Chapter 9

1324 Words
FAYE “Ang bait naman ng magandang batang ito,” natutuwang sabi ko habang nakayuko ako at nakatingin sa batang yakap ko. Parang nakakaunawa na, ngumiti siya sa akin. Baby pa lang siya at sa tingin ko, ilang buwan pa lang, pero ang cute niya kapag ngumiti. “Ay, ang lalim ng biloy mo, baby. Kanino ka ba nagmana?” tanong ko sa kanya. Siguradong hindi sa kanyang ama dahil wala naman akong nakitang dimple kay Sir Adi. Baka sa kanyang ina, dahil kahit mga mata ng batang buhat ko, alam kong hindi niya namana sa kanyang ama. Ibang-iba kasi ang mukha niya kay Sir Adie. Mas malakas marahil ang dugo ng kanyang ina, kaya mas marami siyang namana sa pisikal na anyo nito. Sa tingin ko rin, mukhang foreigner ang asawa ni Sir Adie dahil kitang-kita sa mukha ng alaga ko na hindi siya typical na Pilipino. Maputi kasi ang alaga ko at kahit baby pa lang, mahaba na ang kanyang pilikmata at matangos rin ang ilong. Napakapula rin ng manipis na mga labi, kaya nakakagigil siyang pagmasdan. “Faye, marunong ka bang magpainom ng gatas sa bata?” tanong ni Aling Nora sa akin. “Opo, nag-alaga po ako ng mga bata sa amin sa probinsya, kaya lang, baka iba po ang paraan ng pag-aalaga ninyo sa sanggol dito sa Maynila,” agad na sagot ko. “Pareho lang naman, kaya lang, kailangan mong maging maingat sa bawat ginagawa mo, dahil iba ang pag-aalaga ng mga batang anak ng mayayaman.” Sang-ayon ako sa sinabi ni Aling Nora. Anak ng mayaman ang batang inaalagaan ko, kaya hindi puwede ang bara-barang pag-aalaga sa kanya, dahil siguradong magagalit ang kanyang ama. Tinuruan ako ni Aling Nora kung paano ang tamang pagtimpla ng gatas ni Baby Janica. Mabilis ko naman itong natutunan dahil hindi naman ito mahirap gawin. Ako na rin ang nagpainom ng gatas kay Baby Janica. Mukhang gutom na talaga ang alaga ko dahil mabilis niyang naubos ang gatas na tinimpla ko kanina. “Ang bait naman talaga. Hindi mahirap painumin ng gatas ang aming magandang baby,” natutuwa at nakangiting sabi ko kay Baby Janica habang hawak ko ang kanyang dalawang kamay. Kahit hindi pa siya nakakapagsalita, tuwang-tuwa ako dahil ngumingiti sa akin ang alaga ko sa tuwing nilalaro ko siya. Masayahing bata si Baby Janica, kaya sa tingin ko'y magkakasundo agad kaming dalawa. “Naku, tama na ang laro ninyong dalawa. Ang mabuti pa ay paliguan mo na si Baby Janica para makatulog na siya at makapagpahinga ka na rin at gabi na,” sabi sa akin ni Aling Nora. Kanina ko pa kasi nilalaro ang aking alaga, kaya sinabihan na ako ni Aling Nora na tigilan ko muna ang pakikipaglaro sa kanya dahil baka hindi ako makatulog sa gabi kapag umiyak ng umiyak ang alaga ko. Mabuti na lang at kasama ko si Aling Nora. Tinuruan niya ako ng mga gagawin ko, kaya naging madali para sa akin na alagaan ang anak ni Sir Adie. Simula nang magising ako kanina sa sala, hindi ko pa nakikita ang aking amo, pero hindi ako nagtanong kay Aling Nora kung nasaan na siya o kung saan pumunta. Bukod kasi sa nahihiya akong magtanong tungkol kay Sir Adie, pabor sa akin na wala siya dito sa bahay ngayon dahil normal ang pintig ng aking puso, pati na rin ang paghinga ko. Tama nga ang sinabi kanina ni Aling Nora. Matapos naming paliguan si Baby Janica at bihisan, nakatulog agad siya dahil napagod sa paglalaro naming dalawa. Ang sabi ni Aling Nora ay iyakin daw sa gabi ang alaga ko, kaya kumain na ako at natulog ng maaga para hindi ako gaanong mapuyat kapag nagising si Baby Janica ng madaling araw at gusto niya ng kalaro. Kaya pala ang silid na katabi ng kanyang kwarto ang ibinigay sa akin ni Sir Adie dahil ito rin pala ang magiging silid ng alaga ko. Ibig sabihin ay magkasama kami ni Baby Janica sa loob ng isang silid, kaya posibleng pumasok rin dito si Sir Adie para bisitahin at tingnan ang kanyang anak. Nakakailang man, pero wala akong magagawa para pagbawalan siyang pumasok dito sa silid na tinutuluyan ko dahil narito ang kanyang anak. I wonder kung nasaan ang Mommy ni Baby Janica ngayon. Nalulungkot ako para sa alaga ko dahil hindi niya kasama ang kanyang ina, gayong bata pa siya at walang muwang sa mundo, pero nawalay na agad siya sa kanyang ina. Tahimik na pinagmasdan ko ang alaga ko sa gitna ng kama. Tapos na akong kumain at nakaligo na rin para malinis ang aking katawan kapag humiga ako sa malambot na kama at katabing matulog si Baby Janica. Napalingon ako nang bumukas ang pintuan, kaya nakita kong pumasok si Sir Adie, pero hindi na siya nakasuot ng damit panlabas at nakapambahay na lang. Lumapit agad siya sa amin at mabilis na nilapitan si Baby Janica. Hinalikan niya sa noo ang alaga ko at maingat na hinaplos ang kanyang ulo. Hindi ko tuloy nalaman kung babangon ako dito sa kama para bigyan siya ng privacy na makasama ang kanyang anak. Inabot ko na lang tuloy ang kumot at mabilis na tinakpan ang aking katawan dahil naiilang ako sa kanya. Kakaiba kasi ang nararamdaman ko ngayong nakahiga ako sa kama habang kasama ko dito sa silid ang aking amo. “Kumusta ang anak ko?” tanong ni Sir Adie sa akin, pero kay Baby Janica nakatingin. “Mabuti naman po, Sir. Masayahing bata po si Baby Janica,” mabilis na sagot ko dahil natatakot akong mautal habang nagsasalita. Ramdam ko kasi ang biglang pagbabago ng pintig ng aking puso, ganoon rin ang mabilis na pagtaas-baba ng aking dibdib dahil nararamdaman ko ang kaba at pagkailang ngayong kasama ko si Sir Adie dito sa silid. “Hindi ka ba nahirapan sa kanya kanina?” muling tanong ni Sir Adie, kaya umiling ako bilang sagot. Katahimikan ang sumunod na namagitan sa aming dalawa. Pareho kaming nakatingin ni Sir Adie kay Baby Janica at pinagmasdan ang kanyang anak. “She's naughty at night,” narinig kong sabi niya sa akin. “Gusto ni Janica na may kasama siya at nakikipaglaro sa kanya kapag nagising siya sa gabi.” Tahimik na pinakinggan ko ang mga sinabi ni Sir Adie. Nagbigay siya ng ilang impormasyon tungkol sa ugali ng kanyang anak para natutunan ko raw kung paano alagaan si Baby Janica. Kahit lalaki at mukhang sanggano ang amo ko, pero sa nakikita ko ngayon ay nakatutok siya sa pag-aalaga kay Baby Janica. Naku-curious tuloy ako kung nasaan ang ina ng alaga ko, pero ayaw ko namang magtanong dahil una pa lang, sinabi na ni Sir Adie sa akin na ayaw niya ng yaya na tsismosa. “Don't lock the door, lalo na sa gabi,” utos sa akin ni Sir Adie, kaya kahit ayaw ko sa gusto niyang mangyari, ay tumango ako. “I used to check on her, lalo na kapag hatinggabi dahil baka tulog mantika ka at hindi ka agad nagigising kahit umiyak na ang anak ko.” Lihim akong napa-ngiwi dahil hindi ko nagustuhan ang narinig ko, pero wala naman akong magawa para pigilan si Sir Adie na pumasok dito sa silid namin ni Baby Janica ng madaling araw. “Hindi naman po ako tulog mantika, Sir,” mabilis kong sagot. “Ang sabi nga ni Mama sa akin, tulog manok raw po ako dahil kaunting ingay at kaluskos lang ay nagigising agad ako.” Sinubukan kong magdahilan kay Sir Adie, pero mukhang hindi epektibo ang sinabi ko dahil wala akong narinig na kahit anong salita mula sa kanya. Nagbabakasakali ako na kapag sinabi ko kay Sir Adie na hindi ako malalim matulog sa gabi, ay hindi na siya pupunta dito sa silid ko dahil bigla akong kinabahan nang malaman ko na gagawin niya iyon ng madaling araw, kung kailan siguradong mahimbing ang tulog ko at hindi ko alam na narito na pala siya sa silid na tinutuluyan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD