15. Layas

1492 Words
Chapter Fifteen "Manika, kain na raw," balita ni Ate Aira sa akin. Kanina pa kami tapos manood at sumayaw. Nakahilata na lang ako rito dahil wala namang magawa. Agad akong bumangon. Saka nagsuot ng tsinelas at sumama rito. "Ate, kalmado na ba si Governor? Pwede ko na kaya siyang pakiusapang ihatid ako sa capitol?" nakakapit ako sa braso nito. Pababa na kami ng hagdan. "Kalmado siya ngayon pero hindi ko lang alam kung mapapakiusapan mo siya." Pagdating sa dining room ay naroon na ang lalaki. Naghihintay. Ipinaghila ako ni Ate Aira ng upuan at saka ako naupo. Pasimple kong nilingon si Governor. Nang nagawi ang tingin nito sa akin ay agad akong ngumiti rito. "May sasabihin ka?" namilog ang mata ko. "Maghuhula ka, Gov. Kal? Ang angas! Paano mo nalaman na may sasabihin nga ako? Sige nga! Ano sa tingin mo ang sasabihin ko?" tuloy-tuloy na salita ko. Agad namang sumeryoso ang kanina'y kalmadong ekspresyon ng mukha nito. "Enough!" asik nito. "Enough?" "Huminto ka sa pagsasalita dahil baka matahi ko na iyang bunganga mo." Agad ko namang naitikom ang bibig ko. Pero ngumiti rin ako. Ayaw ko namang matahi ang bibig ko. Paano na lang ako kakain at magsasalita? Paano ko pa masisipilyo ang bibig ko? "Gov---" "Speak... sabihin mo ang kailangan mo." "Governor Kalbo, pwede mo na ba akong ibalik sa kapitolyo. Hindi naman dito ang bahay ko. Baka hinahanap na ako nila nanay," nakikiusap ang tinig ko. Baka sakaling maawa ito sa akin. "Sa tingin mo ay nasa kapitolyo pa ang nanay mo? Ang tatay mo rin ba?" umiling naman ako rito. "Hindi ko alam, Gov. Kal. Pero pwede kong tignan para makasama ko na si ina." "Perfect! Pwede kitang ihatid... pwede mo rin akong ipakilala sa 'yong ina." Pero kahit mabait niyang sinabi iyon ay agad akong nakaramdam ng duda. "Uy! Huhulihin mo sila 'no? Naku! Hindi pwede iyan---" "Ayaw mo bang magbayad ang grupo ninyo sa kasalanang ginawa ninyo?" "Governor Claude, pamilya ko sila at hindi ko sila magagawang traydorin. Hindi ko ituturo sa 'yo... at kahit gustuhin ko man ay hindi ko nga alam kung nasaan sila. Bakit ba paulit-ulit na lang tayo?" Ipinatong ng gobernador ang siko niya sa mesa at nangalumbaba siya. "Dahil bilang governor ng San Gabriel ay responsibility ko na mapanagot ang mga taong nanakit sa mamamayang nasasakupan ko. Oras na lumabas ka ng bahay ko... kamatayan ang naghihintay sa 'yo. Ikaw ang mukha ng rebeldeng grupo. Ikaw ang kilala nila. Ikaw ang hinahanap nila." Nakakatakot naman ang sinasabi ni Governor Claude. Paano nga kung ako talaga tapos paglabas ko'y makita nila ako? Kakatayin nila ako? Papatayin nila? Diyos ko po! "Bakit ako? Sa tingin mo ba'y gusto ko iyon? Hindi naman ah! Pinigilan ko nga 'di ba? Sinubukan ni ina na tawagan kayo para balaan pero nahuli na ang lahat." Naluha agad ako. Iniangat naman ng kalbong gobernador ang baba ko gamit ang isang daliri niya. "Sa tingin mo ba'y magagamit mo ang mga luhang iyan para magbago ang isip ko laban sa 'yo at sa mga kasama mo? Mali ka, Manika. Wala akong pakialam kahit kumuha ka pa ng dugo. Gagamitin kita laban sa kanila. Anak ka ng leader? P'wes, gagamitin kita. Ikaw ang magdadala sa akin sa kampo ninyo." Hindi talaga ako dapat manatili rito. Kailangan kong kumilos. Kung malayo man ang lalakarin ko ay kailangan kong magtiis. Hindi porke maganda ang bahay na ito ay mananatili na lang ako rito. Hindi ako tiyak kung nakabalik si ina sa bundok. Kailangan ko siyang hanapin. Malamang hindi rin iyong umakyat ng bundok o hindi rin nito itutuloy ang planong umalis ng San Gabriel na wala ako. Baka nasa kapitolyo pa ito at hinahanap ako. Tama. Tama. "Magsalita ka, Manika. Bigyan mo ako ng impormasyon na magagamit ko." Utos ng lalaki. Pero umiling ako. "Wala kang makukuhang impormasyon sa akin, Governor Kalbo. Kasi wala talaga akong alam." "Kailangan ba kitang pwersahin para makuha ko sa 'yo ang sagot?" gigil na ito. Tikom ang bibig ko. Ano nga kasi ang sasabihin ko 'di ba? Siyempre, wala! Kasi wala talaga. Napabuntonghininga ang lalaki. Mananawa rin ito. Paulit-ulit lang din kasi ang sinasabi. Nanananawa na nga ang tenga ko eh. Hindi pa man kami nagsimulang kumain ay umalis na ang gobernador. Ako na lang ang kumain. Habang kumakain nga'y iniisip ko na ang dapat kong gawin. "Ate Aira," pabulong na ani ko. "Bakit, Manika?" "Pwede mo ba akong balutan ng pagkain?" luminga-linga ito. "Balak mo bang tumakas, be? Gusto mo ng baon? Pwede naman kitang handaan ng baon." "Hindi mo ako isusumbong, ate?" pahina nang pahina ang boses namin nito. "Support kita d'yan, be. Ipaghahanda kita ng baon. Wala naman akong pake kung tumakas ka o mag-stay ka rito. Desisyon mo iyan." "Salamat po, ate." Kumindat lang si Ate Aira. "Ubusin mo na iyan. Mamayang gabi ka tumakas kasi aalis si governor. Hahandaan kita ng baon." Pagkatapos kong kumain ay pumanhik agad ako pabalik sa kwarto. Magpapahinga ako para may lakas ang mga paa ko mamaya. Pagsapit ng gabi ay handang-handa na ako. Pink na pajama, pink na t-shirt, inayos ko rin ang buhok. Pinalamutian ko iyon ng makukulay na ipit. Saka ako bumaba sa kusina. "Ate Aira?" tawag ko rito. Sumenyas agad ito na huwag akong maingay. "Ito na iyong baon mo, Manika," pero natigilan ang babae at pinagmasdan ang ayos ko. "Taray naman nang tatakas. All pink. Push mo iyan, be! Palag-palag na iyan. Mag-iingat ka ha. Kung mapagod ka ay bumalik ka na lang dito at paglulutuan kita ng masarap na pagkain." Nakaramdam ako ng duda. "Ate, talaga bang okay lang sa 'yo? Baka naman sinumbong mo na ako? Tapos nag-aabang na pala sila sa labas---" "Negative, Manika. Busy si governor. Dala niya ang mga tauhan niya. Kaya tumakas ka na habang may oras pa." Mas lalo ko siyang tinitigan. Hindi pa rin ako naniniwala. "Totoo ba iyang sinabi mo, Ate Aira?" ngumisi ito. "Totoo nga. Ang kulit mo naman. Gets ko si governor kung bakit nakukulitan siya sa 'yo. Sige na, lumakad ka na." "Hindi!" agad na ani ko sabay hawak sa kamay niya. "Samahan mo na lang ako, Ate Aira. Kung talagang nagsasabi ka ng totoo ay sasama ka sa akin." "Ha?" parang hindi agad nito naunawaan ang sinabi ko. "Nagsasabi ka ba talaga ng totoo?" "Hindi ako sasama---" "Ibig sabihin nagsisinungaling ka?" nalungkot na tanong ko. "Aba'y hindi ako nagsisisinungaling. Kaya kong patunayan iyan. Sasamahan kita. Sige. D'yan ka lang. Dadagdagan ko ang baon natin." Sampung minuto rin akong naghintay bago ito bumalik at halata ngang para sa dalawang tao na ang pagkain. Nang lumakad kami palabas ay pansin ko ngang walang tao. Walang bantay. Kaya naman tuloy-tuloy na kaming lumakad. Para lang kaming namamasyal nito. Kaya naman siguro ni Ate Aira na lumakad ng malayo 'di ba? Malayo na ang narating namin pero pakiramdam ko'y wala pa kami sa kalahati. Nananakit na ang paa ko. Sobrang dilim na. Ang tanging ilaw namin ay iyong flashlight ni Ate Aira sa lighter niya. Parang wala rin namang naitutulong. Iyong buwan na Lang talaga ang aasahan. "Pagod na ako," himutok ni Ate Aira. "Bakit naman kasi nandito ako't sinusuportahan ka sa kalokohan mo?" yumakap ako sa braso nito. "Kasi love mo ako, Ate Aira?" "Love! Ulol ka, Manika. Hindi ako pumapatol sa kapwa ko babae." "Huh?" tagalog iyong sinabi ko pero mukhang hindi nito naintindihan. Mas lalo kaming nakalayo. "Pahinga! Pahinga na tayo," lumupasay na si Ate Aira dahil sa matinding pagod. Umupo na rin ako. Pawis na pawis na ako. Pati na rin ang singit ko. Masakit na ang paa. Binuksan na ni Ate Aira ang baon namin at tahimik kaming kumain. Nang nakapagpahinga na ay muli kaming naglakad. "Pagod na pagod na ako! Hayop!" bulalas ng ginang. "Hindi ko naman kailangan iyong 10k steps a night. Dinamay-damay mo pa talaga ako sa kalokohan mong ito." "Ate Aira, kailangan ko kasi talagang umalis. Kailangan kong hanapin si ina. Baka sobrang alalang-alala na siya. Hindi ako pwedeng manatili sa mansion. Marami ngang pagkain doon. Malambot ang higaan. Sagana. Pero hindi naman tama na manatili ako roon." "Manika, pwede naman kasing mangyari iyon. Pwede mong hanapin ang nanay mo sa tulong ni gov---" "Mapapahamak sila ina kung makikita sila ng gobernador. Hindi pwedeng mangyari iyon, Ate Aira. Pamilya ko sila. Mahal ko sila." Napabuntonghininga ang babae saka huminto sa paglalakad. "Manika, ang sakit na talaga ng paa ko---" "Lakad pa tayo, Ate Aira. Hindi tayo pwedeng huminto. Malayo pa ba ang lalakarin natin?" agad itong tumango. "Malayo pa, Manika. Gabing-gabi na. Magpahinga na muna tayo." "Ate, hindi pwede. Baka umuwi bigla si Governor at madaanan tayo rito. Hindi na ako babalik sa mansion niya. Please. Lakad pa tayo, ate." "Hays! Bakit ba ako sumamang maglayas? Anak ng tokwa naman!" "May anak po ang tokwa?" gulat na ani ko. Ngayon ko lang narinig iyon. "Expression lang iyon, be. Single ang tokwa." Siguro pagod na talaga si Ate Aira. Kung ano-ano nang sinasabi nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD