Chapter Ten
"Ang sakit-sakit na nga ng paa ko eh! Ayaw ko nang maglakad," umiiyak-iyak pa ako habang nakasalampak at marahang hinahaplos ang paang masakit na.
"Alisin n'yo ang babaeng iyan sa harap ko," mariing utos ni Governor Claude sa mga tauhan niya. Agad silang tumalima. Pilit akong pinatayo. Kung tatayo ako ay palalakarin nila ako? Ayaw ko na nga eh! Ayaw ko. Ang sakit na ng paa ko. Bakit ba ayaw nilang maniwala?
"Tayo!" nahihirapan ang dalawa kahit na sobrang liit ko.
"Buhat!" sagot ko naman sa kanila. Parehong napakamot sa ulo ang dalawa.
"Leave!" biglang sigaw ni Governor Claude kaya naman binuhat na ako ng isama. Ayaw ko na talagang lumakad. Nang nadala ako sa kwarto ay maingat akong inilapag sa kama.
"Kuya," tawag ko sa mga ito. "May balita po ba kayo sa kapitilyo?" hinawakan ko pa sa braso ang isa para hindi makaalis.
"Maraming namatay, sugatan, at na-trauma sa nangyari. Sobrang daming pasabog at wala kahit isang rebelde na nagplanta ang nahuli." Nanlumo ako sa narinig ko. "At ikaw ang susi para malaman ng gobernador kung nasaan ang mga kasamahan mo," napailing ako.
"Kuya, wala po akong kasalanan. Hindi ko rin po alam kung saan ang kampo namin." Maniniwala kaya sila? Kasi wala naman talaga akong kasalanan. Nadamay lang naman ako dahil anak ako ng pinuno.
"Huwag ka nang magsinungaling sa amin. Anak ka ng leader 'di ba? Ituro mo kung nasaan sila. Baka sakaling pakawalan ka pa ng gobernador. Sobrang sama ng grupo ninyo. Napakaraming inosenteng sibilyan ang namatay dahil sa inyo." Galit na galit ito habang sumisigaw sa mukha ko. Naiyak na naman ako.
"Bakit ka ba sumisigaw? Nasa harap mo lang ako! Salbahe ka!" iyak ko rito.
"Mas salbahe kayo. Dapat sa 'yo ay dalhin sa kapitilyo at sa harap ng mga biktima at pamilya nila ay pasabugin din ang katawan mo. Titiyakin naming mahahanap namin ang mga kasama mo. Papatayin namin sila. Ipararanas namin sa kanila ang ipinaranas n'yo sa mga mamamayan ng San Gabriel."
"Tama na 'yan," tinapik ng isa ang lalaki saka hinila na ito palabas. Sumara ang pinto. Naiwan na naman akong mag-isa sa silid na iyon. Luhaan, pagod, at gutom.
Dahil nananakit ang katawan ko ay humiga na lang ako sa kama kahit marumi pa ang katawan.
"Ina, sana mahanap mo ako rito. Natatakot na po ako, ina," iyak ko habang yakap ang unan.
Nang biglang bumukas ang pinto ay dalawang babae ang pumasok na may parehong kasuotan.
"Kasambahay kami sa mansion na ito. Tumayo ka d'yan at pumasok ng banyo," masungit na ani ng isa. Agad naman akong tumalima at nagtungo sa banyo. Sumunod sila. Ang isa ay binuksan ang gripo roon sa malaking lagayan.
"Maghubad ka," utos naman ng isa kaya mabilis ulit akong kumilos para sundin sila. Wala akong tinira. Nagkatinginan ang mga ito.
"Anak ba talaga ito ng rebelde? Napakakinis," sumenyas ito na tumungo ako sa lagayan.
"Sumampa ka na sa bathtub," iginala ko ang tingin.
"Ano po ang bathtub?" inosenteng tanong ko. Muling nagtinginan ang mga ito.
"Bobo ka ba at hindi mo alam? Para ka namang walang pinag-aralan."
"Wala po," tugon ko agad. Wala naman talaga. Kung hindi dahil kay nanay ay baka hindi rin ako marunong sumulat at bumasa.
"Ah! Laking bundok ka? Doon ka na ipinanganak?" mukhang kumukuha sila ng impormasyon. Hindi ko alam ang sitwasyon ng mga kasama ko kaya kailangan ko ring mag-ingat sa mga salita ko. Hinila ako ng isa at itinuro ang malaking lagayan ng tubig. Bathtub pala ang tawag dito.
"Upo!" agad akong umupo.
Ang tiyak kong balak nilang gawin sa akin ay paliguan ako. Hindi ako umangal.
"Masamang tao ang grupo ninyo. Ikaw ba masamang tao?" agad akong umiling sa babaeng may maiksing buhok.
"Siya iyong dahilan kung bakit hindi pumutok iyong napakaraming bomba roon sa sinet-up na stage. Mas marami pa sanang madadamay kung pati iyong mga bomba roon ay sumabog." Agad namang kwento ng isa.
"Kahit pa siya ang nagligtas sa mga taong naroon ay masama pa rin siya. Parte siya ng rebeldeng grupo. Mga demonyo sila." Gigil na ani ng isa.
"Ano ka ba naman. Huwag mong lahatin. Iyong iba'y sadyang may ipinaglalaban talaga. Iyong iba naman ay nanggugulo."
"At doon sila sa mga nanggugulo. Ang dami ngang namatay 'di ba?" gigil itong isa. Napayuko naman ako. Pero bigla na lang nitong pinalo ang braso ko. Nagulat ako kahit ang isa kaya tinabig niya ang isa.
"Susan, ano ba? Ang utos lang sa atin ay asikasuhin ang babae. Hindi sinabing saktan."
"Eh 'di ikaw na lang ang mag-asikaso d'yan!" tumama pa sa akin iyong hawak nito na matigas na nilalabasan ng tubig. Nasaktan ako pero ang tanging nagawa ko lang ay haplusin ang nasaktan balikat. Nang lumabas ang babae na tinawag na Susan ay agad dinampot ng babae iyong bagay na patuloy na may lumalabas na tubig.
"Ako si Aira. Anong pangalan mo?" mas marahan ang kilos nito habang pinaliliguan ako.
"Manika po," tinitigan niya ako. Mukha ba akong nagsisinungaling?
"Mukha kang Manika. Pero iyong tunay mong pangalan ang gusto kong malaman."
"Manika Servantino po. 20 years old na po ako," napatango-tango naman ito.
"Manika... gano'n talaga ang ipinangalan sa 'yo 'no. Sa bundok ka lumaki? Ang ganda ng balak mo ha," siniluman niya akong sabunin.
"Hindi po hinayaan ni ina na magbilad ako sa araw at gumagamit siya ng mga pampaganda ng balat."
"Ano 'yon? Para ka bang prinsesa roon?" umiling naman ako rito.
"Hindi naman po, Ate Aira. Ate, ano po bang balak ng gobernador sa akin? Kung kukuha po siya ng impormasyon sa akin tungkol sa rebeldeng grupo ay wala naman po siyang mapapala sa akin. Kung nais po niyang malaman kung nasaan ang Kuta namin... wala po akong maitutulong dahil unang pagkakataon pa lang na baba ko ito ng bundok. Bobo po ako sa lokasyon kaya hindi ko maituturo kung saan banda o kung nasaan ang daan."
"Ramdam kong mabait ka, Manika. Madalas talagang nalalagay tayo sa sitwasyon ganito kahit ayaw natin," tumango ako rito. "Sa ginawa mong pagpigil ay maraming tao ang nailigtas mo no'ng araw na iyon, Manika. Isa ang nanay ko roon. Pero hindi alam nila nanay na narito ka. Bawal naming ipagsabi na hawak ka ng gobernador. Wala kaming idea kung anong plano niya sa 'yo. Pero sabi'y mananatili ka lang talaga rito."
"Ate Aira, natatakot po ako," mahinang ani ko. "Hindi ko po alam ang mundo rito sa ibaba. Marami po akong hindi alam." Nakita nitong naluluha ako kaya itinutok niya sa akin ang tubig. Pero agad ding inalis at napahagikhik.
"Manika, huwag kang matakot. Habang narito ka ay pwede kang magtiwala sa akin. Ako muna ang Ate Aira mo rito."
"Ate Aira, may pagkain ba kayo rito? Nagugutom na po ako," agad naman itong tumango.
"Aba'y marami. Pagkatapos mong maligo ay kukuhanan kita ng pagkain."
"Ate, salamat po." Ngumiti ito sa akin.
Nang natapos niya akong paliguan ay amoy na amoy ko kung gaano ako kabango.
"Manika, sasabihin ko sa gobernador na ako na mismo ang mag-aasikaso sa 'yo. Kay Ate Aira ay pwede kang maghubad dahil safe ka sa akin. Pero kapag sa iba ay huwag na huwag ha," bilin nito.
"Kay ina po ay pwede---"
"Siya ang nagpapaligo sa 'yo?" tumango naman ako.
"Para raw po makatiyak ako na tama ang paglinis ko ng katawan ko," napatango-tango ito. Kinuha nito ang pamalit. Terno iyon na kulay pink.
"Hala! Paborito ko po ang pink na kulay. Ang ganda po nito."
"Magbihis ka na. Pupunta muna ako ng kusina para kuhaan ka ng pagkain. Iyon ang suklay. Suklayan mo ang buhok mo."
Nang lumabas ito ay agad naman akong tumalima. Pagkatapos kong nagbihis ay magsuklay rin ako gaya ng bilin ni Ate Aira. Pagkatapos ay lumabas na ako ng banyo. Agad kong napansin ang bagong sapin. Pinalitan na. Siguro'y dahil madusing ako kanina no'ng humiga roon. Ayaw siguro nilang madumihan iyon.
Imbes na pumwesto roon ay lumakad na lang ako patungo sa magandang upuan. Pag-upo ko roon ay agad ding napangiti. Sobrang lambot no'n. Naibigan ng pwet ko.
"Manika?" tawag ni Ate Susan. Bumukas ang pinto at ngumiti ito sa akin.
"Ate?" ani ko.
"Sa baba ka raw kakain."
"Wala po bang plato?" takang tanong ko. "Sa bundok po ay may dahon ng saging kami at plato. Dito po wala? Bakit po ba sa baba kakain?" saka ako tumingin sa sahig. "Sabagay maganda naman po ang baba ninyo rito. Punasan na lang po nating mabuti ang sahig."
"Tangik!" ang lakas nang tawa nito. Takang tinitigan ko naman ito.
"Baba as in sa unang palapag ng mansion na ito. Hindi baba na lapag. Gets mo?"
"Gets?" ani ko naman.
"Naintindihan mo?" iyon pala iyon kaya agad akong tumango.
"Naintindihan ko po, ate. Sige po. Buti na lang po pala. Akala ko po wala kayong plato."
"Ang cute mo, Manika. Halika na."
Sumama ako rito sa pagbaba.
Pagdating sa unang palapag ay lumiko kami at binaybay ang isang daan. Tumambad sa akin ang mahabang mesa at maraming upuan. Naroon na nakaupo si Governor Claude.
"Hala!" galak na lumapit ako sa mesa. "Napakaraming pagkain. Totoo ba ang mga ito?" todo tango naman si Ate Aira.
Nang naalala ko ang lalaki ay agad akong huminto sa pagmamasid.
"Hello, Gov. Kal! Ang dami mong pagkain... baka naman?" humila ng upuan si Ate Aira.
"Upo ka rito, Manika." Agad naman akong humila rin ng isa pa.
"Dito ka, ate," yaya ko saka ako umupo sa hinila nito. Agad naman itong umiling.
"Ikaw lang," ani nito. Kaya naman sumunod na ako.
Nang tignan ko si Governor Claude ay seryoso ang expression ng mukha nito.
Ngumiti ako rito pero bigla lang nitong hinampas ang mesa. Napaiktad ako.
"Bakit nakukuha mo pa ring magsaya pagkatapos n'yong patayin ang napakaraming mamamayan ng San Gabriel? Nakukuha mo pang ngumiti?" gigil na tanong nito sa akin. Sumimangot ako. Ayaw nito nang nakangiti.