CHAPTER 2: PHORIAN

999 Words
Sa isang tagong lugar na tinatawag na Lithele sa loob ng kaharian ng Acreamor, naninirahan ang mga Elven. Sila ay may kulay asul na katawan, mahahabang tainga at kulay puting buhok. Hindi kagaya ng mga ordinaryong Elf, ang kanilang sukat ay katulad sa normal na tao. Sila ay masugid na taga-sunod ni Mavena, ang pinakaunang diyos na nagkatawang tao at tinalikuran ang kaniyang katungkulan. "Hindi natin alam kung saan napunta ang kaluluwa ng anak ni Mavena, ngunit sinisigurado kong bago matapos ang taon ay mahahanap niya ang lugar na ito upang kunin ang puting hiyas. Manalangin na lamang tayo na sana ay hindi mabalot ng dilim ang kanyang kaisipan at gamitin sa masama ang kapangyarihang kanyang taglay," ani Onas, ang Hari ng Lithele. Sumang-ayon sa kanyang sinabi ang iba pang matatandang Elven. Ngayong gabi, sabay-sabay silang nananalangin sa malaking bato kung saan nakalibing ang katawang tao ni Mavena. Pagkatapos ng halos apat na oras na pagnonobena, ipinagpatuloy nila ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pagsasayaw at pag-aawitan. Ang mga dalagang Elven ay nagsuot ng Pishtara, isa iyong tradisyunal na kasuutan sa Lithele na isinusuot lamang nila sa tuwing may kasiyahan. Gawa ito sa malambot na sutla na hinabi ng mahigit isang buwan dahil sa kumplikado nitong disenyo. "Dahil nagdiriwang tayong lahat, hayaan niyong i-kwento kong muli sa inyo ang magandang buhay ng ating diyos na si Mavena." Nagsimulang magtipon-tipon ang mga batang Elven sa isang sulok habang pinagmamasdan si tandang Onas. "Noong unang panahon, tayo ay naninirahan sa iisang kaharian, at iyon ay ang Phorian. Ang Elven, Drago, Dybbuk, at Humano ay magkakasamang namumuhay nang payapa sa biyaya ni Mavena. Simula pagsikat hanggang sa paglubog ng araw, ang kabutihan ng ating nag-iisang diyos ang siyang bumubusog sa ating buhay. Ngunit isang araw, ang lahat ng magandang panaginip ay naging bangungot noong si Mavena ay magkaroon ng kasiyahan sa piling ng isang Humano, kay Haring Falkor. Siya ay nabighani, natukso hanggang sa sumagi sa kanyang isip ang bagay na hindi dapat isipin ng isang diyos na katulad niya." "Hindi po ba pwedeng magkagusto ang ating diyos na Mavena sa isang Humano? Kanino lang po ba dapat mahulog ang kanyang loob?" tanong ng isang batang Elven. "Wala, Anak. Siya ay pinagkaitan ng damdamin katulad sa ating mga mabababang nilalang. Ang pagmamahal na mayroon si Mavena ay puro, at walang kinikilingan. Ngunit dumating sa punto na pumasok sa kanyang isip ang maging isang Humano at bumaba sa ating mundo upang makasama ang kanyang sinisintang si Haring Falkor. Dahil siya ang pinaka makapangyarihang nilalang, hindi naging imposible ang kanyang kahilingan. Ngunit ang lahat ng aksyon, ay may kaakibat na responsibilidad at bunga. Kapalit ng pagkakaroon niya ng mga paa ay ang pagkasira ng Phorian." Magkahalong pagkamangha at takot ang nadama ng mga batang nakikinig kay Onas lalo na noong iwagayway nito ang kanyang tungkod at ipakita ang nangyari noong bumaba na sa lupa si Mavena. "Sa taglay na kagandahan ni Mavena, nahulog kaagad sa kanya si Haring Falkor. Hindi lang iyon dahil pati na rin ang iba pang mga Hari ay ninais din na makuha ang kamay nito at maging kabiyak." "Kayo rin po ba, Pinunong Onas, nahulog din po ba kayo sa kanya?" Nagpakawala ng mahinang tawa si Onas noong marinig ang hindi inaasahang tanong ng bata. Habang pinagmamasdan niya ang bilog na buwan, marahan siyang tumango. "Hindi ako nakaligtas sa kanyang kagandahan. Siya ay katulad ng brilyante kapag nasisinagan ng liwanag. Sa tuwing nakikita ko ang kanyang mga mata na kasing asul ng kalangitan, nakakaramdam ako nang labis na kaginahawaan. Ngunit ang inyong Pinunong Onas ay hindi nagtagumpay na makuha ang loob ni Mavena. Siya at si Haring Falkor ay ikinasal at nagkaroon ng supling na lalaki. Sa maikling panahon, namuhay sila nang masaya at payapa, ngunit ang sumpa ay madaling nakasunod kay Mavena. Dahil walang diyos na nagbabantay sa apat na hiyas, nagsimulang magkaroon ng kaguluhan. Ang lahi ng dybbuk ay nag-alsa noong malaman nilang wala na ang diyos na nagpapanatili ng kaayusan. Sumunod ang lahi ng Drago na naghatid nang labis na lagim sa buong Phorian. Dahil sa nangyari, labis na nalungkot si Mavena at nagsisi sa kanyang pagiging makasarili. Sinubukan niyang humingi ng tulong sa akin na ilayos siya pati na ang kanyang anak dahil nakatanggap siya ng mensahe mula sa pulang hiyas na ang anak niya ang magbabayad ng kanyang kasalanan." "Kaya po ba naririto ang malaking bato dahil dinala niyo rito si Mavena at ang kanyang anak? Pinuno?" "Tama ka. Hindi ko makakalimutan ang araw na iyon kung saan hinahabol kami ng mga mandirigma ni Haring Falkor. Mahal na mahal ni Mavena ang kanyang pamilya kaya naman noong nagkaroon siya ng pagkakataon upang makausap muli ang apat na hiyas, ipinangako niyang pagbabayaran niya sa Hatoria ang kasalanan niya panghabang buhay. Ngunit ang galit ng mga hiyas ay hindi natapos doon. Habang nakikipag-usap sa alapaap si Mavena, nakita ng dalawang mata ko kung paano nangitim ang sanggol sa aking bisig. Malakas ang aking boses, tinawag ko si Mavena upang ibalita sa kanya ang nangyari. Noong malaman niya na patay na at wala nang kaluluwa ang kanyang anak, siya ay labis na nagalit. Gumuho at nabitak ang lupa. At dahil doon, kaya nabuo ang apat na kaharian. Ang lahi ng Humano ay nanatili sa kaharian ng Phorian. Tayong Elven ay namuhay rito at tinawag ang ating kaharian na Lithele. Ang lahi ng Drago ay nagkubli sa itim na mundo at tumayo ng sariling kaharian na ngayon ay tinatawag nating Krezar, at kasalo nila sa kabilang dako ang lahi ng Dybbuk na nanirahan sa Aethaimor. Tandang-tanda ko pa, bago lamunin ng liwanag ang katawang tao ni Mavena, isang pangako ang kanyang binitiwan sa akin." "Sa ikalabingwalong kaarawan ng aking anak, siya ay magbabalik. Maaalala mo ang mga mata ko sa kanya, at makakaramdam nang labis na kaginhawaan. Patawarin mo ako, Onas, ngunit sa kanyang pagdating ay iyo namang katapusan. Ipagkatiwala mo sa kanya ang puting hiyas na nasa iyong puso, dahil doon mo lamang mahahanap ang iyong tunay na kapahingahan."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD