pakiramdam ko ay hindi na ako makatatanggi sa gwapong lalaki na nasa aking harapan. "Sige na nga," wika ko saka ngumiti. "Talaga? Yes!" hindi niya napigil na saya. "Sssshh..." pagsuway sa amin ng librarian dito. Impit kaming tumawa sa isa't isa at halos hindi na namin natapos ang libro na aming binabasa. Kinagabihan, pinagsuot ako ni Prince ng dala niyang damit. Siya na ang bumili ng damit na aking susuotin para sa party mamaya dahil alam niya na wala talaga akong hilig mag-ayos ng sarili. Ngunit nang makita ko ang damit na kanyang binili, tila hindi ko ito maisuot dahil fitted red dress siya. Above the knee ang haba at sleeveless pa. Hindi naman kaputian ang aking kilikili at hindi rin ganoon kahubog ang aking katawan. Ngunit dahil ito ang gusto ni Prince, wala akong nagawa kung hindi ang suotin ito. Nang kami ay makarating sa birthday party ni Patty, naka-angkla ang aking kamay kay Prince habang naglalakad papasok sa entrada ng function hall kung saan gaganapin ang kaarawan ni Patty. "Kinakabahan ka ba?" tanong sa akin ni Prince. Mariin akong umiling at ngumiti sa kanya. "Hindi, dahil kasama kita," tugon ko. Muli kaming naglakad papasok at nagsimulang umingay ang paligid nang makita kami ng mga estudyanteng dumalo sa party. "Yuck! Ano ba 'yan? Hindi naman bagay sa kanya ang dress." "Lakas lang talaga ng loob at kapal ng mukha, girl!" "Lalong lumutang ang kagwapuhan ni Prince dahil sa kasama niya." "Ayoko na lang mag-talk." Ilan lang ito sa mga sinasabi ng mga tao sa aming paligid, dahilan upang humigpit ang pagkakakapit ko sa braso ni Prince. Ngunit alam kong hindi ako dapat magpaapekto rito, dahil kasama ko si Prince sa aking tabi. Taas noo akong lumakad kasama ang aking nobyo at hindi pinansin ang mga taong nanlalait sa akin. Kahit na ang totoo ay naririnig ko ang tawanan nilang hindi mapigil. Hanggang sa maya-maya lang, nagsimulang mamatay ang ilaw sa loob ng function hall. Isang spotlight ang tumama sa itaas ng entablado na nasa aming harapan, dahilan upang mapatingin kaming lahat doon. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko si Patty na nakatayo sa itaas ng entablado. Bumilis ang t***k ng aking puso nang mapagtanto ko na ang suot kong dress at ang suot niya ay parehong-pareho. Anong ibig sabihin nito? "Maraming salamat po sa inyong pagdating. Ang totoo, hindi ko naman po kaarawan ngayon. May announcement lang po akong gustong sabihin," panimula ni Patty habang nagsasalita sa microphone. "First of all welcome ulit sa lahat ng mga bagong estudyante sa Belmonte University. Second, binabati ko si Prince dahil napagtagumpayan niya ang challenge na binigay ko." "C-Challenge?" Agad akong napatingin kay Prince dahil sa sinabing iyon ni Patty. Isang spotlight ang tumama sa kinaroroonan namin ni Prince, dahilan upang makita nila akong naka-angkla ang kamay sa lalaking ito. Malalim na pagsinghap ang aking narinig at nagsimulang kumalat ang bulong-bulongan sa paligid dahil na rin sa suot kong dress na pareho sa suot ni Patty. "Grabe! Mas lumutang ang ganda ni Patty." "The nerve! Ginaya niya pa talaga ang damit ni Queen Patty." Naikuyom ko ang aking kamay dahil sa mga bagay na naririnig ko. Nagsimulang sumikip ang aking dibdib dahil pakiramdam ko ay pinagkaisahan ako. Pakiusap, Prince. Magsalita ka, pakikiusap ko sa aking isip. Ngunit nang tingnan ko ang mukha ni Prince, diretso lang siyang nakatingin kay Patty na animoy hangang-hanga sa hitsura nito. Kumunot ang aking noo dahil sa expression niyang iyon. "Isa pang announcement. Nais kong ibalita sa inyo ang bagong ultimate couple ng campus na ito," pagpapatuloy ni Patty. Pilit kong pinakalma ang aking sarili. Kahit nanginginig ang aking kamay, pinilit kong makinig sa sasabihin ni Patty. "Siyempre, gusto ko, mismo sa kanya manggaling ang announcement na ito," muling wika niya. Isang babae ang lumapit sa kinaroroonan namin ni Prince. Binigyan nito si Prince ng mikropono. Hindi ko alam kung bakit, ngunit labis akong kinabahan dito. Sinimulang itapat ni Prince ang mic sa kanyang labi at binukas ang kanyang bibig. "Well, dumating na tayo sa huling challenge na binigay sa akin. Ang ipakilala ang nobya ko," wika ni Prince. Mapait akong napangiti dahil sa kanyang sinabi. Hanggang sa maya-maya lang, nanlaki ang aking mga mata nang dahan-dahan niyang tanggalin ang aking kamay na naka-angkla sa kanyang braso. "Masaya akong ipakilala ang mahal kong girlfriend – si Patricia Monteverde." Tila nabingi ako sa bagay na kanyang sinabi. Tumingin pa siya sa akin at nagpakita ng kakaibang ngiti. Hindi tulad ng ngiti na madalas niyang ipakita sa akin. "Sorry, Angel. Pero challenge lang ang lahat ng ito para makuha ko ang puso ni Patty," paliwanag niya sa akin. Lumapit sa aming kinaroroonan si Patty. Sinalubong naman siya ni Prince at niyakap ang kamay sa baywang nito, sabay sa pag-angkla ng kamay ni Patty sa kanyang leeg. "A-Anong ibig sabihin nito, Prince?" "Hindi pa ba malinaw, Angel? Ang isang prinsipe ay para sa isang prinsesa," wika ni Patty. Hindi ko pinansin ang sinabi niyang iyon. Diretso akong tumingin kay Prince at nangingilid ang luhang tinanong siya. "Hindi totoo 'to, hindi ba? Sabi mo –" "Tama na, Angel! Tingin mo ba talaga magkakagusto ako sa tulad mo? Ganoon ba kababa ang tingin mo sa akin?" saad ni Prince. Ang mga katagang iyon ay tila isang libong karayom na tumusok sa aking puso. Pakiramdam ko ay ano mang oras, hihimatayin na ako dahil sa bigat ng aking nararamdaman. Parang isang salamin ang nakaraan sa aking isip na biglang nabasag. Ibig sabihin, ang lahat ng mga iyon ay palabas lang upang mapasagot niya si Patty? Ang lahat ng pinakita niya sa akin ay pawang kasinungalingan upang mapasagot ang babaeng totoo niyang gusto? Pinaglaruan nila ako? Ang mga katotohanang ito ay tila hindi pumapasok sa aking isip. Ayokong maniwala sa mga bagay na ito. Ayokong maniwala dahil hindi ko na kaya ang sakit na nararamdaman ko. "'Wag kang ambisyosa, Angel! Gising! Baka nasa panaginip ka pa rin," saad ni Patty. Akala ko noon ay mabait siya. Ngunit nagkamali ako. Mas masahol pa pala siya sa mga bully na nakaharap ko noon. "Ouch!" Naputol ang aking iniisip nang isang babae ang tumabig sa akin, dahilan upang matumba ako sa sahig dahil na rin sa nanlalambot kong tuhod. Noon ko lang nalaman na isang mantsa ng icecream ang tumama sa aking damit. "Tama lang iyan sa 'yo. Dahil ang isang magandang damit ay para lang sa magandang tao," matalas na salita ni Patty habang pailalim na nakatingin sa akin. Nagsimulang pumalibot ang mga estudyante sa 'king paligid. Malakas na tawanan ang aking naririnig habang kinukutya ang aking hitsura at pananamit. Maging si Prince ay may mababang tingin sa akin. Hanggang sa makita kong kabigin siya ni Patty at ilapat ang labi nila sa isa't isa, isang pagpapatunay na sila talaga ang nagmamahalan at ang lahat ng tungkol sa amin ni Prince ay kathang isip ko lang. Nag-unahan ang luha sa aking mga mata. Malalakas na hikbi ang namutawi sa aking dila. At kahit durog na durog na ako, wala pa rin tigil ang pagtatawanan nila sa aking paligid. Wala na ang taong magtatanggol sa akin sa ganitong sitwasyon. Dahil ang taong inaasahan ko sana, ay isa pala sa mga taong tuluyang manlulubog sa akin sa kahihiyan. Hindi ko alam kung paano ko kinaya ang sakit na iyon. Hindi ko alam kung paano ko naitayo ang aking mga paa at tumakbo upang makaalis sa lugar na kinaroroonan ko. Ang alam ko lang, nais kong tumakas, dahil kung mananatili pa ako sa lugar na iyon, baka hindi ko na kayanin at tuluyang bumigay ang aking puso. Sa pag-alis ko sa lugar kung saan ako ay pinagkaisahan. Nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan, sabay sa buhos ng ulan na ito ay ang luha sa aking mga mata na gumagapang sa aking pisngi. Napakasama nila. Mga taong mapanghusga. Ano ba ang nagawa ko at ginaganito ako? Masama ba ang magkaroon ng hindi magandang mukha? Kasalanan ko ba ang ipanganak na hindi maganda? Ayoko na, pakiusap. Ayoko na! *** Hindi ko alam kung hanggang saan ako dinala ng aking mga paa. Ang alam ko lang ay nais kong mapag-isa at pumunta sa lugar kung saan walang nakakikilala sa akin. Siguro kung mawawala ako sa mundong ito, magiging masaya sila. Siguro, kung mawawala ako, matatapos na ang paghihirap na nararanasan ko. Sawang-sawa na akong masaktan. Sawang-sawa na akong patunayan ang aking sarili sa mundo, sa mundong kahit kailan ay hindi ako tinanggap. Dahil sa patuloy kong paglalakad, hindi ko na napansin na tumila na pala ang malakas na ulan. Hindi ko rin namalayan na nasa tapat ako ng isang gusali. Nang mapansin ko ang nakabukas na elevator, maraming bagay ang pumasok sa aking isip. Agad akong pumuslit at tumakbo papasok sa elevator na iyon. Sinigurado kong makapupunta ako sa rooftop ng gusaling ito, dahil sa ngayon, buo na ang aking desisyon. Nang makarating ako sa rooftop, tila wala sa sarili akong naglakad patungo sa isang sementadong harang na nandito. Pakiramdam ko ay may kung anong bagay ang bumulong sa aking tainga at tila sinabihan akong umakyat doon. Sinimulan kong ihawak ang aking kamay sa harang ng rooftop. Umakyat ako rito at tinapak ang aking mga paa. Kitang-kita ng aking mga mata ang naggagandahang ilaw sa ibaba, mga ilaw na tila bituin na bumaba sa lupa – buti pa ito, maganda. Sorry, Mommy. Sorry kung ganito lang ako kadaling susuko, pero hindi ko na kasi kaya. Ayoko nang mahusgahan ng mundo. Sinimulan kong ihakbang ang aking mga paa. Ngunit nang gawin ko ito, nanlaki ang aking mga mata nang may biglang humawak sa aking baywang at niyakap ako mula sa likuran, saka ako hinatak pabalik, dahilan upang bumagsak ang aking katawan sa isang taong pumigil sa akin – isang taong hindi ko kilala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD