CHAPTER 1.5

1549 Words
Gusto kong sumugod sa school na 'yon para sunduin si Keisha ngunit mukhang huli na ang lahat. Labis pa akong nilamon ng galit at pagsisisi dahil hinayaan kong makapasok siya sa impyernong paaralan na iyon. "Just for once, Sophia pagkatiwalaan mo ako, okay? Walang mananakit sa akin dito. Kung tutuusin nga, ako ang mananakit sa kanila, hahahahaha! I'll end this call na, baka kung ano pang sabihin mo, bye," ani ya at mabilis na ibinaba ang tawag. Hindi na ako nagkaroon pa ng pagkakataon na magwala dahil sakto naman no'n ang pag-ring ulit ng aking cellphone, pero this time si Venus na ang nasa phone screen. "Hello, Ate Sophia? Ano na raw po ang balak mo? Kanina ka pa hinahanap ni President," pamungad ni Venus. Isang buntonghininga ang pinakawalan ko bago sumagot. "Oo, sabihin mo papunta na ako. Masyado silang atat, ah! Bwesit!" pagmamaktol ko habang tamad na tamad na naglalakad papalabas. Sumakay ako sa kotse ko at nagmamadaling pinaharurot ito. Ngayong araw nakatakda ang pag-alis ko ng bansa para sumabak sa isang panibagong misyon. Ayaw ko sanang sumama dahil nga sa malayo ito at higit sa lahat, inaalala ko ang lagay ni Keisha lalo na ngayon na sa Saint Augustus na siya nag-aaral. Pero dahil ako na lang ang natitirang S class sa society namin, walang ibang itatalaga sa mga delikadong misyon kung hindi ako lang. Hanggang ngayon, masamang-masama pa rin ang loob ko, dahil feeling ko pinagtaksilan ako ng lahat. Walang balita sina mom pati si dad na nagbabalak pala na pumasok si Keisha sa Saint Augustus Academy. Kung nagtataka kayo kung bakit ayaw na ayaw ko, ay dahil hindi nga pangkaraniwan ang paaralang 'yon. Tapunan iyon ng mga rebeldeng kabataan na sinukuan na ng kanilang mga magulang. 'Yong iba, black sheep sa pamilya o minsan naman, talagang mga basagulero at hindi na maatim ng mga magulang nila ang kanilang asal. Mayroon ding mga taong nag fe-feeling malakas at ang gusto lamang, ay may patunayan sa kanilang mga sarili. Ang iba naman mga totoong demonyo, 'yong tipong, mukha, tindig, at presensya pa lang nila, alam mo na kung saan ka lulugar. Hindi sa hindi kayang makipagsabayan ni Keisha sa loob ng Saint Augustus, ang sa akin lang, nag-aalala lang ako dahil hindi ko siya mababantayan. Tama na ang isang beses na muntik nang mawala ang kapatid ko sa amin. Hindi ko na alam kung ano pa ang maaari kong gawin para lang masiguro ang kanyang kaligtasan. Pagkarating ko sa building ng Black Mamba kung saan ako nagta-trabaho, kaagad na sumalubong sa akin si Venus. Kasing edad lang ni Keisha ang batang ito, pero isa na siya sa mga hinahanggan pagdating sa hacking. "You're late, hehehe. Alam mo na, isang sampal na naman ang aabutin mo kay President," pagbibiro ni Venus. Pinaningkitan ko ito ng mata kaya siya biglang napa-peace sign. "D*mn! Mukhang mas mainit ata ang ulo mo kaysa kay Bossing, ah! Let's see kung sino ang unang titiklop sa inyong dalawa, hahahahaha! Pero wag kang mag-alala, Ate Sophia. Pupusta ako sa'yo kasi alam kong lodi ka pagdating sa pang-aasar," ani 'ya. Inirapan ko lang ang bruha dahil ayaw kong magsayang ng oras para patulan ang mga walangkwenta niyang sinasabi. Ngunit noong hindi talaga siya tumitigil sa kakangawa, ultimong nanunuot na sa aking tenga, hindi na ako nakapagpigil pa. Huminto ako at hinarap ito habang nakataas ang isang kilay. "Baka gusto mong unahin ko na 'yang bunganga mo, Venus? Masyadong matabil, ilugar mo 'yan kung ayaw mong mawalan ka ng dila!" pananakot ko. Umatras ito nang bahagya. Habang kagat-kagat ang ibabang labi, marahan itong yumuko. Nagpatuloy kami sa paglalakad at nagpapasalamat ako dahil tumigil na siya sa kakadaldal. Pagka-pasok namin sa loob ng office ni Tanda, isang patalim ang agad na sumalubong sa amin. Pero dahil isa akong batikang assassin, sisiw kong nailagan ito. "Ang ganda naman ng bungad na iyon, President! Sa susunod galingan mo, masyado ka nang mabagal! Gawa na rin siguro ng katandaan, ano?" walang galang kong pang-iinsulto. Syempre biro ko lang naman iyo sa Boss namin. Hindi naman siya pikunin kaya wag kayong mag-alala. Dahil sa sinabi ko nagtawanan sina Venus at Bernard. By the way, si Bernard pala ang Vice-President ng BM. "Wala ka pa ring kupas, Sophia, napaka yabang mo pa rin. Siguraduhin mo lang na 'yang yabang mo ay may pagkakalagyan. Hindi madali ang misyon na papasukin mo this time, baka hindi ka na makauwi," pananakot ni Tanda. Tinawanan ko lang ito tapos mayabang na umupo sa harap niya. "Ipinagdarasal niyo ho atang hindi na ako bumalik ng buhay sa Pilipinas, ah! Naku ho, kung ako ho sa inyo, magsimba ho kayo araw-araw, at baka ho madinig ng nasa itaas. Ay ang kaso lamang, pa'no kayo didinggin niyan? Iba pala ang sinasamba niyo," patuloy kong pang-iinsulto. Isang maasim na ekspresyon ang ibinalandra sa amin ni Tanda na animo'y anumang oras ay handa niya akong hatawin ng kanyang tungkod. Tamang biruan lamang itong sinasabi ko kay Tanda. Ito 'yong bonding naming dalawa, ang magpikunan, hahahahaha! "Pero maiba po Boss, baka naman pwedeng mag- recruit na lang tayo sa ibang Society, oh? May importante kasi akong aasikasuhin dito sa Pinas," pagmamakaawa ko. Pagkarinig niyon, biglang ngumiti si Tanda. Alam na, nakaisip na siya ng pangbawi sa akin. "No," mariin na 'di pagsang-ayon nito. Kinabig ko ang braso niya para lambingin, baka sakaling gumana. "Tumigil ka, Sophia! Hindi ako mahuhulog sa pagganyan-ganyan mo!" sabi ni Tanda habang hinahawi ang kamay ko na nakapulupot sa braso niya. "Nakahanda na ang lahat kaya kahit ano pang sabihin mo, hindi na magbabago ang aking isip. Kung gusto mong umuwi agad, tapusin ninyo nang maaga ang trabaho," dugtong pa nito. Hindi na ako nakapalag pa at tanging pagkagat na lang sa labi ang aking nagawa. Sinubukan ko sa huling pagkakataon na umalma ngunit kaagad ako nitong pinandilatan ng mata. 'Sabi ko nga, hindi na magrereklamo,' mahinang bulong ko sa kawalan. "Kung nandito lang si Naomi, at ang bata ko, matatanggap ko pa 'yang paalam mo. Alam mo namang ikaw na lang ang natitirang bala ko hindi ba, Sophia?" panimula muli nito. Psssh, nang marinig ko ang kanyang tinuran, napangiwi ako at hindi ko iyon tinago sa kanya. Hanggang ngayon talaga hindi niya makalimutan 'yong taong minsan niyang nakalaguyo. Pfft, kahiya. "Oo na! Hindi na nga ako pumapalag, 'di ba? Daming sinasabi," malditang ani ko. Umiling si Tanda tapos inaya na nito si Bernard na umalis. Nagpaalam siya na may aasikasuhin lang sila saglit at babalik din agad. "Venus, alam mo na, pakibantayan 'yang si Sophia. Kapag nagtangkang tumakas 'yan, alam mo na ang gagawin. Gusto ko sa ulo tatama ang bala, ah," pagbibiro ni President. Tumayo nang tuwid si Venus at umaktong parang sundalo, sabay sabing, "No problem Sir! Isang bala lang ang masasayang kay Ate Sophia, hehehe," maligalig na sagot ng buang. Pagkaalis no'ng dalawa, tumabi si Venus sa'kin tapos hinawi ang aking buhok na stress sa bwesit na matandang iyon. "Kaya ka ba aatras kasi dahil kay Keisha, Ate? Masyado kang nag-aalala sa kanya. Nakalimutan mo na ba? Sabay kaya kaming nag-training," ani 'ya. Sinusubukan niyang pagaanin ang loob ko, pero kahit anong sabihin niya, hindi uubra dahil sobrang bigat ng dinadala ko ngayon. Ang tanging makakapagpagaan lang ng loob ko ay ang balitang aalis si Keisha sa SAA, yon lang. "Hindi kasi gano'n Venus. Alam mo naman na napaka-delikado ng lugar na 'yon, hindi ba?" sabi ko na may halong pangungumbinsi. Para akong bata na naghahanap ng kakampi. "Kung sabagay, bali-balita pa naman ngayon na isa sa mga students ng Saint Augustus ang naturukan ng antidote. Eh, hindi ba, wala pa ring nakakaalam kung ano ang pwedeng mangyari kapag naturukan ka ng Midnight antidote dahil hindi pa raw ito tapos? Alam mo, iniisip ko, hindi naman nakapagtataka kung totoo ngang 'yong anak ng may-ari ng SAA mismo ang sinasabing naturukan. Anak ba naman ng President ng H&S, sure ball na mayaman at madaming koneksyon ang pamilya nila. Speaking of H&S, malapit do'n 'yong crime scene, 'di ba? 'Yong about kay Ate Naomi," mahabang lintana nito. Wala man lang akong naintindihan sa pagkahaba-haba ng sinabi niya. Mali, wala ako sa mood para making. "Pwede ba Venus, hindi ka nakakatulong sa totoo lang. Itikom mo na lang iyang bunganga mo sa ngayon dahil baka hindi na talaga kita matantiya," pananakot ko. Pagkatapos nang maikli naming pag-uusap ay bumalik na sina President at si Bernard. Isinukbit ko sa aking balikat ang dala kong bag at saka nagpaalam sa matanda at kay Venus. "Bruha, kapag nag-update sa iyo si Keisha, huwag mong kalimutang ipasa sa akin, ah? Tandaan mo 'yan! Kapag hindi lang talaga, puputulin ko talaga 'yang mga daliri mo nang mawalan ka nang silbi sa mundo!" pahabol ko bago ako kaladkarin nito ni Bernard palayo. "Don't worry Ate, I will!" sabi ni Venus habang nakasunod sa amin. Hindi pa ako nakuntento dahil muli ko itong kinausap, "Mag promise kang bruha ka!" pahabol ko. Tumango si Venus nang maraming beses para i-assure na gagawin niya ang pinagagawa ko. Bago pa man kami makapasok sa sasakyan nito ni Bernard, nanalangin ako nang mataimtim, kahit alam kong hindi ako diringgin ni Bathala. 'Panginoon, alam ko na wala akong karapatan para humingi ng awa sa inyo ngayon. Pero sana, huwag pagbayarin ni Keisha ang lahat ng kasalanan na ginawa ko,'
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD