CHAPTER 1: WHERE AM I?

2271 Words
シバ (SHIBA) "Natapos mo na bang basahin 'yong The forgotten? Naubusan na kasi ako, at ang hirap maghanap ng copy! Nakarating na ako sa 秋葉原(Akihabara), pero wala talaga! Baka naman, pahiram ako, pagpupuyatan ko talagang basahin mamayang gabi," pakiusap ni 竜太(Ryuuta). Hindi naman ako nagdamot dahil natapos ko na rin namang basahin iyon dahil sabik akong malaman kung anong magiging kapalaran ni Derald. Kinuha ko sa aking bag ang manga at ibinigay iyon sa kanya. "Bilisan mong basahin iyan dahil naglabas na naman ng update si 高橋真白先生(Takahashi Mashiro Sensei) na ilalabas na ang volume 2 sa susunod na araw. Talagang kailangan mong pagpuyatan 'yan, boy. Ang kaso, goodluck na lang sa pagre-review mo. May midterms tayo sa susunod na linggo kaya kung ako sa iyo magsimula ka na ngayon na." "Hahaha! Napag-isipan ko na 'yan, Shiba! Tatambay ako sa clinic mamaya para magbasa. Pero, totoo? Ilalabas na agad ang volume 2? Naku naman! Mas makapal daw iyon tapos dahil patok, paniguradong mahal ang presyo!" "Natumbok mo! Hahahaha! Naglalaro lang naman sa 700 to 1,200 yen," mabilis kong sagot. Napasapo sa noo si Ryuuta dahil sa narinig. "高い!(Takai!) Paniguradong mapapagalitan ako ni mama kapag humingi ako ng ganoong kalaking halaga! Buti ka pa hindi mahigpit ang magulang mo pagdating sa mga hilig mo," ani 'to. Nagkibit balikat lang ako dahil hindi pa ako sigurado kung bibilhin ko ang copy na iyon. "Pwede naman kitang pahiramin ng pera, tutal hindi naman ako sigurado kung bibilhin ko ang volume 2," ani ko. Ngumisi ito dahil mukhang alam niya ang rason kung bakit. "Pinatay na kasi sa ending mismo ng volume 1 si Derald, di ba? Hahahahha! Ayaw mo no'n, hindi na umabot pa sa volume 2. Edi, hindi ka na bibili para malaman ang kamatayan niya," tatawa-tawa nitong sabi. Napakamot na lang ako sa batok dahil hindi talaga ako maka-move on sa sinapit ng paborito kong karakter. "Good morning, class!" bati ng Guro namin sa unahan. Tumayo na ang aming Class President para magbigay paunang pagpupugay. "Stand! Bow!"malakas nitong sabi. "You can sit now, salamat." Lumingon ako sa aking gilid ngunit hindi ko na nakita si Ryuuta. Sinipat ko ang upuan nito sa dulo at naroon na siya, nagsisimula nang magbasa. Habang nagtuturo ang aming Guro, nakalutang ang utak ko't nilalamon ng maraming tanong. The Forgotten... Ngayon lang nagsulat ng english title si Takahashi Sensei. Ano kaya ang gustong iparating nito ngayon? Noon pa man, mahal na mahal ko na talaga ang mga kwento ni Takahashi Sensei dahil napakagaling at napakaganda ng mga inilalabas niyang kwento. Ngayon lang ako talagang nagkaroon ng interes sa karakter ng kontrabida. Para sa akin, hindi makatarungan na pinatay agad siya sa volume 1 at hindi man lang binigyan ng pagkakataon na magkaroon ng character development. Kung titingnan din naman kasi, hindi naman si Derald ang main antagonist, kung hindi ang bwesit na Reyna na madrasta nito. Masyado siyang gahaman sa kapangyarihan, at ang anak niyang naturingan na bida, napakabagal ng pag-usad ng karakter! Kaya hindi ako masisisi ni Takahashi Sensei kung hindi ko siya susuportahan sa kwento niyang The forgottern dahil mali talaga, eh. Parang hindi siya ang may gawa. Kilala ko kung paano gumawa ng kwento si Takahashi Sensei, kaya kagabi noong natapos ko na ang dulong bahagi ng volume 1, magdamag akong naguluhan at nag-isip kung bakit iba ang takbo ng kwento niya ngayon. Alam kong hindi lang ako ang makakahalata. Hindi naman siguro siya napapagod na sa trabaho niya't nais niyang ma-disappoint ang kanyang mga mambabasa, dahil iyon ang nadarama ko ngayon. Lumipas ang walong oras na klase at naglalakad na kami ngayon ni Ryuuta patungo sa bus Terminal. "Shiba, mauna ka na. May kailangan pa pala akong daanan doon sa tindahan ni Baba. May pinapabili na naman sa akin si Mama na pampahid daw sa mukha," paalam nito. Tumango lang ako tapos nagpatuloy na sa paglalakad. Habang nagmumuni-muni, may nakita akong malapit na parke. Napagpasyahan ko na tumambay na muna dahil maaga pa naman. Wala naman akong aabutan sa bahay kaya dito muna ako magpapalipas ng oras. Pagkaupo ko, kaagad kong nilamukos ang aking mukha dahil sa inis. Hindi ko pinansin kung may makakita man sa ginagawa ko, ang mahalaga sa akin ay makahanap ng magandang rason kung bakit ako binigo ngayon ni Takahashi Sensei. Ahhh! Kung may pagkakataon lang na makausap ko siya, ilalabas ko talaga ang saloobin ko tungkol sa hindi makatarungang ginawa niya kay Derald at kung gaano siya ka-deserving na maging protagonist kumpara kay Cosmos na walang ibang ginawa kung hindi ang magtago sa likod ng kanyang Kapatid. "Derald?" tawag ng isang matanda. Kaagad akong lumingon sa direksyon nito noong marinig ko ang pangalan na binaggit niya. Isang ngiti ang sumilay sa aking labi. Lalapitan ko sana ito para itanong kung paborito niya rin ba ang karakter ni Derald at kung fan din ba siya ni Takahashi Sensei. "Derald, bakit ka narito? Hinahanap ka ng iyong Ina!" malakas na bulalas nito. Luminga ako sa paligid dahil nakatingin na ang mga tao sa akin. Baka kung ano ang isipin nila kaya mabilis akong tumayo at lumayo doon sa matanda. Akala ko, mag-gi-give up siya't mauupo na lamang sa bench sa parke, ngunit nagkamali ako. Pagkalingon ko upang alamin kung ano na ang ginagawa nito, nakasunod na ito sa akin. Halos mapamura ako sa sobrang takot dahil hindi ko naman siya kilala, ngunit ang mas nagpapabilis ng tibok ng puso ko ay kung bakit napakabilis niyang tumakbo samantalang isa na siyang uhuging matanda! "Derald! Bumalik ka! Hindi ka nararapat dito!" sigaw nito. "Ahhh!! Hindi ako si Derald!" sigaw ko pabalik. Bahala na kung ano ang isipin ng mga tao, ang mahalaga ay makarating na ako sa bus terminal at makasakay na agad. Ilang sandali pa, sinubukan kong lumingong muli dahil hindi ko na naririnig ang mga palahaw nito. Noong hindi ko na siya makita sa aking likod, tumigil na ako sa pagtakbo. Hinabol ko ang aking paghinga at isinandal ang kamay sa katawan ng puno. "Anong problema ng matandang 'yon? Haaaa! Kapagod!" Hindi pa man ako tuluyang nakakabawi, nagulat na lang ako no'ng bigla itong sumulpot sa gilid ko't itinulak ako nang malakas dahilan para matumba ako sa gitna ng kalsada. Pinagmasdan ko ang mukha nitong abot tenga ang ngiti. Hindi ako makagalaw dahil nilamon ng takot ang aking katawan noong marinig ang malakas na busina ng paparating na truck. ---------- "HA!" malakas kong bulalas habang habol-habol ang hininga. Nanlaki ang mga mata ko noong makita ang bagong paligid. Unti-unti kong inilibot ang aking paningin at nilunod iyon sa magagarang gamit na nasa loob ng malawak na silid. "Haaaa?! Nasaan ako?" tanong ko sa aking sarili. Napansin ko ang isang babae na gulat ang mga matang nakatitig sa akin. Dali-dali itong tumakbo palayo habang nagsisisigaw. "What the? Nananaginip ba ako?" tanong kong muli. Sinubukan kong sampalin ang aking pisngi kasabay nang pagpikit ng mga mata. Pagkamulat kong muli, tumambad sa akin ang mga nilalang na nakasuot ng malalaki at mahaharlikang damit. Teka? Parang nakita ko na sila, somewhere. "Derald! Salamat naman at nagising ka na!" masayang bati ng isang batang lalaki na kung titingnan ay kasing edad ko lang. Mabilis ako nitong niyakap, hinagod ang aking likod. "Anong pakiramdam mo?" tanong ng Hari. I assume he is a King because he has a huge crown on his head. "Ahm, maayos naman po," nag-aalangan kong tugon. "Ngayong alam na natin na nagising na siya, kailangan na nating bumalik. Cosmos! Tigilan mo na 'yang kakayakap mo sa iyong kapatid dahil kailangan niya pang magpahinga," ani no'ng Reyna. Malungkot na sumunod ang bata sa tinuran nito at lumayo nang bahagya sa akin. "Derald! Kapag magaling ka na, maglalaro tayo, huh?" pahabol nito bago siya tuluyang hilahin no'ng babae palabas. Matinding katahimikan ang namayani sa malaking silid noong nagsialisan na 'yong tatlo. May natirang ilang mga babae, siguro kung titingnan sa kanilang itsura, sila ay mga tagapagsilbing alagad dito. I've read a lot of stories about this, at hindi ko inaasahan na mapupunta ako sa lugar na ito pagkatapos akong itulak no'ng matandang hukluban na iyon at masagasaan ng malaking truck. "Uhm, pwede bang matanong kung nasaan ako? Anong petsa na ba ngayon? At sino 'yong mga tao kanina?" sunod-sunod kong tanong sa babae. Nanlaki ang mga mata nito na ine-expect kong magiging reaksyon niya. "W-Wag niyong sabihing nawalan kayo ng ala-ala, Kamahalan?" tanog nito pabalik. Tumango na lang ako para sabihin na niya sa akin ang sagot. Hindi naman siguro siya maghihinala na hindi talaga ako 'yong tunay na Derald, di ba? Sana... "Kayo po ay si Prinsipe Derald Ecstart. At 'yong mga tao pong bumisita sa inyo kanina ay ang inyong pamilya. Si Haring Falkor, Reyna Ripley at si Prinsipe Cosmos," sagot nito. Saglit akong natigilan dahil pamilyar sa akin ang mga pangalan na kanyang binanggit. Parang nabasa ko na iyon noong ako'y nabubuhay pa sa Earth. King Falkor of Akraemor Queen Ripley of Raton Cosmos Ecstart TAMA! Napunta ako sa mundo ng The forgotten! At ako si Derald?!!! Bakit sa dinami-rami ng pwedeng karakter na mapunta sa akin, bakit siya pa na mamamatay rin naman nang maaga? Speaking of kamatayan, anong taon na ba ngayon? "Paumanhin ngunit ano ang petsa ngayon?" tanong ko. "567 ec na po, Kamahalan," magalang na tugon nito. 567 ec? 567--- Kung hindi ako nagkakamali, labingwalong taong gulang na ako. Base sa orihinal na istorya, mamamatay ako sa kamay ng Hari dahil sa pagtangka kong pagpaslang kay Cosmos bago matapos ang taon. Tsss, hindi talaga ako makapaniwala na doon natapos ang karakter ni Derald! Pero hindi na ngayon! "Prinsipe Derald, ipagpaumanhin niyo po ngunit labis pong nag-alala ang inyong Ama sa inyo noong malaman niya na nalason kayo. Habang wala kayong malay, maraming haka-haka ang umikot sa Kaharian na sinadya niyo raw na uminom ng lason upang makuha ang atensyon ng Hari," panimula nito. HUH?! Ako, iinom ng lason? Teka-- Ahh! Oo naaalala ko na. "Alam kong hindi niyo iyon magagawa dahil ako ang nagpalaki sa inyo. Inalagaan ko kayo nang matagal at itinuring na parang anak. Kilala kita simula pa noong maliit ka kaya imposible ang kanilang inaakusa sa iyo," mahabang lintana ni Slyvestine, ang tumayong Ina kay Derald. Nagkakamali po kayo, Manang Sylvestine. Sinadya talaga ng totoong Derald ang uminom ng lason. Nagtagumpay siya sa kanyang balak kaya mas lalong naging mainit ang mga mata sa kanya ni Reyna Ripley. Sumenyas ako na tumayo na siya sa pagkakaluhod dahil hindi naman na niya kailangan pang gawin iyan, ang kaso hindi ito sumunod. Doon ko lang napagtanto na may mga espiya pa lang ipinadala si Reyna Ripley at nasa loob sila ng kwarto. Alam ni Manang Sylvestine ang ginagawang pagpapahirap ni Reyna Ripley kay Derald. Upang maprotektahan ang Ginang, nakiusap si Derald na wag ipaalam sa Hari ang tungkol sa kanyang sinasapit sa kamay ng kanyang madrasta. "Maaari na kayong lumabas dahil naririto naman na si Sylvestine," utos ko doon sa ibang mga babae. Nagtinginan sa isa't isa 'yong apat na alagad. "Ano pa ang hinihintay niyo? Alis!" malakas kong bulyaw. Bago tumalima, nagbigay pugay muna sila at isa-isang lumabas sa aking silid. Dahil ginawa ni Takahashi Sensei na masamang tao si Derald, siniguro niyang hindi kaaya-aya ang ugali nito. Tampulan siya lagi ng chismis dahil sa kanyang ugali. "Hindi mo na kailangang ipagtabuyan ang mga iyon, Derald. Paniguradong magsusumbong na naman sila sa Reyna at ikaw na naman ang mapag-iinitan," ani Manang Sylvestine. "Maaari na po kayong tumayo. Hayaan niyong magalit ang bruhang iyon hangga't malagutan siya ng hininga," pagbibiro ko. Nanlaki ang mga mata nito dahil sa balbal kong tinuran. Sht! Hindi nga pala ganito magsalita si Derald. "Ahmmm, ang gusto kong sabihin, hindi ko iniisip kung ano ang susunod na hakbang na gagawin ni Ripley. Ang mahalaga ngayon ay hindi siya nagtagumpay sa kanyang plano. Sylvestine, maaari ka nang bumalik sa iyong ginagawa. Napagpasyahan kong magtungo sa labas upang mag-ensayo. Kapag hinanap ako ng Hari o Reyna, sabihin niyo na lang na tumakas ako para hindi kayo masisi," mahaba kong utos. Labag man sa loob ng matanda, hindi ito sumagot dahil alam niyang hindi sa kanya makikinig si Derald. Pagkalabas nito sa silid, dali-dali akong nagtungo sa closet para magbihis. Kailangan kong kausapin si Fernando. Isa siya sa mga magagaling na mandirigma rito sa Kaharian ng Akraemor. Siya ang nakatalaga upang maging Guro ni Cosmos pagdating sa paggamit ng esapda. Naalala ko, minsan nang nagbalak si Fernando na magreklamo sa Hari tungkol sa saloobin niyang si Derald na lang ang kanyang sasanayin dahil masyadong lampa si Cosmos. Ngunit sa kasamaang palad, hindi iyon natuloy dahil masyadong pakialamera ang Reyna. Noong natunugan niya ang balak ni Fernando, gumawa siya ng paraan para hindi magpang-abot ang dalawa at gumawa pa ito ng kasinungalingan na nais siyang pagsamantalahan ni Fernando noong nagpupumilit ito na makausap ang Hari. Sa huli, bilang parusa kay Fernando, nakumbinsi ng Reyna si Haring Falkor na ipatapon ito sa malayo at delikadong misyon at ayon sa manga, hindi na ito nakabalik pa nang buhay. Sana maabutan ko pa siya ngayon. Kung walang nagawa ang dating Derald upang maging malakas at mailigtas ang mga importanteng tao sa kanya, ngayon, sisiguraduhin kong magagawa ko na iyon. Hindi ako makakapayag na mapunta sa orihinal na bersyon ang buhay ko. Kahit pa man iniidolo ko si Takahashi Sensei, kahit gumawa pa siya ng paraan para mawala ako sa istorya, hindi ko iyon hahayaan. Papalakasin ko ang aking sarili, lilinangin ko ang apat na ipinagbabawal na mahika na napunta sa tatlong kaharian, at ako ang magiging pinaka makapangyarihang nilalang na nabubuhay sa buong Phorian!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD