EENOS NIKOLAI BERMUDEZ
__
Pinuntahan ko siya sa oras ng uwian. Mukhang plano nitong mag-overtime dahil may meeting pa siya kasama ng ilang professors na tila nagsasabi ng concerns sa kaniya.
Hindi ko naririnig ang pinag-uusapan nila pero nakikita ko ito sa salamin.
Alam kong nakikinig ito kahit na walang bakas ng kahit anong reaksyon sa mukha niya. Magaling siya roon.
Simple akong humugot ng malalim na hininga at iniwas ang tingin ko. Isang malaking maling desisyon ang tumitig rito. Hindi iyon madaling bitiwan.
Ganoon pa man, hindi ko pa rin maiwasang tumingin rito paminsan-minsan.
Hinintay kong matapos siya bago ako sumunod sa kaniya pababa ng building.
Pumwesto kami sa magkabilang dulo ng elevator. Wala akong kailangang sabihin at hindi namin kailangang mag-usap. Sinusunod ko lang ang utos ng daddy niya at hindi kasali roon ang maging malapit sa kaniya.
"Sumakay ka na sa tricycle," sambit ko nang makalabas kami ng gate. Halos tinabi ko lang iyon sa gate.
Tila hindi nito narinig ang sinabi ko at nagpatuloy lang sa paghakbang. Napahugot na lang ako ng malalim na hininga dahil alam kong sinasadya niya iyon.
Kung gusto niyang umakto na tila hindi ako nakikita o hindi ako kilala, wala akong pakialam. Iyon din ang gusto ko.
Kinuha ko ang susi ng tricycle ko at sinundan siya. Hindi ko pa rin siya hahayaang mag-isa dahil may usapan na kami ni Mr. Sandoval. Ang sabi niya, tingnan kong mabuti ang anak niya... katulad noon.
Gabi na. Maraming kuliglig sa paligid pero kahit kailan ay hindi siya natakot na maglakad ng gabi kahit pa hating gabi. May ilaw mula sa campus hanggang sa hacienda nila dahil lupain pa rin nila ang daraanan. Hindi ko alam kung hindi siya natatakot dahil nasa sariling teritoryo siya o sadyang alam niyang kaya niyang depensahan ang sarili niya.
Alam kong alam niyang nakasunod ako.
Pinagmasdan ko lang ang likuran niya habang halos dalawang dipa ang pagitan ko mula sa kaniya.
Iyon ang madalas kong gawin noon... sundan siya sa ganoong layo. Kilala ko na siya simula pa noong bata ako pero kahit matagal na akong kilala, estranghero pa rin ang tingin niya sa akin. Hindi niya gustong malapit ako sa kaniya.
Naisip ko baka ayaw niya lahat ng mga taong hindi niya kapantay sa estado ng buhay. O 'di kaya ay masyado lang mapili.
Dumating naman ang araw na nagagawa ko siyang sabayan nang hindi niya sinusuway ang presensya ko. Nagawa ko pang hawakan...
Bahagyang umikom ang palad ko habang may ilang bagay ang pumapasok sa isip ko. Pinili kong hindi na isipin.
Mahirap pa ring malaman kung ano ba talagang gusto niya o... ano ba talagang lugar mo sa buhay niya.
"K, tamang-tama nagpahanada na ako ng hapunan," masiglang sambit ni Manang nang makarating kami sa malaking mansion nila. "Siya, pumasok ka na sa loob. Baka kinagat na ng lamok iyang magandang kutis mo. Sa susunod, kapag gagabihin ka na ng uwi, magpahatid ka na kaya sa driver?"
Sinundan ko lang ito ng tingin nang dumiretso ito sa loob ng bahay hanggang sa maramdaman kong humawak si Manang sa braso ko.
"Eenos, hijo, salamat sa paghatid kay Keizel. Halika, dito ka na din maghapunan."
"Hindi na, Manang. Pauwi na rin ako."
"Ay, hindi... ilang minutong lakad pa iyon. Halika na. Marami akong pinaluto. Sige na, sabayan mo na si K."
Wala na akong nagawa nang hilahin na nito ang braso ko papunta sa kusina.
Napatingin agad ako sa babaeng nakaupo sa dulong silya. May kaharap na itong pagkain pero hindi rin nawawala sa harapan niya ang papel at ballpen.
Kahit kailan ay hindi ito naging hindi workaholic. Kahit noong nag-aaral pa kami sa Sanville, halos papel lang ang kaharap niya. Kahit kailan ay hindi naging madaling kuhanin ang atensyon niya.
Hindi ko na hinayaang si Manang pa ang kumuha ng pinggan para sa akin. Ako na ang nagkusang kumuha. Mahaba ang mesa nila. Umupo ako may kalayuan mula rito.
"Oh, Eenos, kumain ka nang marami, ha."
"Oo nga, Eenos... ito, tikman mo itong mechado masarap 'to," ani Lana at agad nilagyan ng kanin at ulam ang pinggan ko. Isa ito sa mga bagong kasambahay sa mansion nila.
"Salamat."
Ngumiti ito nang malapad sa akin. "Walang anu-man. Basta ikaw."
"K, anak, kumain ka kaya muna, hmm? Para makapagpahinga ka na. Mukhang pinagod ka nang makukulit na estudyante sa Sanville."
Wala sa loob na tumingin ako sa direksyon nito. Hawak ito sa balikat ni Manang. Abala pa rin ito sa binabasa.
Halos nakalahati ko na ang pagkain ko nang marinig ko itong magsalita.
"Did you put pepper on this?" Tukoy nito sa isang putahe na nasa pinggan niya.
Mabilis lumapit ang ksamabhay at tila nataranta agad ang mga ito at hinanap ang taga-luto.
"K, may problema ba?" Agad lumapit si Manang at tiningnan ang pinggan niya.
"Manang... pasensya na ho, nalagyan ko ng paminta." Nag-aalalang sambit ng kasambahay.
Bahagyang pinilig ni Manang ang ulo na para bang sinasabihang huwag sa kaniya humingi ng pasensya. Agad namang bahagyang bumaba ang katulong kay K.
"M-ma'am... pasensya na po... nawala po kasi sa isip ko. Pasensya na po talaga. Ipagluluto ko na lang po ulit kayo ng bago."
Binaba na nito ang mga kubyertos at kinuha ang mga papel sa ibabaw ng mesa niya.
"Don't bother."
"P-pasensya na po, ma'am..."
Hindi ito umimik. Sinundan lang namin siya ng tingin palabas ng kusina. Agad namang napabuntong hininga si Manang.
"Mildred, binigyan na kita ng listahan ng mga hindi mo dapat isama sa pagkain niya, hindi ba?" ani Manang rito.
"Pasensya na po talaga, Mang. Hindi na po mauulit..."
"Ano na lang sasabihin ko sa Mommy niya? Baka isipin niya nagpapabaya tayo rito kahit gayong binigyan niya na tayo ng buong listahan. Siya, nariyan na iyan. Kung p'wede ay lahat tayo huwag nang magpaminta rito. Alam mo naman... pati pang-amoy niya ay maselan. Alam no'n kahit hindi niya nakikita."
"Sige ho, Mang... itatapon ko na lang po ba itong mga pagkain na nalagyan ko ng paminta? Nakakain na rin po kasi lahat dito sa bahay. Bukas baka madami na naman hong tirang pagkain."
"Mang, p'wede bang iuwi ko na lang?" tanong ko.
"Ay, siya, walang problema, Eenos. Buti pa nga at iuwi mo na lang. Sandali, ibabalot ko."
"Ah, Mang, ako na ho!" agad saad ni Lana at nagmamadaling kinuha ang mga pinggan.
Nagpatuloy ako sa pagkain habang mahinang sinsermunan ni Manang ang mga taga-luto.
Sa totoo lang, mapili si Keizel sa pagkain lalo na kapag wala siya sa sariling bahay. Sasadyain niya pang buklain lahat ng ingredients sa pinggan niya bago niya iyon isubo.
Wala naman akong nakikitang mali roon dahil sa totoo lang rin, masyadong sensitive ang reaction ng katawan niya sa pagkain.
May iba't-ibang allergies siya. Minsan kahit wala siyang allergy sa isang pagkain nagkakaroon pa rin siya ng allergic reaction.
Natapos na akong kumain at bitbit ko na ang pinabaon kong pagkain nang makarinig kami ng mga kalabog sa itaas.
Parehas kaming naphinto ni Manang at napatingin sa hagdan.
Tiningnan namin ang kasambahay na nagmamadaling bumaba.
"Rosa, anong nangyayari sa taas?"
"Nagtatapon ng gamit, Manang..."
"Oh, eh... ano pang hinihintay mo? Dalhan mo na ng walis tambo at ng dustpan. Tanungin mo na rin kung kailangan niya ng tulong."
"Sige ho, Manang." Nagmamadali itong umalis.
"Hindi niya ba nagustuhan ang ayos ng silid niya?" tanong ko.
"Baka gusto niya lang palitan o 'di kaya... nakakita ng alikabok." Mahina itong tumawa. "Kilala mo naman iyon. Siya, umuwi ka na at baka hinahanap ka na ng tatay mo. Ako nang bahala rito."
"Salamat sa pagkain, Mang."
"Wala iyon. Ikaw pa ba? Parang anak rin ang turing ko sa iyo."
Muli akong tumingin sa hagdan at humugot ng malalim na hininga.
Nagsimula na rin akong humakbang. Bago ako tuluyang makaalis, muli kong narinig ang tinig ni Lana.
"Ah, Eenos, ingat ka, ha?"
Bumaling ako sa kaniya at bahagyang tumango. "Salamat."
"Good night!"
Nagpatuloy na rin ako sa paghakbang pauwi ng bahay.
Iyon ang isa sa mga ayoko sa kaniya. Masyado siyang perpekto.
Lahat ng tao ayaw nang marumi, pero siya, ayaw niya kahit kaunting-kaunting dumi. Sa isang bagay, ayaw niya ng may mali o naiiba. Kailangan lahat ng bagay pleasing sa mga mata niya.
Ilang minuto lang nakarating na ako sa bahay. Binaba ko ang dala kong pagkain sa mesa habang abalang nag-iinom doon si tatay.
Dumiretso ako sa banggerahan para hugasan ang mga pinagkainan nito simula pa kaninang tanghali.
"Balita ko... bumalik na 'yung pag-ibig mo?"
Sandali akong tumigil pero pinagpatuloy ko rin ang paghuhugas ko.
"Sinundan mo na naman?"
"Pinakiusap lang ng daddy niya."
"Na hindi mo tinanggihan?"
Muli akong napatigil. Ramdam ko ang pagbaling nito sa akin.
"Bakit ako tatanggi? Maliit na bahay lang ang gusto niya pero malaki ang utang na loob natin sa kanila. Hindi ako nakakalimot."
"Sana nga ay hindi ka makakalimot. Alam mo kung anong sisira sa atin. Alam na alam mo, Eenos."
"Sahod kanina pero walang laman ang bulsa ko. Hinarang ako ni Mang Ernie. May utang ka raw sa kaniya. Natalo mo sa sugal."
Narinig ko ang marahas na pagbagsak nito sa baso niya.
"Huwag mong ibahin ang usapan. Isa pa, wala akong sinabi sa iyong bayaran mo ang utang ko. Kaya kong magbayad sa kanila."
Pinagpatuloy ko ang paghuhugas ko ng pinggan.
"Kung ikaw eh nagpapatubig sa sakahan, kaysa iyong... sunod ka nang sunod na parang aso sa babaeng matagal mo nang gusto pero hindi ka naman tipo eh, may pakinabang ka pa. Eenos, tigil-tigilan mo na iyang ilusyon mo. Ikaw na rin mismo ang nagsabi, hindi ka makakalimot. Huwag mong kalimutan kung sino ka. Inhinyero ka nga pero magsasaka ka pa rin. Kahit pa sabihin mong nakapagtapos ka, hindi mo pa rin abot ang babaeng gusto mo. Tingnan mo nga iyang itsura mo. Mukha kang anak ng araw. Hindi ka bagay sa kaniya. Maghanap ka na lang ng ordinaryong babae na mas bagay sa'yo estado ng buhay mo."
Humigpit ang hawak ko sa telang panghugas ng plato.
Marahas ko iyong binagsak at hinugasan ko na ang kamay ko.
Hindi na ako sumagot pa at hindi na ako nag-abalang tingnan ito. Dumiretso na ako sa silid ko.
Pinikit ko agad nang mariin ang mga mata ko habang nagtatangis ang mga bagang ko. Ilang taon ko na siyang pinagtitiisan.
Hindi ko alam kung paano ko pa siya nagagawang tagalan... siguro dahil... nangako ako kay Rohan. Bago siya nawala noon pinangako kong hindi ko iiwan si tatay kahit anong mangyari. Katulad iyon ng pangako ko kay Nanay bago siya mamatay.
Umupo ako sa gilid ng papag at kinuha ang litrato ng mga ito. Mahigpit ko iyong hinawakan. Sa tuwing pakiramdam ko malapit na akong sumabog, hinahawak ko lang iyon nang mahigpit para ipaalala sa sarili ko na nandito ako... para sa kanila. Tutuparin ko ang pangako ko.
Hinaplos ko ang mukha ng mga ito. Araw-araw ko pa rin silang naalala sa bawat bagay na ginagawa ko.
Sa tuwing maalala ko kung paano namatay si Rohan gusto kong magalit dahil wala akong nagawa para sa kaniya. Mahigit sampung taon na ang nakalipas... pero parang kahapon lang.
Kinuha ko ang litrato naming buong pamilya. Hindi na iyon magiging buo... hindi ko na gustong makita pa.
Binuksan ko ang drawer at nilagay iyon doon. Isasara ko na sana iyon. Pero napansin ko ang isang litrato.
Sandali akong tumigil bago kusa iyong kinuha ng kamay ko.
Litrato namin iyong dalawa. Kuha ni Sunny habang nasa tuktok kami ng bundok. Magkatabi kaming dalawa, parehas nakatingin sa camera na tila ba walang kaalam-alam na kinukuhan na kami ni Sunny. Sa likod namin ay ang magandang background ng sunset.
Humigpit ang hawak ko roon habang nag-uunahan na naman ng kung ano-anong damdamin sa dibdib ko.
Akmang pupunitin ko pero kahit gaano kabigat ang mga kamay ko, hindi ko nagawa.
Matagal na ang litratong iyon pero hindi nawala.
Hindi ko alam kung bakit hindi ko kayang punitin. Siguro dahil tama si tatay... masyado kaming magkalayo at iyon lang... iyon lang ang nag-iisang litratong nagpapaalala sa akin na minsan, naging malapit ako sa kaniya.
Siguro natanggap ko nang hindi kami para sa isa't-isa at kahit hindi, gusto ko pa ring maalala na siya... siya iyong unang babaeng minahal ko.