KABANATA 3

1057 Words
BINIGYAN ko ng pansin si Samuel. Natagpuan ko 'yong sarili ko na in-e-entertain ko na siya tulad ng gusto ni Lotty. Inamin ko kay Samuel kung saan ako nakatira at nalaman ko na siya naman ay taga Cavite. Isa siyang half-Filipino at half-Spanish. Sa Spain pinanganak pero dito sa pinas lumaki. Samuel: Hindi ba talaga ko p'wedeng tumawag? Ngumuso ako. Isang linggo na kaming nag-uusap ng diretso. Late nga lang ang reply ko dahil masulpot-sulpot ang paghawak ko sa cellphone ko. Mainit kasi sa mga mata ni Tita Zela iyon. Ako: Hindi p'wede kasi may mga kasama ako sa kwarto. Pinsan ko. Alam niyang strikto ang tiyahin ko. Sa loob ng maikling panahon. Nakuha kong ikwento kay Samuel ang tungkol sa pagkatao ko kahit na saglit lang. Mabilis akong nahulog sa kabaitan niya. Samuel: Sige mamaya na lang. Tawagan mo ko kapag p'wede na. Gusto kong marinig ang boses mo. Namula ang buong mukha ko at nakagat ang ibabang-labi. Para akong bata na kinikilig dahil binigyan ng gustong-gusto kong tsokolate. Mabilis kong tinago sa ilalim ng unan ang cellphone ko ng marinig ang pag-ikot ng seradura. Nagkatinginan pa kami ni Marisol. Kumunot ang noo niya sabay irap bago pumunta sa kabilang kama. Huminga ako ng malalim at hinarap ang natutulog na si Honey. Nineteen years old pa lang ako pero para na kong ina. Paano ay ako na ang nagbabantay talaga sa pinsan ko. Pati pagtulog kasama ko rin. "Naplantsa mo na ba ang uniform ko, inday?" "Oo..." sagot ko kay Marisol kahit na hindi ko siya tinitignan. Nagawa ko ng plantsahin pero gigising ako ng maaga para magluto ng almusal nila. Solo na naman namin ni honey ang bahay kinabukasan. Umalis sila Tiya tapos nasa school ang mga pinsan ko. Nakuha ko na tuloy makapag-reply kay Samuel. Ako: Pasensya na. Nakatulog ako kagabi. "Honey... matulog ka na," sabi ko sa pinsan ko na gumagapang pa sa sahig. Natapos ko na iyong paglilinis ng bahay namin. Mabuti nga maliit lang 'to. Parang kwarto na siya tapos kasya na kami. May kusina na tapos may kwarto. Tumunog ang cellphone ko. Video call na iyon! Kumalabog ang puso ko sa kaba at taranta. "Tumatawag siya! Naku! Hindi pa ko nakaayos! Nakakahiya!" Napatayo ako at kinuha si Honey para ilagay sa ibabaw ng kama. Kinuha ko iyong maliit na salamin sa drawer at sinipat ang sarili. Maputla ang mukha. Walang buhay nga ang aking labi at magulo ang buhok. Ang damit ko ay luma pati. Ayokong humarap ng ganito sa kanya. Umiyak si Honey dahilan para mas hindi ako makapag-ayos ng sarili. "Huwag ka ng umiyak..." alo ko at binigay ang laruan niya para hindi umiyak. Nag-reply ako. Ako: Pasensya ka na. Hindi ko masasagot kasi sobrang busy ako. Tumunog ang cellphone ko sa reply niya. Samuel: Mamaya? Ako: Hindi ako sigurado. Nandito na kasi ang mga pinsan ko at Tiya ko. Ayaw nila na lagi akong naka-cellphone. Never pa kaming nag-video call. Pero nag-send ako sa kanya ng selfie ko at ganoon rin siya sa akin kaya alam kong siya si Samuel. May videos pa siya ng sarili niya. Hindi ko nga akalain na may kausap ako na tulad niya. Mayaman. Malaki kasi ang bahay niya. May s-in-end siya sa akin na video ng house tour niya. "This is my baby, Cleo. She's a persian cat, Bree." Ngumiti ako habang pinapanuod ang video na pinadala niya sa akin kinagabihan. "Inday!" Napabalikwas ako sa kama at nilagay sa ilalim ng unan ang cellphone bago lumabas ng kwarto. Nakapameywang si Tita Zela nang hinarap ako. "Bakit walang sinaing?" tanong niya. Napatingin ako sa bukas na kaldero. Kumunot ang noo ko. Nagsaing ako kanina. Ewan ko bakit wala ubos na. Hindi pa kami kumakain lahat. "Po? Nagsaing ako," sabi ko at nilapitan ang kaldero at nagulat na ubos na nga. "Hindi ka nagsaing! Walang laman! Ano bang ginagawa mo, ha? Nagbabantay ka lang naman ng bata. Alam mong kakain na kapag alas-sais!" Dinuro-duro niya ang sentido ko. Napangiwi ako at napatingin kay Mary na hawak si Honey. Nakasimangot pa siya. "Ano ba 'yan! Nagugutom na ko," reklamo nito. "Magsasaing ako ulit..." sabi ko na lang at hindi na nagreklamo. Tatamaan pa ko kung papalag ako. "Bilisan mo at gutom na kami!" aniya at nagdabog pa bago pumasok sa kwarto. Sumunod si Mary. Naitikom ko ng mariin ang aking labi. Hindi ko alam kung tama ang ginawa ng Nanay ko na ibigay ako sa kaibigan niya. Ang nanay ko kasi ay akyat-barko sa Zambales. Nabuntis si Mama ng isang Moroccan seafarer pero hindi pinanagutan. Matapos na manganak ay ibinigay ako kay Tita Zela dahil hindi niya raw ako kayang buhayin pa. Hanggang ngayon hindi ko alam kung nasaan na siya. Kung buhay pa o balak niya kong kunin dito sa poder ng kaibigan niya. "O, bumili ako ng pagkain!" Napatingin ako kay Tito Abel na kadarating lang at may bitbit na pagkain. Napangisi siya ng makita ako. Pinasadahan ng tingin kaya mabilis kong binaling ang mga mata ko sa kaldero. Nagtayuan ang balahibo ko. Ayoko na talaga na nagtatagpo kami ni Tito Abel dahil sa ginagawa niyang paniningin sa akin. Naglabasan silang lahat dahil sa anunsyo ni Tito. "Anong binili mo, Pa?" "Andoks 'yan!" "Huwag mong papakin!" dinig kong saway ni Tita Zela. Nagpatuloy ako sa ginagawang paghuhugas muna ng kaldero. "Ayan at may kanin na! Inday, huwag ka ng magsaing! Mapapanis 'yan," utos ni Tita. Tumango ako pero balak ko na lang tapusin ang paghuhugas ng plato. "Ano ito? Nakadelihensya ka ba, Abel?" Tumabi sa akin si Marisol para kumuha ng plato, kutsara at tinidor. "Binigay ni Haris 'yan. Andito sila kanina. Kumain kami bago nagsugal. Eh, nanalo ang loko. Binigyan ako nito!" Humalakhak siya. Huminga ako ng malalim. Kaya naman pala nawalan ng sinaing. Kumain siya kanina pati barkada niya. Nasa kabilang bahay ako no'n, kila Lotty. "Aba, ganoon? Mabuti naman! Masarap pa naman ito. Paborito ni Mara. Hindi ba?" Nilingon ko sila habang nagpupunas na ng kamay. Tumango si Mara. Nagkakagulo na sila sa lamesa. Nagalit pa si Tita Zela sa akin hindi ko naman kasalanan na walang kanin kanina pero ano pa bang aasahan ko? Hindi ko maririnig sa kanya na hihingi siya ng pasensya. "Tirhan mo si Inday! Huwag mong ubusin!" dinig kong sabi ni Tita Zela bago ako pumasok ng kwarto at hinayaan silang kumain ng hapunan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD