HINDI sanay si Farah na may lalaking nakakita ng alindog niya pero hindi niya magawang magtago habang titig na titig sa kanya si Derek. Naisip niya, nakita na nito ang buong katawan niya kaya ano pa ang itatago niya rito? Seryoso ito at hindi mukhang nambubuso. Baka nga sanay na itong nakakita ng hubad na babae. Tulala pa nga ito, tila multo siya sa paningin nito.
“Ano’ng ginagawa mo riyan?” tanong niya rito.
“I’m looking at you,” pilosopong sagot nito.
“Matagal ka na ba riyan?”
“I’m just arrive. Huwag kang mag-alala hanggang tingin lang ang kaya ko. Ituloy mo lang ang paliligo,” sabi nito.
Tinalikuran niya ito. Naglakad siya pabalik sa malalim na bahagi ng dagat. Dahil kailangan pa silang makilatis ng pinuno ng organisasyon, doon muna sila dinala sa mansiyon sa CDO. Hindi raw kasi basta-basta nagpapapasok ng outsider ang academy lalo na mga tao.
Hindi niya mabitawan ang kabebe na kulay puti. Matagal na niyang kinalimutan ang kuwento ng serena pero naniniwala siya na may perlas sa dagat. Hanggang leeg na niya ang tubig nang naisip niyang lingunin si Derek. Biglang nawala ang lalaki. Pero sa pampang ay may nasipat siyang mga damit na nakalapag lang sa buhangin. Hinanap niya sa paligid si Derek, wala namang ibang tao.
Nabitawan niya ang kabebe kaya kaagad niya itong sinisid. Maalon kaya mabilis na nakalayo ang kabebe. Bago lumapag sa buhangin ang kabebe ay inagapan na niya ito. Ngunit may kamay na nauna sa kanya sa pagdampot ng kabebe. Pagtingin niya sa kanyang harapan ay nakita niya si Derek na itim na brief lang ang suot. Kinapos na siya ng hangin kaya siya dagling umangat.
Maya-maya ay umangat na rin si Derek. May tatlong dangkal lang ang agwat nito sa kanya. Iniabot nito sa kanya ang kabebe.
“Here, take it,” sabi nito.
Kinuha naman niya ang kabebe. “Salamat,” aniya.
“Gaano ba ka-espesyal sa ‘yo ang kabebe?” mamaya’y tanong nito.
“Memorable sa akin ang ganitong bagay. Ito ang bagay na nagpapaalala sa akin sa taong importante sa buhay ko.”
“Ang boyfriend mong namatay?” may sarkasmong gagad nito.
Tiningnan niya sa mga mata si Derek. Saka lamang niya napansin na ang ganda ng mga mata nito. Blonde ang eyeballs nito. Parang nasisilaw ito sa araw at naniningkit. Ang pungay ng mga mata, nakaaakit tingnan.
“Hindi siya,” sagot niya.
“Sino pala?” amuse na tanong nito.
She felt a bit proud while talking to him. At least, he’s talking to her calmly unlike the first time they met. Nawala rin ang iritasyon niya rito.
“Ang kuya ko,” pagkuwan ay sagot niya.
Naalala na naman niya si Sanjen, ang kuya niya na twenty-five years na niyang hindi nakikita.
“May kapatid ka pa pala? Bakit wala siya rito?” usisa nito. Nagpalutang sa tubig si Derek.
Hindi naman niya nasaway ang sarili na suyurin ng tingin ang nakahigang katawan nito sa ibabaw ng tubig. Sa dami nang puwedeng titigan ay ang nakabukol sa loob ng brief nito ang napansin niya. Ang laki kasi. Paulit-ulit siyang napalunok.
“Twenty-five years na siyang wala sa piling namin. Naglayas siya. Sumama siya sa kaibigan niya. After ten years, nabalitaan ni mama na nasa Japan na siya nakatira,” kaswal na kuwento niya.
“Bakit siya lumayas?” Muli itong tumayo at matamang tumitig sa kanya.
“Ang sabi ng papa ko, nagdesisyon daw umalis si kuya dahil ayaw nitong pumayag sa gusto ni papa na maging pulis siya. Mahigpit kasi noon sa amin si papa. Pero noong umalis si kuya, hindi ito pinigilan ni papa.”
“Pareho kami ng ugali ng kuya mo. Palagi ko ring ginagawa ang paglalayas,” anito saka ngumisi. Nagbahagi rin ito ng kuwento.
“Pero mabuti at naisipan mo pang bumalik sa pamilya mo.”
“No choice.” He shrugged. “Wala na kasi akong mapupuntahan.”
Nakalimutan ni Farah ang sasabihin nang may kung anong kumagat sa kaliwang hita niya. “Aray!” daing niya. Tumakbo siya patungong pampang. Hindi niya napansin ang agarang pagsunod sa kanya ni Derek.
Napaupo siya sa buhangin at tiningnan ang dumudugong sugat sa hita niya.
“Napano ‘yan?” tanong ni Derek.
“May kumagat sa akin,” tugon niya.
Umupo sa tabi niya si Derek. Kumuha ito ng konting dugo sa sugat niya saka inamoy. “s**t! Nakagat ka ng isda na infected ng virus!” bulalas nito.
Bigla siyang kinabahan. Ano ang mangyayari sa kanya! Nag-panic na siya. Kung anp-anong negatibo na ang pumapasok sa isip niya. Baka magiging zombie na siya! Hindi siya nakapalag nang bigla siyang binuhat ni Derek at dinala sa yate. Inihiga siya nito sa ibabaw ng lamesa.
“Ano’ng nangyari sa kanya?” nag-aalalang tanong ni Narian.
Hindi sumagot si Derek. Habang tumatagal ay nararamdaman ni Farah na mas sumisidhi pa ang kirot ng sugat niya. Pinapanood lang niya si Derek habang tinatalian nito ng panyo ang hita niya sa tabi ng sugat. Dalawang tali iyon at napagitnaan ang sugat para raw hindi kaagad kumalat ang virus. Walang malisya, basta hinayaan ni Farah na hawakan ni Derek ang hita niya. Mas iniintindi niya ang kaligtasan niya.
Pinisil ni Derek ang hita niya sa may paligid ng sugat saka walang abog na sinipsip ang kanyang dugo mula sa sugat. Ang nakukuha nitong dugo ay dinudura nito sa inihanda ni Narian na tabo. Tiniis niya ang sakit. Hindi tumigil si Derek hanggang sa halos wala na itong mapigang dugo.
“Naalis na ang virus pero para makasiguro tayo na walang naiwan ay dadalhin na kita sa clinic ng academy,” sabi nito.
Nagdamit siya at palda muna ang pan-ibaba para hindi masagi ang dugat niya. Isinakay siya ni Derek sa chopper. Sumama na rin si Narian.
Pagdating sa academy ay dinala siya ni Derek sa clinic ng laboratory dahil walang tao sa public clinic. Mas okay raw doon para maagapan kaagad ang sugat niya. May doktor na lumapit sa kanya, bata pa at ubod ng guwapo pero napakaseryoso. May hawak kaagad itong malaking syringe. Maya-maya ay itinurok na nito sa hita niya ang injection, sa may malapit sa sugat. Umalis kaagad ang batang doktor pagkatapos niyon.
Feeling niya ay pain reliever lang ang itinurok sa kanya. Naglaho kasi ang kirot. Hinanap niya si Narian, bigla itong nawala. Pati si Derek ay hindi niya makita. Umupo siya. Hindi na masakit ang sugat kahit anong galaw niya sa hita niya.
Maya-maya ay bumalik si Derek. “Huwag mo munang tanggalin ang tali sa hita mo. Kailangan munang masiguro na wala nang virus,” sabi nito.
“Ano ba ‘yong itinurok sa akin ng doktor?” tanong niya.
“Injection,” sarkastikong sagot nito.
Nainis siya sa sagot nito. “Alam kong injection ‘yon. Ang gusto kong malaman ay kung anong gamot ‘yong itinurok niya,” napipikong sabi niya.
“Isang uri ‘yon ng vaccine na nagpapalakas ng dugo mo para malabanan ang anumang uri ng virus. Pag-aaralan pa niya kung anong uri ng virus ang meron sa isdang kumagat sa ‘yo. Kung rabia escota ‘yon, wala kaming vaccine na makapipigil sa virus. Pero ang sabi ni Sandro, posibleng natanggal ko na ang virus dahil hindi naman daw nangingitim ang paligid ng sugat. Senyales daw iyong itim na pasa kapag may virus na naiwan. Pero para sigurado, kailangan pa ring suriin ang sugat mo,” paliwanag nito.
Nakabalik na rin si Narian. “Puwede din bang magpa-inject?” nakangising tanong ng pinsan niya kay Derek.
Alam na ni Farah ang banat ng pinsan. Umaandar na naman ang kapilyahan nito. Type na malamang nito ang guwapong doktor.
“Hoy, Narian! Huwag ka ngang magkalat dito. Baka kasing laki ng braso mo ang mai-inject sa ‘yo, ewan ko lang,” sita niya sa pinsan.
“Ito naman, nasipsip na hita mo, may touch pa ng poging doktor. Haba ng hair mo, girl!” sabi nito.
Seryosong nakatingin lang sa kanila si Derek. Humalukipkip ito habang nakasandal sa likod ng silya. Parang hindi ito naka-relate sa usapan nila ni Narian. Pasimpleng kinurot niya ang hita ni Narian.
“Aray naman!” daing nito sabay kamot sa nakurot na hita.
“Ang lantod mo. Hindi mo ba napapansin, bunganga mo lang ang nag-iingay?” mahinang sabi niya rito.
Siniko siya nito sa balikat. Kinikilig na naman ito nang makita ang guwapong doktor na nagbabalik. Ito ata ang tinawag ni Derek na ‘Sandro’. Hindi nagsasalita ang batang doktor, basta ini-abot lang nito kay Derek ang kapirasong papel saka umalis din kaagad. Maya-maya ay may dumating na babae, nakasuot din ng puting coat. May dala itong medicine kit.
Merong device ang babae na idinikit sa hita ni Farah, sa may mismong sugat. Naramdaman niya ang mainit na nagmumula sa aparatos. Parang inii-scan ang sugat niya. Pagkatapos ay nilinis nito ang sugat niya at nilagyan ng benda. Inalis na nito ang tali sa hita niya. Pagkuwan ay umalis na ito. Sumunod si Derek sa babae.
“Ano na kaya ang resulta? Clueless na clueless. Ang tahimik nilang magtrabaho,” sabi ni Narian. Nakatayo lang ito sa gawing ulunan niya.
“Baka ini-examine pa nila,” aniya.
Mamaya ay nagpaalam si Narian. Hinahanap kasi ito para roon sa orientation at mabibigyan sila ng kuwarto na kanilang gagamitin habang naroon sila. Under observation pa siya kaya hindi siya maaring lumabas. Mabuti naroon ang nurse na si Charie, hindi siya nainip.
Makalipas ang halos tatlong oras ay bumalik si Derek. Dalawang papel na ang hawak nito. Ang isa ay kulay dilaw, at ang isa ay kulay asul. Lumapit ito sa kanya.
“Clear na ang sugat mo. Wala nang naiwang virus. Confirmed na rabbia escota ang virus na meron ang isda. Mabuti na lang nakuha ko kaagad ang virus, kung hindi ay magiging halimaw ka sa susunod na mga araw,” sabi nito.
Kinilabutan si Farah. Nadagdagan na naman ang utang na loob niya kay Derek. “Salamat, Derek,” aniya.
Isang matipid na ngiti lang ang itinugon sa kanya ng binata. “Magpahinga ka muna roon sa guest room,” pagkuwa’y sabi nito.
Tumayo na siya. Open for all ang guest room. Malawak ang kuwarto at merong bed room na puwede siyang humiga.
“Since dito na kayo maglalagi, hintayin n’yo na lang ang ibang kasama n’yo para sabay-sabay kayong haharap sa opisyales. Sila ang maglalagay sa inyo sa kung saan kayo magsisilbi. Mabibigyan kayo ng kuwarto at mga personal na kagamitan,” habilin ni Derek bago ito nagpaalam. Tila may lakad ito dahil nagmamadali.
EXCITED si Farah na masimulan ang bagong trabaho. Pasado siya sa standard ng opisyal na in-charge sa mga operations sa labas ng academy. Mapanganib pero may tiwala siya sa mga kasama. Napasama siya sa rescue team ng organisasyon. Pinamumunuan ng nangangalang Symon Franco, Erman Harley at Elias Morley ang grupo. Katunayan, kasama raw dapat si Derek sa team pero paliguy-ligoy sa trabaho si Derek. Palibhasa, anak pala ito ng pinakamataas na leader at founder ng Sangre organization.
Mababait ang mga kasama niya. Ang mga babaeng kasama sa grupo ay mainit ang pagtanggap sa kanya. Kasama nila sa operasyaon ang grupo ng mga researcher. Ang pinsan naman niya’ng si Narian ay mas piniling maiwan sa academy para maging assistant ng mga doktor. Nahibang na ito kay Dr. Alessandro Clynes. Nurse si Narian pero nag-exam ito ng civil service dahil gusto rin daw maging pulis. Nakapasa naman ito at minsan na niyang nakatrabaho. Kaya pumasa rin ito sa standard ng opisyal na in-chard sa medical at laboratory na si Dr. Zyrus Clynes na tatay ni Alessandro.
Sa maghapong pagsuyod sa iba-ibang lugar, may na-rescue silang dalawang pamilya. Pagbalik ni Farah sa academy ng gabi ay parang lantang gulay siya. Na-drain ang lakas niya sa walang tigil na biyahe at paghahanap ng mga survivor. Mabuti na lang sa umaga lang ang duty niya. Na-miss niya bigla ang trabaho at ang mga katrabaho, lalo na ang kanyang nobyo.
Dumeretso sa food center si Farah upang kumain. Humihilab na rin kasi ang sikmura niya. Hindi niya makita si Narian kaya wala siyang kasama. Wala siyang makitang kakilala. Mga minor de edad ang nakasabayan niya. Siguro mga estudiyante ito ang academy. Ang kuwento ni Hannah, na kasama nila sa rescue team, mga anak daw ng bampira ang nag-aaral sa sangre academy. Pero tumatanggap din ng ordinaryong tao ang academy, basta welling matuto.
Mag-isa niyang inukupa ang round table. Isang set na ang pagkain sa plato. Hindi niya kilala ang ulam. May bite size na karne ng baka at ang sarsa ay kulay dilaw. Ang gulay na kasama sa ulam ay broccoli at baby carrot. Masarap naman ang lasa. Ang dessert niya ay saging at mangang hinog.
“How’s your first day of duty?”
Napalingon siya sa kanyang kaliwa. Nakatayo roon si Derek suot ang turtle neck nitong jacket na kulat asul. Para itong pulis kalawakan sa suot nito. Balot na balot kasi ang katawan nito. Umupo ito sa katapat niyang silya.
“Kakapagod pero enjoy at challenging,” sagot niya sa tanong nito kanina.
“Sa umpisa lang ‘yan,” anito.
“Hindi kaya. Ganito rin ang naramdaman ko noong unang sabak ko sa trabaho bilang pulis. Pero balewala ‘yong pagod kapag may natutulungan kang tao. Mas nakapapagod na wala ka na ngang nagagawa, hindi ka pa nakatulong sa kapwa.”
Ngumisi si Derek. Sinusundan nito ng tingin ang bawat pagsubo niya. Bigla siyang nailang ngumuya dahil sa nakatutunaw ng titig nito sa kanya.
“Bakit ganyan ka kung makatingin? Parang gusto mo akong lapain pagkatapos kong mabusog,” pilyang sabi niya rito.
Tumawa ito nang pagak. “Hindi ako lumalapa ng babaeng may damit,” simpatikong sabi nito.
Nalunok niya bigla ang kasusubo niyang pagkain. “Gusto mo ng mangga?” Sabay alok dito ng mangga maiba lang ang paksa.
“Sure,” sabi naman nito saka kinuha ang isang pisngi ng mangga. Hiniram nito ang bread knife niya saka hiniwa-hiwa ang laman ng mangga bago isinubo.
“Hoy, Derek! Nambubuladas ka na naman d’yan!” tinig ng lalaking malalaki ang hakbang palapit sa kanila.
Nakabuntot dito si Narian at Charie.
“Huwag kang makialam, Rafael! Huwag mong ipasa sa akin ang gawain mo!” buwelta ni Derek sa kararating na lalaki.
Hindi na naubos ni Farah ang pagkain dahil marami nang magulo. Instant close friend ni Narian ang nurse na si Charie. At ang guwapong si Rafael ay kasama rin ng mga ito sa laboratory. Dahil sa maraming nagsasalita, hindi na nakausap pa ni Farah si Derek. Seryoso kasi ang topic ng mga ito.
Pagkatapos ng hapunan ay hindi na lumabas ng kuwarto si Farah. Pagkatapos kasi niyang kumain ay ginupo na siya ng antok. Kasama niya sa kuwarto si Narian, pero alas-nuwebe na ng gabi ay hindi pa pumapasok ang pinsan niya. Nasanay na siya kay Narian. Mabilis itong nakahanap ng mga kaibigan. Madaldal kasi ito at walang pakialam kung sino ang nilalapitan. Ibang klase rin itong magkagusto sa lalaki, halos ito na ang manuyo, makuha lang ang puso ng nagugstuhan. Wala namang reject na lalaki rito, basta malinis ang pagkatao.
Nakahiga na siya sa kama nang biglang dumako sa isip niya ang isang babae na palagi niyang nakikita noon kahit saan siya magpunta. Minsan pa niya iyong pinasundan sa kasama niyang pulis, pero hindi rin niya natukoy kung sino at taga-saan. Sigurado siya na hindi ‘yon pinay dahil sa mukha niyong parang haponesa. Pero bigla ding iyong tumigil. Kakaibang stalker ‘yon.
Minsan pang may nag-iwan ng sulat sa lamesa niya na may kasamang kabebe. Hindi lang niya naintindihan dahil nakasulat sa Japanese letter ang liham. Hanggang sa sandaling iyon ay wala pa siyang nakilalang tao na marunong magbasa ng sulat ng mga hapon. Hindi niya maalala kung naitago niya sa wallet niya ang sulat o baka naitapon.
Plano niya kapag hindi na masyadong busy ay magpapasama siya kay Elias at Symon para puntahan ang bahay nila. Kailangan niyang makuha ang mahahalagang dokumento niya.
Nakapikit na siya nang biglang may kumatok sa pinto. Bumangon siya at binuksan sa akalang si Narian na. Nagulat siya nang si Derek ang bumungad sa kanya.
“Naistorbo ba kita?” tanong nito. Matipid itong ngumiti.
“Ah, medyo. Bakit?” aniya.
“Nakalimutan kong ibigay ang kabebe mo. Naiwan mo sa yate.” Ini-abot nito ang kabebe na nakalagay sa maliit na aquarium.
Nag-aalala siya baka patay na ang kabebe. “Buhay pa ba siya?” malungkot na tanong niya.
“Bumukas siya kanina. Oo, buhay pa siya. Tubig dagat ang inilagay ko para mas komportable siya. Nilagyan ko na rin siya ng pagkaing lumot.”
Hindi maintindihan ni Farah bakit may kakaibang pintig na pinapahiwatig ang puso niya. Puno iyon ng excitement. Kinuha niya ang aquarium.
“Salamat, ha?” aniya. Hindi niya napigil ang pagsilay ng kanyang ngiti.
“You’re welcome,” nakangiting sabi nito, mas malapad na ngiti. “Hahanap pa ako ng kabebe para may kasama siya. Kailangan maisalba ang ibang lamang dagat bago sila tuluyang maapektuhan ng virus. Isa ‘yon sa misyon ko ngayon.” Humalukipkip ito.
Medyo awkward dahil iniisip niya na ang effort ni Derek sa pagkuha ng kabebe ay para sa kaligayahan niya, hindi pala. Para pala ‘yon sa mga lamang dagat na nanganganib sa virus.
“Oo nga,” sabi na lang niya.
“Sige na, matulog ka na. Have a nice dream,” pagkuwa’y sabi nito.
Ngumiti lang siya. Hinintay niyang makaalis si Derek bago sinara ang pinto. Hindi naalis ang ngiti sa labi niya habang nakatitig sa kabebe. Simpleng bagay pero ang laki ng naibibigay nitong kaligayahan sa puso niya.