Chapter Three
"Ama, ito ang schedule sa magaganap na kapistahan. May parada, concert sa plaza, at contest. Tiyak na dudumugin ang San Gabriel. May mga turista rin panigurado. Kung aatake tayo ay tiyak na hindi lang San Gabriel ang mabubulabog. Pati na rin ang buong bansa." Napabuntonghininga ako sa topic ng mga ito. Naiisip ko ang mga maaapektuhan. Gusto ko silang pigilan at kontrahin pero wala talaga akong karapatan baka hindi pa matuwa si ama.
Iyong isa kong kababata na nagsalita at kinontra sila ay namatay dahil sa parusa nila. Paano kung parusahan din ako? Tiyak na Wala akong ligtas kahit anak pa ako nang pinuno. Malalim ang paniniwala ng mga ito na tama sila. Kaya kapag may kontra sa paniniwala nila ay parusa ang inaabot nila.
Hindi sila iyong katulad ng ibang pangkat na bayan talaga ang pinaglalaban. Ang pangkat na pinamumunuan ng aking ama ay hawak ng ilang malalaking tao.
Pero naniniwala pa rin sila ama na bayan talaga ang pinaglalaban nila.
"Ang mga armas ba'y handa na?" dinig kong tanong ng aming ama.
"Opo, ama. Handa na ang mga armas. Ang kasapi sa ibaba ay naihanda na ang lahat para sa atin. Kailangan nating makababa bago pa maghigpit ng seguridad ang San Gabriel para sa parating na kapistahan. Pati ang tutuluyan natin ay naihanda na rin. Hindi Tayo pwedeng bumaba sa araw ng kapistahan dahil tiyak na magiging mainit sa atin ang mata ng mga tao."
"Kailan tayo pwedeng bumaba?" tanong ni ama.
"Limang araw bago ang kapistahan ay dapat nakababa na tayong lahat," tugon ni Kuya Bok.
"Nais Ng iyong ina na isama sa pagbaba si Manika?" parang nais hingin ni ama ang opinion ni Kuya Bok.
"Isama natin siya sa pagbaba, ama. Pero sa ibang bahay natin siya patutuluyin kasama ni ina upang hindi siya maugnay sa atin sakaling may planong hindi sumang-ayon sa atin."
"Sige," narinig kong sagot ni ama. Napasinghap ako't agad napatingin kay ina na napangiti naman.
"Ina, makababa na ako sa kapatagan," excited na ani ko rito.
"Basta kailangan mag-ingat, Manika. Hindi tayo pwedeng magkamali ng kilos doon." Agad akong tumango bilang sagot dito. "Kailangan mong sumunod sa plano. Lahat ng mga bilin sa 'yo ay sundin mo. Naintindihan mo?" todo tango ako. Hindi pa man dumarating ang araw na pinakahihintay ko ay nae-excite na ako.
"Ina, pwede ba tayong mamasyal doon? Sabi ng mga kasapi ay maganda raw sa baba---" pinahinto ako ni nanay sa sinasabi ko.
"Huwag mong sabihin iyan, anak. Baka marinig ka ng iyong ama. Tiyak na hindi iyon matutuwa na pinupuri mo ang kapatagan," agad akong tumango.
"Patawad po, ina," pero kahit sinaway ay hindi pa rin nawala ang sayang naramdaman ko.
--
"Ito si Gobernador Claude Dela Marco. Maganda ang takbo ng San Gabriel simula no'ng siya ang namuno. Pero maraming nagsabi na may mga negosyo sa San Gabriel na ipinasara at halos siya na lang ang nagnegosyo. Sakim ang taong ito. Hindi patas. Tandaan n'yo ang mukhang ito. Malupit at ganid. Kailangan siyang mawala sa pwesto at nang nakapwesto ang bise gobernador."
"Mas makabubuti bang si vice ang maupo?" tanong ng isa.
"Oo. Nangako ang bise na aayusin niya ang problema ng San Gabriel lalo na ang mga may problema sa lupa. Wala tayong koneksiyon sa bise pero sa kanya ang suporta natin dahil makatao siya." Pare-parehong sumang-ayon ang mga kasapi.
Puspusan na ang pagplaplano at pagpupulong nila. Nalalapit na rin ang pagbaba namin.
Hindi lahat bababa. Ang mga bata at matatanda ay mananatili rito. Kaya ang ilang ginang ay hindi rin sasama para bantayan ang mga maiiwan. Ako... isasama ako. Isasama para makatiyak sila ama na hindi ako madadamay kung sakaling matunton ang kampo namin at lusubin.
"Kailangan mag-ingat. Huwag na huwag ninyong kalimutan ito. Oras na mahuli kayo... alam n'yo na dapat ang isasagot ninyo." Kailangan nilang itanggi na kasapi sila ng grupo.
"Tignan mo ang larawan ng gobernador, Manika," bulong ni Selsa sa akin. Kaedad ko lang ito at madalas kasa-kasama. Katabi ko ito sa pinakagilid. Nakikiumpok kami sa pagpupulong dahil nga isasama ako ni ama. Wala pang kaalam-alam si Selsa na bababa rin ako. Hindi pa pinaaalam ni ama sa pangkat. "Napakagwapo niya 'no?" pinagmasdan kong mabuti ang larawan.
"Nagwagwapuhan ka sa kalbo?" inosenteng tanong ko rito.
"Hoy! Hindi naman kalbong-kalbo. Semi-kalbo lang. Pero kahit pa. Baka nga kahit panot tapos ganyan pa rin ang itsura ay gwapo pa rin. Tignan mo. Kinikilig ako." Napahagikhik pa ito kaya ang ilan ay napatingin sa amin. Pasimple ko namang siniko si Selsa. Tiyak hindi matutuwa ang matatanda kapag malaman nilang kinikilig ang katabi sa lalaking kalaban ng pangkat.
Nang Wala na ang tingin sa amin ay pasimple kong sinenyasan si Selsa na umalis na muna.
Habang naglalakad kami ay daldal nang daldal ang kasama ko. Nakakapit pa ito sa braso ko at parang nananaginip ng ginang.
"Paano kaya kung bumaba ako sa bayan tapos makita ng gobernador ang dalagang katulad ko tapos magkagusto siya sa akin?" kilig na kilig talaga ito. "Tapos aasawahin niya ako... titira ako sa malaking bahay... hindi na magugutom," napahagikhik pa ito.
"Selsa, ayos ka lang ba?" tanong ko rito. "Nasa tamang takbo pa ba Ang iyong isip?" napabuga ito ng hangin.
"Ito naman. Nangangarap lang eh. Sa tingin mo ba'y gusto kong makapag-asawa rito sa bundok? Tsk. Mas gusto kong makapag-asawa sa baba, Manika. Gusto kong mamunhay ng normal. Walang kinabukasan dito. Hindi ko nga alam kung tunay ba ang pinaglalaban ng pangkat," nakakapagsalita ito ng gano'n dahil alam nitong hindi ko siya isusumbong.
"Selsa, bakit nga ba hindi ka pa bumaba?" patay na ang magulang ni Selsa dalawang taon na ang nakararaan. Namatay ang mga ito sa engkwentro.
"Eh 'di patay ako kay pinuno," tumawa pa ito.
"Bawal ba?" tanong ko.
"Hala! Bawal kaya, Manika. Kapag ginawa ko iyon ay iisipin nilang tumatalikod na ako sa grupo at tiyak kong kamatayan ang kahahantungan ko."
"Hindi naman siguro," ani ko rito.
"Anong hindi? Hindi ba't namatay ang mag-asawang Pusil at Jowan no'ng nakaraang buwan? Narinig ko ang ilang kasamahan natin. Ang sabi nila hindi talaga sundalo ang nakapatay sa kanila kung 'di ang ilan sa kasamahan natin. Binalak kasi nilang tumakas. Pinalabas lang na iba ang pumatay." Napahinto ako sa paglalakad. Hindi makapaniwala. Galit na galit pa naman ako no'n dahil sa pagkakaalam ko ay buntis si Jowan.
"Hindi talaga sila napatay sa engkwentro?" mahinang tanong ko.
"Hindi, Manika. Sila Hektor ang nakadali sa kanila." Napayuko ako. Nakaramdam ng labis na lungkot at galit.
Tama pa ba ang pinaglalaban nila? Kasi sa paningin ko't paniniwala ay hindi na.
"Selsa, gusto mo bang bumaba at manatili na sa kapatagan?" hinila ako ni Selsa at naupo kami sa malaking bato.
"Gusto ko, Manika. Gusto ko nga ring mag-aral sa baba. Matanda na ako pero hindi pa marunong magsulat at magbasa. Buti nga ikaw ay may alam. Two plus two nga'y ang alam kong sagot ay tubol."
"Paano kung may pag-asang makababa? Tatalikod ka na ba sa grupong ito?"
"Bababa ako, Manika. Tapos magtatago akong mabuti para hindi na mahanap ng pangkat. Sorry, Manika. Alam kong napakahalaga sa iyo ng pangkat na ito pero sa bayan ko nakikita ang katahimikan ko. Wala na ang aking ina at ama. Wala na akong dahilan para manatili rito." Inabot ko ang kamay niya saka bahagyang pinisil.
"Sasama ka sa pagbaba namin, Selsa," nanlaki ang mata nito.
"Ha? Bakit kasama ka ba?" tumango ako rito.
"Isasama ako ni ama at hihilingin ko sa kanya na isama ka rin. Pero kailangan mong galingan sa pagtago at paglayo kapag may pagkakataon ka nang umalis."
"M-anika?" naging emosyonal agad ito.
"Walang ibang pwedeng makaalam, Selsa. Naintindihan mo ba ako?" todo tango naman ito.
"Salamat, Manika," mahigpit niya akong niyakap. "Kailangan ko na ring makaalis dito dahil ayaw kong makasal kay Mang Julio."
"Ha? Sa matandang iyon? Ikakasal ka roon?" takang-taka na tanong ko.
"Kinausap na ako ni pinuno, Manika. Kailangan ko raw pakasalan si Mang Julio para ako na ang magsisilbi sa kanya. Ayaw ko, Manika."
Kulto. Parang kulto talaga ang samahan na ito. May sariling seremonya ng kasal, may sariling paniniwala, at may sariling batas. Umaayon lang naman sa may mga pwesto sa pangkat ang mga batas nila. Kawawa ang ibang miyembro tulad ni Selsa na kailangan sumang-ayon sa mga sasabihin ng mga leader ng pangkat. "Ang sabi ni pinuno ay pagkatapos ng misyon sa bayan ay gaganapin na ang kasal namin ni Mang Julio. Ayaw ko no'n, Manika."
"Hindi mangyayari iyon, Selsa. Hinding-hindi ako papayag. Magpakatatag ka. Aalis ka ng pangkat. Tutulungan kita."
Nang kumalma si Selsa dahil sa nangingibabaw niyang takot ay nagpaalam ako rito. Kakausapin ko si ina. Kailangan kong kumbinsihin ito na isama si Selsa sa pagbaba. Hindi ko alam kung papayag pero susubukan ko.