Kasabay ng pag-unat-unat ni Haring araw, ang mahigit anim na raang kawal ay nagsimula nang maglakbay sakay ng kabayong pandigma. Bitbit ang bandera ng Kaharian ng Phorian, mahigpit nilang niyakap ang kanilang kaluluwa para sa mahabang landas na tatahakin.
Baon nila ang panalangin at tiwala ng lahing Acraemorian, hangad nilang masuklian ito ng karangalan at tagumpay sa kanilang pagbabalik.
"Wala nang atrasan ito, Prinsipe Derald," tanong ng magiting na pinuno ng Squadron na si Fernando. Binalingan siya ng tingin ng Prinsipe na kanina pa binabalot ng pagkasabik ang sistema.
"Hangad ko ang iyong patnubay simula ngayon hanggang wakas. Naua'y matagpuan mo akong karapat dapat bilang iyong mag-aaral," magalang nitong tugon.
Ninamnam ng lahat ang tahimik at maaliwalas na tanawin na sumasalubong sa kanila. Ilang oras pa ang nakalipas, ang payapang pulang karagatan na dumadaloy sa kanilang katawan ay nagsimulang mangalit, animo'y tinambayan ng bagyo.
"Ito na ang sandali na makakalabas tayo sa hangganan ng Phorian. Kung may nais na bumalik, ito na ang huling pagkakataon ninyo." Dumagundong ang boses ni Fernando. Ang araw na gumabay sa kanila simula kanina ay tila nakaramdam na rin ng panganib na papalapit at nagpasyang magtago sa alapaap.
Nagsimulang magdilim ang paligid, nagbabadyang sama ng panahon ay nagsimula nang magbigay ng senyales sa mga kawal ng Phorian.
"Hindi kami babalik! Pangako namin sa iyo at sa Hari ay tunay at hindi mababali!" matapang na sigaw ng isang kawal.
Napanatag ang loob ni Fernando at nang lahat noong marinig iyon. Sumunod na sumang-ayon ang isa hanggang sa nasundan, dalawa at ito'y nagpatuloy hanggang ang kanilang malakas na sigaw ay nakarating sa tarangkahan ng kalangitan.
"Kung gano'n, ihanda na ang inyong mga sarili dahil magpapatuloy na tayo!" bulalas ng kanilang pinuno.
Pinangunahan ni Fernando ang kanyang grupo. Nasa gilid nito si Pranses at ang kaliwang kamay nitong si Ricardo.
Nasa gitna si Prinsipe Derald, napapalibutan ng maraming kawal. Mabilis ang pagtakbo ng kanilang mga kabayo, wari'y nais na makalayo sa panganib na sumusunod sa kanila.
Ilang minuto lang ang nakalipas, nakapasok na sila nang tuluyan sa masukal na kagubatan kung saan naninirahan ang mga mapanganib na nilalang katulad ng Higante, mapaglarong Goblin, Orka at marami pang iba.
Sila ay mga sinaunang tagapangalaga ng kagubatan na itinalaga ni Mavena. Kaibigan sila ng apat na lahi at tunay na maaasahan pagdating sa pagkakawang gawa. Ngunit noong nahulog sa patibong ng pag-ibig si Mavena, ang lahat ay nagulo at nawala sa ayos. Hindi lang labis na panganib sa lahi ng Acraemorian ang naidulot ng mga mitilohikal na nilalang kung hindi pati na rin sa kapwa nila.
"Maging alisto ang lahat! Kapag may naramdaman kayong kakaiba ipagbigay alam kaagad!"
Mahihina ang mga hakbang ng mga kabayo ngunit ang dugo ng mga kawal ay hindi magkandaulayaw sa pagtakbo. Nag-aagaw na huni ng mga kuliglig at t***k ng kanilang puso ang namagitan sa katahimikan ng langit at lupa na siyang naging susi upang gumana ang kanilang ikaanim na pandama.
Habang iginagala nila ang kanilang mga mata, nakarinig sila ng matinis na huni, kasunod ang malakas na sigaw ng kawal sa likod.
Mabilis na rumespunda ang iba. Napuno ang paligid ng matitinis na huni ng batang Goblin. Mukhang minalas sila ngayon dahil natunugan ng mga ito ang panghihimasok nila sa kanilang tirahan, at ngayon nais nilang bigyan sila ng isang mainit na pagtanggap.
Inilabas nila ang kanilang bitbit na maliit na kagamitan at sinindihan ang pasong may lamang gas na binasbasan pa ng simbahan.
Dahan-dahang iwinagayway ng mga kawal ang kanilang hawak na sandata kasabay niyon ang pag-awit nila ng dasal kay Mavena.
Mukha namang narinig sila ng kanilang Panginoon at naitaboy nila nang tuluyan ang mga bubwit.
Naghalakhakan ang mga kawal, ipinagyabang ang kanilang katapangan sa maikling panahon. Noong maisipan nilang buwagin ang kanilang pormasyon kahit wala pang ibinababang utos ang kanilang Pinuno, nagsimulang mabasag ang kanilang mga tenga. Lumuhod ang lahat, humalik sa lupa ang dugong umaagos mula sa kanilang ilong.
"Protektahan ang Kamahalan!" malakas na sigaw ni Fernando. Siya ang kauna-unahang nilalang na bumunot ng kanyang sandata at tumakbo patungo sa unahan upang salubungin ang mga bubwit na Goblin. Sinundan naman siya agad ng kanyang mga kasamahan.
Habang sinasalubong nila nang buong tapang ang mga nakakatakot na kalaban, may ilan na bumagsak sa lupa at sumigaw ng kamatayan. Dahil sa matatalim at mahahabang kuko ng Goblin, sisiw lamang sa kanila ang balatan ng buhay ang kanilang biktima. Pinagpyestahan ng mga bubwit ang mga malas na nilalang. Hindi na rin tumalab ang kanilang ritwal pati na rin ang pagsindi ng apoy dahil ang mga magulang ng mga bubwit ay nakahanda sa ganoong taktika.
Hindi alam ni Derald ang kanyang gagawin. Habang nahahati ang kanyang paningin sa pagkamatay ng mga kasamahan niya at pakikipaglaban ng iba, ang takot ay nagsimulang kumapit sa kanyang kaluluwa.
Nanlaki ang kanyang mga mata, nanginig ang kanyang kalamnan. Mahigpit nitong hinawakan ang sandata sa kanyang kamay, naghihintay ng pagkakataon na mapansin siya ng bubwit at bigyan siya ng mabilis na pagbisita.
Noong makita niyang may ilang papunta na sa kanyang direksyon, ipinikit niya nang mariin ang kanyang mga mata. Pinakinggan nang maigi ang sigaw ng kanyang mga kasamahan, ang iyak nilang walang katapusan.
"Haaaaaa!" buong puso nitong sigaw. Mabigat ang kanyang sandatang dala ngunit mas mabigat ang pagnanasa nitong mabuhay.
Noong marinig niya ang pagkapunit ng katawan ng bubwit na nagtangkang sirain ang kanyang mukha, may kakaibang naramdaman si Derald. Ang munting apoy sa kanyang puso ay tila nabuhusan ng maraming gas noong tumama sa kanyang balat ang dugo ng maliit na halimaw.
Tumakbo siya paunahan, sinamahan ang mga nilalang na pumoprotekta sa kanya. Hindi siya papayag na maging pabigat, hindi ngayon, hindi kailanman. Nakipagsabayan siya sa pagpaslang, hindi siya nagpahuli pagdating sa pakikipag-agawan sa mga paslit na unti-unti nang nauubos.
Dumagundong ang kalangitan, ang mga mas malalaking Goblin ay umiyak nang malakas dahilan upang humalik sa lupa ang kanilang mga tuhod.
Hindi sila inintindi ng mga malalaking Goblin dahil mas inuna nilang ipuslit ang mga bubwit na napaslang ng mga kawal. Inakay nila ang mga anak nilang nagkalasog-lasog ang katawan at muling tumakbo pabalik sa kanilang tirahan dala-dala ang masamang balita sa naiwan nilang pamilya.
DERALD
"Ayos ka lang ba, Kamahalan?" tanong ni Fernando sa akin habang inaabot ang damit nito para ipunas sa aking katawan na may bahid ng dugo. Hindi ko tinanggap ang kanyang alok dahil hindi naman ako maarte katulad ng inaakala nila.
"Susunod na lang ako sa iba na naghugas ng katawan sa batis. Kayo ba?" tanong ko. "Dito lang ako, babantayan ko ang mga kabayo. Mag-iingat ka lang dahil baka may makuha kayong silintro, magkakaroon ka ng karamdaman sa balat kapag nadikitan ka noon," babala niya.
Tumango lang ako at mabilis na nagtungo doon sa batis sa bandang silangan. Nagkakasaya silang lahat noong madatnan ko ang ibang kawal. May iba na dineretso na ang paliligo, may iba naman na tamang chill lang sa gilid habang nagmamasid.
"Kamahalan! Ligo po tayo!" maligalig na alok ng isa. Pagkalapit ko, hinubad ko ang suot kong damit at binasa iyon. Ipinahid sa aking katawan na may bahid ng dugo saka nakisama na rin doon sa iilan na nagpapahinga sa malaking bato.
"Ilan ang nawala sa atin?" tanong ko sa kawalan noong makaupo na ako. Saglit na nanahimik 'yong aking kinausap, wari'y inalala ang masalimuot na nangyari kanina. Hindi ko naman intensyon na saktang muli ang kanyang loob, nais ko lang namang malaman kung ilan ang naiwang kaluluwa sa gubat na ito.
"Nasa sampu po, Kamahalan. Kumpara sa mga nauna naming laban, ito po ang pinakamaliit na bilang na nabawas sa amin," malungkot niyang sagot.
Idinantay ko ang kamay ko sa kanyang balikat. Matigas ang kanyang katawan dahil batak ito sa labanan. Ngumiti ako sa kanya, mapait ang mga iyon. Hindi ko alam kung tama ba na umiyak ako sa harap nila't magpakita ng simpatya, o mas makakabuti na kimkimin ko na lang iyon at umaktong matatag.
Ayaw kong maging pabigat sa kanila sa anumang aspeto. Kung noon, isa lamang akong happy-go-lucky na mag-aaral mula sa Japan, ngayon, isa akong Prinsipe na ginagawa ang lahat upang takasan ang kamatayan.
Ang pagkawala ng mga kawal ay palatandaan na kailangan kong maging malakas upang sa susunod, hindi na ito mangyayari pa.
"Kamahalan, wag po kayong mag-alala, sanay na po kami sa ganitong sitwasyon. Bago pa man po kami magdesisyon na sumama kay Fernando at maging kawal ni Haring Falkor, tinanggap na namin ang kapalarang naghihintay sa amin. Kamatayan man ito o tagumpay, maluwag namin iyong tinanggap sa aming mga puso. Ang katotohanan na kayo po ay nakakaramdam ng kalungkutan sa mga kasamahan nating nawala ay isang malaking biyaya. Obligasyon namin ang pagsilbihan ang inyong pamilya at ang buong lahi ng Ackraemor, kaya ang mga katulad naming karaniwang tao lamang ay hindi niyo dapat kaawaan. " mahaba nitong lintana.
"Wag mong sabihing isa lamang kayong karaniwang nilalang at hindi karapat-dapat na makatanggap sa kung anong nararamdaman ko. Bago pa man ako maging Prinsipe, isa na akong Ackraemor, isa akong normal na nilalang katulad ninyo. Wag niyo sanang isipin na ang nararamdaman ko ay saklaw ng aking pagiging maharlika, dahil hindi. Kung ako man ay nalulungkot, tumatawa, naiinis, o ano pa man, iyon ay dahil isa akong Ackraemor na lumalaban kasama ninyo."
Ang mga salitang iyon ay tila punyal na tumusok sa puso naming lahat. Hindi ko alam kung paano ko nasabi ang mga katagang iyon dahil kusa na lamang itong lumabas sa aking bibig. May mga naiyak sa aking tinuran, ang iba naman ay natuwa at namangha. Ang iba ay nilapitan ako't niyakap habang inilalabas ang kanilang malakas na palahaw.
"Sa inyong sinabi, Kamahalan naalala ko ang inyong Ina. Katulad ninyo, siya ay magaling sa pakikipagtalastasan at tunay na nakakamangha ang bawat salitang kanyang binibitiwan. Hindi ko lubos maisip na ang isang katulad mo ay laman ng masasamang balita sa maliliit na kalye ng Kapitolyo. Kung alam lang nila ang ang unang Prinsipe ay tunay na may busilak na loob, paniguradong sambayanan na ang maghahangad ng pagiging Hari ninyo," ani Pranses.
Nagpakawala ako ng ngisi dahil masyado naman niya akong pinapakilig. Hindi ko mga salita ang lumabas sa aking bibig kung hindi salita ni Derald.
Ayaw kong angkinin iyon dahil hindi naman talaga ako siya.
"Kailangan na raw po nating magpatuloy sa paglalakbay. Masyado nang mataas ang araw, turan ni Pinunong Fernando," balita nong isang kawal na tumakbo patungo sa aming direksyon.
Tumayo na ang lahat tapos 'yong ibang nasa tubig ay umahon na rin. "Oh, tingnan niyo muna ang inyong mga saplot at baka may nakakabit sa silintrio. Pati ang singit niyo at mga paborito nitong pasyalan, kayo rin ang mangangati mamaya," babala ni Pranses. Nauna na kami kasama ng ibang kawal habang 'yong lima ay sinisiyasat ang kanilang katawan.
Habang payapa naming binabagtas ang daan pabalik sa iba pa at kay Fernando, nabulabog kami noong tila may kumukulong tubig kaming narinig sa likod.
Sabay-sabay na ipinihit namin ang aming ulo at laking gulat na lang noong makita ang isang dambuhalang Shokoy.
Ayon sa manga, ang nilalang na Shokoy ay isa sa mga kinalaban ni Cosmos noong naglalakbay siya patungo sa Lithele upang kunin ang puting kristal. Pinaghalong kulay asul at berde ang katawan nito, may mahahabang pangil at matutulis na ngipin na katulad sa piranha. Ang kanyang makaliskis na katawan ay tila gawa sa bakal dahil sa tigas nito. Kung titingnan, mukhang bata pa ito dahil kasing laki lang ng normal na Akcraemor ang kanyang sukat.
Ngunit malaki man o maliit, lubhang mapanganib ang mga Shokoy.
"Alis! Takbo na!" malakas na sigaw ni Pranses doon sa limang tinakasan na ng lakas na makatakbo.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan, gumalaw nang kusa ang aking mga paa at mabilis na tumungo upang saklolohan ang lima. Hinila ko ang kanilang mga kamay ngunit ang dalawa ay mukhang lumubog ang mga paa sa mala-kumunoy na bahagi ng batis.
"Kamahalan, iwan niyo na kami't magmadali! Sige na!" palahaw nito.
Umiling ako dahil hindi ko iyon magagawa. Sumunod na rin ang iba at pinagtulungang iahon 'yong dalawa na na-stock pa rin.
Nagsimula nang mataranta ang lahat noong magpakawala ng nakakasulasok na usok ang Shokoy. Papalapit na ito sa direksyon namin at ang bawat hakbang niya ay tila lason sa tubig. Kumulo ang bahagi ng kanyang dinadaanan, hindi ko makakalimutan na ang katawan nito ay nababalot ng nitroheno dahilan upang kumulo ang tubig.
Tinakpan ng lahat ang kanilang mga ilong gamit ang kanilang basang saplot habang ang isang kamay ay pinagtutulungang hilahin 'yong dalawa pa naming kasamahan.
Isip, Derald!
Ano ang ginawa ni Cosmos upang matalo ang Shokoy?
Upang matalo ang Shokoy...
Gumamit siya ng...
Ginto.
Ginto??
Tama!! Takot ang mga ito sa ginto! Pero saan kami hahanap ng ganoon upang maitaboy ang isang 'to?
"May ginto ba kayo? Kahit maliit lang?" tarantang tanong ko. Nagtaka sila dahil bakit ako maghahanap ng gano'n sa gitna ng panganib. Inilibot ko ang aking mata at naghanap ng maaaring magamit at doon ko lang napagtanto na ang singsing na ibinigay sa akin ni Ama ay gawa sa ginto. Dahil mahina ang mga mata ng Shokoy, kailangan kong hintayin na makalapit ito sa amin.
"Ako na ang bahala rito, maaari lamang na umatras muna kayong lahat," pakiusap ko. "Sasamahan kita, Kamahalan. Sabihin mo lang kung ano ang iyong balak," tugon ni Pranses. Sinabi ko sa kanya ang aking balak kahit pa man labag ito sa aking loob. Ayaw ko na sanang may magbuwis pa ng buhay pero dahil mukhang hindi ko magpapapigil, tatapusin na lang namin ito nang mabilis.
Noong nakalapit na ito nang tuluyan sa amin, ihinampas niya ang kanyang kaliwang kamay sa tubig na nagresulta sa pagsilabasan ng maraming linta.
Hindi ito normal na linta dahil lila ang kulay ng kanilang balat.
"Silintro! Silintro!" malakas na sigaw noong isa. Hinugot ko ang aking espada at mabilis na iwinasiwas ito upang hindi tuluyang makalapit sa amin ang nakakadiring uod.
"Urong!"
Dumagundong ang lagom na boses ni Fernando at ang kasunod no'n ay ang pagkawasak ng maraming silintro. Napuno ng apoy ang dulo ng dalampasigan. Para akong nabunutan ng tinik noong matagumpay na naiahon ang dalawang kawal. Gumapang kami paatras dahil sa sunod-sunod na bala ng panang lumalanding sa aming kinaroroonan. Gaya ng inaasahan, tila hindi man lang napaso o nasaktan nang kaunti ang Shokoy.
"Anong gagawin natin ngayon? Tatakbo na lang ba tayo?" tanong ko kay Pranses. "Sa sitwasyon natin ngayon, imposible iyon, Kamahalan," mabilis nitong sagot.
Tama...
Mabagal man itong kumilos, paniguradong hindi niya kami paaalisin ng buhay. Muli itong nagpakawala ng panibagong batch ng mga silintro. Wala itong katapusan, at ang ending nito ay mapapagod kaming lahat at mauubos ang bala ng pana na bitbit namin. Kailangan naming magtipid dahil malayo-layo pa ang aming lalakbayin.
"Pranses, samahan niyo ako. Bigyan niyo ako ng madadaanan para malapitan ko ang Shokoy. Sa tingin niyo magagawa niyo iyon?" tanong ko. "Susubukan namin, Kamahalan," tugon nito. Naghanda ang bawat-isa. Habang patuloy na nagpapakawala ng sunod-sunod na pana ang nasa taas, ginawa nina Pranses ang kanilang makakaya upang ma-clear 'yong aking daraanan. Nang makakita na ako ng opening. Sumigaw nang malakas si Pranses upang magbigay ng hudyat.
Hindi ako nagsayang ng pagkakataon, mabilis akong tumakbo patungo sa Shokoy. Malabo man ang kanyang paningin, hindi ang kanyang pandinig. Kaya noong makita kong nagbabalak na naman siyang ibaba ang kanyang kamay sa tubig, buong lakas kong ibinaon ang aking sandata sa kamay nito. Walang kaliskis ang parte na iyon kaya nagtagumpay akong maputol iyon. Sumigaw ito nang pagkalakas. Mas lalong dumami at tumapang ang pinapakawalan nitong usok sa katawan kaya bago pa man ako mawalan ng lakas, idiniin ko ang hawak kong singsing sa noo nito.
Kuminang ito nang todo dahilan upang mapapikit ako sa silaw. Mabilis pa sa kisapmatang naglaho ang Shokoy at kung paano iyon nangyari at saan siya nagtungo ay walang nakakaalam. Nalaman ko na lang na nakabaon sa tubig ang aking mukha habang tinatawag ng mga kawal.
"Kamahalan! Ayos lang kayo?" tanong no'ng isa habang niyuyugyog ang aking balikat. Wala sa wisyo akong tumango. Niyakap nila ako't binuhat.
"Wooohhh! Mabuhay si Prinsipe Derald!"
"Mabuhay!!" malakas nilang sigaw habang taas baba nilang iniitsa ang aking katawan sa ere.