Lucy Pagpasok namin sa loob ng Academia ay kaagad na napakunot ang noo ko nang makita ko ang sandamakmak na kawal ng bayan. Nakakalat ang mga ito sa buong paligid at animo'y may hinahanap. "Ano't narito ang mga kawal?" rinig kong bulong ni Azriel. Nagpatuloy na lamang kami sa paglalakad at hindi na lamang sila pinansin pa. Lilihis na sana kami ng daan patungong Silid Aklatan nang makabangga namin si Harrieta. Mukhang nagising na siya mula sa pagkakalason sa kaniya. Binalingan namin ang balisa niyang mukha. Matapos niya kaming makita ay bigla siyang napahinga ng malalim. "Nasaan ba kayo ha? May kaguluhang nagaganap sa maliit na gubat na matatagpuan sa likod ng Silid Pagamutan!" hingal niyang atugal.