PART 4

704 Words
"Leah, halika na! Aalis na ang jeep!" pasigaw na tawag ni Ana sa pinsang nakatayo lang sa malayo na tila may tinitingnan. Lahat ay nakasakay na maliban dito. Tapos na rin ang drama nina Jules at Nana Gwada kaya pwede na sana silang umalis. Kaninang umaga nila inilibing si Mang Cardo, kaya nagawa na rin nilang magpaalam kay Nana Gwada. Hindi lang nila akalain na ngayong mismong araw eh, makakagawa agad ng paraan ang matanda para sila ay makabalik na sa Maynila. Pagkatapos ng libing ay agad palang nag-utos ng mga kabataan si Nana Gwada para puntahan ang tanging jeep na pumapasada sa kanilang lugar kapag may emergency na pupuntahan ang mga taga-baryo. Umandar na ang jeep, nang mapansin nga nilang kulang pa pala sila ng isa. Buti na lang nahagip ng mata agad ni Ana si Leah, bago pa man sila kabahan. "Hoy, Leah! Tara na! Ano pa ginagawa mo riyan?!" sigaw ni Jules nang hindi man lang pinansin ni Leah ang tawag ni Ana. "Sunduin mo na nga lang! Naprapraning na naman 'ata!" utos ni Belen kay Jules. Napapakamot-ulong bumaba si Jules. Pero nagawa pa nitong nginitian si Nana Gwada na naroon pa rin. Nag-aantay ang matanda na makaalis sila ng maayos bago pumasok sa bahay kubo nito. Napakalungkot ng mukha ng matanda kaya todo iwas si Jules na makita pa ang mukha ng matanda. Hindi kasi maiwasan ni Jules ang makaramdam ng awa at lungkot para rito. Kahit paano, sa konting araw kasi na nakasama ng binata ang matanda ay medyo napamahal na si Nana Gwada kaya masakit din para kay Jules ang umalis basta-basta. "Leah, ayaw mo bang umuwi? Ano pang ginagawa mo rito?" Untag ni Jules kay Leah nang makalapit ito sa dalaga. Para namang nagising sa pagkakatulog si Leah nang marinig ang boses ni Jules. Muntik pa itong matumba, buti na lang maagap ang binata at naalalayan ito kaagad. Nasapo ni Leah ang noo. Masakit ang ulo nito, parang mabibiyak. Nang may bigla itong maalala. Kausap nga pala nito kanina 'yong lalaki. 'Yung lalaking nakausap din nito noong magkasama sila ni Lyn. "Ano bang nangyayari sa 'yo?" nawiwirduhang tanong ni Jules. Salubong na talaga ang kilay ng binata. "Nakita mo ba siya?" "Sino?" "'Yung lalaking kausap ko?" "Wala ka namang kausap, ah! Para ka nga lang tangang nakatayo rito, eh! Ano bang nangyayari sa 'yo talaga, hah?! Nababaliw ka na ba?!" "Meron akong kausap! Kausap ko 'yong lalaki! 'Yung nagsabing umalis na tayo rito!" giit ni Leah, ginala-gala nito ang tingin sa paligid. Agad uminit ang ulo ni Jules. "Nagpakita ulit sa'yo ang lalaking tarantadong iyon?!" tiim-bagang na tanong nito. Subalit hindi na sumagot si Leah sa pinsan. Hinanap na lang ng mata ni Jules ang lalaki. Plano nito itong pagsabihan 'pag nakita o kaya patikimin para magtigil na sa pananakot sa pinsan. Mula napadpad sila rito ay ewan ni Jules pero para kasi itong nagkaroon ng lakas ng loob. Naging matapang na ito, na parang lahat ay kaya nitong gawin para sa mga pinsan. Ngunit ni anino ng lalaki ay hindi na nakita ni Jules. Natakot siguro. Siguro ay nagtago na ang lalaking 'yon. Mahigpit hinawakan ni Jules ang braso si Leah. Sapilitan na nitong hinila at pinasakay sa jeep ang pinsan. Walang mangyayari kung papatulan nito ang kalokohan ng pinsan. Matatahimik din ito oras na makauwi na sila sa Maynila. LUMIPAS ang ilang sandali, binabagtas na ng jeep na kanilang sinakyan ang kagubatan. Lahat ay tahimik. Walang gustong magsalita. Nagpapakiramdaman. Walang nakakaalam kung ano ang iniisip ng bawat isa. Tanging 'yung driver at kasama nito na binata ang paminsan-minsang nag-uusap. Ilang oras pa na byahe. Ang iba ay nakatulog na, ang iba inaantok pa lamang. Si Leah ang bukod tanging malinaw na malinaw pa ang mga mata. Nasa dulo siya ng upuan ng jeep, yakap niya ang dalawang tuhod na nakaupo. Nakatanaw siya sa bintana at malalim ang iniisip. At ang totoo, iniisip niya 'yong lalaki. Iniisip niya 'yong sinabi ng lalaki. "Isang pagkakamali na napadpad kayo sa lugar na ito! Nasa panganib na ang inyong buhay!" Pinag-iisipan niya iyong maigi kung anong ibig sabihin n'on, pero saglit pa'y nakatulog na rin siya. At ewan niya dahil parang iba ang pakiramdam niya sa pagtulog niyang iyon.........
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD