FAYE
Nakakailang talaga na narito sa silid si Sir Adi, tapos nakahiga ako sa kama, kaya binalot ko ang aking katawan ng kumot. Pinilit kong huwag matulog kahit malamig ang silid at nakakaantok sa pakiramdam dahil hindi ako komportable na may ibang kasama dito, tapos lalaki pa.
“Go to sleep, Miss Ramos,” narinig kong sabi ni Sir Adi sa akin.
Siguro nakita niya na nilalabanan ko ang antok na nararamdaman ko at halos pumikit na ang aking mga mata, pero ayaw kong matulog habang narito siya sa loob ng silid.
“Dito rin po ba kayo matutulog, Sir?” lakas-loob na tanong ko kay Sir Adi dahil kanina pa siya dito sa silid, pero hanggang ngayon ay hindi pa lumabas.
“No,” mabilis niyang sagot. “Lalabas rin ako mamaya, kaya matulog ka na.”
Dahil hindi ko na rin mapigilan ang antok na nararamdaman ko, kaya kahit kasama ko pa dito sa silid si Sir Adi, ay nakatulog na ako. Nagising ulit ako nang narinig kong umiyak ang alaga ko, kaya bumangon agad ako at binuhat ko si Baby Janica para tumigil siya sa pag-iyak.
Mukhang gutom na siya, kaya inilapag ko muna sa kama ang alaga ko at mabilis na nagtimpla ng gatas para sa kanya.
Mabuti na lang at bukas ang ilaw sa sulok, kaya hindi na ako lumapit sa may pintuan para buksan ito. Mabilis na natapos ko ang pagtimpla ng gatas para sa alaga ko, kaya umupo ako sa gilid ng kama at pinainom ng gatas ang alaga ko.
Mukhang gutom na gutom siya dahil mabilis niyang naubos ang gatas na tinimpla ko para sa kanya.
Nasa alaga ko ang atensyon ko, kaya hindi ko napansin na nakahiga pala sa sofa si Sir Adi. Dito pala siya natulog sa loob ng silid namin ni Baby Janica at hindi na siya lumabas pa, katulad ng sinabi niya kanina sa akin bago ako natulog na lalabas agad siya.
Napatingin lang ako sa direksyon niya nang narinig ko siyang naghilik, kaya naramdaman ko ang biglang pagpitlag ng puso ko.
Mukhang sa aming dalawa, siya ang tulog mantika dahil kahit umiyak na si Baby Janica, mahimbing pa rin ang kanyang tulog at hindi man lang nagising.
Pinalitan ko muna ang diaper na suot ni Baby Janica bago siya inilapag sa kama. Isa rin palang tulog mantika ang alaga ko dahil matapos uminom ng gatas ay muling nakatulog, kaya nagmadali ako sa ginagawa ko dahil baka bigla siyang magising at umiyak na naman.
Inayos ko ang unan sa magkabilang tagiliran ni Baby Janica para hindi ko siya maipit kapag nakatulog na ako. Hindi naman ako malikot matulog, pero mabuti na rin ang mag-ingat dahil maliit pa ang alaga ko, kaya kawawa siya kapag nadaganan ko.
Sasampa na sana ako sa kama nang napatingin ako sa sofa. Napakalamig ng silid at nangangatog ang katawan ko, kaya naawa ako kay Sir Adi dahil tanging manipis at maikling short lamang ang kanyang suot, kapares ng puting sando.
May nakita akong kumot sa loob ng kabinet nang ilagay ko doon ang damit na dala ko kanina, kaya hindi muna ako humiga sa kama at minabuting maglakad papunta sa damitan ko para kunin ang kumot.
Kahit nag-aalangan, lumapit ako kay Sir Adi at maingat ko siyang nilagyan ng kumot sa katawan. Mukhang pagod na pagod siya at malalim ang tulog dahil hindi man lang siya nagising kahit narito ako sa kanyang tabi at kinukumutan siya.
“Ay!”
Nagulat ako at malakas na napasinghap nang biglang hawakan ni Sir Adi ang braso ko at hinatak niya ako, kaya bumagsak ako sa ibabaw niya at nauntog pa ang aking noo.
“What are you doing?” matigas ang tinig na tanong ni Sir Adi sa akin.
Napalunok ako at kinabahan na sumagot sa tanong ng aking amo.
“Ah, kinukumutan po kita, Sir,” mahinang sagot ko.
“Who asked you to do that?”
Nakaramdam ako ng takot at kaba dahil nakakatakot ang tinig ngayon ni Sir Adi. Seryoso siya, at nakikita ko na hindi niya nagustuhan ang ginawa ko.
“P-pasensya na po, s-sir. Nakita kasi kitang natutulog dito sa sofa, kaya kinumutan po kita kasi malamig dito sa silid,” nauutal na sagot at paliwanag ko.
Hawak pa rin niya ang aking braso, tapos nakadagan ako sa ibabaw niya at malayang naririnig ko ang bawat pintig ng kanyang puso, kaya nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na kaba.
Napakalakas ng pintig ng aking puso. Kabaliktaran ito ng kalmadong pagtaas-baba ng dibdib ng aking amo sa ilalim ko. Sandali akong natulala at hindi ko malaman kung anong sasabihin ko kay Sir Adi dahil nagulat talaga ako at hindi nakahuma sa kasalukuyang sitwasyon naming dalawa.
“S-sir, bitawan mo po ako,” nauutal na pakiusap ko sa kanya.
“You're on top of me, Miss Ramos,” mahina, pero alam kong makahulugan na sabi sa akin ng aking amo.
Nag-init ang aking magkabilang pisngi kaya mabilis na nag-iwas ako ng tingin dahil harapan akong tinitigan ni Sir Adi sa mga mata.
“Eh, kasi po, hinatak niyo ako, Sir,” pagtatanggol ko sa aking sarili.
“Sino ba ang unang lumapit sa akin?”
Pakiramdam ko'y binuhusan ako ng malamig na tubig dahil napahiya ako sa narinig kong sinabi ni Sir Adi.
“Nagmagandang loob lang naman po ako, Sir,” nakasimangot na sabi ko. Hinatak ko ang aking braso, pero hindi niya binitiwan, kaya naghatakan tuloy kaming dalawa.
“Bitawan mo po ako!” inis na utos ko kay Sir Adi.
Hindi ko tuloy napigilan ang magtaas ng tinig dahil nakaramdam ako ng inis sa kanya, pati na rin sa sarili ko dahil napahamak na naman ako dahil unti-unti na namang umiral ang pusong mamon ko.
“What if ayaw ko?” tila nanunubok na tanong ni Sir Adi .
Nalukot ang mukha ko at nagsalubong ang aking mga kilay. Inis na hinatak ko ang aking braso, pero lalo lamang humigpit ang pagkakahawak ni Sir Adi sa pulsuhan ko.
“Sir, huwag mo akong sisihin kapag nasaktan ka,” pananakot ko sa kanya, pero tinawanan lang ako ni Sir Adi, kaya lalo lamang akong nakaramdam ng inis sa kanya.
“Why? Anong gagawin mo, Miss Ramos?” nakangising tanong ni Sir Adi sa akin.
Walang pagdadalawang-isip na kinagat ko siya sa braso at hindi ako bumitaw kahit narinig ko siyang humiyaw ng malakas.
“Hey! Stop! I'm just kidding!” malakas na sigaw sa akin ni Sir Adi, pero dahil sa inis, hindi ko binitiwan ang kanyang braso.
“Dammit! Stop it, Miss Ramos. It's not a chicken leg!”
Lalo lamang akong nakaramdam ng inis. Gigil na idiniin ko ang pagkagat ng ngipin ko sa kanyang braso at hindi ako bumitaw kahit naramdaman kong pumulupot sa bewang ko ang isa pang braso ng amo ko para ilayo ako sa kanya.
Gusto ko siyang turuan ng leksyon para sa susunod, hindi na niya ulitin ang pambu-bully sa akin.
Hindi niya alam na kaya walang nanliligaw sa akin sa school dahil palaban ako kapag may nag-aaway sa akin. Tahimik ako, pero hindi lampa, at kaya ko rin mang-away para ipagtanggol ang aking sarili.
“Fvck! Are you sure you're human?” galit na tanong ni Sir Adi nang bumaon ng mas malalim ang ngipin ko sa kanyang braso.
Nagpambuno tuloy kaming dalawa. Dahil hindi siya mapakali at namimilipit sa sakit sa ilalim ko, kaya nang umikot siya para bumangon, sabay kaming bumagsak sa sahig.
Nabitawan ko ang kagat na braso ni Sir Adi dahil bumagsak ako sa ilalim niya at tumama ang ulo ko sa sahig. Mabuti na lang at may carpet dito, kaya hindi naalog ang utak ko, pero masakit pa rin dahil nauntog pa ang noo ko sa baba ng lalaking nasa ibabaw ko.
“Done?” tanong ni Sir Adi sa akin.
Hindi ko nagawang magtanong dahil hingal na hingal ako. Hindi rin maganda ang epekto sa akin ngayong nasa ibabaw ko si Sir Adi at nakadagan sa katawan ko ang kanyang buong bigat, kaya hindi ako makakilos sa ilalim niya.
“Umalis ka na po diyan, Sir,” kinabahan na pakiusap ko kay Sir Adi.
“Why would I do that?” Kahit malamlam ang liwanag ng ilaw dito sa silid, ay nakita ko ang seryosong ekspresyon ng aking amo.
“Nakalimutan mo na ba kung anong ginawa mo, Miss Ramos?” malalim ang tinig na tanong niya sa akin.
“Wala po akong ginawa, Sir,” agad na pagkakaila ko.
“Really? Anong tawag mo sa ginawa mong pagkagat sa braso ko?”
Hindi agad ako makasagot dahil nahihirapan ako sa kasalukuyang sitwasyon ko. Ang bigat ni Sir Adi. Matangkad siya, tapos malaki rin ang katawan, kaya hirap ako kahit huminga sa kanyang ilalim.
“Kapag namatay ako dahil hindi ako nakahinga ay mumultuhin kita, Sir,” banta ko sa kanya, pero narinig kong natawa ang amo ko.
“Really?” tanong ni Sir Adi at pagkatapos, yumuko siya at lumapit ang mukha sa akin.
Mabilis na nag-iwas ako at binaling ko sa kabilang bahagi ng silid ang mukha ko dahil akala ko'y hahalikan niya ako.
Natigilan ako nang maramdaman kong lumapat ang kanyang labi sa tenga ko, kaya mabilis na kumalat ang kilabot sa aking buong katawan.
“May alam akong paraan para ma-suffocate ka, Miss Ramos,” bulong ni Sir Adi sa akin.
Mariin akong napapikit at hindi ko agad na-proseso sa isipan ko ang gusto niyang sabihin dahil nakaramdam ako ng takot matapos bumulong sa akin si Sir Adi.
Natulala ako at ilang ulit na bumuka-sara ang aking mga labi dahil akala ko'y sinapian ng masamang espiritu ang aking amo, kaya gusto niya akong patayîn ngayon sa pamamagitan ng suffocation.
Biglang nanigas ang katawan ko nang hawakan ni Sir Adi ang aking leeg dahil ang akala ko'y sasakalin niya ako, kaya hindi ko inaasahan ang biglang pagbaba ng kanyang mukha palapit sa akin at ang mabilis na paglapat ng aming mga labi.