"Noah," sambit ni Ara sa pangalan ng binatang nakatayo sa kanyang harapan. "Anong ginagawa mo rito?"
"Kinailangan ng panibagong sako ng bigas, Senyorita. Paubos na raw ang naka-stock sa bodega kaya napaaga ang paghahatid ng panibagong mga sako ng bigas," paliwanag ni Noah.
"Ah, ganon ba," ani Ara. "Uhm, it's good to see again today," mahinhin ang boses ni Ara na para bang siya ay nahihiya ngunit may ngiti sa kanyang labi.
Nagkatinginan naman ang tatlong katulong na nakikinig sa usapan ng kanilang Senyorita.
"Pwede ba akong sumama sa pagbalik ninyo sa palayan?" tanong ni Ara.
"Senyorita," sambit ni Noah. "Gusto ko man pero baka mas makabubuti kung dito ka na lang muna sa hacienda. Sa ganitong oras, masyadong mainit sa palayan. Baka hindi kayanin ng balat mo ang init. Hindi ko pwedeng hayaan na masira ang kutis mo."
Uminit ang pisngi ni Ara. Hindi niya kasi akalain na napaka-maginoo ni Noah. Mabuti pa siya naiisip niya ang magiging kalagayan niya samantalang si Andre ay busangot palagi ang kanyang mukha.
"Kailan ako pwedeng magpunta? Pwede naman kahit gabi."
"Senyorita," sambit na naman ni Noah. "May maitutulong ba ako? Anong gusto mong makita sa palayan? May gusto ko bang mapitas? O gustong panoorin kung paano ang ginagawa namin sa palayan?"
Gusto sanang sabihin ni Ara ang totoo na si Noah ang dahilan kung bakit gusto niyang magpunta ng palayan. Ngunit hindi naman iyon maaari dahil ayaw niyang magmukhang stalker ni Noah.
"Ah, oo gusto ko lang malaman kung anong ginagawa ninyo sa palayan. Okay lang din naman sa akin kung mainitan ako. Promise, hindi ako maarte pagdating sa mga ganyang activities. May payong naman and I can also wear something long like what you're wearing right now," paliwanag ng Senyorita.
"Pero tatagos pa rin ang init sa damit, Senyorita. Sigurado ka ba?" nag-aalalang tanong ni Noah. Mas lalong humahanga ang dalaga kay Noah sa hindi niya malamang dahilan. Kumikislap ang kanyang mga mata habang nakatingin sa matikas na binata. Hindi niya napigilang mapakagat muli sa kanyang labi.
"I'm sure, Noah. Gusto ko sanang sumama bukas. Pwede mo ba akong sunduin?" tanong ni Ara.
"Nako, Senyorita," sabat ni Hana. "Alam namin na gusto ninyong sumama pero sa totoo lang mahigpit po ang pamamalakad ngayon dito sa lupain ng mga Dela Torre simula noong dumating si Senyora Susana."
Siniko ni Precious si Hana dahil masyado siyang detalyado at baka may makarinig sa kanya. Dahil kapag nakarating iyon kay Susana ay siguradong sa kangkungan siya pupulutin.
"Anong ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong ni Ara.
"Hindi po pwedeng palaging nandito si Noah para sunduin kayo dahil sa palayan po siya nagta-trabaho. Baka mahuli po siya ni Senyora Susana at mapag-initan siya..." paliwanag ni Hana.
Hindi akalain ni Ara na may kahigpitan si Susana.
"Ewan ko nga po diyan kay Senyora Susana. Masyado niyang pinapapelan ang pagiging Dela Torre. Palibhasa nagkakasakit na si Don Arturo kaya ganon," dagdag pa ni Ella.
"Tama na yan, ano ba kayo. Alam naman ninyo na may mata at tainga ang mga dingding ng hacienda. Sa harapan pa talaga ni Senyorita Ara," saway ni Precious. "Senyorita, huwag ninyo pong isipin ang mga sinabi nila Hana at Ella."
"Mas maganda nga na nalaman ko yan," ani Ara. "At least, alam ko kung paano ako gagalaw dito sa hacienda," saad pa niya. Humarap siya kay Noah at ngumiti. "Huwag mo na akong sunduin, Noah. Ako na lang ang pupunta. Magpapasama na lang ako."
Ngumiti si Noah kay Ara. "Palagi kang magdala ng payong, Senyorita. At magsuot ng nararapat na damit para hindi masira ang kutis mo."
Kinilig ang tatlong katulong na nasa likod ni Ara. Oo, isa lamang magsasaka si Noah. Pero kung pagtatabihin sila ni Ara ay para ba silang mga modelo sa isang magazine. Isang matangkad, matikas, gwapo, at morenong lalaki at isang napakaganda, sexy, at maputing babae.
"I will keep that in mind, Noah. I'll see you around," saad ni Ara.
"Sige, Senyorita. Kailangan ko nang magtrabaho."
Tumango si Ara at saka na umalis si Noah.
"Senyorita, aminin mo, ang gwapo ni Noah, ano?" kinikilig na tanong ni Precious.
Ngumiti lamang si Ara bilang sagot habang pinapanood si Noah na pabalik ng truck para simulan nang ilipat ang mga sako ng bigas sa loob ng bodega kasama si Tolits.
"Maraming nagkakagusto diyan kay Noah, Senyorita. Paano ba naman, parang hindi lumaki sa pamilya ng mga magsasaka," dagdag pa ni Ella.
"Alam mo ba, may tsismis dati na kinakalat nung isang anak din ng mga magsasaka na nabuntis daw siya ni Noah at kailangan niyang panagutan."
"Ha?" hindi makapaniwalang reaksyon ng Senyorita. Pagsasakluban na sana siya ng langit at lupa sa nalaman ngunit nagsalitang muli si Ella.
"Pero alam naman ng lahat na hindi iyon totoo. Kilala kasi yung babae na kung kani-kanino sumisiping kaya nabuntis. At si Noah, sa pagkakaalam namin, wala pa siyang naging nobya. Nakikitsismis lang din kami, Senyorita. Iyon ang alam namin."
"Sa tingin mo, may girlfriend kaya si Noah, Senyorita?" tanong ni Precious.
Biglang nalungkot ang mukha ni Ara sa mga sinisiwalat ng tatlong katulong.
"Sa totoo lang hindi ko alam. Hindi ko pa naman lubusang kilala si Noah. Hindi rin naman magiging imposible kung may girlfriend siya ngayon. Baka nga mayroon siyang girlfriend. O pwedeng wala rin. Hindi ko alam..."
"Ikaw talaga, Precious. Kung anu-ano ang tinatanong mo kay Senyorita," saway ni Hana. "Senyorita, basta ng alam namin walang nobya si Noah."
Ngumiti lamang si Ara ngunit hindi umabot sa kanyang mga mata. Halata sa kanyang mukha na nalungkot siya habang pinagmamasdan si Noah na papasok sa loob ng bodega habang pinapasan ang isang sako ng bigas sa kanyang likod.
Pinagsisiko ni Hana sina Ella at Precious dahil sa pagiging matabil ng kanilang mga dila. Tahimik na nilisan ni Ara ang likod ng hacienda at bumalik sa kanyang kwarto.
Nag-dive siya sa kama at naglupasay na parang batang nagmamaktol.
"May girlfriend ba si Noah o wala?" tanong niya sa kanyang sarili. "Kailangan kong malaman para maalis na siya sa isip ko kaagad kung may girlfriend na talaga siya," dagdag pa niya.
Tumitig siya sa kisame at huminga ng malalim. "I can't believe it. What's happening to me? Wala naman sigurong masama kung hangaan ko si Noah. Oo, hinahangaan ko lang siya. Crush ko lang siguro siya kasi mabait siya at maginoo... at hot."
Napatakip ng mukha si Ara gamit ang unan at saka siya sumigaw doon. Biglang pumasok sa isip niya kung paano siya titigan ni Noah. Napakagat ng labi si Ara sa pag-iisip niyang iyon at nagpantasya na nilalapit ni Noah ang kanyang mukha sa kanya at halikan siya nito sa labi. Uminit ang pakiramdam ni Ara sa kanyang naisip at nagtuluy-tuloy pa ito hanggang sa maisip niyang lumalalim ang paghalik ni Noah sa kanya na halos maubusan sila ng hininga.
Tinanggal ni Ara ang unan na nakatakip sa kanyang mukha at tumitig muli sa kisame habang hinihingal siya sa hindi niya malamang dahilan.
"What the f*ck are you thinking about, Ara?" hindi makapaniwalang sambit niya sa kanyang sarili.
Paghanga pa ba ito o kapusukan ng Senyorita Aurora?