Naimbyerna yata si Sarah sa naging palitan namin ng salita kasi bigla na lang itong bumalik sa loob at kinuha ang mga bata. Gusto ko pa sanang makipagkwentuhan sa dalawang bata ngunit ayaw nitong iwanan sa hospital ang kanyang mga anak. Hindi na lang ako nagreklamo kasi mas mayroon siyang karapatan sa kanyang mga anak. Gising na si Samer nang pumasok ako at kaagad akong ngumiti sa kanya. “How are you feeling?” tinanong ko siya. “Medyo okey na kaya gusto ko na sanang lumabas,” sabi ng lalaki kahit na nahihirapan itong magsalita. Bawat pagngiwi ng mukha ni Samer, pakiramdam ko ay may masakit rin sa akin. “Gusto mo ng lumabas eh hindi ka pa okay,” sabi ko sa kanya. “Sa hotel na lang ako. May doctor naman ako doon,” paliwanag ni Samer.