CHAPTER 17
“A-ANONG KLASENG nilalang ito?” tanong ni Miya nang biglang habulin sila ni Sabir ng mga halimaw sa loob ng building.
“Naalala ko ang sinabi ni Goddess Tala, ito ata ang tinutukoy niyang halimaw!” sigaw ni Sabir dito. Pagdating nila sa rooftop ay napahinto sila dahil wala na silang madadaanan maliban na lamang kung gamitin ang kapangyarihan nila.
Di kalaunan ay pinalibutan na sila ng mga halimaw kaya di na nagdalawang isip si Miya na ilabas ang kapangyarihan niyang pana. Nagkatalikuran sila ni Sabir habang hawak nito ang espada.
“Kailangan natin labanan sila,” ani Sabir kaya tumango si Miya saka mabilis nilang nilabanan ang mga ito.
Isa-isang pinana ni Miya ang mga halimaw at bigla na lamang itong naglaho nang matamaan iyon. Ngunit ang problema ay hindi sila maubos dahil unti-unting dumarami sila.
“Ano gagawin natin?”
Napatingin si Miya sa baba ng building at nanlaki ang mata niya dahil mataas ito sa di niya inaakala. Kakayanin kaya ng kapangyarihan nilang lumipad? Mukhang nararamdaman na nila ang panghihina ng katawan at pagkaubos ng enerhiya dahil sa itim na kapangyarihan.
“Tumalon tayo sa kabila!” sigaw ni Miya kaya naunang tumalon si Sabir sa katabing building pagkuwan ay sumunod si Miya.
“Nauubusan na ako ng lakas, Miya!” hingal na wika ni Sabir habang pababa sila ng building.
“Naalala ko ang sinabi ni Goddess Tala na di permanente ang kapangyarihan natin dito sa Earth.”
Nasa ground floor na sila nang biglang sinalubong sila ng mga halimaw na tantya nilang sinundan sila. Sa sobrang dami ay mukhang malabo na silang makatakas. Napalunok ng laway si Miya sa pangambang baka hindi na nila maabutan pa si Heron at tulungang iligtas ang Earth at ang mga nabihag ni Hades.
“Bahala na. Gagamitin ko na lang ang natitira kong kapangyarihan dito,” seryosong wika ni Miya saka mabilis na sunod-sunod niyang pinana ang mga halimaw hanggang sa nanghina siya.
“Ito na ata ang katapusan natin, Miya,” pangambang sabi ni Sabir nang maubusan na rin siya ng lakas sa pakikibaglaban sa kanila.
Nang susugurin na sila ng mga halimaw ay bigla na lamang may dumaan na pick-up car dahilan ng biglang nahawi ang daan dito sa harap nila.
“Sumakay na kayo!” sigaw ng isang matipunong lalaki sa kanila. Tanaw ni Miya ang dami ng armas sa likod ng sasakyan.
“Ano pa hinihintay niyo? Gusto niyo bang mamatay?” muling wika ng lalaki kaya walang imik na umakyat sina Miya at Sabir sa likod ng sasakyan.
Nang mangyari ‘yon ay hinabol sila ng mga halimaw at laking kinagulat nila nang matanaw na kasing bilis ng halimaw ang takbo ng sasakyan.
“B...bakit ganito sila kabilis?" naguguluhang wika ni Sabir sa sarili habang tulalang pinagmamasdan ito.
“H’wag mo nang isipin ang mga bagay na ‘yan, labanan na lang natin sila—yaah!” sigaw ni Miya pagkuwan ay muli siyang nagpana sa mga halimaw na malapit sa kanila. Mabuti na lang ay may lakas pa siyang natitira kaya nagagawa niyang pumana ulit.
“Humawak kayo at mas bibilisan ko pa ang takbo ng sasakyan!" sigaw ng lalaking nagmamaneho kaya agad na humawak sa gilid ang dalawa.