"We're going to the Destileria today," wika ni Andre habang pababa silang dalawa ni Ara sa magarbong hagdan ng hacienda. "Aalis na tayo in a few minutes."
Tuluy-tuloy sa pagbaba si Andre na para bang wala siyang kausap na Ara na sumusunod sa kanyang likod. Hanggang sa dumiretso ito palabas ng hacienda. Napatitig na lang si Ara sa pintuan hanggang maglaho si Andre sa kanyang paningin at napabuntong-hininga na lamang ang dalaga.
Hindi mawari ni Ara kung ganoon lamang ba talaga ang ugali ni Andre o sinasadya niyang hindi siya bigyan ng pansin.
Sa kabilang banda naman, abala si Noah sa palayan kasama ang kanyang magulang at sina Miguel, Tolits, at Kisses.
"Noah! Kailangan mo ba ng bimpo? Sobrang pawis mo na! Akin na! Ako na din magpupunas sayo!" sigaw ni Kisses habang papalapit kay Noah habang nagtatanim ito ng palay.
"Hoy, Kisses! Maka-Noah ka naman akala mo ka-edad mo! Kuya mo yan!" saway ni Miguel kay Kisses. Sumimangot ang mukha ng dalaga.
"Hindi ko kuya si Noah! Future husband ko yan! Kapag naka-graduate na ako ng college yayayain nako magpakasal ni Noah. Hindi ba, Noah?" aniya nang makalapit siya sa kanilang dalawa ni Miguel. Kinukurap-kurap pa niya ng mabilis ang kanyang mga mata at nagpapa-cute kay Noah.
Umiiling na lamang si Miguel sa inaasal ni Kisses habang si Noah naman ay nakangiti lamang at abala sa pagtatanim.
"Noah, kailangan mo na ng girlfriend nang matigil na sa kahibangan ang mga sangkababaihan dito sa lupain ng mga Dela Torre. Masyado ka nang sikat, eh. Wala nang natira sa amin," ani Miguel habang natatawa.
Natigil saglit si Noah sa pagtusok sa bawat palay na hawak niya. Naalala niya si Ara.
"Malabo," tipid na saad ni Noah.
"Anong malabo? Malabong magkanobya ka? Bakit? Bading ka ba?" ani Miguel.
Hindi na lamang pinansin ni Noah ang sinabi ni Miguel at nagpatuloy sa kanyang pagtatanim.
"Paano magiging bading si Noah, eh napakatikas ng pangangatawan tapos gwapo pa! Mag-ayos ka kasi, Miggy!" ani Kisses.
"Hoy, bata," ani Miguel. "Ituloy mo na ang trabaho mo at baka makita ka pa ng mga umaaligid na alipores ni Senyora Susana. Gusto mo bang mawala ka rito sa lupain?"
"Syempre hindi," sagot naman ni Kisses. "Sige na." Bumalik sa pagtatanim si Kisses at inatupag na lamang ang trabaho niya.
Sumapit ang takipsilim nang mapansin niya ang isang lalaki na nagpapaskil ng ng papel sa poste malapit sa pahingahan nila. Hinintay niya munang makaalis iyong lalaki bago siya lumapit dito.
Nang mabasa ang papel ay napatitig na lamang siya rito. Umusbong ang pag-asa ni Noah na makapasok sa Destileria Dela Torre dahil ang nakapaskil na papel nagsasabing hiring ang Destileria ng mga staff.
"Ano yan?" tanong ni Miguel. Hindi na napansin ni Noah ang paglapit niya. Nakatitig pa rin siya sa papel kahit alam niyang nariyan si Miguel sa kanyang tabi. "Hiring ng staff ang Destileria? Noah, naiisip mo ba ang naiisip ko, 'tol?"
"May resume ka ba?" tanong ni Noah.
"Wala pa. Pero pwede naman tayong magpatulong kay Kisses."
Umuwi muna silang dalawa ni Miguel para kumain at maligo. Pagkatapos ay nagpunta sila sa bahay nila Kisses.
"Noah! Ano?! Yayayain mo na ba akong magpakasal?! Ang bilis naman!" tuwang-tuwa na sambit ni Kisses sa may pintuan. "Pasok kayo! Mama, sina Noah po nandito!"
Lumabas ang mama ni Kisses at pinatuloy sina Noah.
"Magandang gabi po," bati ni Noah sa mama ni Kisses. "Naparito lang po kami kasi magpapatulong po sana kami kay Kisses."
"Anong maitutulong ko?" tanong ni Kisses habang nakangiti kay Noah.
"Magpapatulong sana kaming gumawa ng resume. Mag-aapply kami ng trabaho," sagot ni Miguel.
"Aba! Saan?" curious na tanong ni Kisses.
"Sa Destileria," sagot naman ni Noah. "Hiring kasi sila. Nakita kong pinaskil kanina sa poste."
"Madali lang yan! May template naman at ilalagay lang natin ang personal information ninyo at iba pang detalye. Teka, kuhanin ko lang iyong laptop ko."
Kinuha ni Kisses ang lumang laptop niya na may sira na sa keyboard at basag ang gilid ng screen nito.
"Pasensya na kayo, matagal na itong laptop ko, eh. Tinitiis ko na lang din kasi kailangan sa school," paliwanag ni Kisses.
"Huwag kang mag-alala. Kapag nakapasok kami sa Destileria, maghahati kami ni Noah para makabili ng bagong laptop para sayo," ani Miguel.
Naluha si Kisses sa sinabi ni Miguel.
"Promise yan, ah," ani ng dalaga.
"Promise," wika ni Miguel. "Sige simulan na natin."
Inabot sila ng tatlong oras sa paggawa ng kanilang resume hanggang sa ma-save na ni Kisses ang mga ito.
"Sa wakas! Ipapa-print ko pa ito bukas sa tapat ng school namin. Iaabot ko na lang bukas, ah."
"Maraming salamat, Kisses," ani Noah. "Mauna na kami para makapagpahinga na kayo ng mama mo."
"Maraming salamat po!" ani Miguel sa mama ni Kisses at saka na sila tumuloy.
Kinabukasan, inabot ni Kisses ang mga printed na resume nila Miguel at Noah. Binigyan nila ito ng tig-dalawang daan dahil sa effort ni Kisses.
"Sana makapasok kayo," ani Kisses. "Para sa bagong laptop!"
"Oo, naman. Pangako namin yan sayo, Kisses," wika ni Noah.
Nagmadali silang umuwi para maghanda ng kanilang mga sarili at maipasa kaagad ang kanilang mga resume sa Destileria. Nakasuot ng puting polo shirt si Noah at itim na pants. Nakasuot din ito ng simpleng rubber shoes na itim. Nagmukha tuloy siyang bench model at hindi anak ng magsasaka.
Sumakay sila ni Miguel ng jeepney papunta sa Destileria at inabot lamang ng mahigit labing-walong minuto ang byahe. Nang makababa ay pinagmasdan nilang dalawa ni Miguel ang front building na may malaking mga letra sa gitna.
"Destileria Dela Torre," manghang basa ni Miguel dito. "Dito pa lang sa labas naaamoy ko na ang mga fermented na ubas."
Nalanghap rin ni Noah ang mga ubas na nasa loob ng Destileria. Nagtanong sila sa guwardiya kung saan nila maaaring ipasa ang kanilang resume at nang ituro niya ito ay dali-daling nagpunta sa main office ng Destileria ang dalawa.
"Magandang umaga po," bati ni Noah sa matandang babae na staff na nasa loob ng office. Nasa forties na siguro ito. "Magpapasa po sana kami ng resume," ani Noah.
Magsasalita sana ang staff nang biglang bumukas ang pinto ng office. Silang tatlo ni Miguel ay nagawi ang tingin sa mga taong pumasok.
"Noah?" sambit ni Ara sa pangalan niya. "Anong ginagawa mo dito?"
"Senyorita Ara," ani Noah. "Nagpapasa—"
"We came here to get some documents," ani Andre na halatang ayaw niyang magkaroon ng usapan ang dalawa. "Make it fast. Kailangan na naming pumasok sa Destileria. Naghihintay ang Don Arturo at Senyora Susana," dagdag pa ni Andre.
Inabot naman kaagad ng staff ang hinihinging dokumento ni Andre.
Pasimpleng nakangiti si Ara habang sumusulyap siya kay Noah. Habang si Noah naman ay nakangiti kay Ara na para bang sinasabi niyang masaya siyang nakita niyang muli ang Senyorita Ara.