2. Kapatagan

1525 Words
Chapter Two "Baka naman kasi kailangan na nating ipakasal si Manika sa isa sa mga binata rito sa pangkat para hindi na maulit pa ito. Kapag asawa na siya sa isa sa atin dito ay wala nang magtatangka sa kanya," nasa umpukan na naman ang mga leader ng pangkat. Ako ang laman ng kanilang usapan habang kami ni ina ay nakaupo sa papag at maingat nitong sinusuklayan ang buhok ko. "Bata pa si Manika para sa kasal---" pinutol ng isang opisyal ang sinasabi ng aking ama. "Mas bata pa ang ilan dito ng ikasal sa kanilang mga kapareha. Ikaw pa ang nagkasal sa kanila, pinuno. Ngayon ay bakit nababataan ka pa sa edad ni Manika?" tanong ng isa. Matalim ang naging titig ni ama sa ginang. Kahit ako'y natakot sa titig na iyon ni ama. Nakakatakot kaya kapag galit ito. "Wala pa akong nakikitang tamang lalaki para sa Manika ko. Wala pang matapang na lalaki na nararapat sa kanya. Anak siya ng pinuno at hindi pwedeng mababang uri ang makaisang dibdib niya," si ina ay napatango-tango sa sinabi ni ama. Halatang sang-ayon ito. Ayaw ko pang mag-asawa. Para sa akin ay bata pa ako at marami pang pangarap sa buhay. Pangarap ko pa ngang makababa ng bundok at maranasan ang buhay sa kapatagan. Pero hanggang pangarap lang iyon dahil ang buhay namin ay narito. Dito lang kami. Hanggat narito sa bundok si ama at namumuno sa pangkat na ito ay kailangan naming manatili rito. Dito na ako ipinanganak at dito na rin namulat. Pero iyong pangarap kong buhay sa kapatagan ay nasa puso ko pa rin. "Iyong mga parating na mga tao sa kabilang pangkat ay may mga matitikas na binata roon. Mamili ka na roon, pinuno. Para na rin makapag-asawa na itong si Manika. Napakaganda pa naman. Kung wala kaming mapili ay sa amin ka na mamili. Pwede namang dalawa o tatlo ang asawahin namin," nagtawanan ang mga ito. Sila lang ang natawa. Si ama ay hindi natuwa sa biro. Dinampot nito ang baril at kinasa iyon. Itinutok niya sa kasamang agad napalis ang saya sa mukha. "Pagdating kay Manika ay hindi kayo pwedeng magbiro ng ganyan. Gusto n'yo bang mamatay?" hiyaw nito. Natahimik ang lahat. "Pasensya na, pinuno. Hindi na mauulit," at iyong taong nagbiro ng gano'n ay siya lang din ang naglakas ng loob na humingi ng pasensya kay ama. "Pagdating kay Manika ay huwag na huwag n'yo akong bibiruin. Ginagawa ko ang lahat ng ito dahil sa mga anak ko... dahil kay Manika." Napangiti ako sa sinabi ni ama. Lumapit ako rito at naglalambing na yumakap. Saka ko iginiya pababa ang baril nito. "Ama, huwag ka nang magalit. Ayaw ko pa pong mag-asawa. Bata pa po ako." "Hindi ka mag-aasawa hanggat hindi ka handa," agad akong tumango rito. Nang tawagin ako ni ina na bumalik sa papag ay bumalik din naman agad ako. "Ina, nasaan si Kuya?" bigla kong naalala iyon. Mula kaninang umaga'y hindi ko pa nakita ang kuya ko. Kaya nagtataka ako. "Bumaba sila para salubungin ang mga magdadala ng supply rito sa atin. Mamayang hapon pa sila makakabalik." "Hindi niya ako isinama, ina," nanulis ang ngusong ani ko. "Manika, alam mo namang hindi pwede. Mapanganib. Palagi naman naming sinasabi sa 'yo iyon." Mahinang ani ng aking ina. "Pero ina ano ba ang itsura sa kapatagan? Bukod sa mga larawan na ipinapakita n'yo sa akin ay wala na akong idea sa mundong mayroon sa ibaba. Gusto ko rin pong masilayan ang kapatagan, ina." "Anak, tama na. Baka marinig ka ng iyong ama at kagalitan ka pa niya. Gusto mo ba iyon?" agad naman akong umiling. "Hindi po, ina. Patawad po," malungkot akong napabuntonghininga. Dito sa kabundukan na ito umikot ang mundo ko. Palipat-lipat lang ng pwesto pero bundok pa rin. Pagkatapos ayusin ang buhok ko ay hinayaan na niya akong maglakad-lakad "Hello, Manika!" bati ng mga ginang na abala sa pagluluto. Ilang ginang sa samahan ang naghahanda ng pagkain ng lahat. Mina-manage nila iyon para maging sapat sa aming mga narito. "Ito talagang si Manika ay napakaganda," palagi kong naririnig iyon. Hindi ako katangkaran. 5'4 lang ang height. Nasa tamang pwesto naman ang mga laman-lamam sa aking katawan. Malusog ang dibdib at pang-upo. Manipis naman ang bewang. Natural ang kaputian ko. Inaalagaan ni ina ang kutis ko. Para nga raw talaga akong Manika. "Gustong-gusto ito ng anak ko kaso hindi raw sila bagay ni Manika kaya hindi nanliligaw," napahagikhik ako sa sinabi ng ginang. Sa pagkakaalam ko'y bading ang anak nito. Hindi lang maamin ng anak nito ang totoo. Sa akin pa lang nasabi ni Borgus na bading siya. "Hindi nga sila bagay. Tignan mo naman si Manika parang diwata. Tapos si Borgus parang---" "Parang aso," sariling nanay na nito ang magdugtong. "Tangina kasi ng asawa ko. Mukhang aso. Wala man lang namana sa akin iyong anak ko," nagtawanan ang mga ito. Nagpatuloy naman ako sa paglalakad ko. Nakarating ako sa taniman. Abala ang ilang kababaihan doon. "Manika, mainit dito. Baka magalit ang iyong ina na narito ka," paalala ng isang ginang sa akin. "Ayos lang po, Nanang Ferry. Gusto ko lang pong maglakad-lakad," umupo na muna ako sa lilim ng punong mangga. "Ayos ka na ba, Manika?" tinabihan ako ng isang ginang. "Tiyak kong natakot ka sa ginawa ni Hektor." "Hindi ko na po tanda, Nanang Ferry. Alam n'yo naman po na sa tuwing natatakot ako ay nawawala ako sa sarili. Parang may ibang katauhan na pumapalit at siya na ang komokontrol sa katawan ko. Ilang beses nang nangyari. Kapag masyadong matindi ang emosyon ko ay gano'n lagi. Alam ko ang simula pero iyong wakas ng mga pangyayari ay hindi. Hindi namin alam kung bakit ganito ako. Wala namang doctor na makapagsabi kung ano ba ang problema sa katawan ko. Hindi ko pa nga naranasang i-check ng isang doctor. Iyong manggagamot lang dito sa pangkat. Ang pinakamagandang miyembro. "Sana'y hindi na maulit ang nangyari sa 'yo. Bakit ba ang lakas ng loob nilang gawan ka ng masama? Bakit nila ipinipilit ang sarili nila sa 'yo? Ipinaglalaban ng pangkat na ito ang karapatan nating lahat tapos sila mismo ay lalabag sa karapatan mo? Tsk. Tama lang na patay na sila. Manika, mahal na mahal ka namin. Ikaw ang prinsesa namin dito. Alam ko na matalino ka at maipagpapatuloy ang nasimulan ng ama mo. Kayong magkapatid ay tiyak kong magiging mahusay na pinuno pagdating ng araw na kayo na ang may hawak ng pangkat." Ngumiti ako. Wala akong maisagot. Hindi ko nakikita ang future ko na pinuno ng grupong ito. Gusto ko nang payapang buhay, gusto ko ligtas, gusto ko malaya. May pinaglalaban ang pangkat. May mga gusto akong itama sa kanilang gawi pero hindi ko pwedeng gawin. Anak lang ako. Wala akong karapatang bomoses lalo't ang pinuno ay ang ama kong si Mael. Hindi man ako nakapag-aral sa kapatagan ay tinuturuan naman ako ng aking ina. May mga libro kaming ginagamit sa pagbabasa. Marunong din akong sumulat dahil matiyaga ito sa akin magturo. May mga diyaryo ring inaakyat sa bundok. Binabasa ng pangkat ang mga balita sa kapatagan. Pinag-aaralan ang mga kaganapan at tinitignan kung may pwede silang gamitin laban sa gobyerno. Ang tagal ko sa taniman. Inabot na ng tanghalian kaya sabay-sabay na kaming naglakad para kumain. Pumila na ang mga ginang na kasama ko. Habang ako naman ay dumeretso sa Kubo dahil doon ay nakahanda na ang tanghalian para sa amin. "Ina," ani ko sa aking ina na naghihintay. "Saan ka galing? Ang init-init, anak. Dapat ay hindi ka nagpapainit. Sayang naman ang iyong kutis," ngumiti lang ako saka pumwesto na. Si ama ay naupo na rin sa kanyang pwesto at naghintay na pagsilbihan ni ina. Tahimik akong naglagay ng kanin sa plato ko. Gulay ang ulam. Si ama ay may ulam na pritong baboy. Nang napaghainan ito ni ina ay umupo na si ina sa pwesto niya. Hinati naman ni ama ang ulam niya at binigyan niya ako. "Salamat, ama!" tuwang ani ko. "Kumain ka, anak." Nagsimula kaming kumain. Tahimik lang ako dahil nag-uusap ang magulang ko. "Kailan ba tayo bababa ng kapatagan, Mael? Nade-delay ang mga plano natin. Baka mas maging mahirap na kung magtatagal pa ito." "Nag-usap na ang mga miyembro. Titignan sa kapistahan kung nararapat bang isagawa ng araw na iyon para maraming tao sa plaza," ani ni ama. "Gawin na natin." "Hintayin natin ang ulat ni Bok. Ang anak mo ang inutusan kong kumalap ng impormasyon sa nalalapit na kapistahan. Ang schedule ng mga kaganapan ay tiyak kong magagamit natin sa pagplaplano." Tuloy lang ako sa pagkain. Hindi kumikibo dahil seryoso ang pinag-uusapan nila. "Dapat nating isama si Manika sa pagbaba natin ng bundok, Mael---" agad binitiwan ni ama ang kutsara niya. Lumikha iyon nang ingay. "Hindi ka na naman nag-iisip, Lourdes?" "Makatitiyak tayo sa kaligtasan ni Manika kung isasama natin siya sa pagbaba at iiwan muna sa bahay ng isa sa kasapi. Oras na magkaengkwentro at ma-trace ang kampo natin sa tingin mo ba'y hindi nila tayo bobombahin dito? Mag-isip ka, Mael." Natahimik si ama saka tumingin sa akin. Inosenteng ngumiti ako rito. "Ama, susunod po ako sa utos at magiging desisyon ninyo." Pagkakataon ko na ba na makababa ng kapatagan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD