NAGPAHID ako ng pulang lipstick at sinipat ang sarili sa harap ng salamin.
"Ayan, huwag masyadong makapal. Tama lang," ani ni Lotty.
Walang tao sa bahay kaya nandito ulit kami ni Honey sa kanila.
"Sigurado ka bang okay na ang itsura ko?" tanong ko sa kanya at ang damit ko naman ngayon ang tinitignan ko kung maayos ba.
"Oo, ano! Kahit naman ipasuot sa'yo t-shirt, maganda pa ring tignan!" pagpapalatak niya habang karga sa tagiliran ang bunso kong pinsan. Mabuti na lang tahimik siya dahil abala sa pagkain ng biskwit.
Ngumiti ako sa kanya. Nangako ako kay Samuel na sasagutin ko 'yong tawag niya. Ngayon ko rin balak na sagutin siya. Hindi ako makapaniwala na ang tulad niya ay liligawan ako. Ramdam ko naman ang effort niya. Kasi sa sobrang busy niya nakukuha niya akong i-message palagi. Binibigyan niya ako ng update niya araw-araw.
Nang walang internet sila Lotty. Ni-load-an niya rin ako para makapag-reply sa kanya. Makapag-internet. Bawat message niya sa akin napapangiti na rin ako. Nahuhulog na pala ako.
"Ang swerte mo, inday! Jackpot! Baka may kapatid pa 'yan? Sabihin mo ireto ako!" aniya.
Natawa ako at napatingin sa cellphone kong tumutunog na. Nanlaki ang mga mata ko ng makita ang pangalan ni Samuel doon.
"Nag-iisa lang siya," sabi ko kay Lotty at nagsenyas ng tahimik sa kanya.
"Sayang!" aniya at umupo sa silya. Ako naman ay nasa kama. Nasa kwarto niya kami ngayon dahil nasa sala ang magulang ni Lotty.
"Sige na sagutin mo na!" excited niyang sabi.
Inayos ko ang buhok ko bago ko sinagot ang tawag niya. Nakagat ko ang ibabang-labi. Nagpipigil na mapangisi. Bumungad sa akin si Samuel. Naka-shades pa at itinaas nito ng sinagot ko ang tawag niya.
Mapungay ang kanyang mga mata. Mahaba ang pilik-mata. Makapal na kilay, ang tangos ng ilong! Manipis at mapula ang labi. May mumunting bigote siya at mapanga. Ang buhok niya ay naka side parted short hair cut.
Suot naman niya ay itim na fitted shirt at mukhang nasa loob pa siya ng sasakyan.
"Wait, babe. I'm gonna park the car first," aniya at inilagay ang cellphone sa holder.
Nagkatinginan kami ni Lotty at halos mahimatay ito sa kilig ng marinig ang boses ni Samuel.
"Uh, sige..." sagot ko at mariing tikom ang bibig. Narinig ko na tinawag niya akong babe. Ang sarap pala sa tainga! Nakakilig kapag naririnig mo na talaga.
Tinatawag niya na ako ng ganyan kahit hindi pa kami pero sabi ni Lotty ganyan daw talaga ang mga foreigners. Direct daw sila. Hindi nga uso ang nanliligaw kasi walang ganoon sa kanila. Dito man lumaki si Samuel ay sabi niya palagi rin daw siyang labas ng labas.
Pinasadahan ni Samuel ang buhok niya bago tumingin sa screen.
"Alright. So, kumusta ka na? Tinulugan mo ako ulit kagabi," sabi niya at napangisi dahilan para lumabas ang puti at pantay-pantay nitong ngipin.
"Uh, oo. Marami kasi akong ginawa kagabi kaya napagod na ko tapos nakatulog na," nahihiya akong ngumiti sa harap ng camera.
"That's fine. Nasasanay na nga ako eh." Natawa ulit siya.
Ngumiti lang ako at nahagip ng mga mata ko na nagsasalita si Lotty pero walang boses.
"Magsalita ka pa!" iyon ang pagkakabasa ko sa buka ng bibig niya.
Umiyak si Honey kaya napatayo siya at kumuha ng marie na biskwit.
"Oh, may kasama ka? Pinsan mo?" tanong niya kaya napabaling ako sa screen.
"Uh, oo. Wala kasi sila Tita kaya pinabantay ulit sa akin ang pinsan ko—pero ano! Inalagaan muna ni Lotty. Iyong sinasabi ko sa'yong friend ko."
Tumango siya at ngumiti.
"I see. It's a good thing because you answer my call. Finally, nakita rin kita. Ang ganda mo pala talaga, Bree."
"Ah..." Natawa ako at pakiramdam ko nag-init ang buong mukha ko sa sinabi niya.
"S-salamat!"
"I will go to Manila next week. P'wede ba tayong magkita?"
Namilog ang mga mata ko. Kinabahan ako pero excited. Gusto ko rin kasi na makasama siya sa personal.
"Uh, sige. Magpapaalam ako kila Tita."
"Great! Susunduin—"
"Hindi! Huwag na. Kasi magulo dito sa amin. Sa ano... sa Deca Mall na lang tayo magkita," sabi ko dahilan para tumango naman ito.
"Oh, okay."
"Bale... uh, may gusto rin kasi akong sabihin sa'yo."
"What is it?" tanong niya. Grabe napapahanga ako sa bawat bigkas niya ng mga salita. Ang galing talaga niya mag-ingles.
"Uh, kasi... uh..." Napatingin ako kay Lotty na binibigyan ako ng thumbs up. "Sinasagot na kita."
"Tayo na ngayon?" tanong ni Samuel kaya napatango ako. Ngumisi siya at balak ko pa sanang magsalita nang kumatok ang Mama ni Lotty.
"Inday, hinahanap ka ng tiyahin mo."
Napatingin ako sa screen. Hiyang-hiya ako dahil panigurado narinig ni Samuel 'yon tapos tawag pa sa akin ay inday. Hindi ko naman binabanggit sa kanya na ganoon ang tawag sa akin. Ang nabanggit ko lang ay nasa Tita ko ako nakatira at nagbabantay ng pinsan ko. Natanong niya kung nag-aaral pa ba ko. Sabi ko hindi na. Hindi natuloy ang plano kong makapasok sa university dahil nahuli ako ni Tita.
"Mamaya na lang, Samuel. Hinahanap na kasi ako," hindi ko na nga siya naantay na sumagot ay pinatay ko na agad.
Sinuksok ko sa bulsa ang cellphone at mabilis na kinuha si Honey kay Lotty.
"Intrimitida talaga 'yang tiyahin mo. Kapag alam niyang masaya ka nararamdaman niya. Puputulin niya. Nakakainis, hindi ko pa nga nakikita ang boyfriend mo. Natapos agad ang tawag. Kapag nag-video kayo ulit. Sama mo ko. Gwapo ba talaga?" kinulit-kulit pa niya ako.
"Oo, sige sige. Sasabihan kita. Baka bukas. Salamat, Lot!" sabi ko at nagmamadaling lumabas doon bitbit pa si honey.
Nakasimangot si Tita Zela nang makita ako. Hindi ko akalain na maaga siyang uuwi. Ala-una pa lang. Umuuwi siya kapag maghahapunan na.
"Nasa kapitbahay ka na naman!"
"A-aray, Tita!" Napangiwi ako ng hinila niya ang buhok ko pero inalis niya naman agad ang kamay niya.
Hindi umalis si Tita nang araw na 'yon kaya hindi ko rin nahawakan ang cellphone ko. Panay alaga lang ako ng bata. Nang gabi na ay maaga namang natulog si Marisol kaya hindi ko na naman nasilip. Nagbanyo pa ko para reply-an lang si Samuel.
Ako: Pasensya na. Sobrang busy kasi dito sa bahay.
Nagulat ako na naka-reply siya agad.
Samuel: It's okay. Tawagan mo ako kapag p'wde ka na.
Ang hirap tuloy makipag-usap sa kanya. May boyfriend nga ko. Hindi ko naman agad makausap. Kaya ginawan ko ng paraan iyong pagkikita namin sa Deca Mall. Sabi ko sasamahan ko si Lotty. Ayaw ako payagan ni Tita. Si Tito pa ang nagkumbinsi sa kanya.
"Hayaan mo na siya, Zela. Laging narito si Inday para maglinis at maghanda ng pagkain natin. Inaalagaan niya si bunso. Kaya kung ngayon aalis siya. Pagbigyan mo na. Halika nga..." sabi ni Tito at nasusuka ako ng hinila niya si Tita Zela para yakapin. Nilalambing.
"Oo na, Abel! Ano ba! May kiliti ako sa diyan!" Humahagikgik na sabi ni Tita Zela.
Napatingin ako sa kanila at kinindatan ako ni Tito. Hindi siya makita ni Tita Zela dahil nakayakap ito sa likod niya. Nilingon siya ni Tita at naghalikan pa silang dalawa sa harap ko.
Tumalikod ako at pumasok sa kwarto. Hindi naman ako inosente pagdating sa ganyan dahil lumaki na ako na sa ganito kami nakatira at naririnig ko sila minsan sa gabi.
"Inday! Sige, lumabas ka diyan at lumayas na!"
Namilog ang mga mata ko at pinagbuksan ng pintuan si Tita Zela.
"Talaga po?"
"Oo at umuwi ka bago mag-alas-sais."
Tumango ako. Nagmamadali akong nagbihis. Alas-diyes pa lang naman ng umaga pero kasi si Samuel ay bumabiyahe na kanina pa. Nakakahiya naman paghintayin at lalong ayoko na dito niya ako sunduin. Pagpipyestahan kami.
Nagpasama talaga ako kay Lotty. Siya talaga ang sasama sa akin at hindi ako. Sabi ko may bibilhin si Lotty at gusto ko rin makapunta sa deca mall para mamasyal. Nasa jeep na nga kami ng tumawag si Samuel at sinabing na sa Kuya J na daw ito. Siya ang nagsabi na doon kami magkita.
"Dapat nagpasundo ka na lang. Mamatay sa inggit ang mga makakakita na sinusundo ka ng lalaking gwapo tapos may sasakyan!" pagpapalatak ni Lotty sa aking tabi.
"Huwag kang maingay..." nahihiya kong bulong sa kanya dahil pinagtitinginan tuloy kami sa lakas ng boses ni Lotty.
"Ano ka ba. Nagsasabi lang ako ng totoo."
"Kapag ginawa ko 'yon peperahan siya kagad nila Tita. Iisipin agad ni Samuel na ganoon ang klase ng pamilya ko. Tsaka ayoko siyang dalhin doon. Magulo sa atin. Baka malingat lang tayo wala na iyong sasakyan niya. Nakakahiya."
Ngumuso si Lotty at tumango.
"Sabagay."
Naglakad kami papasok sa loob. Kabado pa ko at panay ang tingin sa bulaklaking bestida na hiniram ko pa kay Lotty. Nakakahiya na wala akong disenteng pang-alis. Wala naman kasi akong pambili. Nawala na sa isip ko ang magtinda online sana. Nahihirapan kasi ako gumamit ng cellphone. Kung si Samuel nga hirap akong mag-reply paano pa kaya kung may customers na ko at dumami sila.
May boyfriend ako pero hindi ko naman maasikaso.
"Nasa loob yata siya," sabi ni Lotty habang naka-angkla sa aking braso. Sumilip kami sa loob at agad kong nakita si Samuel. Agaw pansin dahil sa gandang lalaki nito. Malaking tao. Pinagtitinginan nga siya ng mga customers doon.
Nagtutulakan pa kami ni Lotty na parang tanga dahil nahihiya na lumapit sa kanya. Malapit na kami kay Samuel ng mag-angat ito ng tingin. Ibinaba nito ang cellphone at ngumiti ngunit may halong pagtataka dahil may kasama akong iba.
"Uh, sinama ko si Lotty. Hindi kasi ako papayagan sa amin kung ako lang mag-isa. Alam mo na, hindi alam sa bahay na... boyfriend kita," sabi ko at nag-init ang buong mukha ko sa huling sinabi ko.
Pinagpapawisan na nga agad ang palad ko sa sobrang tensyon. Tumayo si Samuel at ngumiti. Ang lakas ng kabog ng puso ko. Ang gwapo niya at ang laki ng katawan kahit sa personal!
Nagtawag siya ng waiter. Nagkatinginan kami ni Lotty. Nginitian ko siya.
"Have a seat, please..." aniya kaya nahihiyang umupo kami ni Lotty.
Naiilang. Iyon talaga ang nararamdaman naming dalawa. Hindi kami kumportable pero syempre masaya ako. Kinikilig ako na kasama ko si Samuel kaya lang hindi ko alam kung paano kumilos sa harap niya.
Kumunot ang noo nito.
"Bakit nandiyan ka?" ani ni Samuel.
"Huh?" lito kong tanong at nang makita kong pinagpag ni Samuel ang katabing upuan nito ay nag-init ang pisngi ko. Nahihiya akong tumingin kay Lotty.
"Okay lang! Huwag kang mahiya. Boyfriend mo naman si Samuel," anito at natatawa pa.
"She's right," sagot ni Samuel at binalingan ako. Umupo ako sa tabi niya at nanigas ang katawan ko nang akbayan niya!
Sa tanang buhay ko ngayon lang ako naakbayan at katulad pa niyang gwapo!
"Relax... ramdam ko ang kaba mo," sabi nito at tinanggal ang pagkaka-akbay sa akin. Hinawakan niya ang aking kamay at hinalikan iyon.
Napatikhim lang si Lotty at nahihiyang nag-iwas ng tingin habang nangingiti.
Nginitian ko lang si Samuel. Masyado akong gulat para mag-react. Parang hindi makapaniwala na may boyfriend akong tulad niya.
"Anong gusto mo?" tanong niya sa akin habang hawak ng mahigpit ang aking kanang-kamay. Nakatingin pa ako doon. Hindi kasi makapaniwala sa nangyayari ngayon.
"Uh, kahit ano. Ikaw na ang bahala," wala naman kasi akong alam sa pag-o-order. Tsaka ng sinilip ko. Ang mahal!
"Ikaw, Lotty?" tanong niya sa kaibigan ko.
"Ikaw na ang bahala. Okay na ako sa kung anong o-order-in niyo." Natatawang sagot nito sabay tingin sa cellphone para hindi mailang.
Maraming in-order si Samuel. Nalula nga kami ni Lotty.
"Naku, ang dami mo kasing in-order. Hindi yata natin mauubos 'yan."
Panay ang dating ng mga order kahit nagsisimula na kaming kumain.
"Babe, ayoko na magugutom ka pati na ang kaibigan mo. Ayos lang 'yan. Masaya ako ngayon kasi nagkita na tayo. Sana masundan 'to," aniya at kinindatan pa ako.
Ngumiti ako pero binagsak ko sa plato ang aking paningin. Hindi ako makakain ng maayos. Panay ang tingin ni Samuel sa akin. Naiilang ako. Isa pa sa tuwing titignan ko kung paano siya kumain. Aral na aral. Halatang mayaman bawat galaw.
Hindi naubos ang pagkain. Nanghihinayang kami ni Lotty pero nahihiya naman kaming magsabi na iuuwi na lang sana namin. May iba pang pagkain na hindi pa nga nagagalaw! Naku makakain pa sana namin 'yon kinabukasan. Kaya lang napaisip din ako. Tatanungin ako ni Tita Zela kung paano namin nakuhang kumain ni Lotty sa ganoong restaurant at nagpasobra pa ng order.
Nakagat ko ang ibabang-labi ng dumaosdos ang kamay ni Samuel sa akin. Panay ang kalabog ng puso ko dahil holding hands while walking kaming dalawa! First time ko ito. Ganito pala ang feeling. Kinakabahan ka na kinikilig. Na parang kinikiliti sa tagiliran!
Hindi ko mapigilang ngumiti habang naglalakad kami. Nahihiya tuloy ako kay Lotty na nasa likuran namin. Mag-isa lang siya. Paglingon ko nga binigyan ako ng mapanuksong tingin.
"A-anong gagawin natin diyan?" medyo kabado at excited kong tanong. Papasok kami kasi sa mamahaling brand ng damit.
"I'll buy you some gifts. C'mon, it's my treat."
Umiling ako. Nakakahiya!
"Huwag na! Okay lang ako." Napakamot ako sa ulo. Natawa si Samuel at hinila ako papasok sa loob. Wala akong nagawa kundi sumunod. Ganoon rin si Lotty.
Pinakawalan ni Samuel ang mga kamay ko at umupo.
"Kunin mo lahat ng gusto mong gamit babayaran ko. Lotty, you can choose too."
"Wow! Hindi nga?!"
Napangiwi ako sa reaskyon ni Lotty. Halata sa mga mata ang pagkasabik. Gusto ko rin naman kasi salat ako sa maraming bagay. Kaya lang tama ba itong magpapabili ako agad sa kanya kahit first time pa lang namin magkita?
Nakakahiya talaga.
"Yes! Kumuha kayo ng gusto niyong damit... sapatos. Name it. Babayaran ko lahat." Ngumisi siya at nagtagal ang tingin sa akin.
Nakakahalina ang mga mata ni Samuel. Kung hindi ako hinatak ni Lotty ay hindi talaga ako aalis sa pwesto ko.
"Isang damit lang sa akin. Nakakahiya talaga..." bulong ko kay Lotty sabay silip kay Samuel na busy na sa kakalikot sa cellphone nito.
"Ano ka ba! Sulitin mo na! Hindi naman mauubos ang pera niya kasi negosyante pala siya!" Siniko pa ko ni Lotty.
Ako ang nahiya sa dami ng kinuha niya. Sa akin ay lima lang. Kung hindi ako nilagayan ni Lotty ng apat na pirasong bestida sa cart ko ay hindi na madadagdagan sana iyon. Isa lang talaga ang plano ko. Si Lotty, may sapatos, may damit, bag at undies pa.
"Is that all?" tanong ni Samuel at tumayo na. Sinulyapan ang cart ko.
"Uh, hindi mo kailangang gawin 'to, Samuel—"
Hindi niya ko pinatapos ng sasabihin.
"Dagdagan mo pa 'yan. Kaunti lang," sabi niya pero umiling ako. Ngumiti siya at tinalikuran ako. Akala ko kung anong gagawin niya. Nagulat ako na may kinausap siyang sales lady at tinuro ako.
Mabilis akong nilapitan kahit na wala akong maintindihan. Iyon pala isusukat sa akin iyong mga damit at sapatos na tingin niya bagay sa akin tapos binayaran niya lahat.
Ang dami naming bitbit na paper bags ni Lotty! Paano namin ito iuuwi. Lalo na ako. Paano ko dadalhin ito at hindi p'wedeng makita sa akin dahil nga tatanungin ako nila Tita. Ang malala pa ay mga pinsan ko ang gagamit nito. Hindi ako.
"I hope you enjoy our date."
Ngumiti ako nang hawakan ni Samuel ang maliit kong beywang.
"Nag-enjoy ako! Sobra! Salamat, ha?"
Dapat yata akong masanay sa ganitong gesture dahil normal ito sa may karelasyon. Masarap palang magnobyo.
"Sa susunod p'wede na bang tayo na lang? Gusto kitang ma-solo..." bulong niya. Napatingin ako kay Lotty na nasa terminal. Naroon ang mga paper bags kasama niya. Hindi kasi kami sasabay kay Samuel dahil may pupuntahan pa daw siya. Ayoko rin naman magpahatid dahil tinatago ko nga siya sa amin. Hinayaan kami ni Lotty na mag-usap saglit. Magkasarilinan.
Tumango ako.
"Gagawa ako ng paraan."
Lumawak ang ngiti nito at nagulat ako ng halikan niya ako sa labi. Mabilis at magaan lang iyon pero nahigit ko ang aking hininga. Parang lalabas pa yata ang puso ko dahil sa sobrang kaba.
First kiss ko 'yon!
"I should go now," anito kaya humiwalay at tumabi ako para makapasok siya sa magarang sasakyan niya. Iyon bang sasakyan na mataas at malaki. R-ra... raptor? Raptor yata ang tawag doon.
Kumaway pa ko bago ito humarurot paalis. Kinikililg akong lumapit kay Lotty. Nagtatalon kaming dalawa sa harap ng waiting shed na parang tanga.
"Ang swerte mo, Inday! Patay na patay sa'yo! Binilhan ka pa ng mga gamit tapos nilibre rin ako! Galante!" aniya.
"Oo nga. Kaya lang hindi ko naman p'wede itong iuwi sa amin. Paano 'to? P'wede bang iuwi mo muna sa inyo. Tapos kukunin ko na lang kapag kunwari aalis ako. Magkikita pa kasi kami sa susunod. Para kapag tinanong ako nila Tita. Sasabihin ko hiniram ko sa'yo."
"Walang problema, Inday! Basta ikaw! Tsaka nilibre naman niya ako, eh. Ang dami kong bagong gamit! Salamat din sa'yo. Nakatikim ako ng biyaya."
"Okay lang? Baka ikaw naman tanungin nila Mama mo?" Kinuha ko na iyong mga paper bags na nasa lapag.
"Hindi 'yon. Sasabihin ko sa kanila na may nanliligaw sa aking mayaman. Hindi ako pagagalitan no'n mag-boyfriend. Lalo na mayaman. Kunwari na lang ay ako ang girlfriend ni Samuel. Kunwari lang naman..."
Pumayag naman ako para naman hindi kaduda-duda kasi sa kanila kung paano nagkaroon ng sandamakmak na bagong gamit si Lotty.
Nakauwi kami ng 5:30 PM. Wala pa sila Tita kaya pagdating ay nagluto agad ako ng hapunan.
"Saya mo, ah? Saan ka galing?" tanong sa akin ni Mary ng makita niya akong naghuhugas ng bigas. Tapos nakangiti.
Tinikom ko ang bibig at umiling.
"Bawal na ba maging masaya? Nag-enjoy lang ako na mamasyal kasama si Lotty."
"Tss..." sabi niya at tinalikuran ako matapos kumuha ng tubig inumin.
Pumasok si Tito sa bahay. Nagpiprito na ko ng galunggong.
"Inday! Aba, usap-usapan ang sandamakmak na bitbit ni Lotty, ah? May mayamang boyfriend daw? Hindi ba kasama kayo?" sabi niya at lumapit pa sa akin.
Isang sulyap lang ang ginawad ko sa kanya pero nahuli ko pang pinasadahan ako ng malagkit na tingin mula ulo hanggang paa. Kailangan ko nang umalis dito. Baka kung anong mangyari sa akin dahil ilang beses ko na siyang nahuhuli na iba ang tingin sa akin.
"Ang sexy mo, Inday, ah? Sigurado ka bang wala ka ring ka-date doon? O, baka dalawa kayo ni Lotty na may nobyo na kaya kayo umalis ngayon?"
Napakurap-kurap ako sa tanong ni Tito Abel.