Chapter Twelve
"Napapagod na ako maglakad," reklamo ko. Huminto kami sa isang imbakan ng tubig. Parang lawa ito.
"Swimming pool iyan, Manika. Pwede kang maligo d'yan."
"Hala! Ang ganda, Ate Aira. Pwede po akong maligo?" tuwang tanong ko rito.
"Kaliligo mo lang, Manika. Pwede naman upo ka lang sa gilid. Malalim din kasi iyan. Hindi ako marunong lumangoy at ewan ko kung marunong ka. Dito lang tayo sa gilid."
Hinubad ko ang sapin sa paa bago naupo sa gilid ng swimming pool.
"Ang galing naman nito."
"Ganyan talaga, Manika, kapag mayaman. May swimming pool."
"Pera ng gobyerno---"
"Bakit ba ganyan ang iniisip mo? Mayaman ang gobernador. Isa siyang Dela Marco. Bilyonaryo nga iyan si gov. Kahit hindi na siya pumasok sa politics ay mayaman pa rin siya. Tumutulong lang siya sa mga mamamayan. Simula no'ng naupo siya sa pwesto ay lumago ang San Gabriel."
"Pero hindi po iyan ang alam namin," agad din akong huminto sa pagsasalita nang naalala na hindi ako pwedeng magkwento dahil baka magamit iyon sa grupo. Paano kung naroon si ina? Paano kung nakabalik na sila ni Selsa sa bundok at malaman ni Governor ang lokasyon nila? Mapapahamak sila ina. Kailangan ko rin silang isipin.
"Anong alam ninyo? Siguro iniisip n'yo na katulad si Governor ng mga politikong polpol 'no? Hoy! Mabait iyan si gov. Naaasahan ng mga tao iyan. Walang lumalapit kay gov na umuuwing sawi." Ngumiti ako. Hindi pa rin kumbinsido lalo't matagal na naitanim sa utak ko na masama sila. Mahirap namang maniwala agad. Baka sabi-sabi lang tapos mabigo lang ako.
"Kung talagang mabait si gov... pakakawalan kaya niya ako?" agad umiling ang babae.
"Malabo iyon, Manika. Huwag ka talagang umasa kasi mabibigo ka talaga. Hanggat hindi nahahanap ang kuta ng mga rebelde ay hindi ka makakaalis dito. Kung makakaalis ka man ay tiyak kong sa kulungan ang bagsak mo. Doon ay pahihirapan ka ng bongga." Natakot naman ako. Umiling pa ako.
"Nakakatakot iyon, Ate Aira. Ayaw ko no'n." Hinawakan nito ang kamay ko.
"Kaya magpakabait ka, Manika. Kung hindi ay baka patayin ka ni Gov o kaya ay dalhin ka n'ya sa kulungan," hinawi ko ang kamay nito.
"Tignan mo, Ate Aira. Masama pala siya. Papatayin niya ako? Hindi talaga ako naniniwala na mabuti siya," pagtatakpan nila ang gobernador nila pero sa kanilang mga bibig din lumalabas ang totoo.
"Hala! Sinabi ko lang iyon pero... bahala ka nga. Pairalin mo ang kulit mo at tigas ng ulo mo. Ewan ko talaga kung saan ka pupulutin." Tumayo si Ate Aira. "D'yan ka lang. Ikukuha kita ng juice."
Dali-dali itong umalis. Nanatili namang nakababad ang paa ko sa tubig na may kalamigan. Tiyak kong lagpas sa akin ang lalim ng pool na ito. Malinaw ang tubig pero nang sumalok ako gamit ang palad ko ay napansin ko na may ibang amoy ang tubig na iyon. Hindi siguro pwedeng inumin.
Habang payapa ang utak ko sa katahimikan nang paligid ay nakarinig ako ng tahol ng aso. Parang galit na galit at papalapit sa akin. Paglingon ko ay mabilis nang tumatakbo palapit sa akin. Sa gulat ko ay napaatras ako. Hindi na naisip na tubig ang babagsakan ko. Nang nahulog ako sa pool ay agad akong kong sinubukan na iangat ang sarili ko. Pero malalim ang pool at hindi ko makuhang iangat ang sarili.
Nabahala ako. Kinampay-kampay ko ang paa ko pero hindi man lang ako maiangat.
"Manika! Manika!" may tinig pa akong naririnig. Pero marami na akong nainom na tubig. Ubos na ang hangin at wala ng lakas para iangat pa ang sarili.
Bago pa tuluyang mawalan ng malay ay may tumalon na sa pool at nakita ko pa ang paglapit sa akin bago ako tuluyang pumikit.
May malay pa ako kaya naramdaman ko ang pag-angat ko. Agad akong inihit ng ubo. Namalayan ko na lang na nakahiga na ako sa lapag. Maraming tubig ang inilabas ko sa bibig ko. May marahang humagod sa likod ko. Tinatapik-tapik pa iyon.
"What the f**k happened, Aira?" dumagundong na tanong ng gobernador. Siya ang nagligtas sa akin. Basang-basa siya. Maganda pa naman ang pormal nito pero nabasa lang dahil sa pagligtas sa akin. Hawak pa ni Ate Aira ang juice na kinuha niya.
"Hindi ko po alam, Gov! Kumuha lang ako ng juice ni Manika. Pagbalik ko nalulunod na siya kaya napasigaw ako," paliwanag nito.
"I-yong a-so," hirap na sagot ko. "A-atakhin sana ako ng aso kaya nahulog ako sa pool," muli akong inihit ng ubo. Nanghihina pa kaya kailangan ng alalay.
"Si Macky? Where's Macky? Susan, sinabi kong bantayan mo ang aso ng pinsan ko. Nasaan ang aso ngayon?" nanlaki ang mata ni Ate Susan.
"Si Macky? Naku si Macky!" bulalas nito na para bang saka lang nito naalala ang aso. Dali-dali itong umalis. Mukhang hahanapin yata nito.
Napaiyak ako. "Gov. Kal, akala ko'y katapusan ko na!" sabay yakap sa lalaki na halatang nagulat. Niyakap ko lang naman siya. Wala naman akong masamang intensyon. Kaso hinawi niya ako at bahagyang itinulak.
"Damn it!" galit na ani ng lalaki.
"Ate," tawag ko kay Ate Aira na dali-daling lumapit sa akin para alalayan ako sa pagtayo. "Anong ibig sabihin no'ng sinabi ni gov?"
"Damn it?" ulit ni Ate Aira kaya tumango ako.
"Damit daw, be. Baka kaya n'ya nasabi iyon kasi nabasa na ang damit niya." Ah! Iyon pala. Pero bakit kailangan n'yang sabihin iyon ng pagalit? Hindi n'ya ba kayang kumalma?
"Halika na sa loob. Baka lamigin ka't magkasakit. Huwag ka na rin munang magpakita kay gov. Balita ko'y mainit ang ulo niya. Mukhang stress na stress sa capitol. Kaya iiwan muna tayo sa kanila." Tumango ako. Alam kong pag-iwas ang tamang gawin para hindi makasalubong ang init ng ulo ni gov. Nang humakbang kami ay bumigay rin ang tuhod ko at napaluhod.
"Hoy, be! Maaga pa. Huwag ka munang mamatay." Pero unti-unti nang dumilim ang paligid ko.
--
Nang nagising ako ay nasa kama na ako. Iba ang suot at si Ate Aira ang bantay.
"Ate?" tawag ko rito.
"Manika, buti naman gising ka na! Akala ko naman mamamatay ka na. Kinabahan talaga ako sa 'yo, be! Grabe ka sa akin."
"Ano pong nangyari?"
"Nawalan ka ng malay, be. Akala ko nga'y katapusan mo na. Buti na lang at hindi ka pa kinuha ni Lord. Sa ganda mong iyan ay sayang naman kung ang unang lalaking ma-meet mo ay si Lord."
"Ate Aira, masakit po ang ulo ko," mahinang ani ko dahil tuloy-tuloy ito sa pagsasalita.
Hindi pa man ako nakakabangon ay nawalan na naman ako ng malay.
Nang muli akong nagising ay mag-isa na lang ako. Nanghihina pero mas lamang ang gutom. Tumayo ako at dahan-dahan lumapit sa pinto.
Nang buksan ko iyon ay agad namang bumukas. Hindi na nila ikinandado pa. May kadiliman sa labas pero mas didilim ang paningin ko kung hindi ako kakain. Gutom na gutom na talaga ako.
Bumaba ako. Nakarating ako sa dining room. Nilagpasan ko iyon hanggang sa nakarating ako ng kusina.
Bumungad ang malaking kusina. Hindi ako pamilyar sa mga bagay na naroon. Lumakad ako patungo sa isang pinto. Ito lang yata ang pamilyar dahil may pagkakahawig sa ref ni Manang Malena.
Pagbukas ko no'n ay tumambad ang maraming gulat, prutas, at kung ano-ano pa.
"What are you doing?"
"Ahhhh!" gulat na bulalas ko. Takot na lumingon ako sa nagsalita. Madilim. "Multo!" akmang tatakbo ako nang nakapikit pero agad na may pumigil sa akin. Sabay takip sa bibig ko kaya naman hindi na ako nakasigaw pa.
Sa bundok wala namang multo pero rito sa malaking bahay na ito ay mayroon. Diyos ko po!
"Stop! Stop, Manika!" kilala pa ako ng multo. Hinila ako ng multo saka ito may pinindot sa gilid. Saka lumiwanag ang paligid. Nang lingunin ko ang multo... si Governor Claude pala.
"Gov. Kal?" bulalas ko sa lalaki na salubong na salubong na ang kilay.
"Sino pa ba, Manika?"
"Huhu! Akala ko multo," sabay yakap dito. Nakahinga ako nang maluwag na tao naman pala. Akala ko kasi'y may multo na. Inalis nito ang pagkakayakap ko rito kaya napaatras ako.
"What are you doing there, Manika?" asik nito. Tinitigan ko lang siya. Napabuntonghininga ang lalaki. "Anong ginagawa mo sa harap ng ref?" iyon pala iyon.
"Naghahanap ng pagkain. Nagugutom na kasi ako, Gov. Kal." Agad akong lumuhod. Sa bundok ay may parusa kapag mahuling nakikialam sa kusina ang mga kasama namin. Isang paglabag iyon dahil nakalaan para sa lahat ang pondo roon. Hindi pwedeng may lalamang. "Patawad, Gov! Huwag mo po akong parusahan. Gutom lang po ako. Hindi ko na po uulitin." Iyon ang palaging naririnig ko sa mga kasamahan namin. Pinarurusahan din sila at hindi simpleng parusa iyon.
"Stop it. Stand up." Lumapit pa ito at pinilit akong tumayo.
"Gov. Kal, gutom na ako!" nanulis ang ngusong ani ko. Baka maawa siya.
"Sit," napakurap-kurap ako kaya hinila ako nito patungo sa upuan. "Ang sabi ko'y maupo ka." Ah! Sit pala ang english no'ng.
Nagsimula itong maglabas ng pagkain sa ref. Ipinasok niya sa isang pakahong appliances.
"Gov. Kal, ano iyan?" itinuro nito ang tinititigan ko.
"Microwave," tugon nito.
"Microwave," ulit ko.
"Dito pinaiinit ang pagkain."
"Wow! Ang galing naman n'yan, Gov Kal! Pero bakit hindi mo na lang ilagay sa ulo mo ang mga pagkain?" maayos naman ang tanong ko.
"What? Anong sinasabi mo?"
"Mainit din naman palagi ang ulo mo, Gov. D'yan mo na lang ipainit ang pagkain. Makakatipid ka pa."
"Shut your f*****g mouth, woman!" saktong pasok ni Ate Aira. Nag-walkout naman ang gobernador.
"Ate Aira!" hindi pa man ako nagtatanong ay nagsalita na ito.
"Isara mo ang kantutang bibig mo, Manika. Iyon ang sabi ni gov. Alam ko namang itatanong mo. Sakto pala ang dating ko. Kailangan mo ng translator."
"Po? Hindi ko po maintindihan ang sinabi ni gov. Hindi po ba siya marunong bumuo ng pangungusap na maiintindihan?"
"Baka bobo rin, Manika."