Chapter Two
"Garrie, pwede mo ba akong tulungan?" katatapos ng pictorial ni Carrie at nag-aayos na kami ng mga gamit niya. Inutusan ako ni mommy na sumama sa pictorial na ito para may kahalili si Alba, Carrie's assistant, sa pag-asikaso sa kapatid ko. Iyong ibang gamit ay si Alba na ang nag-aayos. Abala rin ang make-up artist nito sa sariling gamit kaya ako na lang ang tinawag ng kakambal ko. "Iayos mo naman iyong ibang damit ko." Sabay turo sa mga damit sa maleta na gulo-gulo. Agad akong tumango at nagtungo roon.
"Ako na ang bahala." Ngumiti pa ako rito saka lumakad patungo sa maleta.
"Ma'am Garrie, ako na po." Dali-daling lapit ng wardrobe assistant.
Hindi lang si Alba ang nag-aalaga sa kakambal ko. May team ito na kasa-kasama nito sa lahat ng trabaho niya.
"It's okay. Kaya ko na ito. Tapusin mo na lang iyong ginagawa mo para mabilis tayong matapos dito."
"Sige po, ma'am." Bumalik naman ito sa pwesto niya. Sinimulan kong tinupi ang mga gamit ni Carrie na nasa maleta. Nasa kalagitnaan na ako nang pagtutupi nang gumawi ang tingin ko kay Carrie na prenteng nakaupo at nagce-cellphone.
Nangingiti ito. For sure ka-chat nito si Governor Rusco Claverra. Back to San Carlos si Governor Rusco kaya naman chats and calls lang ulit ang mga ito.
Pumasok sa silid ang bodyguard at tauhan ni Carrie at sinimulan na nilang hakunin ang mga kailangan dalhin sa sasakyan.
Tapos na rin ako sa pagliligpit kaya naman ipinasama ko na ang maleta sa kanila.
"Carrie, let's go." Yaya ko rito. Pero imbes tignan ako ay iniangat lang nito ang isang damit na nakapatong kanina sa hita niya. "Isasama ba ito sa maleta?" takang ani ko.
"No. Magpalit ka, Garrie. Sa backdoor kami lalabas. Ikaw sa harapan kung saan may mga fans and media."
"Carrie," agad akong nakaramdam nang pagtutol. Aggressive ang mga fans ni Carrie. Walang pakialam kung makipaggitgitan ang mga ito para lang makapagpa-picture sa kakambal ko. Doon ako takot. Hindi ko kaya ang pressure ng crowd.
"Dyosa," tawag ni Carrie sa kanyang hair and makeup artist. Agad namang lumapit ang tauhan nito at iginiya ako paupo. Kaya pala hindi pa nito itinabi ang lahat ng makeup niya.
"Garrie, ikaw na muna. I'm tired na kasi at baka uminit ang ulo ko later kapag siksikan na. Alam mo naman ang mga fans. Lahat iyang mga iyan ay gustong magpa-picture. Need kong magpakita sa kanila sabi ni Katherine." Tukoy nito sa publicist niya. Sinulyapan ko ang publicist niyang ngumiti agad sa akin.
"Mag-ayos ka, Ma'am Garrie. Nanghihingi ng picture ang social media manager para sa araw na ito."
Wala na akong nagawa pa. Simpleng makeup lang din naman ang inilagay sa mukha ko. Magkamukhang-magkamukha kasi kami talaga ni Carrie. Kaya ilang beses ko nang nagawa ito, ang magpanggap na ako si Carrie sa crowd.
Pero pagkatapos dumugin ng crowd sa pag-aakalang ako si Carrie... maraming hindi nakakaalam kung ano na ang nangyayari sa akin.
"I'm s-cared," usal ko kay Dyosa, ang bading na makeup artist ng kakambal ko.
"Ganda, bakit ka matatakot? Gusto lang naman ng mga iyon na magpa-picture. Saka hindi naman namin hahayaan na tuluyan ka nilang dumugin. May mga bodyguard din naman. Naghihintay rin naman sa labas ang sasakyan. Kaya chill ka lang." Napakadaling sabihin pero ang hirap mag-chill.
"OA ka na naman, Garrie. Magbihis ka na para makaalis na tayo. Kaya mo iyan." Todo pa ang ngiti ni Carrie sa akin. OA? Alam nito kung paano ako atakihin ng enochlophobia ko. Hindi OA at hindi madadaan sa chill lang iyon.
"Hoy! Naiiyak ka, ganda?" natawang ani ni Dyosa. Nakakatawa ba iyong takot na nararamdaman ko?
"Mabilis lang ito, Garrie. Promise ko sa 'yo na as in mabilis lang ito. Huwag ka nang matakot, okay? Gandahan mo rin ang smile mo para hindi naman pangit ang lalabas na picture mo sa social media."
"Garrie, bihis na. Kukuhanan kita ng picture." Utos ni Katherine sa akin. Nagbihis ako. Komportable naman ang damit ko. Nang sabihin nilang mag-post ako ay ginawa ko na lang. Ilang beses nagpapalit-palit ng post bago sila na kontento.
"Grabe! Biniyayaan talaga ang magulang ninyo ng magandang genes na ipinasa sa inyo. Carrie, look." Agad na ipinakita ni Katherine ang larawan ko sa kakambal ko.
"Perfect! I-post na iyan para makita pa ng mga fans at isipin talagang ako ang lalabas later sa harap ng building." Bagsak ang balikat na napabuntonghininga ako. Nanlalamig ang kamay ko. Bumibigat ang paghinga ko. Parang ayaw ko na ngang lumabas. Pero dahil uwian na ay wala na akong choice.
Si Miss Gloria ang kasama ni Carrie nang dumaan sila sa likod ng gusali. Ako naman ang pinalibutan ng mga tauhan ng kapatid ko palabas.
Nasa lobby pa lang ay dinig ko na ang sobrang ingay. Naghihiyawan sila. Nagsisimula na ngang magtulakan ang mga tao. May mga placard pa sila. Marami ang may headband pa na may mukha ni Carrie.
"Pa-picture po!" nagkakagulo na. Sinubukan kong ngumiti. Alam kong walang tigil sa pagkuha ng larawan ang iba. Kaya hindi ko inalis ang ngiti sa labi ko kahit gitgitan na.
Hindi naman ako pinabayaan ng mga tauhan ni Carrie. Kahit hirap na ay pinilit pa rin nila akong inilabas ng gusali.
Sa sobrang gulo ng fans ay ilang ulit pa akong natamaan ng cellphone at mga placard nila.
Naluluha na ako. Saktong huminto ang isang van at doon ako isinakay. May mga sumubok pang sumakay rin pero mabilis ang mga tauhan. Pagkasakay nila ay ay isinara rin agad nila.
Humabol pa ang mga tao. Sinubukan nila pero hindi na sila nagtagumpay pa.
"Ma'am Garrie?" tawag sa akin ni Dyosa. Tulala ako. Hinawakan nito ang kamay ko. "Diyos ko! Nanginginig ka, ma'am. Kumalma ka." Takot na ani ng bading saka hinagod ang likod ko.
"I'm s-cared. I can't breathe." Agad may nagpaypay sa akin. Ramdam ko ang mga kamay ko na nanginginig at parang naninigas na.
"Ma'am, kalma ka." Huminto ang sasakyan. Sumakay si Carrie na takang-taka sa nangyayari sa loob ng van.
"What's going on?" ani nito. "Garrie, are you okay?" umupo ito sa tabi ko.
"Ma'am Garrie?" tawag nila sa akin. Naririnig ko sila pero mas nangingibabaw sa utak ko ang magulong crowd. Sinusubukan ko ring pakalmahin ang paghinga ko. Sobrang bilis ng t***k ng puso ko.
"Garrie!" niyugyog ako ni Carrie. Saka tinapik-tapik ang pisngi ko. "Garrie!" mas malakas nitong sigaw sa akin. "Stop it. Wala ka na sa crown, Garrie. Ikalma mo ang sarili mo dahil ine-stress mo na ang mga kasama natin." Gusto kong humagulhol nang iyak. Parang iyon lang ang way para mailabas ko ang bara sa dibdib ko. Para lumuwag ang pakiramdam ko pero hindi ko magawa.
Hiyawan... siksikan... parang iyon ang pumipigil sa akin.
Pero dahil sa isang malakas na sampal ay natauhan ako. Napakurap-kurap ako.
"Are you okay?" tanong ng kakambal ko pagkatapos akong sampalin nito. May umagos na luha sa mata ko. I'm not okay. Alam nito ang phobia ko sa crowd pero pinapagawa pa rin niya ito sa akin para siya ang makaiwas sa siksikan. Kinabig niya ako't niyakap. "Wala lang iyon, Garrie. Kung ako ang susuong sa fans ay baka makalmot o mahawa ako ng sakit sa isa sa kanila. Mahirap na. Alam mo naman... ako ang bumubuhay sa pamilya natin. Hindi ako pwedeng masaktan o kahit magalusan man lang. Lalo na ang pretty face ko. Simple lang naman iyong ginawa mo. Hindi mo kailangan mag-panic. OA na iyang reaction mo." Tumawa pa ito. Saka ako binitiwan at parang walang nangyari.
I wanna cry. Pero kung gagawin ko iyon dito sa loob ng van ay baka pagtawanan pa ako ng mga ito.
Inabutan ako ni Hiyas, ang wardrobe assistant ni Carrie, ng tubig. Uminom ako. Hoping na mapapakalma ko na ang sarili ko. Pero parang mas lalo lang sumama ang pakiramdam ko.
Hindi ko nga alam kung hilo ba o pagod lang ako. Hindi ko sure kung tulog ba o nawalan ako ng malay. Paggising ko ay nasa bahay na kami. Mag-isa ko sa sasakyan dahil ang mga kasama namin ay nakatodo alalay kay Carrie.
"Garrie, are you okay?" takang tanong ni Kristan. Hindi pa pala ito umalis kasama ng iba naming relatives. Ito ang umalalay sa akin sa pagbaba ng van. "Putlang-putla ka, Garrie. Ayos ka lang ba?" umiling ako. Nanlalambot pa ako dahil sa nangyaring panic attack ko kanina. Hindi ko nga nasagot ang tanong nito. Isang hakbang lang din ay bumigay na ang tuhod ko at muli... nawalan ako ng malay.